Episode 8

1307 Words
"Kung ganun po pala ay aalis na po kayo, Manang?" malungkot kong tanong nang sabihin sa akin ni Manang na kailangan niya ng umalis at tumigil sa trabaho dahil nahihirapan na siyang kumilos dala na rin ng kanyang katandaan. "Ana Joy, gustuhin ko mang samahan ka rito ay nakikita mo naman siguro na hirap na akong kumilos sa lahat ng bagay." Malumanay na naman niyang lahad sa akin. Halos mag-isang buwan na rin akong naririto sa mansyon. Naituro na rin sa akin ni Manang ang mga dapat gawin. Sanay naman ako sa gawaing bahay kaya naman mabilis ko rin na natutunan. Si Doña Dorina naman ay pirmis lamang kung nasaan kaya naman wala akong problema. Hindi ko dapat makakalimutan ang kanyang mga gamot at ipainom sa tamang oras. Mahirap na at baka anong gawin sa akin ni Sir Damian sa oras na malaman niya na pinabayaan ko ang kanyang Mama. Napansin ko rin na madalang lang umuwi si Sir Damian dito sa bahay. Ewan ko ba kung nagpupunta siya rito o hindi ko lamang napapansin dahil nga sa laki ng mansyon na ito at apat lamang kaming nakatira at ngayon pa nga ay mababawasan pa ng isa dahil aalis na si Manang. "Mag-ingat po kayo Manang. Kahit po sandali lang tayong magkasama ay tinuring ko na po kayo na parang sarili kong Lola." Niyakap ko pa si Manang. "Batang 'to, kung makapag-drama naman ay akala mo ba ay sumakabilang-buhay na ako." Natatawa pang sabi ni Manang habang gumanti ng yakap sa akin. "Bueno iha, alagaan mong mabuti si Doña Dorina at paglingkuran mo ng mabuti ang mag-inang amo natin. Mabait si Damian, hindi lang halata." Nakangiting wika ni Manang. Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa sinabi ni Manang. "Si Sir Damian mabait? Parati ngang salubong ang kilay at laging naka singhal sa akin?" bulong ko sa aking sarili. Si Manang naman, nagbibiro na lang ay iyong sablay pa at mahirap paniwalaan. Maya-maya nga ay tuluyan ng nagpaalam na uuwi na sa kanilang lugar ni Manang Edna. Naiwan na akong mag-isa kasama ang Doña Dorina. "Sumunod ka sa library." Utos sa akin ni Sir Damian ng pagbuksan ko siya ng pintuan. Akala ko kung sinong nag doorbell sa ganitong dis-oras ng gabi. 'Yung totoo? Wala ba siyang hawak na duplicate ng susi nitong mansyon niya? Mabuti na lamang pala at bumaba muna ko para uminom ng tubig dahil kung hindi ay aabutin siya ng hanggang umaga bago ko mapag buksan ng pinto. "O-opo, Sir." Nauutal ko pang sagot at halos patakbo akong sumunod dahil sa malalaki niyang hakbang papuntang library. "Ano naman kayang kailangan ni Sir? At saka sa ganitong dis-oras ng gabi?" Tumingin pa ako sa malaking wall clock na nakadikit sa pader ng bahay habang nag-iisip kung bakit niya inutos na sundan ko siya sa library. Pasado alas-dies na kasi ng gabi. Binuksan ko ang pinto at nakita ko siyang nakatayo sa isang sulok kung saan nakasalansan ng maayos ang mga iba't-ibang bote ng alak. Ngayon ko lang napansin na may mini bar pala itong library niya. Sabagay, pangalawang beses ko pa lang naman nakapasok rito. May baso na siyang hawak at sinasalinan ng isa sa mga alak na naka display. "May isang buwan ka na rito hindi ba?" tanong niya sa akin habang papunta sa gawi ng kanyang study table. "O-opo." "Lumapit ka." Mabilis akong naglalakad patungo sa kanya at baka magalit na naman sa akin kung matagal akong kumilos. May kinuha siyang sobre sa lamesa at inaabot sa akin. "A-ano po ito?" Nagtataka naman ako kung ano ang puting sobre. Alangan namang love letter 'to? Sinisipat-sipat ko pa ang sobre. Ang karamihan ngayon kapag nagbibigay ng sobre ay solicitation. Nag sosolicite ba siya? Luh' alam naman niya siguro na wala naman akong pera. "Buksan mo ng malaman mo, Tonta!" Ayan na nga ba ang sinasabi ko. Sabi ko na nga ba at sisigaw na naman siya. Dagli kong binuksan ang sobre at nagulat sa laman nito. Pera ang laman. Sampung-libo kung hindi ako nagkakamali. Kuya Wil, is that you? Naalala ko pa si Kuya Wil na isang host sa isang noontime show na mahilig magbigay ng sampung libo sa mga audience sa kanyang programa. "Pa-pa-pa-ra saan po ito, Sir?" taranta ko namang ulit na tanong. "Sahod mo." Walang gana niyang sagot habang patuloy na sumisimsim sa alak na iniinom. Nanlaki tuloy ang mata ko sa narinig. Sahod? Hindi ba at may babayaran pa nga akong utang na sampung milyon sa kanya? Kaya nga ako pumayag na maging utusan o alipin niya dahil sa utang ni Tito Hernan. Binalik ko ang pera sa sobre at inabot muli kay Sir Damian. "Sir, hindi ko po matatanggap. Hindi pa naman po kayo ganun katanda para mag-ulyanin. Ako po si Ana Joy, ang pumayag sa kahit anong ipagawa mo sa akin dahil sa sampung milyong utang ng aking Tito Hernan. Baka po kasi nalilimutan mo na po," saadi ko sa kanya. "Bukod sa pinaghihinalaan mo akong ulyanin ay anu-ano pa kayang mga panget na salita ang ibinabato mo sa akin pag ako ay nakatalikod?" seryoso niyang tanong. Nangilabot ako sa iniisip niya tungkol sa akin. "Wa-wala naman po akong masamang ibig sabihin. Baka lang po kasi nakakalimutan po ninyo na kusa kong ipinalit ang sarili ko para makabayad sa utang ni Tito." Nakayuko kong sagot. Alam kong seryoso niya akong pinagmamasdan. "Kalahati lang 'yan ng dapat ay sahod mo. Kaya naman nakakabawas ka pa rin sa mga utang ng tiyuhin mo. Bukas ay magpunta ka ng bayan at bilhin kung anuman ang pangangailangan mo. Basta siguraduhin mong bumalik sa takdang oras." "Weh? Hindi nga?" tanong ko sa aking isipan. Marami na akong mabibili rito? Sa tanang buhay ko ay ngayon lamang ako nakahawak ng ganito karaming halaga at tapos sarili ko pang pera. Makakabili na ko ng mga bagong damit.'Yung mga damit kasi na gamit ko ay kay Manang at binigay niya na sa akin. Kaya naman obvious kung anong itsura. Iyong pang salitang manang talaga kapag pinahatol sa mga judgemental "Salamat po, Sir!" Ewan pero dahil sa sayang nararamdaman ay napayakap ako kay Sir Damian ng hindi sinasadya. Naramdaman kong nanigas ang kanyang buong katawan dala rin marahil ng pagkabigla. "So-sorry po, Sir." Agad naman akong bumitaw sa pagkakayakap dahil tila may kuryente akong nararamdaman ng lumapat ang katawan ko sa katawan niya. "Sorry po talaga. Ngayon lang po kasi ako nagkaroon ng ganitong karaming pera kaya po sobrang saya ko." Yumuko pa ako habang nag lilitanya dahil sa nahihiya ako. "Ano ba kasing pumasok sa utak ko at yumakap-yakap pa ako kay Sir Damian?" sermon ko sa aking isipan. "Umalis ka na nga sa harapan ko at baka hindi ako makapag pigil!" bulyaw sa akin ni Sir. Nagmamadali akong lumabas sa library. Napahawak pa ako sa aking dibdib ng makarating sa aking silid. "Ana Joy, ano ba ang ginawa mo?" Naka sabunot ako sa sarili kong buhok na tila litong-lito. "Ang eng-eng mong babae ka! Bwisit ka talaga!" binatukan ko pa ang sarili kong ulo dahil sa katangahan na nagawa. Bakit kaya para akong nakuryente ng yakapin ko Sir Damian? Ano 'yun? May kuryente siya sa katawan? Waring nanuot sa ilong ko ang amoy ni Sir Damian. Ang bango niya pala. Ano kayang pabango ang gamit niya? Siguradong mamahalin 'yun dahil mayaman siya. Ang tigas pala ng katawan ni Sir. Hindi ko maiwasang mailarawan siya sa aking isipan. Ang ma-muscle niyang katawan ay katulad ng mga model na nakikita ko sa mga magazine. Ganun din kaya ang katawan niya kapag walang damit? "Ana Joy! Anu-ano na ang ini-imagine mo! Kay babae mong tao!" Naiinis kong pinagalitan ang sarili ko dahil sa kung anu-anong iniisip. Kahit anong pihit ko sa higaan ay hindi ako makatulog. Iniisip ko pa rin si Sir Damian. "Ano kaya ang itsura ng mukha ni Sir kung walang sunog na bahagi?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD