Chapter 05

3391 Words
Halos isang linggo na ang nakalipas mula nang dumating ako rito sa bahay ni Cavin. Habang tumatagal, nagiging comfortable na rin ako. Though, hindi ko pa rin naman kinakalimutan na laging maingat. Mula noong nabasag ko iyong pinagkainan ko, hindi na ulit ako nagtangkang gumalaw ng kahit anong gamit niya. "Sure ka ba na hindi ka nadidiliman dito?" Nabaling ang tingin ko sa pintuan nang marinig ang boses ni Cavin. Hindi ko napansin na nakarating na pala siya. Masyado akong lutang sa mga iniisip ko, hindi ko na narinig iyong pagbukas niya ng pinto. "Uh, oo." Tumayo ako at sinalubong siya ng ngiti. "Welcome home." Tumango ito at naglakad papunta sa switch ng ilaw para buksan at lumiwanag ang bahay. Even though tinuro niya na sa akin kung saan nakalagay ang switch, hindi ko pa rin iyon sinubukang buksan. Nagkunwari na lang ako na hindi ako mahilig sa maliwanag kapag mag-isa lang sa bahay, mas prefer ko ang madilim. Noong una, mukhang nagtataka pa siya, pero na-convince ko rin naman kaya hinayaan niya na. "Kahit TV, hindi ka nanonood?" Binaba niya ang dalang bag sa sala at saka niya niluwagan ang necktie niya para matanggal. "Hindi, eh. Sabi ko nga, wala naman akong hilig sa mga palabas," Gusto ko siyang alukin ng kape o anumang maiinom at makakain para naman makapagpahinga siya galing sa trabaho pero masyado akong takot para gawin iyon. Kahit pa sinabi niyang mag-i-stick siya sa akin until the end ng contract namin, hindi ko pa rin kayang pumalpak. "How about cellphone? Wala ka ba?" "Mayroon ako." Binunot ko sa bulsa ko iyong keypad na phone at pinakita sa kanya. "Ito, naka-save na rin dito iyong number mo. Baka kasi mawala ko pa iyong papel na galing sa iyo." Mahinang wika ko at napakamot sa ulo. Kumunot ang noo niya. "Iyan lang ang mayroon ka?" "Oo, bakit? Pwede na namang makatawag dito o maka-text dito," "Yeah, I know. But what I mean is, wala ka noong touchscreen na phone?" "Ah!" Dahan-dahan akong napailing. "Wala, eh. Hindi ko pa nasubukan magkaroon dahil may pagkamahal. Mas marami pa namang mahalagang bagay kaysa sa ganoon. Ayos na ako sa ganitong phone." Noong nasa probinsya pa ako, madalas kong makita na may mga ganoong klase ng phone iyong mga kapitbahay namin. Kahit iyong mga kaklase ko noong college. May times noon na humiling ako kay nanay na bilhan ako ng ganoong phone pero nasermonan ako. Wala naman daw akong mapapala sa pagbili ng mamahaling cellphone. Pero noong iyong kapatid ko ang humiling para sa birthday niya, nangutang agad si nanay para maibili ito. Alam kong masamang magselos sa kapatid pero minsan, mahirap talagang pigilan. Kasalanan ko rin naman— pinanganak kasi akong ganito. Laging kamalasan ang nasa side ko. Ngayon-ngayon ko lang naramdaman maging swerte, mula nang kuhanin ako ni Cavin sa agency, kaya malaki ang pasasalamat ko sa kanya. "Hindi mo ba gustong magkaroon?" "Hindi." Bahagya akong tumawa. "Wala talaga akong hilig sa mga gan'yang bagay, iyong paggamit ng mga technology. Okay na ako sa tahimik na pagpapahinga." "Wala kang balak na ipabili sa akin? Iyong magagamit mo panlibang sa sarili mo habang nagpapahinga ka," Saglit akong nag-isip pero walang pumasok sa utak ko. Umiling ako at ngumiti. "Wala naman." "Okay, magluluto na muna ako ng dala kong pagkain. Hintayin mo na lang ako rito," Tumango lang ako at hinayaan na siyang umalis. Maya-maya pa, maingat akong naglakad pasunod sa kanya sa kusina. Pagdating doon, tahimik kong binuksan ko ang pinto. Hindi ko nilakihan ang awang dahil hindi naman ako papasok, pagmamasdan ko lang siya mula rito. Tulad noong mga nakaraang araw, inuna niyang hugasan ang mga pinagkainan ko noong umaga at tanghali. Isang pinggan, isang baso, tig-isang kutsara't tinidor lang iyon. Matapos niyang hugasan iyong mga nasa sink, pumunta siya sa mesa at inangat iyong pantakip sa ulam. Kumunot ang noo niya nang wala siyang makita roon. Nang ibalik niya ang pantakip ng ulam sa mesa, naglakad siya palapit sa pintuan. Mabilis akong tumakbo pabalik sa sala. Naupo ako sa sofa na parang wala lang. Kinuha ko rin ang cellphone ko at nagkunwaring nililibang ang sarili ko. "Arie," Napalunok ako. Inangat ko ang tingin ko sa kanya at nagkunwaring walang alam. "Y-Yes?" Bakit Arie ang tawag niya sa akin? May galit ba siya? Napansin ko lang, iyan na ang tinatawag niya sa akin sa tuwing may gusto siyang linawin. Hindi pa rin natatanggal ang kunot ng noo niya. "Hindi ka ba kumain kanina ng almusal o tanghalian?" Sabi na nga ba, ito ang itatanong niya. "Kumain ako," "Patingin ng kamay," "H-Huh?" Ako naman ngayon ang nangunot ang noo. Lumapit siya sa akin at nilahad ang kamay niya. "Patingin ako ng kamay mo." "B-Bakit?" Nagtatakang tanong ko. "'Wag ng maraming tanong, patingin na lang." Sa sobrang intimidating ng presensya niya, hindi na ako nagdalawang-isip na ibigay ang dalawang kamay ko sa kanya. Nang makita niya ito, tila nakahinga siya nang maluwag dahil sa pagbunga niya ng hininga. "Buti naman." "May problema ba?" Nagtatakang tanong ko. "Bakit mo kailangang tingnan ang kamay ko?" "I was just worried." Binitiwan niya ang kamay ko at saka siya umatras palayo sa akin. "Saan?" Hanggang ngayon, pina-process ko pa rin ang pagkilos niya. "Are you sure you've eaten your lunch?" Tumango ako, may pagkalito pa rin sa mukha. "Oo." "Alright, babalik na ako sa pagluluto. Tatawagin na lang kita kapag tapos na," "W-Wait lang!" Humabol ako sa kanya papunta sa kusina. "Bakit mo tiningnan ang kamay ko?" "Hmm, trip ko lang?" "Trip?" Pinagmasdan ko siyang kuhanin ang sangkalan at saka gamitin iyon para hiwain ang sibuyas. "'Wag mong tipirin iyong mga eating utensils. Gumamit ka ng mga magkaibang gamit para sa breakfast at lunch," Napaiwas ako ng tingin at kumamot sa batok. Natuklasan niya na pala ang ginawa ko. Alanganin akong tumawa. "Okay na iyong isa na lang para hindi ka mahirapan mag-urong." "Hindi mo mae-enjoy ang pagkain," "Nae-enjoy ko pa rin naman," "Bukas pala..." Kumunot ang noo ko. "Anong mayroon bukas?" "Linggo," "Ah, magpa-practice tayo, tama ba?" Ngumiti ako. Bukas na ang araw para maipakita ko sa kanyang may kwenta rin ako. "Yeah, start natin bukas sa pagsisimba sa umaga," Tumango ako. "Okay." Natahimik kaming dalawa. Nanatili akong nakaupo rito sa harap ng mesa at pinagmamasdan siyang magluto. Ngayon ko lang siya nakitang gumawa ng gawaing bahay na ganito kalapit. Ngayon ko lang din napansin na ang gwapo niya pala. Seryoso pero kalmadong mukha kapag may ibang ginagawa, at nakangiti sa tuwing titingin sa akin. "I am done. Let's eat." Humarap siya sa akin, 'tsaka lang naputol ang pagtingin ko sa kanya. Umangat ang dalawang gilid ng labi ko at masiglang tumango. "Tara. Ako naman ang mag-lead ng prayer?" "Oh, what's with that attitude? Energetic ka yata ngayon," Bumungisngis ako. "Secret. Let's pray na." Yumuko ako at pinagsalikop ang dalawang kamay ko. Matapos kong mag-pray, nagsimula na kaming kumain. Siya ang naglagay ng pagkain sa pinggan ko. Mula noong sumabay ako sa kanyang kumain dito sa kusina, kusa niya nang ginawa iyan. Pinigilan ko naman siya at sinabing kaya ko na pero nagpumilit siya. "Related ba sa pagluluto ang trabaho mo?" Mahinang tanong ko habang kumakain. Kapag naman ganitong kumakain na kami, ginagawa ko ang makakaya ko para makapag-open ng topic. Ito ang ambag ko para naman hindi ako masyadong makonsensya. Way na rin ito para mas magkakilala kami. Though minsan, kulang na lang ay buksan ko ang utak ko dahil wala akong maisip na maaaring simula ng conversation namin. "No." Umiling siya. "My job is marketing management." "Wow..." "Why? It's not that amazing," "Ang ganda kaya ng tawag." Ngumiti ako. "'Tsaka feeling ko, pang-matalino ang mga gano'n." "Hindi mo ba iyon alam?" Bahagyang nag-tilt ang ulo niya. "Hindi, eh. Ano ba iyon?" Inosenteng tanong ko. Saglit siyang nakatitig sa akin bago bumulalas ng tawa. Tinakpan niya ang bibig at napailing. "Seryoso? Akala ko ay alam mo dahil nag-wow ka." "Ang ganda kasi ng tawag. Marketing management, ang lakas lang ng dating," "You're really weird," Napanguso ako. Nagsalita naman ang akala mo ay hindi weird. "Pero ano nga iyon? Mahirap ba?" "Hindi naman gaano. More on paggawa lang ng plano or strategy," "So, para nga sa mga matatalino," "Balak mo ba akong samahan?" Mabilis akong umiling. "Hindi. Wala nga akong natapos, eh. Noong second year college ako, huminto ako dahil wala ng perang pampaaral sina nanay." "Mag-isa ka lang ba?" "Saan?" "Wala kang kapatid?" "Mayroon, isa lang," "Pareho kayong hindi nakapagtapos?" Umiling ako. "Ako lang ang hindi nakapagtapos." "Bakit?" "Mas matanda iyong kapatid ko. Nauna siyang mag-aral sa akin kaya may pera pa sina nanay noon. Pagdating lang sa akin, at saka nagkahirapan," "Hindi ka pinag-aral ng kapatid mo?" Malungkot akong ngumiti. "Nag-asawa siya matapos maka-graduate, eh." "Napunta ka sa ganitong trabaho para tulungan ang pamilya mo?" "Oo, nabaon kasi kami sa utang, eh. Tapos si tatay, mahina na ang puso. Hindi na siya pwedeng magtrabaho. Si nanay naman, inaasikaso si tatay. Naglalabada siya pero maliit lang naman ang sahod noon. Iyong kapatid ko, hindi naman maaasahan dahil may sarili ng pamilya. Ako na lang ang natitira na pwede nilang sandigan," "Sa dami ng trabaho, bakit ito pa?" Bakit ito pa? Hindi ba halata iyon? Dahil wala akong kayang ibang gawin... Unti-unting bumagsak ang paningin ko sa pagkain. Sinusubukan kong ibuka ang bibig ko pero para akong nasu-suffocate. Laging ganito ang pakiramdam ko sa tuwing may magtatanong sa akin ng mga bagay na katulad ng tinatanong niya. Kung may choice lang ako, hindi ko naman pipiliing pumasok sa ganito. Sino bang disenteng babae ang gustong magkatrabaho na kailangan mong magpanggap na asawa ng iba? Kung magkaka-asawa lang din ako, gusto ko ng iyong totoo at matatanggap ako. Noong kabataan ko, madalas akong mag-imagine ng mga ganoong scenario. May makakatagpo akong lalaki na handa akong mahalin sa kung ano man ako, kahit na maging pabigat ako sa kanya. Pero kalokohan lang iyon... niloloko ko lang ang sarili ko sa lahat ng ini-imagine ko. Mula nang ma-realize ko na lahat ay gusto akong layuan dahil wala akong magawang maganda, nagising na rin ako sa katotohanang walang tatanggap at magmamahal sa akin. Kaya itong pagpapanggap na asawa ng iba, wala na sa akin. Hindi na mahalaga at nawalan na ako ng paki kahit na ilang lalaki ang makasama ko. "Sorry, let's just forget that." Ngumiti siya at nilagay iyong isang fried chicken niya sa pinggan ko. "Take that as my apology for asking you something personal." "H-Huh? Baliw ka ba? Iyo iyan, eh." Binalik ko sa pinggan niya iyong fried chicken. "Hati na lang tayo. Balat na part iyong favorite mo, 'di ba?" Hiniwalay niya iyong balat ng chicken at isa-isang nilagay sa pinggan ko. Umawang ang labi ko habang nakatingin sa mga balat ng chicken na nasa pinggan ko. Nang tingnan ko siya, nakangiti na niyang kinakain iyong natira sa manok. "Apology accepted na ba? Or kulang pa ng balat ng chicken?" Mahina siyang tumawa. "Hindi mo naman need mag-apology, hindi mo rin need na ibigay sa akin ito," Tig-isang fried chicken lang kami. Iyong akin, nakain ko na. Itong kanya, pilit niya pang ishine-share sa akin. "Pero thank you..." Huminga ako nang malalim at napangiti. "Thank you sa pagtanggap sa akin dito sa bahay mo." Kinuha ko ang ilang balat ng manok at binalik sa pinggan niya. "Ayan, para matikman mo." Noong ibalik ko ang tingin ko sa kanya, nakatingin din siya sa akin. Nakaawang ng kaunti ang labi niya habang titig sa mukha ko. "M-May dumi ba?" Kinapa ko ang mukha ko. Tila nabalik siya sa sarili niya nang mag-iwas siya ng tingin. "W-Wala." "Weird mo, honey." Mahinang wika ko at tumawa. Kumunot ang noo niya. "H-Huh?" Napailing siya at bumuntong-hininga. "Ewan ko sa iyo. Natuto ka nang mang-asar." "Normal lang iyon sa mga mag-asawa, 'di ba?" Ngumisi ako. Ito ang madalas niyang gamitin na linya sa akin. Nakakatuwa palang ibalik sa kanya, mukha siyang batang nahihiya. Hindi ko alam na may mga masungit moments siya, lalo na kapag nahihiya. Madalas kasi ay sweet siya at nag-aalala. After naming kumain, tinulungan ko siyang magligpit, pero hinayaan kong siya na ang magbitbit ng mga pinagkainan sa lababo dahil baka mabitiwan ko pa at mabasag. Hinintay kong mahugasan niya ang mga eating utensils habang nagpupunas ako ng mesa. "Okay na." Pinunas niya ang kamay niya sa shorts niya. Tumayo ako at tumango. Sinundan ko siya papunta sa mga kwarto. Noong nasa tapat na kami ng mga ito, tumigil siya at humarap sa akin. "Bukas na lang. Good night," Malawak akong ngumiti. "Good night din!" "'Tsaka pala..." Hindi natuloy ang pagtalikod ko pero napihit ko na ang doorknob. "Ano iyon?" Nakangiti pa ring tanong ko. "Uh, wala pala." Umiling siya at tumalikod sa akin. Ilang segundo akong nanatiling nakatayo rito kahit na nakapasok na siya sa kwarto niya. Ano iyon? May hindi ba siya masabi sa akin? Napabuntong-hininga ako at pumasok sa kwarto. Paghiga sa kama, niyakap ko nang mahigpit ang unan na katabi ko at pinikit ang mga mata ko. Ilang minuto ang lumipas, ngunit hindi pa rin ako makatulog. Tinitigan ko ang kisameng kaharap hanggang sa maisipan kong ilagay ang kanang kamay ko sa mata ko, pantakip para wala na akong makita. Ngayon lang din bumalik sa isip ko iyong nangyari kanina. Hindi niya pala ako sinagot kung bakit niya gustong tingnan ang kamay ko. Gusto niya bang magkaroon ng trabaho sa Quiapo? Kung ganoon, ako iyong ginawa niyang unang costumer. Ano kayang nahulaan niya nang tingnan niya ang kamay ko? Maya-maya pa, sabay kong sinampal ang magkabilaan kong pisngi. Kung ano-ano kasing iniisip ko, kaya hindi ako makatulog agad. Kailangan kong i-clear ang isip ko at ipikit ang dalawa kong mata. Muli kong sinubukan ang pagtulog pero ayaw talaga. Napabangon ako at pinagsasampal ang sarili ko. "Kainis naman. Kung kailan may lakad, 'tsaka pa ako hindi makatulog." Mangiyak-ngiyak na wika ko. Gusto kong magtimpla ng gatas pero hindi na ako pwedeng lumabas ng kwarto ko. Hindi sa pinagbabawalan ako ni Cavin, pero mas safe kung hindi ako lalabas ng gabi dahil baka kung ano pang magalaw ko. Hindi ko na naman pwedeng katukin si Cavin dahil tiyak na tulog na siya. Isa pa, nakakahiya kung magpapatimpla ako sa kanya. Baka lagyan niya na ako ng label sa noo na "makapal ang mukha". Another thing is, wala rin yatang gatas dito. Madalas ay tsaa ang nakikita ko na iniinom ni Cavin. Iinom na lang akong tubig. Wala naman sigurong masamang mangyayari roon, 'di ba? Hindi katulad ng pagtitimpla ng gatas, madali at mabilis lang kuhanin ang tubig. Lagi ko naman iyong ginagawa kapag kumakain. Nang buksan ko ang pinto ng kwarto, lumilinga muna ako sa paligid. Mukhang mahimbing na ang tulog ni Cavin sa kwarto niya. Tahimik akong naglakad palabas ng kwarto. Noong nasa dulo ako ng hallway, bumungad sa akin ang sala. Natigil ako sa paglakad nang makita si Cavin doon. Nakatayo siya sa mataas na upuan at inaabot ang painting na katabi ng switch ng ilaw. Nang maalis niya iyon, bumaba siya sa upuan at dinala iyong painting sa cabinet na katabi ng TV. Tinago niya iyon sa loob. Nag-unat siya ng katawan. Tinakpan niya ang bibig niya nang humikab siya. Pagharap niya rito sa gawi ko, magtatago pa lang dapat ako pero hindi ko na naituloy dahil bigla siyang bumagsak sa sofa. "Cavin!" Mabilis akong lumapit sa kanya. Nakahawak siya sa sintido nang tumingin sa akin. "Anong ginagawa mo rito? Bakit hindi ka pa natutulog?" Saglit akong nag-iwas ng tingin. "Hindi ako makatulog." "Bumalik ka na sa kwarto mo," "Ayos ka lang ba?" Ngayon ko lang napansin na mukhang pagod siya dahil sa lapit ng tingin ko sa kanya. "Ayos lang ako," Umiling ako. "Hindi naman. May maitutulong ba ako?" Nag-aalalang tanong ko. Bumuntong-hininga siya. "Ayos nga lang ako, 'wag ka nang mag-aalala. Kaya ko ang sarili ko. Matulog ka na lang dahil maaga pa tayo bukas." "Ikaw rin, kailangan mo ng pahinga," "Mamaya-maya," "Bakit mamaya pa?" "May gagawin pa ako," "Pero—" "Just shut up and go to your room." Matalim niya akong tiningnan. Bahagya akong napaatras. Yinuko ko ang ulo ko at tumango. "Okay, sorry." Pigil-pigil ko ang pagtulo ng luha ko habang papunta sa kwarto. Kainis naman itong matang ito! Bakit ako iiyak? Hindi niya naman ako sinaktan? Siya nga iyong mukhang may problema at pagod. Siya iyong dapat na umiyak at hindi ako. Marahas kong pinunasan ang mga gilid ng mata ko at huminga nang malalim. Kinabukasan, nang magising ako, ilang minuto akong lutang na nakatulala bago maisipang bumangon. Magsisimba nga pala kami ngayon. Kailangan kong maligo at magbihis na. Nang buksan ko ang pinto para lumabas, nanlaki ang mata ko sa pagbungad sa akin si Cavin na tila kakatok pa lang. Tulad ko, nakabihis na rin siya. Naka-slacks na pants siya at naka-tuck in na white t-shirt. Ilang segundo kaming magkatitigan bago siya ngumiti. "Good morning... uh, honey." Tumikhim ito at tinuro ang palabas ng hallway. "Breakfast tayo?" Casual akong tumango. "Y-Yeah. Good morning din, honey." Sumunod ako sa kanya. Sa sala pa lang, nahinto na kami. Naroon sa center table ang mga pagkain na niluto niya. Mula rito, amoy na amoy ko ang masarap at matamis na pancake. May tasa rin na may lamang parang chocolate drink dahil sa kulay. Kahit na masarap ang pancake, hindi ako makakain nang maayos dahil sa awkwardness sa pagitan namin. Gusto ko mang i-ignore pero sadyang nangingibabaw. Nang igala ko ang paningin ko, napansin kong wala na talaga iyong painting na nakatabi sa switch ng ilaw. "Bakit mo pala tinanggal iyong painting na narito?" Mahinang tanong ko at tinuro iyong pinagtanggalan niya kagabi. "Para mabuksan mo ang ilaw," maikling sagot niya. Hindi ako nakasagot— natahimik ako at napako ang tingin ko sa sahig. Ginawa niya iyon para sa akin? Napansin niya na bang kaya hindi ko binubuksan ang ilaw ay dahil takot akong masagi iyon? Hindi niya naman kailangang baguhin iyong mga ganoong bagay para lang sa akin... Tapos kagabi, parang ako pa iyong nasaktan. Eh, siya iyong dapat na makaramdam noon. Ginagawa niya ang lahat para lang maging asawa niya. Iniisip niya bang aalis ako kapag hindi niya iyon ginawa? Alam niya bang iyong pagbabayad niya pa lang, enough na para mag-stay ako rito kahit na itrato niya ako nang masama? Naiinis ako sa kanya, masyado siyang mabait para sa katulad kong walang kwenta... Huminga ako nang malalim. Dapat akong humingi ng pasensya sa kanya. Binaling ko ang tingin ko sa kanya at lakas-loob na ibinuka ang bibig ko para magsalita. "Sorry!" Sabay naming bigkas. Hindi ko naisara ang bibig ko dahil sa gulat, naiwan itong nakaawang. Maging siya ay ganoon din. Nanatili ang titigan namin sa isa't isa hanggang sa sabay kaming matawa. "Sabay pa talaga tayo," natatawang banggit ko. "Oo nga, eh. Parehas na yata tayo ng utak," nakangiting pagsang-ayon niya. "Hindi, ah!" Nakangusong pag-iling ko. "Mas matalino ka kaya sa akin." Humalakhak siya. "Ayos lang ba ang pagkakaluto ko ng pancake?" Grabe, hindi niya man lang ako binola na matalino rin ako. Nakaka-sad, ah. Tumango ako. "Ayos na ayos." Nang makatapos kaming kumain, hinugasan niya muna ang mga pinagkainan namin bago niya ako ayain na lumabas para makaalis na kami. Alas nuebe ang simula ng simba, sa ngayon ay 8:30 am pa lang. Hindi naman ganoon kalayo ang simbahan dito sa bahay— iyon ang sabi niya sa akin. "Ilalabas ko lang ang kotse sa garahe, hintayin mo ako sa labas ng gate," Tumango ako at ngumiti. "Okay." Nang palabas na ako, naabutan ko ang isang matandang lalaki na nagwawalis sa tapat ng bahay ni Cavin. Kumunot ang noo nito nang makita akong lumabas ng gate. "Honey," Napalingon ako sa likuran ko nang marinig si Cavin. Nailabas niya na pala ang kotse. Naglakad ako palapit sa kanya at ngumiti. "Kamusta na, Cavin?" Umawang ang labi ko habang nakatingin doon sa matanda. Lumapit din siya sa amin. "Ka Manuel!" Masayang banggit ni Cavin. Lumapit ito sa matanda at nagmano. "Ayos lang naman po. Kayo po ba?" "Buhay pa naman." Sabay silang natawa. Nakingiti na lang ako para naman hindi ako magmukhang panira ng mood. Nang mahinto na sila, tumingin sa akin 'yong lalaki, may ngiti pa rin sa labi niya. "Sino pala itong kasama mo?" Nabaling ang mga mata ni Cavin sa akin kasabay ng pagngiti niya. "This is Arie, my wife." He looked so proud...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD