C4-4

1814 Words
“Yaya, ano ‘to? Sino ‘yan?” inis niyang tanong sa Yaya niya na ngayon ay nakayuko na. Si Mang Kanor naman ay kung ano-ano na ang kinakalikot na akala mo marami ang sira rito sa bahay niya kahit wala naman. “Ano kasi…naawa kasi ako kaya isinama namin siya ni Kanor dito sa bahay mo.” Tiningnan niya ang babae. May nakasukbit na back pack sa likod nito at may pitong eco bag na dala-dala na hindi niya alam kung ano ang mga laman. 'Yong Mukha nito ay parang ipinaglihi sa pinaghalong rabbit, daga at unggoy. Ang tsinelas na suot nito ay hindi rin magkapareho. Sa palagay niya ay pakawala ito ng sindikato o baka nga sindikato ito mismo. “Kailan pa naging ampunan ‘tong bahay ko, Yaya?” supladong tanong niya habang diretso siyang nakatingin sa babae. “Yaya, malaki na siya para ampunin natin. God! Sana tumawag ka muna sa akin bago ka nagdesisyon na magsama rito ng ibang tao! Ayos na nga sa akin kahit may relasyon kayo ni Mang Kanor tapos idinagdag mo pa ‘to.” “Ay, mag-asawa ba sila?” biglang tanong ng babaeng kaharap niya na hanggang ngayon ay hindi niya alam ang pangalan. “Sabi nila kanina, magkapatid sila. Hehe. Palabiro pala sila.” Nagagawa pa nitong ngumiti sa kabila ng pagiging pangit ng ngipin nito. Ang dalawa kasi nitong ngipin sa harap ay kasinglaki yata ng ngipin ng kalabaw kaya hindi nito maisara-sara ang bibig nito. Parang nag-uwi ang dalawa ng aswang dito sa bahay niya. “Yaya, Mang Kanor,” tawag niya sa dalawang salarin. “Ibalik niyo po ang babaeng ‘to kung saan niyo man siya pinulot dahil ayaw ko siya rito sa bahay ko. Kapag nanatili ‘yan dito ay baka hindi na ako makatulog ng maayos.” “Bakit naman?” tanong ng Yaya niya. “Imposible naman na hindi ka makatulog.” “Yaya, hindi ako nagbibiro,” aniya habang pormal ang ekspresyon ng mukha niya para mapansin nang babae na ayaw niya sa presensya nito. Imbes na malungkot ito sa sinabi niya ay parang natutuwa pa ito. Nagawa pa kasi nitong pagmasdan ang paligid ng bahay niya na para bang manghang-mangha ito sa mga appliances niya kahit na masama na ang tingin niya rito. “Mang Kanor, ihatid niyo po ‘tong babae na ‘to kung saan niyo ‘to napulot,” utos niya sa matanda na ngayon ay hinahatak-hatak naman nito ang suot na pantalon at bahagya pang tumatalon-talon. “Hijo, masakit na 'tong p'wet ko dahil halos maghapon ako nagmaneho.” “Nagmaneho kayo maghapon? Bakit? Saan po ba kayo pumunta bukod sa grocery store?” “Ang totoo niyan, wala naman talaga akong gusto kay Tasing,” pag-amin nito. “Kanina pa nga sana kami uuwi kaya lang itong si Tasing ay ayaw pa umuwi. Kung hindi pa nga sumakit ang tiyan niyan ay baka nasa abandonadong lugar pa kami hanggang ngayon. Mabuti na lang walang nakakita sa amin dahil kung nagkataon ay baka isipin nila na may milagro kaming ginagawa roon." “Doon niyo ba nakita ‘tong babae?” Tumango ito. “Nadaanan namin ‘yan na namamalimos sa abandonadong lugar doon sa malapit sa kanal. Hindi ko alam kung bakit doon siya nakapuwesto gayong wala namang taong dumadaan doon. Nakita namin na hinahataw niyan ‘yong malaking lata roon. Naawa itong si Tasing dahil nga kalyo lang daw ang mapapala ng babaeng ‘yan dahil nga sa abandonadong lugar ‘yan nakapuwesto.” Binalingan niya ang Yaya niyang magaling. Sigurado siyang hindi lang aswang