“Oh, ano na namang pinaplano mo riyan?” tanong ng Yaya niya nang mahuli siya nito na nakamasid kay Petra habang nagbubungkal ito ng lupa kasama si Mang Kanor. Sa tuwing nakikita siya nito na nakatingin kay Petra ay sinisita agad siya nito at pinag-iisipan ng masama. “Anong kalokohan na naman ba ang gagawin mo para lang mapaalis si Petra, ha, Jordan? Kating-kati na ba 'yang mga kamay mo para ibaon siya sa lupa, ha?" “Yaya, wala akong masamang gagawin,” sagot niya rito. “Ang dumi ng isip niyo. Porque ba nakatingin, may gagawin na agad? Hindi ba p'wedeng naisipan ko lang na maglakad-lakad ngayon dahil tapos na ang trabaho ko?” “Kunwari ka pa,” sabi pa nito at mariin siyang pinagmasdan mula ulo hanggang paa. “Ang sabihin mo, nag-iisip ka na naman ng mga bagay-bagay na p'wede mong gawin pa

