“Happy birthday, Hijo,” masayang bati sa kaniya ng Yaya Tasing niya. “Ba't parang hindi ka masaya? Noong huling birthday mo ganiyan din ang hitsura mo. May gumugulo ba sa isip mo?” Ipinakita niya ang wallpaper niya sa Yaya niya. “Yaya, hindi niyo ba talaga siya kilala?” Umiling ang Yaya niya. Kahit mga kaibigan niya kapag tinatanong niya ay wala talagang sumasagot. Puro hindi alam, hindi kilala at puro walang mga ideya. “Isang taon ko nang iniisip kung sino ba talaga siya sa buhay ko pero wala talaga akong makuhang sagot.” “'Wag mong pilitin ang sarili mo, Hijo.” Umupo ang Yaya niya sa harap niya at marahan na hinaplos ang mga kamay niya. “Darating ang araw na maaalala mo rin siya. Hindi mo kailangan pilitin ang sarili mo na maalala siya dahil tiyak na sasakit na naman iyang ulo mo.

