Nanlambot ako. Mabuti na lang at naririto sa tabi ko si Tristan. Kung hindi ay kanina pa ako tumumba.
“Huwag kang mag-alala, Zairah. Hihingi ako ng tulong sa lahat ng mga puwedeng makatulong sa atin. Kung kinakailangan kong magmakaawa sa mga magulang ko, gagawin ko, okay?” pang-aalo niya sa akin.
“Hindi ko na alam ang gagawin. Saan naman kami kukuha ng gano’n kalaking halaga? Diyos ko! Puro pagsubok na lang…” hagulgol ko. Patuloy lang sa paghagod sa likod ko si Tristan para aluin ako.
“Zairah, let’s talk.”
Natigil ako sa pag-iyak nang marinig ang boses ni Christian. Napaangat ang paningin ko dito. Pagkatapos ay tumingala ako kay Tristan. “Iwan mo muna kami…”
“Bakit? Sino ba ang lalaking ito?” tanong ni Tristan at halatang ayaw sumunod sa gusto ko.
“Saka ko na ipapaliwanag, okay? Sige na…” udyok ko sa kaniya. Labag man sa kalooban ay pumayag naman siya. Tinapunan pa nga niya ng masamang tingin si Christian pero hindi man lang siya pinansin nito.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Zairah. I will give you one million pesos, or even more than that… if you agree with my terms,” diretsahang pahayag ni Christian.
Kung ordinaryong araw lang ito at wala ako sa sitwasyong ito ay baka nasigawan ko na siya. Pero desperada na ako kaya kailangan ko siyang pakinggan.
“At ano naman ang magiging kapalit?” walang buhay kong tanong.
“Resign to your jobs, and work for me,” agap niyang sagot.
Natigilan naman ako at ilang beses napakurap. “Ano namang trabaho ang ibibigay mo na pupuwede sa akin kung sakali?”
“My personal assistant. You will be my PA and you will have to stay with me all the time!” sagot niya. Napaawang naman ang mga labi ko.
Biglang-bigla ay napahiya ako sa sarili ko. Sa totoo lang, pinag-iisipan ko siya nang masama. Ang akala ko ay masamang bagay ang hihingiin niyang kapalit sa tulong niya. Pero ang tanging nais niya pala ay magtrabaho ako sa kaniya. Mukhang mali nga yata ako nang iniisip tungkol sa kaniya.
Mukhang mabuting tao nga yata si Christian Ty, gaya ng sinabi ni Olga sa akin kanina.
“P-Pero… senior high school lang ang natapos ko. Wala akong alam sa klase ng trabahong gusto mo,” katuwiran ko naman.
Tipid siyang ngumiti at hindi man lang umabot sa mga mata niya. “I have my secretaries in the office. All you need to do is to take care of me.”
Inilapit niya ang mukha sa akin at ngumisi. Napakurap ako at parang biglang tumigil sa pagtibok ang puso ko. Sobrang lapit na ng mukha niya sa akin at tumatama na ang mainit niyang hininga sa mukha ko.
“So… ang ibig sabihin ng PA ay alalay o yaya mo?” tanong ko. Ang awkward ng puwesto namin. Ni hindi ako makaatras kasi pader na ang nasa likod ko.
Mahina naman siyang natawa pero hindi niya binago ang puwesto namin. “Puwede rin, kung sa tingin mo ay ‘yan ang trabaho ng isang PA. Ang mahalaga, susunod ka sa lahat ng gusto ko. Kahit ano ang ipagawa ko sa iyo, gagawin mo!” seryosong saad niya.
Hindi naman agad ako nakasagot kasi bigla akong kinabahan sa sinabi niya. “Kahit ano? Hindi mo naman siguro ako uutusang pumatay ng tao o gumawa ng masama, hindi ba? May mga illegal ka bang trabaho?”
