“Yaya, sa kuwarto po tayo mag-usap,” sabi niya rito. “Iwanan mo muna ‘yang babae na ‘yan dito sa kusina.” Tinapik niya si Mang Kanor. “Mang Kanor, pakibantayan po muna 'yan dahil baka po magnakaw ‘yan.”
“Makakaasa ka, Hijo,” tugon ni Mang Kanor sa kaniya. "Babantayan ko lahat ng galaw niya. Sasabihan kita agad kapag may ninakaw siya."
Tinanguan niya ito. "Kumuha po kayo ng dos por dos tapos pitpitin niyo agad ang kamay, Mang Kanor," brutal niyang utos dito.
"Pero..."
"Wala nang pero-pero, basta gawin niyo agad."
Bago siya lumabas mula sa kusina ay tiningnan niya ulit ang babae. Hindi talaga siya natutuwa rito.
Halatang ipinaglihi ito sa problema kaya hindi naging maganda ang kinalabasan ng anyo nito.
Kinalabit siya nang Yaya niya kaya napunta rito ang atensiyon niya. “Bakit sa kuwarto mo pa tayo mag-uusap? Hindi ba puwedeng dito na lang?”
“Sige, 'wag na lang po sa kuwarto ko. Doon na lang po tayo sa sala mag-usap, Yaya. Sumunod po kayo sa akin.” Nauna na siyang naglakad papunta sa sala.
Gusto niyang awayin ang Yaya niya pero hindi niya magawa dahil parang ina na ang turing niya rito.
Nang lumipat kasi siya noon ng bahay ay mas pinili nitong sumama sa kaniya imbes na magpaiwan ito sa bahay ng mga magulang niya.
Ayaw daw kasi nito na mag-isa siya lalo pa't hindi raw siya marunong magluto.
“Hijo, galit ka ba?” tanong nito sa kaniya nang makarating ito sa sala kung saan niya ito hinintay para makausap. “Galit ka ba talaga?”
“Tuwang-tuwa Ako, Yaya!” sarkastikong sabi niya. “Walang paglagyan ang saya ko ngayon dahil nag-uwi ka ng babaeng magiging dahilan ng pagyaman natin lalo!”
“Ha? Ano'ng ibig mong sabihin?” naguguluhan nitong tanong. "Ipaliwanag mo nga para maintindihan ko ang ibig mong sabihin."
Ngumisi siya na para bang isa siyang kontrabida sa mga sikat na pelikula.
“Ano'ng nginingisi-ngisi mo?” tanong ng Yaya niya na halatang puno ng pagtataka ang hitsura. “Kinakabahan ako sa tawa mong ‘yan, Jordan. Noong bata ka pa, kapag tumatawa ka ng ganiyan ay alam ko na agad na may gagawin kang hindi maganda o baka nga may ginawa ka na, eh.”
Iginiya niya ang Yaya niya paupo sa sofa. “Yaya, ‘wag kang mabibigla, ah,” pabulong niyang sabi habang panaka-naka niyang tinitingnan ang aswang na kinupkop nito. “'Wag kang mabibigla sa ipagtatapat ko, Yaya. Ngayon ko lang 'to sa sasabihin kaya makinig kayong mabuti.”
“Puro ka ‘wag mabibigla! Biglain mo na kaya! Ano ba 'yong ngayon mo lang sasabihin? Matutuwa ba ako o magagalit diyan sa ipagtatapat mo?”
"Matutuwa ka, Yaya."
"Kung ganoon, ano 'yon?"
"Yaya, tiyak na magiging proud ka sa 'kin sa sandaling malaman mo ang sikreto ko."
"Ano nga?"
"Sindikato ako, Yaya."
"Punyeta ka! Sindikato ka?!"
“Sshh!” Sinenyasan niya ito na ‘wag maingay kunwari dahil confidential ang pag-uusap nila. Sana lang talaga ay gumana ang plano niya. “Miyembro po ako ng sindikato at matagal-tagal na rin ako roon, Yaya.” Nanlaki ang mga mata nito at napanganga ng malala. “Yaya, ‘yong pustiso niyo baka malaglag na naman. Palitan niyo na kaya ‘yan. Pumunta ka sa dentista pagkatapos nating mag-usap para magawan ka ng bago.” Bahagya niya itong niyugyog dahil hindi na ito gumagalaw. “Yaya, okay ka lang ba? Sabi ko sa iyo, 'wag kang mabibigla, 'di ba?”
“U-ulitin mo nga ‘yong sinabi mo, Jordan. A-ano’ng ibig mong sabihin na miyembro ka ng sindikato? Paano nangyari ‘yon? Walang hiya! Kailan ka sumama sa ganoon? Kaya ba marami kang pera dahil isa kang sindikato?” sunod-sunod na tanong nito.
Marahan siyang tumango kunwari. “Kaya nga gusto kong paalisin mo ang babaeng iniuwi niyo dahil baka madamay siya sa gulo, Yaya. Pero, kung ayaw mo, p'wede ko siyang ipasok sa grupo namin para maghanap ng mga mayayaman na p'wede naming biktimahin. In other words, matutulungan niya ako para mas lalo pang yumaman. Ano sa tingin mo, Yaya? Sige, ‘wag mo na lang siyang paalisin. Tamang-tama, katatawag lang nang pinuno namin at sinabi niya na kulang kami ng tao kaya naisip ko na ipasok na lang ‘yan tutal mukha namang sira na ang buhay niya. Ano sa tingin mo, Yaya?”
“Alam ba ito ng mga magulang mo, Jordan?” Halatang kabado na ang Yaya niya dahil sa mga isiniwalat niya. “Matanda na ang mga magulang mo tapos binigyan mo pa ng problema. Diyos ko! Bakit ka pumasok sa ganoong grupo, Jordan?”
Tumayo ang Yaya niya at pabalik-balik na naglakad sa harapan niya habang ang kanang kamay nito ay nakahawak sa dibdib nito.
“Bakit naisipan mong pumasok sa ganoon, ha, Jordan?” ulit na tanong nito habang matalim ang mga tingin sa kaniya. Nakatayo na ito sa harapan niya at pinamaywangan siya. “Kinakapos ka na ba kaya um-extra ka sa mga sindikato, ha, Jordan? Kaya siguro hindi ka na umalis sa harap ng laptop mo dahil busy ka sa pagre-recruit ng mga taong makakasama niyo! Diyos kong bata ka! Mamamatay ako sa iyo!"
“Yaya, ‘wag muna dahil medyo bata-bata ka pa. Alalahanin mo, marami ka pang p'wedeng magawa. Kumalma lang po kayo at saka hinaan niyo lang po ’yang boses niyo dahil delikado kapag may nakarinig.”
“Alam ba ‘to ng mga magulang mo o hindi?” halos paulit-ulit nitong tanong.
“Hindi po, Yaya,” saad niya. Tiyak na papatayin siya ng mga magulang niya kapag isinumbong siya ni Yaya Tasing. “Bawal nga kasing ipagsabi dahil tiyak na pati sila ay madadamay. Sa iyo ko lang po sinabi 'tong sikreto ko dahil alam ko na mapagkakatiwalaan ko kayo.”
“Kailangan malaman ‘to ng mga magulang mo,” pahayag nito kaya napaayos siya ng upo. “Ang mga kaibigan mong sina Macarius, Jed, Gabriel, at Vincent ay miyembro din ba ng sindikato?”
“Sila nga po ang nag-recruit sa akin, eh,” balewala niyang sabi na parang normal lang ang lahat. Hindi niya ipinahalata na na medyo kabado siya. 'Wag naman sanang komprontahin ng Yaya niya ang mga kaibigan niya dahil tiyak na sabay-sabay na susugod ang mga ito rito sa bahay niya para lang sakalin siya. “Si Macarius po ang unang naging miyembro tapos sumunod si Jed, Yaya. Ako po ang pinakahuling naging miyembro dahil isang taon po akong nag-isip.”
“Aba'y sa tagal mong nag-isip hindi mo pa naisip ang tama? Ano bang utak meron ka? Nag-isip ka pa kung sasali ka rin naman pala sa kanila. Diyos ko!” Nanghihina itong umupo sa tabi niya at malakas na tinawag ang pangalan ni Mang Kanor. “Kanor! Kanor! Kanor!” paulit-ulit nitong tinawag si Mang Kanor na para bang bingi ang taong tinatawag nito.
“Oh, bakit? Ano’ng meron, Tasing?” Tumakbo si Mang Kanor palapit sa Yaya niya habang isinara ang zipper ng suot nitong pantalon.
“Ano ba ’yan, Kanor? P'wede bang hintayin mo munang makatulog ang mga tao rito bago mo laruin ’yang alaga mo?” Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi ng Yaya niya. Kailan pa nito nalaman ang tungkol sa mga ganoong bagay?
“Ano'ng sinasabi mo riyan, Tasing? Matanda na ako para laruin pa ‘tong ari ko. Aba'y sa banyo ako galing dahil nagbawas ako. Hindi pa nga ako tapos pero lumabas na ako dahil paulit-ulit mo akong tinatawag, eh. Ano ba iyon? Ba't mo ba ako tinatawag?”
“Ikuha mo nga ako ng tubig. Damihan mo dahil bigla akong nauhaw, Kanor.”
“Sige, ikukuha kita agad.”
“Nasa kusina pa ba si Petra, Kanor?”
“Nandoon pa naman.”
“Ano'ng ginagawa?”
“Para siyang may kausap na kaluluwa.”
Sumingit siya sa dalawa. “Paano niyo po nasabi ’yan Mang Kanor?”
“Aba'y kanina pa siya nagsasalita tapos biglang tatawa tapos mayamaya malulungkot. Kinukuha ko nga sa kaniya ’yong mga bitbit niyang lata pero ayaw naman niyang ibigay dahil baka raw nakawin ko. Diyos ko! Bakit ko naman nanakawin ang mga iyon? Hindi nga yata ako kikita ng sampung piso sa mga latang ‘yon, eh. Sa tanda kong 'to, aagawan ko pa ba siya ng ikabubuhay niya?”
“Nakita mo na, Yaya? Hindi normal ang babaeng ’yan kaya ibalik mo na lang siya kung saan niyo siya nakita.”
“Hoy, Jordan!” Hinampas nito ang hita niya gamit ang tungkod nito. “'Wag mong intindihin si Petra dahil kargo ko siya. Ang problemahin mo ay ’yang sarili mo dahil hindi ko ikinatutuwa na miyembro ka ng sindikato!”
“S-sino'ng sindikato?” hindik na tanong ni Mang Kanor. Halatang nag-uumpisa nang matakot para sa sarili nitong buhay kung saka-sakali na madamay ito. “H-hijo, sindikato ka ba?”
“Ngayon ko nga lang din nalaman, eh!” tugon rito ng Yaya niya dahilan para muntikan itong matumba. Mabuti na lang at nakahawak ito sa backrest ng sofa.
“Diyos ko!" Kagaya nang Yaya niya ay napahawak din si Mang Kanor sa dibdib nito. "Akala ko safe ako rito sa bahay na ‘to. Mukhang mas mauuna pa yata akong mawala kaysa kay Petra, ah. Wala pa naman akong kaipon-ipon. Paano na lang kapag sumugod rito ang mga kalaban mo? Tiyak na ’yon na ang magiging katapusan ng lahat. Itong buhay ko na iningatan ko ng matagal na panahon ay hindi ko alam kung hanggang saan na lang dahil alam ko na malulupit ang mga sindikato lalo na kapag hindi kayo nagkasundo, Hijo. Kung sakaling sugurin nila tayo rito, wala tayong laban lalo pa't may edad na kami ni Tasing tapos si Petra pa wala sa sarili. Siguradong katapusan na ng lahat...” mahaba nitong litanya habang pahina nang pahina ang boses nito.
Nahulog sa malalim na pag-iisip ang dalawang matanda na nasa harapan niya. Sa kagustuhan niyang mapaalis si Petra, eh, mukhang itong dalawang matanda pa yata ang mauunang mawala sa buhay niya.
Kapag nagkataon, si Petra na lang ang maiiwan dito kasama niya at ‘yon ang ayaw niyang mangyari.
Makalipas ang ilang minuto ay nagkatinginan ang dalawang matanda.
“Ano na ang plano mo, Tasing?” namomroblemang tanong ni Mang Kanor sa Yaya niya. “Aalis ka na ba rito?”
Bumuga muna ng hangin ang Yaya niya. “Bibili tayo ng baril, Kanor.”
“A-ano? B-bakit?”
“Mas mabuti na ‘yong mamatay tayo nang lumalaban kaysa mamatay tayo sa gutom sa labas. Sabi mo nga, wala kang ipon. Ano'ng gagawin natin sa labas? Wala tayong sariling bahay kaya samahan na lang natin si Jordan dito.”
“A-ano? S-sigurado ka?”
“Sigurado na ako!” sagot nito kay Mang Kanor. “Si Petra, tuturuan natin siya kung paano makipaglaban, Kanor.”
“A-ano? Paano natin siya tuturuan kung tayo mismo hindi marunong? Tiyak na mamamatay agad tayo kapag nagkataon, Tasing.”
“Paano mo nasabi?”
“Aba'y hindi tayo mabilis tumakbo. Mas mabilis pa ngang tumakbo ‘yong pusa kaysa sa atin, eh.”
“Matulog na po kayo,” sabi niya dahil nakokonsensiya na siya sa dalawa. “Kahit naman po sumugod sila rito ay hindi agad-agad nila tayo mapapatay,” dagdag niya pa para mapanatag ang mga ito. “Magdasal lang po tayo para gabayan po tayo ng Diyos. Sige na, matulog na po kayo. Isipin niyo na lang po na hindi ako miyembro ng sindikato para makatulog po kayo ng mahimbing.”