ang inuwi nito dahil sa tantiya niya ay baliw din ito. Sino ba naman kasing siraulo ang pupuwesto sa abandonadong lugar para mamalimos? Lahat ng mga namamalimos ay sa matataong lugar pumupwesto at hindi sa lugar na tanging kaluluwa lang ang naliligaw at dumadaan. “Isinama namin ‘yan dahil nga awang-awa itong si Tasing kaya nang makiusap siya sa akin na isama ‘yan ay wala na akong nagawa.” “Ba‘t hindi niyo po ako tinawagan?” “Tatawagan nga sana kita kaya lang.” Inginuso nito ang babae at pasimple itong lumapit sa kaniya at bumulong. “Pinagpopokpok ng babaeng ‘yan ‘yong cellphone ko nang marinig niya na tumunog ‘yong alarm ko. Hindi niyan tinigilan hanggang sa madurog kaya na-weird-o-han ako sa kaniya samantalang ‘yang Yaya mo bili na bilib diyan kahit wala namang nakakabilib.” “Eh, ‘di wala na po kayong cellphone?” “Wala na talaga. Pagpopokpokin ba naman, eh.” Hinarap niya ang Yaya niya. “Yaya, ibalik mo siya sa abandonadong lugar kung saan mo siya kinuha dahil ayaw ko siya rito.” “Ha? Bakit naman?” “Anong bakit naman? Parang nabigla pa kayo gayong alam niyo naman na ayaw ko talaga na may kasama tayong iba rito.” “Jordan, maraming lamok sa puwesto niyan.” “Oh, ngayon? Hindi ko na problema ’yan, Yaya.” “Hindi ka ba naaawa?” Napabuga siya ng hangin. “Fine! Bilhan niyo po siya ng katol, baygon o ‘di kaya'y kulambo, Yaya. Lahat ng pamatay sa lamok, bilhan niyo siya basta mawala lang siya dito sa bahay ko.” Dinukot niya ang wallet niya at inabutan niya ng sampung libo ang Yaya niya. “Siguradong may daga rin doon kaya bilhan mo na rin siya ng pamatay sa daga dahil baka sabihin mo, masama akong tao.” Hindi nito tinanggap ang pera niya. Sa halip ay hinawakan pa nito ang kamay ng babaeng hindi man lang nababahala. Unbothered kumbaga. Imbes kasi na makiusap ito sa kaniya ay parang tuwang-tuwa pa ito at nanlalaki ang mga mata habang paikot-ikot na akala mo sa ibang dimension ito naroroon ngayon. “Dito na lang siya,” pakiusap ng Yaya niya. “Maawa ka na sa kaniya. Hayaan mo siyang magtrabaho rito para kumita siya at makabili ng mga gamit niya.” “Sa tingin mo ba magtatrabaho ’yan ng maayos? Eh, mukhang magnanakaw lang ‘yan dito tapos tatakas na, eh.” “Grabe ka naman. ‘Wag naman ganiyan. Hindi kita pinalaki para husgahan ang mga panlabas na anyo ng mga tao, Jordan." “Hijo, sa tingin ko, hindi normal ang isip ng babaeng inuwi namin dito,” bulong ni Mang Kanor sa tabi niya. Kung alam pala nito na hindi normal ang utak, bakit isinama pa? Parang gusto niyang kumuha ng martilyo para ipokpok sa ulo niya kaya lang alam niyang masakit iyon. Dadagdagan niya lang ang problema niya kapag ginawa niya iyon. Isa pa, hindi pa siya baliw para gawin iyon pero parang malapit na. “Unbothered siya, Hijo,” dugtong pa ni Mang Kanor. “Kakaiba ang personality niya. Pambihira. Tingnan mo ‘yang dala-dala niya.” Tiningnan naman niya ang dala ng babae. “Iba't ibang laki ng lata ang dala niya. Nangangalakal ba ‘yan?” “Ako pa talaga ang tinanong mo gayong kayo ang nagsama niyan dito,” pambubuska niya rito. “Ultimo nga pangalan niyan, hindi ko alam, eh.” Nilapitan siya nang Yaya niya sabay hawak sa dalawa niyang kamay. Desidido talaga ito na kumbinsihin siya. “Hijo, maawa ka na,” mariing pakiusap ng Yaya niya sa kaniya. “Bigyan mo siya ng pagkakataon para mabago niya ang sarili niya. Hayaan mo siyang maging tao sa paningin ng iba. Tulungan mo siya para hindi masira lalo ang buhay niya.” Tinapunan nito ng tingin ang babae na ngayon ay nakatingin na sa kaniya. “Mukhang bata pa siya kaya naawa ako. Nakikita ko kasi ang sarili ko sa kaniya.” “Yaya, hindi ka naging ganiyan kaya ‘wag mo ‘kong drama-han.” Bata pa lang kasi siya ay kasa-kasama na niya ito kaya alam niya na kahit kailan ay hindi humantong ang buhay ng Yaya niya sa naging buhay ngayon ng babaeng iniuwi nito ngayon. “Ayaw ko,” matigas niyang tugon. “Hindi puwede.” “Masipag siya, Hijo.” “Kahit na.” “Mapagkakatiwalaan siya.” “Ayaw ko pa rin.” “Hijo, ulila na siya.” “Yaya, ayaw ko nga.” “Kapag pinaalis mo siya, sasama ako sa kaniya,” sabi nito kaya umigkas ang kilay niya samantalang si Mang Kanor naman ay hindi maipinta ang mukha. Kapwa sila nabigla sa pahayag ng Yaya niya. “Ayos lang sa akin kahit magpokpok na lang din ako ng lata basta kasama ko siya.” “Nasisiraan na yata kayo ng bait, eh. Kaunti na lang iisipin ko na anak mo ‘yan sa pagkadalaga, Yaya.” “Virgin pa ako hanggang ngayon.” Napatingin siya kay Mang Kanor dahil tumikhim ito. Halatang natuwa sa narinig nito kaya bahagya niya itong binangga gamit ang braso niya. Tsk! Ngayon niya napatunayan na kapag may edad na ay mahilig talaga. “Ano, Hijo? Tanggap na ba siya?” “Hindi, Yaya. Ayaw ko,” aniya at tinalikuran na ito pero mabilis siya nitong hinarangan. “Kung ganoon, mag-iimpake na ako ngayon at aalis na ako rito para malaman mo kung gaano kahirap ang mawalan ng kasama sa bahay. Ang pakiusap ko lang naman sa iyo ay sana tanggapin mo siya at bigyan ng panibangong buhay. Ano ba ang masama roon? Pagtatrabahuhan naman niya ang ipapakain mo sa kaniya, eh. Hindi ka naman naghahanap ng kasambahay kaya siya na lang sana ang kunin natin. Bakit ba hirap na hirap kang tanggapin siya? Dahil ba pangit siya at maraming sugat?” Wala naman sa kaniya kung pangit ito at maraming sugat. Ang iniisip niya ay ang kaligtasan nilang lahat dahil nga mukha itong aswang na hindi niya maintindihan lalo pa't nakikita niya na panaka-naka itong bumubulong sa kawalan. "Ipinapangako ko na babantayan ko siya palagi sa mga kilos niya para maging panatag ka. Kung kinakailangan na hindi ako matulog, hindi ako matutulog para lang bantayan siya." "Hindi ka matutulog? Naghahanap ka ba ng sakit, Yaya?" "Ah, basta! Aalis ako kapag pinaalis mo siya," pananakot nito. "Magkaniya-kaniya na tayo kapag pinaalis mo siya. Isasama ko na rin si Kanor para mag-isa ka lang dito." "Hindi ako sasama sa inyo," angal ni Mang Kanor sa sinabi ng Yaya niya. "Matanda na ako kaya hindi ko na papagurin pa ang sarili ko. Isa pa, wala akong pupuntahan kapag umalis ako rito. Ang ganda na nga ng buhay ko rito tapos aalis pa ako. Ayaw kong magpopokpok ng lata dahil medyo mahina na ang pandinig ko. Kapag sumama ako sa inyo ay baka tuluyan na akong mabingi. Kapag nangyari 'yon, ano na lang ang mangyayari sa buhay ko? Maunawaan mo sana ako, Tasing." "Eh, 'di 'wag!" Hinampas ng Yaya niya si Mang Kanor. "Kami na lang ni Petra ang lalayas. Bahala na kayo sa mga buhay niyo! Ang sasama niyo. Masyado kayong mapaghusga! Aba'y hindi na kayo naawa!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD