“Hoy? Ano’ng gagawin natin doon sa reading nook? Saka kanina pa ako pinapauwi ni Tita!” katuwiran ko naman kay Tristan. Kagagaling ko sa palengke para bilhin iyong inutos ni Tita. tapos biglang tumawag itong si Tristan at pinapapunta ako sa paborito naming tambayan.
“Sandali lang, okay? Please? Please?” pamimilit pa nito. Umikot ang mga mata ko at bumuntong-hininga.
“Napakakulit mo talaga! Sige na nga. Saglit lang tayo diyan, ha?” paniniguro ko.
“Oo, promise!” agap namang tugon ni Tristan. Kaya naman imbes na magpadiretso sa bahay ay sa barangay park ako nagpahatid sa tricycle.
Habang naglalakad na ako papunta sa kubo roon na nagsisilbing tambayan ng mga kabataan dito sa amin, ramdam ko ang malamig na hangin na dumadampi sa aking pisngi. Hindi ko alam kung bakit parang kinakabahan ako. Birthday ko nga pala ngayon, pero sinabi ko kay Tristan na ayokong gawing malaking bagay. Gusto ko lang ng simpleng araw kasama si Tita at sila ng lola niya.
Pagdating ko sa harap ng pinto, dahan-dahan kong itinulak iyon, at hindi ko inaasahan ang bumungad sa akin.
Sa loob ng kubo, may mga simpleng palamuting papel na nakasabit sa kisame. Mga fairy lights na bahagyang nagbibigay ng liwanag sa loob, at sa gitna ng mesa ay may maliit na cake. Sa tabi nito ay isang bouquet ng mga puting bulaklak – mga paborito ko.
Napalunok ako. Napaka-simple, pero ang ganda. Kahit hindi ko gustong maging emosyonal ay ramdam kong kumakabog nang malakas ang dibdib ko.
"Happy 18th birthday, Zairah," narinig kong sabi ni Tristan mula sa likod ko.
Paglingon ko ay nandoon na siya – nakatayo sa gilid, may hawak na gitara. Nakangiti siya at tipong parang kinakabahan din. Gusto kong matawa, pero kasabay din niyon ay ang pag-amin ko sa sarili na masayang-masaya ako.
"Tristan..." bulong ko habang ang puso ko ay parang gusto nang tumalon sa dibdib ko.
Lumapit siya nang kaunti, saka nagsimulang tugtugin ang gitara. Hindi ako makapaniwalang mapapa-kanta siya para lang sa akin. Alam ko na hindi siya marunong kumanta kasi hindi naman niya talaga ito hilig. Pero ngayon, ginagawa niya ito, at para sa akin. Familiar iyong melody ng kanta, ang paborito kong ‘Through the Rain’ ni Mariah Carey.
“Wait! Ano iyan, male version?” natatawang tanong ko. Pero sa totoo lang, nang magsimula na siyang kumanta, halos bumagsak ang mga luha ko.
Hindi ko alam kung bakit ganito katindi ang nararamdaman ko ngayon. Siguro dahil alam kong hindi lang ito basta-bastang birthday surprise. Si Tristan ay iyong tao na laging nariyan para sa akin. At sa bawat linya ng kanta, nararamdaman ko ang bawat salita, parang may kahulugan ito na hindi ko maintindihan, pero ramdam ng puso ko.
Pagkatapos ng kanta ay iniabot niya sa akin ang isang maliit na kahon. Hindi ito marangyang regalo, pero nagpakilig ito ng sobra sa akin. Binuksan ko iyon, at nakita ko ang isang maliit na kuwintas na may pendant na hugis pusong gawa sa kahoy. Simple lang, pero sobrang espesyal para sa akin.
"Alam kong gusto mo ng mga bagay na may kahulugan, kaya ako mismo ang gumawa niyan," sabi niya, habang inilalagay ang kuwintas sa leeg ko. Ramdam ko ang init ng kanyang mga daliri na bahagyang dumampi sa balat ko.
"Tristan, sobrang... salamat," bulong ko, may bumibikig sa lalamunan ko kaya hindi ako halos makapagsalita.
Tumingin siya sa mga mata ko, at doon ko nakita ang isang bagay na matagal ko nang hindi napapansin. Iyong paraan ng pagtingin niya sa akin – parang may itinatago siyang damdamin na hindi niya kayang sabihin. pero ayaw ko namang mag-isip ng kung ano-ano. Basta masayang-masaya ako sa surprise niya.
Lumapit siya sa akin, at hindi niya inaalis ang pagkakatitig sa mukha ko, "Zairah, alam kong bestfriends tayo... pero matagal na kitang gusto."
Napasinghap ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ako makapagsalita. Tumibok nang malakas ang puso ko, at sa unang pagkakataon, nakita ko si Tristan sa ibang paraan. Ang simpleng ngiti niya, iyong pagkanta niya ng paborito kong kanta, lahat ng iyon ay may ganitong meaning sa kaniya?
Ngumiti ako, at sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. "Tristan, salamat... sa lahat."
Natawa naman siya kaya naguluhan tuloy ako. “Sinabi ko na sa iyong gusto kita, tapos ang sagot mo ‘salamat’?” tila naaaliw niyang tanong.
Napakurap naman ako at lalong nalito. Ano ba ang dapat isagot sa sinabi niya? “Ah… ano ba dapat ang sagot?”
Lalo naman siyang natawa at imbes na tugunin ako ay nilapitan niya ang cake sa mesa at dinala sa harapan ko. “O, make a wish!” udyok niya sa akin.
Ngumiti naman ako at tumango. Pagkatapos ay pinagsalikop ko ang mga kamay ko at pumikit. Sa totoo lang, ang wish ko ngayon ay ang gumaling na si Tita sa sakit niya. Wala akong ibang nais kung hindi ang makasama siya nang mas matagal na panahon at mabayaran ang lahat ng kabutihan niya sa akin.
Ngunit lumipas pa ang dalawang taon ay tila lalong lumulubha naman ang kalagayan ni Tita Laila. Colon cancer ang naging diagnosis sa kaniya ng doktor. Kaya naman kahit ginusto kong makaipon para makabalik sana sa pag-aaral sa kolehiyo ay hindi ko nagawa.
Sa ngayon ay dalawa ang regular na trabaho ko. Una ay crew sa isang sikat na fastfood chain, at pangalawa ay panggabing crew din sa Starbucks. Napakiusapan nga lang ni Tristan ang manager dahil karaniwang kinukuha sa mga puwestong ito ay mga college level o college graduate pa nga.
“Alam mo, Zairah, ang galing-galing mo sa math. Puwede ka talagang maging accountant o engineer, eh!” komento pa minsan ng isa sa mga kasama ko sa café.
“Talaga? Favorite subject ko rin iyan mula elementary hanggang high school. Pero pangarap ko talagang maging accountant. Kasi ‘di ba iyong mga nagtatrabaho sa bangko magaganda, tapos ang elegante pa ng mga uniform nila?” sagot ko pa.
“Hey, we have customers! Are you going to serve o magchi-chismisan na lang kayo?” sita sa amin ng manager namin.
“Sorry po, Sir!” hinging paumnahin agad ni Cita. Pagkatapos ay muli niya akong nilingon. “Hoy, tingnan mo! Ang pogi noong papasok na customer. Ang swerte ni Olga!” tukoy niya sa cashier namin.
Wala sa sariling nilingon ko ang sinasabi niyang customer at napaawang ang mga labi ko. Para bang biglang tumahimik ang lahat at nag-slow motion iyong matangkad at napakaguwapong lalaki na papalapit sa may counter.
Habang lumalakad ito ay mayroon itong maliit na ngiti sa mga labi. Pero iyong mga mata talaga niya ang nakaka-in love. Parang ang lalim tingnan dahil sa tangos ng ilong niya. Tapos iyong mga lips! s**t, parang lips ng babae, mamula-mula.
“Aguy! Natulala na ang babaita. Ngayon lang yata kita nakitang mahulog ang panga sa isang guwapong lalaki, ha?” dinig kong komento ni Cita pero hindi ko maialis ang paningin ko sa lalaking ngayon ay kausap na ni Olga habang umu-order.
Ngunit sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay biglang napadako ang paningin nito sa gawi ko. Nanlaki ang mga mata ko dahil huling-huli niya akong nakatitig sa kaniya. Gusto kong bawiin ang paningin ko pero para akong nahipnotismo at matapang na sinalubong lang ang mga mata niya. Pagkatapos niyon ay ngumiti pa siya sa akin. Kaya pakiramdam ko, nahulog na yata ang puso ko.
Napilitan lang itong magbawi ng tingin dahil kinuha na ni Olga ang atensyon niya para bayaran ang order niya. Pagkatapos niyon ay nagtungo na ito sa puwestong gusto nitong upuan. Pasimple naman kaming lumapit ni Cita kay Olga.
“Ako ang magse-serve kay Mr. pogi, ah! Ano’ng pangalan?” tanong agad ni Cita.
“Naku, magtigil nga kayong dalawa. Marami pa tayong ibang customers kaya huwag kayong bias!” nagpipigil ng tawa na tanggi ni Olga.
“Ito naman napaka-KJ, eh!” reklamo ni Cita. Pero bago pa muling makasagot si Olga ay paparating na naman ang manager namin kaya wala na kaming nagawa kung hindi magtrabaho nang muli.
Panay ang lihim na sulyap ko doon sa lalaki. Nakalapag sa mesa ang iPad na dala niya tapos mayroon din siyang ginagawa sa cellphone niya. Mukhang businessman yata, at halatang mayaman. Sabagay, karamihan naman ng client namin dito sa Starbucks ay mayayaman.
Bandang alas-diyes ay out ko na. Kadalasan ay sinusundo ako ni Tristan dahil alas-nuwebe ang huling klase niya. Pero ngayon daw ay hindi niya ako masusundo kasi nga overtime siya sa school ngayon.
“Ano, sabay ka na sa akin?” tanong ni Cita.
Tumango naman agad ako. “Sige. Hindi makakapagsundo si Tristan ngayon, eh!”
“Alam mo, para talaga kayong mag-boyfriend ni Tristan. Sure ka bang wala kang feelings sa kaniya?” nang-iintrigang tanong ni Cita. Natawa naman agad ako sa kaniya.
“Hmm… hindi ko naman masabing hindi ko siya gusto. Pero alam mo iyon, parang walang spark, eh. I mean, parang hindi ako mai-in love sa kaniya…” pag-amin ko.
Naalala ko noong 18th birthday ko, two years ago, ipinagtapat ni Tristan na gusto niya ako. Simula din noon ay hindi na siya nag-alangan na ipakita ang tunay niyang nararamdaman para sa akin. Pero palagi pa rin akong nagiging honest sa kaniya na hindi pa iyon ang focus ko sa ngayon. Aware din naman siya sa mga struggles ko sa buhay ngayon.
“Hoy, may good news pala ako sa iyo!” maya-maya ay saad niya habang palabas na kami ng café.
“Ano iyan? Pagkakaperahan ba iyan?” pabirong tanong ko agad. Kahit anong raket, basta legal ay pinapasok ko para lang kumita.
“Hindi! Alam ko na iyong pangalan ni Mr. Pogi kanina…” kinikilig na sagot niya. Parang nagningning naman ang mga mata ko sa narinig.
“Talaga? Ano daw?” excited kong tanong. Hindi ko rin alam kung bakit ako excited.
“Christian! Christian daw ang pangalan sabi ni Olga!” pigil na pigil ni Cita ang impit niyang tili at halos mamilipit na sa kilig.
“Ang ganda ng pangalan niya. Bagay sa kaniya kasi mukha siyang mabait at malambing,” wala sa sariling komento ko. Bigla kong naalala iyong pagtitig at pagngiti niya sa akin kanina. Damang-dama ko talaga iyong paglukso ng puso ko habang magkahinang iyong mga mata namin.
“Hello, ladies!”
“Ay, palaka! Este, Christian?” gulat na bulalas ni Cita.
Ako naman ay napanganga at ilang beses na napakurap. Ito na yata iyong sinasabi nilang hindi dapat pinag-uusapan ang isang tao sa likuran niya dahil bigla na lang itong lilitaw sa harapan mo.
“You know me?” kunot’noong tanong ni Christian kay Cita pero sa akin siya nakatingin.
“Of course! I am Cita Nicoba!” inilahad pa ni Cita ang kamay kay Christian na agad naman nitong tinanggap.
“Nice meeting you, Cita. And this is?” tukoy niya sa akin.
“Ah…” bigla akong kinabahan.
“Siya si Zairah. Zairah Antonino. Naku, pasensiya ka na at mahiyain kasi ang kaibigan kong ito!” makahulugan akong tiningnan ni Cita. Napatikhim naman ako at ngumiti kay Christian.
“Hi, Zairah!” bati nito sa akin.
“Hello…” tipid kong tugon kasi talagang ninenerbyos ako.
“Uuwi na ba kayo? I can take you home?” maginoong alok niya sa amin.
“Naku, huwag na, malayo pa kasi iyong sa amin. Baka maaba– ”
“Oo naman, Christian! Sino naman kami para tumanggi!” inunahan na ako ni Cita sa pagsagot kaya napatda ako.
“Hoy! Bakit tayo sasabay sa kaniya, eh, hindi naman natin siya kilala?” pabulong na sita ko sa kaibigan.
“Gaga! Pagkakataon na natin ito. Kung ayaw mong sumama, maiwan ka diyan!” mahinang tugon naman nito para hindi magpahalata kay Christian.
“Teka lang, bakit mo naman kami ihahatid? Saka, gabing-gabi na, bakit ka pa bumalik dito?” diretsahang tanong ko. Napaka-suspicious naman kasi na bigla na lang siyang lilitaw dito at aalukin kaming ihatid. Parang may mali.
“You are very straightforward. I like that!” tila nahihiwagaang sambit ni Christian.
“Probinsiyana kasi itong kaibigan ko. Masyadong conservative kaya pagpasensiyahan mo na,” makahulugang pahayag naman ni Cita. Kulang na lang ay pandilatan na niya ako na ang ibig sabihin ay huwag na akong mag-inarte pa.
“Since you are very honest, I would like to be honest with you, too… I seriously waited for your out so I could take you to your home. I’m not a bad person,” kumpiyansang pahayag pa ni Christian.
“Naku, kahit ano ka pa, tanggap kita!” maharot na tugon naman ni Cita kaya napapikit ako sa frustrations.
“Ah, sige, ihatid mo na lang si Cita. Okay lang ako…” sabi ko naman.
Napansin ko agad ang pagkibot ng kilay niya at ang dagling pagkabura ng ngiti niya. Gano’n pa man ay saglit lang iyon at agad din siyang ngumiti.
“Sabi mo nga, gabi na. Kaya, huwag mo nang tanggihan ang pagmamagandang-loob ko, okay?” sabi niya at tinungo na ang pintuan sa passenger seat at agad namang sumakay doon ang kaibigan ko. Pagkatapos ay binuksan din niya ang pintuan sa may harap na siya namang malapit sa kinaroroonan ko.
“Zairah, sumakay ka na! Inaantok na ako kaya gusto ko nang umuwi!” tawag sa akin ni Cita. Napatingin ako kay Christian at lumapad pa nga ang ngiti nito saka iminuwestra na sumakay na rin ako.
Isang marahas na buntong-hininga ang pinakawalan ko saka ako sumakay. Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan. Dahil sa naranasan ko noong bata ako, kapag may lalaking bigla-bigla na lang nagiging mabait sa akin nang walang mabigat na dahilan ay natatakot ako.
“So, where should I take you?” tanong ni Christian nang paandarin na ang sasakyan niya.
Sinabi naman agad ni Cita ang address niya at pati na rin ang sa akin. Dahil mas malayo ang sa amin, mauunang maihahatid si Cita. Walang tigil ito sa katatanong kay Christian.
“Siya nga pala, ilang taon ka na Christian?” maya-maya ay usisa na naman si Cita.
“I’m 25. Turning 26 next month,” nakangiting sagot ni Christian. Ayaw kong makisali sa usapan nila kasi bigla akong hindi naging komportable sa lalaking ito.
“How about you, Zairah, how old are you?” baling ni Christian sa akin, kaya naman napilitan akong tumingin at ngumiti sa kaniya.
“20,” tipid kong tugon at muling ibinaling ang tingin sa labas.
“Ako, Christian, 23 na ako,” biglang sabad naman ni Cita. “Graduate na sana ako ng college kaya lang nahinto ulit kasi walang pang-tuition,” dagdag pa niya.
“Ikaw, Zairah, nag-aaral ka rin ba habang nagta-trabaho?” tanong niya uli sa akin.
“H-Hindi… hindi ako nakapag-enroll kasi wala talaga akong pambayad. Okay na ako sa trabaho ko. Ang mahalaga kumikita ako,” matapat kong tugon.
“Masipag talaga iyang si Zairah. Dalawa ang trabaho niyan, ah. Sa KFC sa umaga, tapos doon sa café mula alas-sais hanggang alas-diyes ng gabi,” singit na naman ni Cita.
“Wow! Ang sisipag ni’yo, ha? Your family as well as your boyfriends are lucky to have responsible girlfriends like you,” komento naman ni Christian.
“Naku, wala pa akong boyfriend, ha! Ewan ko lang dito kay Zairah!” sinundan pa ni Cita iyon ng hagikgik. Napapailing na lamang ako.
Nang marating na namin ang bahay nina Cita ay nagpaalam at kumaway pa ito sa amin pagkababa niya, pagkatapos magpasalamat kay Christian.
“So, tell me, Zairah… why are you being so quiet? Your friend talks a lot, while you, you only speak if we speak to you,” pansin niya sa akin.
Huminga ako nang malalim. “Ano ba talaga ang dahilan at inihatid mo kami? Kasi, parang hindi naman normal ito lalo at hindi mo naman kami kakilala talaga, at ganoon din kami sa iyo.”
Kita kong humigpit ang pagkakahawak niya sa manibela. “Ganiyan ka ba talaga?” biglang tanong niya imbes na sagutin ako.
“Ganiyang ano?” gulat ko namang tanong.
“You are very suspicious of other people. Well, it’s normal to have that demeanor to strangers. Pero magkakilala naman na tayo, ‘di ba? Hindi ba tayo puwedeng maging magkaibigan?” tanong niya.
Hindi naman agad ako nakasagot. “Bakit mo kami gustong maging kaibigan?”
Natawa naman siya. “Kailangan ba lahat may dahilan?”
“Oo naman. Siyempre may dahilan kung bakit gusto mo kaming maging kaibigan. Sa unang tingin pa lang alam ko nang hindi ka namin ka-level. Kaya bakit mo naman kami gugustuhing maging kaibigan?” katuwiran ko.
“Sabagay, may point ka. Pero wala akong explanation diyan. I just want to be your friend, and that’s it!” pinal niyang saad.
Muli naman akong napabuntong-hininga at hindi na sumagot pa. Hindi ko rin naman alam kung ano ang sasabihin. Dahil sa totoo lang, wala namang masama kung makikipagkaibigan lang siya.
Pagdating namin sa bahay ay napansin ko agad si Tita sa may labas. Nag-aalala agad ako kasi baka malamigan siya.
“Hey, wait!” tawag sa akin ni Christian. Kaya naman napatigil ako sa pagpasok sa maliit na gate at nilingon siya.
“Sorry, Christian, ha? Nag-alala lang ako sa Tita ko kasi may sakit siya kaya hindi siya puwedeng mahamugan dito sa labas,” katuwiran ko. Pagkatapos ay pumasok na ako sa gate at halos patakbong tinungo ang kinauupuan ni Tita sa labas ng bahay.
“Tita, bakit po kayo nandito? Doon po kayo sa loob, baka po lamukin pa kayo, eh!” nag-aalalang sabi ko.
Mabuway naman siyang ngumiti sa akin. “Gusto ko lang lumanghap ng sariwang hangin. Sino ba itong kasama mo?” sinilip niya si Christian na ngayon ay nasa likuran ko na pala.
“Hello, Ma’am. I am Christian Ty, kaibigan ako ni Zairah,” pakilala ni Christian sa sarili at inilahad pa ang kamay niya na agad namang tinanggap ni Tita.
“Gano’n ba? Salamat sa paghatid sa pamangkin ko, ha?” tugon naman ni Tita. “Isa pa, Tita Laila na lang ang itawag mo sa akin.”
“My pleasure to meet you, Tita Laila.” Nakangiti siya nang sumagot.
Tumayo naman ako nang tuwid nang bumaling sa kaniya. “Christian, sige na umuwi ka na at gabing-gabi na. Thank you talaga sa paghatid, ha?”
Tumitig siya sa mukha ko saka unti-unting lumuwang ang ngiti. “You’re welcome. See you tomorrow, Zairah!” tumingin siya kay Tita. “Mauna na po muna ako, Tita Laila.”
Tumango at kumaway ako sa kaniya habang si Tita naman ay pinag-ingat siya sa daan. Saka lamang kami pumasok sa bahay noong mawala na sa paningin namin ang magarang sasakyan ni Christian.
Nang sumunod na araw ay nasa café ulit si Christian. Kung noong una ay kinikilig ako, pero ngayon ay hindi na ako natutuwa. Hindi ko maintindihan kung bakit madalas niya akong tinititigan kaya nako-conscious talaga ako. Hindi tuloy ako makapagtrabaho nang maayos.
“Wala bang ibang magawa sa buhay iyan? Bakit nandito na naman?” pabulong na tanong ko kay Olga. Naka-leave kasi si Cita ngayon dahil may trangkaso.
“Naku, ang hina mo talaga! Obvious ba? Eh, di nagpapansin sa iyo!” eksaheradang sagot nito. Pinandilatan ko pa siya dahil baka may ibang makarinig sa sinabi niya.
“Well, hindi ko siya type!” saad ko naman.
Napamulagat ito at tila hindi makapaniwalang tumitig sa akin. “Hoy, girl, baka hindi mo kilala kung sino iyang si Sir Christian!” bulalas niya.
“Hindi nga. Dapat ba kilala ko siya?” naguguluhang tanong ko. Lalong tila hindi makapaniwala ang reaksyon niya.
“Seryoso? Hindi mo kilala si Christian Ty? Anak iyan ni Charles Ty, ang may-ari ng Asia World Banking Corporation. May kakambal iyan, si Sir Charlie. Pero ang sabi sa mga magazines at interviews, mas mabait at sweet daw iyang si Sir Christian kaysa kay Sir Charlie. Iyong kakambal niya raw kasi ay tahimik at hindi gaanong namamansin! Kumbaga, super-sungit iyon, samantalang iyang si Sir Christian naman ay maginoo at friendly sa lahat!” pagbibida ni Olga sa akin.
Napatingin tuloy ako sa gawi ni Christian. Hindi ito nakatingin sa akin ngayon dahil mayroon itong tinitingnan sa dala niyang laptop. Mukhang seryoso nga kasi nakakunot pa ang noo niya.
“Kaya naman pala okay lang na tumambay siya rito kahit matagal. Mayaman naman pala. Hindi ko kilala ang pamilya nila pero siyempre, alam ko iyong bangko nila,” sabi ko naman.
“Kaya nga, tutal mukhang type ka niya. Kaya, aba, go, go na, girl! Hihiga ka sa salapi kapag iyan ang naging jowa mo!” kinikilig na sulsol sa akin ni Olga.
Inirapan ko naman siya. “Naku, ikaw talaga. Kaya minsan sinasabi ng mga tao na pera lang ang habol ng mga babae sa mga mayayamang lalaki dahil sa ganiyang mentalidad, eh. Tingnan mo iyan, ah, guwapo, mayaman tapos ang ganda ng katawan. Iyan iyong mga hinahabol-habol ng mga babae,” katuwiran ko.
“Oh, iyon na nga! Hinahabol-habol pero ikaw ang type! Sabagay, parang diyosa naman kasi ang kagandahan mo! Hindi na nakakapagtaka na maraming bumabalik-balik na mga customer dito dahil sa iyo!” papuri pa niya sa kain. Pero nagbuga ako ng hangin kasi mukhang hindi niya nakuha ang ibig kong sabihin.
“Olga, ang mga ganiyan, papalit-palit ng mga babae iyan. Kasi nga alam nilang maraming pipila para sa kanila. Kaya nga malakas ang loob. Hay, naku, ekis na siya sa akin!” sabi ko naman agad. Although, hindi naman nito sinabing gusto niya ako, si Olga lang naman talaga ang assuming, hindi ako makikipag-jowa sa mga gaya niya.
“Ay, ewan ko sa iyo! Maraming nali-link diyan kahit mga celebrity, pero ang sabi lang niya, private ang lovelife niya. Kaya ibig sabihin no’n, hindi niya type ang mga iyon!” giit pa ni Olga.
Hindi na ako sumagot pa at umiling na lamang sa kaniya. Pagkatapos ay itinuloy ko na ang ginagawa.
“Zai, i-serve mo iyon doon sa table 9,” bulong sa akin ng manager.
Gulat ko namang siyang nilingon habang pinupunasan ang mesang pinanggalingan ng kaaalis na customer.
“Bakit po, Sir? Puwede naman po niyang kunin doon sa pick-up area?” pabulong na reklamo ko.
“VIP dito iyang nasa table 9, kaya huwag ka nang umangal pa. Dali!” giit nito sa akin.
Kahit naiinis ay napilitan akong sundin ang gusto niya. Si Christian ang nasa table 9. Lahat ng order dito ay kinukuha ng customer sa counter o sa pick-up area. Pero sa kaniya, kailangan talagang i-serve. PWD ba siya? Inis na sigaw ng maliit na bahagi ng utak ko.
“You seemed angry?” tila naaaliw na tanong sa akin ni Christian nang ilapag ko sa mesa niya ang order niya. Pilit akong ngumiti at pinakakalma ang sarili.
“Hindi naman po, Sir. Enjoy po!” magalang kong sagot at tumalikod na pero muli niyang tinawag ang pangalan ko.
“Ihahatid ulit kita pauwi mamaya,” sabi niya. Mas tumamis ang ngiti ko sa kaniya kaya lumiwanag ang mukha niya.
“Sorry, Sir. Susunduin po ako ng boyfriend ko mamaya…” pagsisinungaling ko.
“Boyfriend? Ang sabi ni Cita ay wala kang boyfriend!” tila protesta niya.
“Hindi ko po kasi sinasabi sa kaniya, Sir. Sige po, at may gagawin pa po ako,” magalang kong paalam at lumakad na palayo.
Ilang sandali lang ay nagulat ang ilang kalapit niyang lamesa nang bigla siyang tumayo at padarag na umalis sa café. Nagtatakang lumingon sa akin si Olga at maging ang manager namin. Nagtatanong ang mga mata nila pero ako naman ay nagkibit-balikat lang.
Palabas na ako ng café nang biglang tumawag si Tristan. Napangiti naman ako nang sagutin iyon. “Palabas na ako. Nandiyan ka na ba?”
“Zai-zai, nandito kami sa ospital. Isinugod namin ni Lola si Tita Laila kasi nagsuka siya ng dugo at dumaing nang matinding sakit sa tiyan niya,” natatarantang pagbabalita niya sa akin.
Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niya. Nanginig ang buong katawan ko at napuno ng takot ang dibdib ko. Ni hindi ko magawang gumalaw o sumagot man lang sa narinig.
“Zairah? Zairah! Nandiyan ka pa ba? Puntahan mo na lang kami rito,” untag sa akin ni Tristan.
Doon pa lang ako nagising sa reyalidad at saka ko lang din namalayan ang mga luhang bumagsak na sa mga pisngi ko. “Sige, sige. Papunta na ako!”
Pinatay ko agad ang tawag at mabilis na kinuha ang mga gamit ko at umalis na nang café. Hindi na nga ako halos nakapagpaalam nang maayos sa manager namin.
“Zairah!” may tumawag sa akin na pamilyar na boses kaya napalingon ako – Si Christian! Akala ko ba umalis na ito kanina?
“Why are you looking like that?” hindi ako sigurado pero parang may pag-aalala sa tanong niya.
“Christian, puwede bang humingi ng favor? Puwede mo ba akong ihatid sa ospital? Babawi na lang ako. Kailangan ko lang makarating doon agad!” lakas-loob ko nang pakiusap. Medyo matagal talagang mag-abang ng sasakyan dito at kailangan pang lumakad hanggang sa labasan.
“Sure! Let’s go!” pagpayag naman niya agad. Kaya naman mabilis akong sumunod sa kaniya habang pinapahid ang mga luha ko.
“Christian, thank you, ha? Saka pasensiya ka na sa inasal ko kanina,” hinging paumanhin ko habang nasa kalagitnaan na kami ng biyahe papuntang ospital. Nakakahiya, tinarayan ko siya tapos siya pa pala ang tutulong sa akin ngayon.
“No problem! Ano ba ang nangyari?” tanong niya, ang mga mata niya ay nakatutok lang sa daan.
“Isinugod kasi sa ospital ang Tita ko. Nagsuka daw siya ng dugo,” nanginig at pumiyok ang boses ko. Muli ay lumandas na naman ang mga luha ko dahil sa pagkirot ng dibdib ko.
“Oh… ano ba’ng sakit niya?” tanong niya, bakas pa rin ang tunay na pag-aalala.
“Cancer… colon cancer. Iyan ang dahilan kaya nagtatrabaho ako nang husto. Kailangan niya ng maintenance at…” hindi ko naituloy ang sasabihin dahil naiyak na naman ako. Inabutan naman niya ako ng panyo. Walang pag-aatubiling tinanggap ko naman iyon at pinunasan agad ang mga luha ko.
“What stage?” mahinang tanong niya.
Umiling ako. “Hindi ko alam. Ayaw niyang ipaalam sa akin. Sabi niya hindi pa naman daw malala. Pero alam ko… kahit itago niya, alam kong nahihirapan na siya. Ayaw lang niyang mag-alala ako. nagagalit nga siya sa akin dahil hindi ko itinuloy ang mag-aral,” madamdaming pahayag ko.
Hindi na siya sumagot dahil narating na namin ang ospital. Halos puno ang parking lot. Mabuti na lang at may nahanap naman siyang magandang puwesto.
“Christian, okay na ako. Hindi mo na kailangang bumaba para–”
“No!” putol niya agad sa akin. “I want to accompany you. Let’s go!”
Para akong nakoryente nang bigla niyang hawakan ang kamay ko at hilahin na ako papasok sa lobby. Hindi na ako tumutol pa pero hindi ko alam kung bakit ganito na lamang kalakas ang kabog ng dibdib ko.
"Zairah, kailangan ka raw kausapin ng doktor!" salubong agad sa akin ni Tristan. Mabilis kong binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak ni Christian dahil agad na bumaba nag paningin ni Tristan doon.
“Okay. Nasaan siya?” tanong ko naman. Hindi pa siya nakasagot agad dahil tiningnan pa niya si Christian sa likuran ko.
“Sa ER, tara…” anyaya niya sa akin. Tumango at sumunod naman agad ako sa kaniya. Hindi ko namalayang sumunod din pala si Christian sa amin pero medyo malayo siya sa amin.
“Hija, sa kasalukuyang kondisyon ng tita mo, kinakailangan niya ng agarang operasyon. Nakita namin sa initial test na ang tumor sa kanyang colon ay malaki na at humahadlang na sa normal na paggalaw ng pagkain at dumi sa kanyang bituka," mahinahong paliwanag sa akin ni Dok,
“A-Ano pong ibig sabihin no’n, Dok?” garalgal ang tinig na tanong ko.
"Well, since it is an operation, hindi mo maiiwasan ang maghanda ng malaking halaga. Her condition is already critical, and her intestines might rupture due to obstruction. Kapag nangyari iyon, maaaring kumalat ang impeksyon sa buong tiyan niya, at magdudulot ito ng peritonitis, isang napakadelikadong kondisyon. Mabilis itong pwedeng magresulta sa sepsis, na maaaring magdulot ng kamatayan kung hindi maagapan."
Parang gumuho ang mundo ko sa narinig. Ni hindi na nga kami halos makaagapay sa dami ng gastusin araw-araw, saan naman kami kukuha ng pampaopera?
“D-Dok, mga magkano po kaya ang magagastos?” mabigat ang loob kong tanong.
Nakauunawang tumitig siya sa akin. “Well, nasa 300-500 thousand ang initial na kailangan ni’yong paghandaan. Ang operasyong ito ay para tanggalin ang bahaging apektado ng colon at maiwasan ang posibleng lalong pagkalat ng cancer. Bukod dito, makakatulong ito na alisin ang bara at mabawasan ang mga sintomas niya, tulad ng pananakit ng tiyan at problema sa pagdumi."
Pilit kong ipinoproseso ang lahat ng impormasyon habang patuloy siyang nagsalita. “Dok, sa totoo lang po hindi ko po alam kung saan kukuha ng perang pampa-opera kay Tita. Pero gagawan ko po ng paraan. Puwede ni’yo na po bang operahan siya kahit wala pa pong bayad?”
Malungkot na umiling si Dok. “Kung sa akin lang, hija, kahit huwag ni’yo nang bayaran ang PF ko. Pero major surgery ito kaya kailangan ni’yo talagang mag-down. Alam kong ito'y biglaan at nakakatakot, pero kailangan nating kumilos agad para mas mataas ang tsansa ng paggaling ng Tita Laila mo."
Tumango ako kahit na nag totoo ay hindi ko talaga alam ang gagawin. “S-Sige po, Dok.” Pigil na pigil ko ang maiyak kahit kanina pa mahapdi ang dibdib ko at masakit ang lalamunan ko.
“Sabihan ni’yo lang ang nurse station kapag ready na kayo para as surgery. Zairah, it’s ASAP, okay?” pagbibigay-diin pa niya. pagkatapos ay nagpaalam na sa amin.
Nanlambot talaga ako. Mabuti na nga lang at naririto si Tristan para alalayan ako.