Si Jane ay isa sa mga naging rebound ko, makalimutan ko lang si Dorry noon. Pero kahit pala isang batalyon ang gawin kong rebound girlfriend, hindi pa rin pala nila kayang burahin ang nararamdaman ko para kay Dorry. “Maka-you ka naman, Nelson, parang wala tayong pinagsamahan.” Haplos-haplos nito ang tiyan niya. Napakamot na lang ako sa ulo at napangiti na rin, pero ngiting aso naman. Sa lahat kasi ng rebound, siya ang medyo nagtagal. “In fairness, ha.” Hinampas pa ako nito sa braso. “Ang gwapo mo pa rin. Mas gum’wapo pa nga. At parang mas mabango ka na ngayon, kay sa dati.” Nakamot ko na lang ang ulo ko; nasinabayan ko naman ng pilit na ngiti. Wala nga ako sa mood na makipag-usap. Maging si Jac ay napakamot na rin sa ulo. Aalis na nga kasi sana kami, pero humarang naman ‘to si Jane.