Ako mismo ay nahintakutan sa tanong ko. What if, guwapo lang talaga siya at mukhang mabait, tapos lider pala siya ng sindikato? Tapos gagawin niya akong drug courier o kaya–
“Ouch!” nahinto ako sa pag-iisip at napadaing nang bigla niyang pitikin ang noo ko. “Bakit ba?” nahimas ko pa ang noo ko kasi medyo mahapdi.
Dumiretso siya ng tayo at humalukipkip sa harap ko. Mukha siyang naaaliw na ewan habang nakatitig sa akin. “What are you thinking with that little head of yours, huh?” tanong niya. “Do I look like a bad person to you?”
Muli ko siyang tiningnan nang maayos sa mukha niya. “May kasabihan na “Don’t judge a book by its cover” o kaya “Looks can be deceiving”. Paano nga kung serial killier ka tapos ako ang gagamitin mong alalay mo…” pag-amin ko.
Napasinghap naman ako nang malakas siyang tumawa. Napalinga pa nga ako sa paligid kasi nag-echo pa iyong tawa niya sa buong corridor.
“I am a legit businessman. Judging by how you looked and talked at me, it seemed like you know nothing about me and my family background. Mas okay na rin naman iyan kasi–”
“Sabi ni Olga galing ka sa mayamang pamilya. Kayo daw ang may-ari ng Asia World Banking Corporation,” depensa ko naman agad.
Tumango siya. “Yeah. That is our main business aside from our other businesses. But don’t worry, our empire is being managed by my brother, Charlie. I have my own,” paliwanag naman niya.
Napatango-tango lamang ako. Siguro naman ay hindi talaga masamang tao itong si Christian. “Alangan namang dungisan niya ang pangalan at reputasyon nila, hindi ba?” Tanong ko sa sarili.
“So? Do you agree with me?” untag niya sa akin kaya nabalik ang atensyon ko sa kaniya.
“Kanina sabi mo, dapat palagi mo akong kasama. Ano’ng ibig sabihin no’n?” inosenteng tanong ko.
“That means, you will work for me the day, and even stay with me at night,” suwabeng sagot niya. Diretsahan at walang ligoy na pahayag niya.
“Bakit ko kailangang magtrabaho hanggang gabi? Huwag mong sabihing babantayan pa kita hanggang pagtulog?” nahihiwagaang tanong ko.
Pero lumapad ang ngiti niya kaya nanlaki ang mga mata ko. “Exactly! You will need to sleep with me if that will be what I want,” saad niya.
Napanganga ako sa kondisyon niya. hindi ako nakapagsalita dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Psycho ba itong lalaking ito? Ang laki-laki na niya pero kailangan pang bantayan siya sa pagtulog? Paano iyon?
Ngunit napalingon ako sa kama kung saan nakahiga si Tita Laila dahil narinig ko ang mahina ngunit napakabilis na tunog ng kanyang paghinga. Nagtataka ako kung normal lang ba ito, ngunit ilang segundo pa ay bigla siyang dumaing habang sapo-sapo ang tiyan.
Patakbo akong lumapit kay Tita. Nakasunod naman sa akin si Christian. “Tita Laila?” nag-aalalang tawag ko dito, ngunit hindi ito tumugon. Lumalim ang paghinga nito, at bigla na lang itong nawalan ng malay.
Nagsimula akong mag-panic. Hindi ko alam kung anong gagawin, kaya naman agad akong tumakbo at sumigaw.
“Nurse! Nurse, tulungan niyo po kami! May nangyayari kay Tita Laila!”
Isang nurse ang mabilis na tumakbo papasok sa kwarto at kasunod niya agad si Tristan. “A-Anong nangyari? Bakit ka sumisigaw?”
“Si Tita… sumakit ang tiyan nito kanina at nahirapan itong huminga,” naiyak nang sagot ko.
Kasunod lang niyon ay dumating din ang isa pang nurse na may dalang emergency kit. Tiningnan nila si Tita Laila, at narinig ko ang isa sa kanila na nagsabi, "Code blue! Tawagin ang doktor, bilisan mo!"
Nadagdagan ang pag-aalala at takot ko, hindi ko na alam kung paano ako dapat kumilos. Pinipigilan ko ang luha ko habang nakikita ko ang mga nurse na nagmamadaling nagsagawa ng first aid kay Tita Laila. Sinusuri nila ang pulso ni Tita, naglalagay ng oxygen mask, at nag-check ng vital signs nito. Si Tita na lang ang pamilyang mayroon ako, kaya hindi ito puwedeng mawala sa akin.
Ilang minuto pa lamang ang lumipas, ngunit parang ilang oras na sa pakiramdam ko. Maya-may ay dumating na rin ang doktor, halatang nagmamadali at seryoso ang ekspresyon sa kanyang mukha.
“Anong nangyari?” tanong agad ng doktor sa mga nurse, habang inaayos niya ang mga gamit para sa mas masusing pagsusuri kay Tita Laila.
“Doc, mukhang nagkaroon ng bowel obstruction. Tumindi ang daing ng pasyente at biglang bumagsak ang kanyang vital signs. Tumataas din ang kanyang heart rate.”
Hindi ako makagalaw sa gilid ng silid at nakaalalay lang sa akin si Tristan. Si Christian ay tahimik lang ding nakamasid at hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha niya.
Ako ay nakatulala habang nakikita kong nagmamadali silang lahat. Agad na nagbigay ng mga utos ang doktor. “Kailangan nating ilipat siya kaagad sa operating room. There’s a possibility of rupture in her stomach if we don’t act fast. Hindi na tayo pwedeng maghintay pa.”
Sa narinig kong iyon, parang pinagsakluban ako ng langit at lupa. Iyong kinatatakutan naming mangyari ay nangyayari na. Lumapit sa akin ang isa sa mga nurse, marahang tinapik ng nurse ang balikat ko.
“Ma’am, kailangan na naming dalhin ang tita ninyo sa operating room, ngayon na. Kumalma lang po muna kayo kasi hindi naman po namin siya pababayaan. Gagawin namin ang lahat ng makakaya namin, lalo na ang mga doktor na mag-aasikaso sa kaniya.”
Wala akong ibang magawa kung hindi tumango habang umiiyak. Pinanood ko silang nagmamadaling ilabas si Tita Laila mula sa kwarto. Maging ang doktor ay mabilis na sumunod at pinanantili ang pagiging kalmado.
Lumakad kami hanggang sa labas ng ER at sinundan lang ng tingin ang pinagdalhan nila kay tita. Tila hindi ko maramdaman ang mga paa ko sa tindi ng nerbiyos ko.
Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ang doktor mula sa operating room, seryoso ang mukha, at halatang mabigat ang dala niyang balita. Dahil dito’y kumirot pang lalo ang dibdib ko.
"Zairah," kausap niya sa akin. Si Christian ay nakadekwatro ng upo sa bench, habang si Tristan naman ay tumayo rin sa tabi ko. "Kailangan nating isagawa ang operasyon ngayon. Hindi na pwedeng ipagpaliban pa kaya kailangan ninyong mapaluwal ang kailangang pera. Ang bituka ng tita mo ay maaaring pumutok anumang oras, at kung hindi natin agad tatanggalin ang bara, hindi na siya makakaligtas pa."
Panibagong bugso ng mga luha ang dumaloy mula sa mga mata ko. Napatingin ako kay Tristan at kitang-kita ko ang awa sa mga mata niya.
Bigla namang tumayo si Christian mula sa kinauupuan niya. “Just do the operation, Doc. I will pay everything now,” saad niya.
Nanlaki naman ang mga mata ko. “Christian… hindi pa ako pumapayag sa–”
"Zairah," sabi niya, halos pabulong ngunit matalim ang kanyang boses. "Nasa kritikal na ang tita mo. Kailangan mo ng malaking pera para sa operasyon, hindi ba? So, I am here to help!"
“Iyon naman pala. Alright. Mag-usap kayo nang maayos at mag-uumpisa na kami. May papapirmahan lang sa iyo na consent form ang nurse,” may pagmamadaling pahayag naman ni Dok. Hindi na niya hinintay pa ang sagot ko at iniwan na kami.
“At sino ka? Bakit mo gustong tulungan si Zairah? At ano ang kapalit ng tulong mong ito?” sunod-sunod na tanong ni Tristan.
Tinaasan naman siya ng kilay ni Christian. “I don’t owe you any explanation. Kaming dalawa ang nag-uusap dito kaya tumabi ka muna,” asik ni Christian kay Tristan.
Nagdilim naman ang mukha ni Tristan at akmang gaganti ng sagot pero inunahan ko siya. “Tristan, please. Huwag ka nang makipagtalo sa kaniya.”
“Huwag kang magpadala sa kaniya, Zairah! Ginagamit lang niya ang sitwasyon mo para ipitin ka,” giit naman ni Tristan.
“Sino ka ba, ha? Ano ka sa buhay ni Zairah at nakikialam ka?” Singhal na ni Christian sa kaniya kaya kinabahan ako.
“Tristan, umuwi ka na muna. Baka hinahanap ka na ng lola mo. Ako na lang muna nag bahala rito, okay? Isa pa, maaga pa ang pasok mo bukas,” paalala ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung tama ba ang nakita ko, pero parang may kirot na dumaan sa mga mata niya. “Pinapaalis mo ba ako dahil sa lalaking ito?” mahina ngunit puno ng paghihinanakit na tugon niya.
Napapikit ako. Masyado na akong nabibigatan sa sitwasyon ni Tita, kaya sana naman ay huwag nang sumabay pa itong si Tristan. “Hindi naman sa gano’n. Please, Tristan. Magkita na lang tayo bukas dito kapag wala ka ng klase, please…”
Halatang hindi man siya payag ngunit mas pinili pa rin niyang pagbigyan ako. Laylay ang balikat na lumakad paalis si Tristan. May kung ano’ng bigat akong naramdaman sa dibdib, pero hindi ko muna iisipin sa ngayon.
"Zairah," muli ay nagsalita si Christian, "kung tatanggapin mo ang tulong ko, wala ka nang kailangang alalahanin pa tungkol sa pera. Ibibigay ko ang lahat ng kailangan mo. Pero kailangan mong magtrabaho para sa akin – araw at gabi, hanggang sa mabayaran mo ako. At, kailangan mong gawin ang lahat ng anumang iuutos ko sa'yo."
Nakakatakot ang iniaalok niyang tulong. Pero alam kong wala akong pagpipilian? Nasa bingit ng kamatayan si Tita Laila, at kailangan ko ng pera ngayon, hindi bukas o sa susunod pang mga araw kung hindi ngayon mismo.
Hindi ko alam kung paano ko nahanap ang lakas ng loob na sumagot, pero alam kong wala na akong ibang magagawa pa. "Christian," nanginginig ang boses ko, "gagawin ko na. Tinatanggap ko ang tulong mo... kung ito lang ang paraan para mailigtas si Tita Laila."
Mabilis na namutawi ang ngiti sa mga labi ni Christian. “Mabuti,” tugon niya at mas inilapit pa ang kanyang mukha sa akin. “Simula ngayon, akin ka na. Gagawin mo ang lahat ng ipagagawa ko sa iyo, at sisiguraduhin kong hindi mo pagsisisihan ang pagtanggap sa tulong ko. Pero tandaan mo, Zairah, ayaw na ayaw ko nang may kahati sa iyo o sa atensyon mo. Akin ka lang sa buong panahon na nagtatarabaho ka para sa akin!”
