"Hindi mo naman kailangang matuto. Sinabi ko na noong una pa lang, 'di ba? Hindi ka naman required na gumalaw rito sa bahay,"
"Pero..." Kinuyom ko ang kamao ko. "Gusto kong may matulog sa iyo kahit na ayon lang."
Huminga siya nang malalim. "Pag-usapan natin mamaya, aalis na muna ako."
"O-Okay." Wala na akong ibang nagawa kung 'di sundan siya ng tingin habang umaalis.
He already left. Ako na naman ang natira rito sa bahay niya, hindi sa nagrereklamo ako pero nito ko lang napansin na nakakabagot at nakakalungkot din pala.
Hindi tulad dati sa probinsya na lagi kong kasama sina nanay at tatay sa bahay. Kahit na masakit sa tainga iyong mga sermon nila, nami-miss ko na rin.
Pero kung papipiliin ako, hindi ko muna gustong umuwi roon. Mas gusto kong mag-stay rito, kay Cavin. Hindi ako titigil hangga't hindi ako natutong pagsilbihan siya.
Hindi ako nag-almusal dahil wala akong gana. Nang maubos ko iyong gatas, umalis na agad ako sa kusina at bumalik sa kwarto ko. Sinubukan kong matulog muli pero hindi na bumalik ang antok sa katawan ko.
Bumangon ako at kinuha iyong cellphone na binigay sa akin ni Cavin. Noong isang araw, tinuruan niya akong gumamit nito. May pagka-fast learner naman ako, lalo na sa mga bagay na gusto at interesado ako, kaya hindi na ako nahirapang matutuhan iyong mga dapat at 'di dapat gawin.
Ang pinaka nagustuhan kong feature nito ay iyong camera. Mahilig kasi ako sa mga pictures, lalo na sa selfie. Noong keypad lang ang cellphone ko, binabaligtad ko pa iyon para makuhanan ng litrato ang sarili ko, may camera kasi iyon sa likod.
Ngayon, itong bagong cellphone, nakakatuwa dahil ang linaw ng camera sa harap. Wala pa ngang isang linggo pero puno na agad ang gallery ko ng mga mukha ko.
Dahil wala namang ginagawa, naisipan kong lumabas muna ng bahay ni Cavin, pero sa bakuran lang naman. May garden si Cavin, maganda iyon. Maraming mga bulaklak at mga berdeng d**o.
Magpi-picture ako roon at ipagyayabang ko sa mga kapitbahay namin kapag nakabalik na ako sa probinsya. Pero... hindi kaya bawiin ni Cavin itong cellphone kapag umalis na ako rito?
Well, 'tsaka ko na iyan iisipin kapag malapit na rito akong palayasin.
So far, pangalawang linggo ko pa lang naman. Isang taon ako rito. Marami pa akong araw na gugugulin... ibig sabihin, maraming sorry pa ang aking masasabi.
Sana lang at mapagpasensyahan niya ako. Alam ko namang hindi niya na ako balak palitan hangga't hindi natatapos ang contract namin pero baka masira ang mental health niya dahil sa akin— hindi lang mental health kung hindi body health dahil sa pagod sa pag-aaruga sa akin. Kailangan kong kumilos, matutong gumawa ng mga gawain ng isang house wife.
Aaah! Bakit ba kasi pinanganak akong jinx? Kung hindi lang sana akong pinanganak na malas, baka ang dami ko nang na-achieve ngayon, at hindi ko na kailangang maabala iyong iba.
"Good morning, hija..."
Umangat ang tingin ko nang may marinig na tumawag sa akin. Umawang ang labi ko habang nakatingin sa kabilang side ng bakod. Ito iyong matandang nakausap namin noong linggo, iyong kaibigan ng tatay ni Cavin, si Ka Manuel.
"G-Good morning po!" Mabilis kong tinago ang cellphone na dala at ngumiti.
Ngumiti rin ito, nakalagay ang dalawang kamay niya sa kanyang likuran. "Si Cavin?"
"Wala po, eh. Kanina pa po umalis para sa trabaho,"
Napatango siya. "Ikaw? Ano ang ginagawa mo ngayon?"
"Uh, ano po..." Napatingin ako sa lupa at tinuro iyong mga nakatanim na bulaklak. "Tinitingnan lang po itong mga bulaklak."
"Ngayon mo lang ba nakita ang mga iyan?"
Tumango ako. "Opo, eh. Nakita ko po ito noong isang linggong pagdating ko rito, pero hindi ko masyadong nabigyan pansin."
"Matagal na iyan dito," aniya, parang may pagdududa.
Napakagat ako sa labi ko at bahagyang nanlaki ang mga mata habang nakatingin sa lupa. Ngayon ko lang naalala na nagpapanggap nga pala kaming kasal noong nakaraang taon pa. Napalunok ako at alanganing ngumiti.
"Ah, gano'n po ba? Nito-nito lang po kasi ako nakapunta rito,"
"Noong isang taon kayo ikinasal, hindi ba?"
"Yes po,"
"Nasaan kayo noon?"
"Nasa condo unit po ako ni Cavin. Doon po kami tumira panandalian dahil malapit po roon ang work ko rati," dire-diretsong wika ko, pigil na pigil na mautal.
Iyan ang sinabi ni Cavin na idadahilan ko sa tuwing may magtatanong kung bakit ngayon lang nila ako napansin sa bahay na ito kahit na noong nakaraang taon pa kami kinasal. Mabuti na lang at nagawan niya agad ito ng kwento, kung hindi lagot ako. Ang awkward ko pa naman sa paggawa ng mga palusot, minsan ay hindi nagtutugma.
Ngayon, ang kailangan na lang ay maniwala siya. Kapag hindi ko siya nakumbinsi, wala akong magagawa kung hindi ang umiyak at ipilit na mag-asawa talaga kami.
"Oh..." Napatingin ako kay Ka Manuel nang magsalita siya, tumango ito. "Kaya pala wala siya madalas diyan noong isang taon. Paminsan-minsan lang umuwi at aalis din agad."
Tila nakahinga na ako nang maluwag matapos niya iyong sabihin. Ngumiti ako. "Opo, iyon po ang dahilan."
Ang galing naman ni Cavin. Hindi ko alam na tutugma ang sinabi niya sa nangyari sa kanya noong isang taon.
"Ayos naman ba kayo bilang mag-asawa?" Nakangiting tanong niya, mukhang interesado.
Kasabay ng pagtango ko ang pagguhit ng ngiti sa labi ko. "Yes po. Mabait at maintindihin po si Cavin kaya kapag may problema kami, naaayos naman po namin agad."
"Oo, talagang mabait ang batang iyon. Hindi nakakapagtaka na maayos at maganda ang relasyon niyo,"
Napabungisngis ako. "Opo."
"Oo nga pala, nasabi mo kaninang doon ka sa condo niya nakatira noong isang taon dahil sa trabaho mo, 'di ba? Ngayon ba, hindi ka na pumapasok?"
"Hindi na po. Pinag-stay na lang po ako rito ni Cavin sa bahay niya,"
"Nabuntis ka na ba niya?" Blunt na tanong nito na ikinapula ng mukha ko.
Mabilis akong umiling. "H-Hindi po!" Todo tanggi ang ginawa ko, to the point na nagsimula na siyang matawa.
"Wala pa ba kayong balak na mag-anak?"
"Wala po. Marami pa rin po kaming kailangang asikasuhin," paliwanag ko.
"Sabagay. Marami pa namang oras, hindi niyo kailangang magmadali. I-enjoy niyo muna iyong isa't isa,"
Lumawak ang ngiti ko. "Salamat po."
Ang bigat pala sa dibdib...
Kahit na ginagawa ko ito para sa trabaho, hindi ko maiwasan ma-guilty. Ang genuine ng bawat salita ni Ka Manuel, tapos ito ako, sumasagot ng kasinungalingan.
"Oh, sige. Papasok na muna ako sa bahay. Tapos na ang gawain ko rito. Kapag may kailangan ka o gusto mong malibang, pwede kang bumisita rito sa bahay. Wala rin naman akong kasama rito kung hindi iyong isa kong apo na puro video games naman ang inaatupag,"
Tumango ako, may ngiti sa labi. "Sige po."
After noon, dumiretso na ito sa bahay niya hanggang sa mawala na sa paningin ko. Napabuga ako ng hininga, para akong nabunutan ng tinik noong makaalis siya. Ang hirap magsinungaling, hindi ko kayang tumagal sa ganoong klaseng usapan. Baka maamin ko lang ang totoo.
Maya-maya pa, pumasok na rin ako sa bahay. Hindi na ako nag-picture pa dahil baka maging suspicious na ako sa paningin ni Ka Manuel. Hindi ko na rin balak sabihin kay Cavin ang nangyari— tiyak na mai-stress lang iyon. Binalaan niya naman kasi na ako, 'wag akong lalabas ng bahay kapag wala siya, pero ginawa ko pa rin. Akala ko ay ayos lang dahil sa bakuran lang naman. Hindi ko inasahang kahit sa bakuran ay masusubok ako.
Pagdating ng lunch, kinain ko na iyong almusal na hindi ko nakain kanina. Kahit na malamig na, masarap pa rin iyong ulam. Iba talaga kapag may brand ang niluto.
Noong naghuhugas ako ng pinagkainan ko, nadulas ang pagkakahawak ko sa pinggan dahilan para bumagsak at mabasag ito. Malalim ang pagbuntong-hininga ko. Bagsak ang balikat ko habang tinitingnan ang mga parte ng pinggan na hiwa-hiwalay na.
Hindi ko na makuhang mataranta. Pagka-disappoint na lang ang nabibigay ko sa sarili ko. Kahit na anong gawin ko, paulit-ulit pa rin iyong kamalasan ko.
Maraming beses akong napabuntong-hininga habang isa-isang pinupulot ang mga bubog. Noong masundot ang daliri ko, napasinghap ako dahil sa hapdi. Nagsimulang magdugo ang palasingsingang daliri ko pero natigil din noong sipsipin ko ang dugo.
Nang maitapon ko ang nabasag na pinggan, bumalik ako sa kwarto para i-charge ang cellphone at matulog.
Tama ba talaga 'tong ginagawa ko?
Wala akong nagagawang maganda. Mula nang dumating ako rito, puro abala ang dulot ko kay Cavin. At this point, sasahod ako na wala man lang dulot.
Paggising ko ng alas kwatro, hindi agad ako nakabangon. Tulala lang akong nakatingin sa kawalan at kung saan-saan hinahayaang gumala ang isip ko.
Tatlong oras ko pa siyang hihintayin. Doon ko pa lang malalaman kung willing ba siyang turuan ako. Kung tuturuan niya man ako, magiging masaya iyon. Tiyak na may matututuhan ako kay Cavin.
Pero teka...
Kung tuturuan niya ako, wala naman siyang ibang oras kung hindi ang gabi o Linggo. Kapag Linggo, hindi na agad pwede dahil day iyon ng practice namin. Ang choice niya lang ay gabi.
Kapag gabi... pagod na siya dahil sa work.
Napatayo ako sa kama at magkabilaang sinampal ang sarili ko.
Oo nga, bakit ba hindi ko iyon naisip? Nagpa-please-please pa ako kanina sa kanya, hindi ko man lang inisip iyong pwede niyang maramdaman.
Kulang na lang ay iuntog ko ang sarili ko sa pader dulot ng frustration. Gusto kong mapahinga si Cavin pero ako itong gumagawa ng bagong paraan para mawalan siya ng oras na makapagpahinga.
Napabuntong-hininga ako.
Kailangan kong bawiin iyon... pero sa kanya lang ako pwedeng umasa. Sinubukan ko namang manood sa internet pero sadyang nalilito ako kapag hindi personal ang pagtuturo. Gusto ko ay iyong nakikita ko mismo sa harap ko.
Kung may gano'n lang sana...
Ang tanging kilala ko lang naman na malapit sa akin ay si Cavin. Wala na akong ibang kalapit— teka... si Ka Manuel kaya? Kanina, ang sabi niya, kapag may kailangan ako, magpunta lang ako sa bahay niya, 'di ba?
Napangiti ako at agad na lumabas ng kwarto. Nagmamadali akong makalabas ng bahay, sa pagmamadali ay nadapa pa ako nang malapit na sa gate. Mabuti na lang at walang taong dumadaan.
Itong malaking bahay ang tinitirhan ni Ka Manuel. Kinakabahan ako, hindi ako madalas magpunta sa bahay ng iba. Noong nasa probinsya ako, lagi lang din akong naka-stay sa bahay. I mean, talamak sa amin na may dala akong bad luck, kahit pa na gustuhin kong magpunta sa ibang bahay, wala ring magpapapasok sa akin.
Pinindot ko iyong doorbell sa gilid ng gate at hinintay na may magbukas. Ilang beses ko iyong ginawa hanggang sa natanaw ko na lumabas na si Ka Manuel ng bahay.
Huminga ako nang malalim para ihanda ang sarili ko. Dinisplay ko na rin ang ngiti ko sa labi.
Nang bumukas ang gate, bumungad sa akin ang matanda na nakangiti.
"Ano iyon, hija? Gusto mo bang makipagkwentuhan?"
Hindi ko pa gaano katagal nakakausap si Ka Manuel pero ramdam ko ang kabutihan niya tulad ng kwento ni Cavin sa akin. No wonder, itong lalaking ito ang tumulong sa kanila noong walang-wala sila ng tatay niya.
"Gusto ko po sanang abalahin kayo kung ayos lang po..." Alanganin akong humalakhak habang kumakamot sa batok.
Nakakahiya itong ginagawa ko. Sa susunod, hindi ko na ito uulitin.
Natawa rin siya nang bahagya. "Ayos lang naman, nabuburyo rin ako rito dahil walang ginagawa."
Tila may sumibol na pag-asa sa puso ko— ito na ang pagkakataon. Siguro naman ay hindi ako papangit sa paningin ni Ka Manuel kapag nalaman niyang hindi ko kayang ipagtimpla ng kape ang asawa ko, 'di ba?
"Kung gano'n po, pwede niyo po ba akong turuan kung paano magagawan ng masarap na kape si Cavin?" Seryosong tanong ko.
Kumunot ang noo niya. "Kape?" Nagtatakang banggit nito.
"Opo." Yumuko ako at humugot nang hininga. "Pakiusap po."
"T-Teka, itaas mo ang ulo mo, hija..."
"Tuturuan niyo po ba ako?"
"Oo, basta itaas mo na ang ulo mo,"
Napangiti ako nang malaki at tumingin sa kanya. "Salamat po!" Masiglang wika ko. Kulang na lang ay mapatalon para ipakita ang saya ko.
"Pumasok nga muna tayo rito sa bahay..." Nilakihan niya ang pagkakabukas ng gate. Sumuot ako roon para makapasok sa loob.
Nang maisara niya ang gate, sinundan ko siya sa loob ng bahay. Nasalubong pa namin iyong apo niyang ikinukwento kanina. Tutok na tutok nga ito sa computer, naririnig ko pang may mga ibinubulong sa headphone niya.
"Ano nga palang mayroon sa kape?" Nagtatakang tanong niya nang makarating kami sa kusina. Nag-usad siya ng upuan at tinuro sa akin iyon. Lumapit ako roon at naupo.
"Ibibigay ko po sana kay Cavin sa tuwing nagpapahinga siya galing sa trabaho,"
"Kape ang ibibigay mo?" Kumunot ang noo niya.
Tumango ako bilang pagsang-ayon. "Opo."
Napahawak ito sa baba niya. "Ang alam ko, hindi umiinom ng kape si Cavin."
"Umiinom po siya. Nakikita ko po minsan,"
"Oo, pero ginagawa niya lang iyon kapag magpupuyat siya. Kapag pahinga, tsaa ang madalas na inumin noon. Iyon din ang lagi niyang hinihiling sa akin kapag nakikituloy siya sa akin dati,"
Napalunok ako. "G-Ganoon po ba?"
"Hindi niya ba nasabi sa iyo? O hindi mo man lang napansin?
Biglang kumabog ang dibdib ko. Nagsisimula na ring magpawis ang katawan ko dahil sa nerbyos.
Patay ako. Sabi na nga ba, dapat ay sumunod ako sa utos ni Cavin na huwag lumabas ng bahay kapag wala siya. Muntik na ako kanina, pero ngayon mukhang lagot na talaga.
"H-Hindi ko po napansin, eh. Though, nakikita ko po siyang umiinom ng tsaa, ang kaso po ay hindi ako pamilyar sa kung paano ginagawa ang tsaa,"
Wala namang umiinom ng tsaa sa probinsya. Lahat ay kape. Kahit katanghaliang tapat, kape pa rin.
"Hindi mo ba sinubukang tingnan sa internet? May selpon ka naman, 'di ba?" Halata na ang pagdududa niya sa akin. Maling desisyon pa ang pagpunta ko rito.
"Uh, opo, pero..."
Naisipan ko namang i-search, kaso ay ang daming lumalabas. Pwedeng iba't ibang ingredient ang gamitin— masyadong komplikado. Hindi ko alam kung ano roon ang magugustuhan ni Cavin.
"Hindi bale, ano ang gusto mong ituro ko? Kape o tsaa?"
Gulat akong tumingin sa kanya pero seryoso lang siyang nakatitig sa akin kaya umayos na ako. "Pwede po bang pareho?" Nahihiyang tanong ko.
"Oh, sige. Ituturo ko sa iyo kung paano tamang gawin ang pareho,"
Nagsimula siyang magpaliwanag. Inuna niya ang pagtitimpla ng kape. Tinuro niya sa akin kung ilang kutsara ang dapat na ilagay at kung gaano kataas ang tubig na isasalin sa tasa. Matapos iyon, tinuro niya ang tamang paghalo. Ngayon ko lang naman na nakakaapekto rin iyong paghalo sa magiging lasa ng kape.
"Kaya mo na bang gawin ang ginawa ko?"
"Susubukan ko po,"
Nagbigay siya ng tasa sa akin. Huminga ako nang malalim bago mag-umpisa. Kahit na nag-iingat, hindi ko pa rin kinayang iwasan ang kamalasan. Hindi ko sinasadyang nabasag ang tasa habang ginagawa ang kape.
"S-Sorry po! Papalitan ko lang po itong tasa!" Yumuko ako at akmang pupulutin iyon pero pinigilan niya ako. Siya ang naglinis ng nabasag ko.
Hindi ako tumigil sa pagso-sorry, paulit-ulit niya namang sinasabi na ayos lang. Pinagpatuloy niya ako sa paggawa, ngunit nabasag ko na naman ang tasa.
"S-Sorry po talaga!" Yumuko ako. "P-Pwede po bang ituloy na lang natin ito sa isang buwan?"
"Isang buwan?"
"Magkakapera po ako sa isang buwan. Bibili po muna ako ng mga sarili kong gamit para hindi po ako makaabala sa inyo. Papalitan ko rin po iyong mga nabasag ko. Sorry po talaga,"
I couldn't do anything good. Lahat na lang ay nasisira ko, kaya ako nilalayuan ng lahat.
"Bakit mo iyon gagawin? Bakit hindi ka na lang tumigil kung ganitong magaslaw ka?"
"Gabi na po umuuwi si Cavin dahil sa work niya. Pagdating niya po sa bahay, pagod na siya. Hindi niya na halos magawan ang sarili niya ng maiinom. Bilang asawa niya, ako ang dapat na magbigay sa kanya noon habang nagpapahinga siya." Humugot ako ng hininga. "Noong mga nakaraan po, ginagawan ko siya ng kape. Ang kaso, nalaman kong masyadong mapait ang gawa ko. Imbis na makapagpahinga, nasisira ko lang ang araw niya." Napakamot ako sa ulo at malungkot na ngumiti. "Binalak ko pong magpaturo sa kanya, kaso madadagdagan ko lang ang pagod niya... at bilang asawa niya, ayoko siyang nakikitang napapagod. Although parte po iyon ng buhay, nalulungkot ako kapag nakikita siyang matamlay. Kaya po, gusto kong makagawa ng bagay para sa kanya na makakapag-alis man lang ng pagod niya kahit na sandali."
Kung kanina ay nagi-guilty ako sa sinabi ko, ngayon ay hindi na. Genuine ang bawat salita ko, galing ang mga ito sa puso ko. Ito iyong totoo kong nararamdaman. Kahit na peke lang ang relasyon namin, napalapit na rin ako sa kanya— para ko na siyang kapatid.
Nang tingnan ko si Ka Manuel, nakaawang na ang labi niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya, gulat ba siya sa sinabi ko? Gulat dahil?
"Alam mo ba..." Ngumiti ito.
"P-Po?" Gulat na tanong ko.
Magkukwento ba siya?
"Noong wala madalas si Cavin sa bahay niya, may babaeng dumadalaw lagi diyan,"
"Babae?" Nagkaroon ng pagkunot ang noo ko.
Tumango ito. "Oo, halos araw-araw iyon, pero dumating din iyong oras na tumigil na sa pagpunta diyan. Noong una, akala ko ay iyon ang asawang tinutukoy ng tatay ni Cavin."
May babae si Cavin? Akala ko ay ayaw niya sa babae?
"Nakausap ko iyon, isang beses. Sa totoo lang, hindi ko siya nagustuhan. Oo, maganda at mukhang maayos naman siyang babae, ngunit hindi ko gusto ang paraan ng pag-iisip niya,"
Hindi ako makasagot. Sinusubukan kong mag-isip ng sasabihin pero parang na-mental block yata ako. Walang pumasok na kahit ano sa utak ko. Nakatitig lang ako sa kanya, hinihintay kung may sasabihin pa ba siya.
"Kaya takang-taka ako noong nakitang may ibang babae ang lumabas sa bahay ni Cavin noong Linggo. Lalo na nang ipakilala ka pa niya sa akin bilang asawa niya. Iniisip ko noon, anong klase ka kayang babae? Sana naman ay ikaw iyong may paki sa nararamdaman ni Cavin. Hindi kasi maayos ang naging buhay ng batang iyon. Sa murang edad, ang dami noong pinagdaanan. Kahit na hindi ko iyon tunay na anak, tinuring ko na rin iyong parang akin. Kaya ang hiling ko roon ay makahanap siya ng babaeng magmamahal sa kanya, pero hindi ko naman inaasahang mag-aasawa siya. Allergic iyon sa mga babae." Natawa ito sa bandang huli.
"Nakwento nga rin po sa akin ni Cavin iyong mga napagdaanan niya. Hindi ko man po mismo naranasan, pero ramdam ko po iyong bigat ng mga iyon,"
Mas lumawak ang ngiti niya. "Mukhang komportable sa iyo si Cavin. Hindi iyon nagkukwento ng buhay niya, pwera na lang kung pinagkakatiwalaan ka niya."
Umawang ang labi ko.
Ang akala ko, ayos lang kay Cavin ang nagkukwento? Pero sabagay, hindi naman mahalaga iyon. Kahit naman na nagkukwento siya o hindi, kailangan niya pa ring sabihin sa akin dahil ang goal namin ay magmukhang real couple.
Hay, bakit ba ang bilis ko makalimot? Nakaangla lang naman sa trabaho ang lahat ng ito.
"Gusto mo bang ipagpatuloy na natin ang paggawa ng kape at tsaa?"
"Hindi na po!" Umiling ako. "Tama na po iyong mga nabasag ko, natatakot po akong masundan pa. Sa susunod na buwan na—"
"Ayos lang iyon,"
"Pero po..." Napabuntong-hininga ako. "Hindi ko na po kayang makaabala pa sa inyo."
"Kung ganoon, magkaroon na lang tayo ng kasunduan. Papalitan mo ang lahat ng mababasag mong tasa sa isang buwan,"
Wala pang isang segundo ay nakatango na ako. "Sige po."
Bahagya itong natawa. "Ayan, hindi dapat sumusuko."
Nagsimula ulit siyang magturo sa akin. Pinaliwanag niya kung paano ang tamang paggawa at sinusundan ko naman siya. Magaling siyang magturo kaya hindi ako nahirapan. Sa kabuuan, tatlong tasa pa ang nabasag ko. Lima bale ang kailangan kong maibigay sa kanya sa isang buwan.
"Hmmm..." Tinitikman na nito ang ginawa kong tsaa.
Hindi ko alam na madali lang palang gawin iyon. May tinatawag na tea bag, nabibili raw ang ganoon. Ang sabi ni Ka Manuel sa akin, tiyak na mayroon noon si Cavin. Hanapin ko lang daw sa mga drawer sa kusina. Pwede akong gumagamit ng ganoon para makagawa ng tsaa.
"Tamang-tama lang ang lasa. Ang galing mo. Nakuha mo agad,"
Napangiti ako. "Nako, madali lang naman po."
"Nakakatuwa nga at mabilis kang matuto,"
"Magaling po kasi kayong magturo," nakatawang wika ko.
Tinulungan ko siyang magligpit ng mga kalat namin pagtapos. Hindi ko napansin na lagpas ala syete na pala ang oras, masyado akong napatagal. Baka nasa bahay na si Cavin.
"Uuna na po pala ako,"
"Oh, sige. Ihahatid na kita sa may gate namin,"
Lumabas kami sa bahay niya. Noong makarating na kami sa gate, bago niya ito buksan ay binanggit niya ang pangalan ko.
"Ano po iyon?" Magalang na tanong ko.
"Pasensya na kung napagdudahan kita kanina,"
Tama nga ako, nagduda siya...
"Ayos lang po iyon,"
"Pero naiintindihan ko na ngayon. Alam ko na kung bakit ikaw ang piniling pakasalan ni Cavin," nakangiting aniya.
Piniling pakasalan, huh?
Napupuno na naman ako ng guilt...
"Oh, sige na. Baka nandiyan na ang asawa mo,"
Ngumiti ako pabalik. "Salamat po ulit sa pagturo, at pasensya na rin po sa lahat ng abala."
Noong makalabas ako sa gate nina Ka Manuel, dumiretso na ako sa bahay namin. Nang makapasok ako sa loob ng bakuran, nagmadali na akong maglakad papunta sa pinto.
Sana ay wala pa si Cavin. Kahit ngayon lang, sanay ay na-late siya ng uwi.
Noong dapat ay pipihitin ko na ang doorknob, biglang bumukas ang pinto. Halos mapatalon ako sa gulat. Bumungad sa akin si Cavin, pawis na pawis.
Nang magtagpo ang mata namin, lumambot ang ekspresyon sa mukha niya, para siyang nabunutan ng tinik.
"Arie!"