Naging mariin ang bawat pahayag niya kaya napalunok ako. Kaya naman tahimik akong tumango. Alam kong hindi magiging Madali ang sitwasyong papasukin ko, pero ang mas mahalaga ay mailigtas ang buhay ni Tita.
Kasabay ng pasya kong iyon, naramdaman ko ang bigat ng responsibilidad at takot sa maaaring kahinatnan ng desisiyon kong i ito. Sigurado akong magagalit si Tristan at mag-aalala si Tita. Pero saka ko na iisipin ang mga ito kapag nandiyan na.
Pasado alas-singko ng umaga nang matapos ang operasyon. Ni hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako at nakasandal pa sa balikat ni Christian. Nakapikit ito at mukhang nakatulog na rin.
Malaya kong natitigan ang napakaguwapo niyang mukha… napakaamo. Mahahaba at makakapal ang mga pilikmata niya at ang ganda ng hulma ng ilong. Katamtaman lang din ang kapal ng mga labi niya parang ang lambot-lambot.
Makinis at maputi ang balat niya, pero mas maputi pa rin ako sa kaniya. Sa totoo lang, tila may humaplos sa puso ko na hindi niya ako iniwan buong magdamag. Sinamahan niya ako kahit na hindi naman kami lubos na magkakilala.
“Am I that handsome that you have to stare at me that long?”
Muntik na akong mapaigtad nang bigla siyang magsalita. Hindi siya agad nagdilat ng mag mata ngunit dumiretso na siya ng upo. Nang dumilat siya ay direkta niyang sinalubong ang mga mata ko.
“Christian…” mahinang usal ko. Ngumiti naman siya at umangat ang isang kamay. Pagkatapos ay hinaplos niya ang pisngi ko. Bumilis ang t***k ng puso ko at dalawang beses akong napalunok.
“Ma’am?”
Naagaw ang pansin ko nang tawagin ako ng nurse. “Hi, tapos na ba?”
Tumango naman siya agad. “Yes, Ma’am. Kakausapin na po kayo ni Dok. Iyan na pala siya,” sagot nito.
“Dok, kumusta po si Tita Laila?” agad kong tanong nang makalapit na si Dok sa amin. Tumayo lang sa likuran ko si Christian at nararamdaman ko pa ang mainit na singaw ng katawan niya sa likod ko.
Sa wakas ay ngumiti na si Dok kaya kahit papaano ay nabawasan ang kaba ko. "Matagumpay ang operasyon, hija. Naalis namin ang apektadong bahagi ng colon niya. Hindi nagkaroon ng perforation o komplikasyon sa bituka, kaya tagumpay niyang nalampasan ang panganib. Maaaring kailangan pa niyang sumailalim sa chemotherapy para masigurong walang kumalat na cancer cells. Pero sa ngayon, nasa ligtas na kondisyon na siya."
Parang bulang nawala ang lahat ng bigat na dala-dala ko nang marinig ko iyon. Halos bumagsak ako sa sobrang tuwa at ginhawa. Mabuti na lang at nakaalalay agad si Christian sa likuran ko. “Salamat po, Dok. Salamat po talaga,” paulit-ulit kong sambit habang pinupunasan ang mga luha ko.
Lumapad naman ang ngiti niya habang tumatango. “You’re welcome. Malakas at matapang ang pasyente, at siyempre dahil na rin sa panalangin kaya naging tagumpay ang lahat. Kailangan niya ng sapat na panahon para maka-recover. Maaring magtagal siya sa ICU nang ilang araw para sa obserbasyon, pero stable na ang lagay niya ngayon.”
Muli ay abot-abot ang pasasalamat ko kay Dok bago ito nagpaalam. Pagkatapos ay humarap ako kay Christian at wala sa sariling nayakap ko siya nang mahigpit. Akala ko ay hindi na ako iiyak, pero naiyak pa rin ako.
Pagkatapos ay napagtanto ko ang nagawa kaya mabilis akong kumalas sa pagkakayakap sa kaniya. “S-Sorry, Christian… masayang-masaya lang talaga ako na ligtas na si Tita.”
Bumuntong-hininga naman siya na tila may hirap na pinagdaraanan. “It’s alright. I’m glad she’s okay now, so please stop crying. Isa sa ayaw ko sa babae ay iyong masyadong iyakin,” sagot niya.
Mabilis ko namang tinuyo ang mga luha ko at ngumiti sa kaniya. “Thank you, Christian, ha? Salamat sa tulong mo sa amin ni Tita. Sobra-sobra ang isang milyon. Kaya iyong kailangan lang naming bayaran ang–”
“It’s yours already, Zairah,” putol niya sa akin. Sa ngayon, hahayaan muna kitang samahan ang tita mo hanggang sa makalabas siya ng ospital. Saka ka na magsimulang magtrabaho sa akin kapag okay na siya,” dagdag pa niya.
Hindi naman ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung paano sasagot. Ang sabi ni Dok ay hindi naman aabot ng half million ang babayaran namin dito sa ospital. Kaya marami pang matitira.
“Salamat… magagamit ko iyong sobrang pera para sa patuloy na gamutan ni Tita at iba pang kailangan niya,” pasasalamat ko na lang. Mukha kasing hindi ko siya puwedeng kontrahin dahil mukhang hindi siya magpapatalo.
“Stop thanking me, Zairah…” bulong niya at muling inilapit ang mukha sa akin. “Bye for now. I will call you!” nakangiting sambit niya saka hinalikan ang gilid ng mga labi ko.
Nanigas ako sa kinatatayuan at tumambol nang tumambol ang dibdib ko. Lumapad pa ang ngiti niya sa nakitang reaksyon ko saka tumalikod at tuluyan nang umalis.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatanga sa kinatatayuan ko. “My first kiss…” usal ko sa sarili.
Hindi naman sa lips mismo iyong kiss kaya hindi iyon counted as first kiss! Sigaw naman ng maliit na bahagi ng utak ko.
Pagkatapos niyon ay umiling ako para gisingin ang sarili dahil para akong nanaginip. Pumunta na ako sa ICU kung saan dinala si Tita Laila.
Bagama’t mahina at may mga makina pang nakakabit kay Tita, maayos na siyang humihinga. Lumapit ako sa tabi ng kama niya, hinawakan ko ang kamay niya at dahan-dahang sumandal sa gilid. Nagpasalamat ako sa Diyos na narito pa si Tita.
Nang sumunod na araw ay dumalaw sina Tristan at ang lola niya. Pansin kong tila masama pa rin ang loob nito sa akin kasi hindi niya ako pinapansin. Ni hindi nga siya tumitingin sa gawi ko. Hindi rin siya tumawag o nag-chat man lang.
“Kumusta na si Laila?” tanong ni Lola Margie. Napatingin ako kay Tristan pero ang atensyon nito ay na kay Tita.
“Sabi po ng doktor ay successful daw po ang operasyon. Kailangan lang po ni Tita na mag-stay ng ilang araw dito sa ICU para mas matutukan ang recovery niya,” magalang ko namang sagot.
Bumuntong-hininga ang lola ni Tristan. “Mabuti naman kung gano’n. Lumabas muna tayo nang makapag-almusal. Sigurado ako, hindi ka pa kumakain, ano?”
Tumango naman ako. “Opo… hindi po kasi ako makaalis agad kasi baka may kailangan pa sila sa akin,” tugon ko.
“Tristan, Samahan mo itong si Zairah para kumain. Ako na muna ang bahalang magbantay dito. Sabi ng nurse kanina ay hindi tayo maaaring magtagal dito, eh,” utos naman ni Lola Margie kay Tristan.
Kita kong bumuntong-hininga si Tristan nang tumingin sa akin. Ang awkward tuloy sa pakiramdam kasi feeling ko masamang-masama pa ang loob niya sa akin.