JIA’S POV
Ang haba ng nguso ko habang pauwi kami ni Joshua. Wala akong pakialam kahit nahihirapan siya sa pagdala ng mga paninda ko. Muntik kasi silang magsuntukan kanina noong gwapong lalaking nakabangga sa akin. Mabuti at may umawat sa kanila.
"Hmmp, sayang! Good catch sana si papa," inis kong sabi sa sarili.
"Good catch?" Kunot-noong tanong ni Joshua.
"Sinayang mo ang acting ko kanina. Ginalingan ko na nga. Sayang 'yong pera na makukuha ko sa kaniya. Nagkunwari na nga akong agrabyado masyado para bayaran n'ya ako."
"Hindi ka miyembro ng dugo-dugo gang para manlamang sa kapwa!" Sinigawan ako ni Joshua sa harapan ng maraming tao.
Tumaas ang presyo ng dugo ko sa ginawa ni Joshua pero nanahimik ako. Walang imikan kaming naglakad ni Joshua pauwi. Kapag nauuna ako ay hinahabol niya ako, kapag ako ang nasa hulihan ay hinihintay niya naman ako.
Nahalata ni Joshua na galit ako dahil sa ginawa niya. Paulit-ulit niya akong tinatanong kung masama raw ba ang loob ko.
"Sino ba ang hindi magagalit? Joshua, pagkakataon ko na iyon para makakilala ng mayamang lalaki at higit sa lahat magkapera para makaraos naman sa lintik na buhay na ito! Dahil sa'yo napurnada pa!" sabi ko sa kan'ya.
"Jia, hindi ba talaga ako sapat sa'yo?" malungkot na tanong ni Joshua sa akin.
"Bwesit! May mapapala ba ako sa'yo?"
Walang ano-ano ay ibinaba ni Joshua ang mga paninda ko at walang lingon na iniwan ako sa gitna ng tirik na tirik na araw.
"Hoy! Magpayaman ka muna bago mo ako mahalin!" pahabol kong sigaw sa kan'ya.
Napalingon sa akin ang mga tao but I don't care. Binuhat ko ang mga pinamili ko at umuwi na rin ako.
Pagdating sa bahay nina Joshua ay ang nagtatakang mga magulang niya ang nadatnan ko. Tinanong ako ni tito kung nasaan si Joshua dahil nakita niyang nahihirapan ako sa mga dala ko.
Nagsinungaling ako sa papa ni Joshua. Sinabi ko na lang na nasa kanto ito dahil nakita ng tropa pero ang totoo ay hindi ko talaga alam kung nasaan ang bestfriend ko.
Inayos ko ang mga paninda at nagsimula ako kaagad mag live selling. Kailangan kong gawin ito para bukas ay may pera na ako pambili ng mga projects at pambayad na rin sa school.
"Mga madam, paki-mine na lang ng item na magugustuhan n'yo at i-comment ang code nito. Halimbawa, mine 4. Gano'n! Kung bogus ka, huwag ako! Pumapatol ang maganda at sexy n'yong tindera sa mga pasaway." Intro ko pa lang palong-palo na para makabenta agad.
Dahil maganda at sexy ako, maraming viewers ang nahahakot ko. Bukod pa syempre sa mura ang mga paninda ko.
"I-mine n'yo na lahat huwag lang ang jowa ko."
Napa-igtad ako sa pagsulpot ni Joshua sa live selling ko. Topless ito kaya kita ng mga miners ko ang abs niya. Mabuti na lang at nakasuot siya ng maong short. Napatitig ako kay Joshua. Hindi ko alam kung bakit iba ngayon ang epekto sa akin ng hubad niyang katawan na dati-rati’y hindi ko naman pinapansin.
"Magkano ba ito, Jia? Tutulungan na kitang magbenta." Bumalik ako sa kasalukuyan ng bigla siyang magsalita. Seriously, magtitinda siya ng walang pang-itaas? Napatingin ako sa screen ng cellphone ko.
"Mine na si pogi."
"Magkano si papa? Bilhin ko na!"
"OMG, ang abs! Mine, mine, mine."
Natabunan na ang mga comments na hindi ko pa nakikita dahil sa napakaraming gustong mag-mine kay Joshua.
Bigla akong nag-mute sa live at hinaltak ko siya sa tabi ng kwarto na hindi hagip ng camera.
"Ano bang ginagawa mo?" tanong ko sa kaniya.
"Tinutulungan kang magtinda," inosenteng sagot nito.
"Nang walang damit? Joshua naman, hindi ako sa bar nagtitinda."
"Maniwala ka, Jia, effective ito. Marami akong nakitang mga babae na labas ang dibdib sa live selling nila kaya patok ang mga paninda nila. Gusto kong gayahin ang style nila."
Wala akong nagawa ng magsimula na si Joshua magbenta. Unahan ang mga babae sa pag-mine ng mga ipinapakita niya sa live lalo na at palaging nakangiti ang tindero ko.
Sa loob ng ilang saglit ay naubos ang mga pinamili namin kanina. Nakangiting humarap sa akin si Joshua.
"Ako lang ang pwedeng gumawa niyan ha. Huwag kang maghuhubad sa mismong live stream mo," sabi ni Joshua sabay halik sa pisngi ko.
"Anong ginagawa n'yo?" Nabigla ako sa tanong ng mama niya. Nakabukas ang pinto at nakita nito na hinalikan ako sa pisngi ng anak niya.
"Inaakit ko si Jia, mama. Baka sakaling sagutin na ako."
Lumabas si Joshua ng silid at walang pakialam na nilampasan ang mama niya.
"Sorry po, tita. Hindi ko po alam na gagawin niya iyon," nahihiya kong turan.
"Jia, ayusin mo na ang problema mo sa mama mo. Hindi pwedeng dito ka pa rin sa amin." Naramdaman ko ang galit sa tono ng mama ni Joshua.
"O-opo," maikling sagot ko.
Kinabukasan ay lutang ako sa klase. Wala akong plano na makipagbati sa mama ko. Alam kong hindi ako mahalaga sa kaniya. Ang mundo ng mama ko ay umiikot lang sa stepfather ko.
"Jia, huwag mong pasanin ang mundo," wika ni Rochelle. Isa ito sa mga kaklase ko.
"Ang dami kong problem," sabi ko.
"Huwag mong problemahin ang problema mo. Dadaan lang iyan sa buhay mo. Kapag gan'yan mo hinaharap iyan, tatambay pa iyan kaya palipasin mo na lang."
Napaisip ako sa sinabi ng kamag-aral ko. Oo nga naman, ako si Jia Sachurette, ang babaeng pinatatag na ng panahon. Mamaya ay may pera na ako. Kukunin ko na sa remittances ang mga padala ng miners kahapon. May puhunan na ako ulit para bukas at may pang-upa pa ako ng bahay.
"Salamat sa payo mo. Genius ka talaga!" Tinapik ko pa ang balikat ni Rochelle at lumiwanag na rin ang mukha ko.
Tilian sa labas ang nagpakabog ng dibdib ko. Akala ko noong una ay may sunog o anumang aksidente pero nalaman kong lalaki pala ang dahilan ng kaguluhang iyon.
"Iyong guest speaker daw sa program ng mga taga Business Ad, gwapo at batang-bata," kwento ni Pia sa amin ni Rochelle.
"Pia, kung hindi rin lang mayaman ay hindi ako interesado. Masyado ng maraming pulubi doon sa amin."
"Mayaman, Jia." Malapad ang mga ngiti ng kaklase ko habang sinasabi iyon.
"Still not interested. Baka scam ang balita mong iyan," irap ko kay Pia.
"Dahil sa online selling, wala ka ng tiwala sa tao. Baliw! Sa soc-med lang ang maraming scammers."
"Sino ba kasi ang speaker nila?" curious na tanong ni Rochelle.
Inilabas ni Pia ang isang magazine mula sa bag niya. Inilapag ito sa harapan ko.
"Siya, Jia!" kinikilig na sabi ni Pia. "Ang nag-iisang si Drey Montes."
Parang nakakita ako ng multo sa harapan ko. Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko.
"Kilala ko ito!" sigaw ko. Tumayo ako at paikot-ikot na sumayaw.
Kapag ang swerte ay dumating dapat hindi ito pinalalampas. Nag-isip kami ng plano nina Rochelle at Pia kung paano ako makakalapit kay Drey Montes.
"Sige na please, gusto rin naming may matutunan mula sa inyo," pakiusap ni Pia sa kakilalang nagbabantay sa social hall kung saan ginaganap ang program.
"Guys, sorry talaga. Exclusive ito sa mga taga Business Ad."
Nakasimangot akong umupo sa plant box. Hindi pwedeng hindi ko makausap ang lalaking may-ari ng Ferrari.
"Dito ba lalabas ang guest speaker?" tanong ko.
"Oo, ayan ang sasakyan niya." Nakilala ko ang sasakyan.
"Sige, maghihintay ako rito. Maniningil kasi ako ng pautang."
"Paanong nagkautang sayo si Mr. Montes?" tanong ng officer na nagbabantay sa entrance ng social hall.
"Malalaman mo rin," sinabayan ko iyon ng mapanlinlang na ngiti.
Halos dalawang oras na kaming naghihintay matapos ang programa. Naglabasan na ang mga estudyante pero hindi pa rin ang bisita.
"Jia, palabas na siya," sabi ni Rochelle.
Inihanda ko ang sarili ko sa muli naming pagkikita ng lalaking muntik nang pumatay sa akin kahapon. Ang lalaking maaaring maging solusyon sa mga problema ko..
"Mr. Montes!" sigaw ko. "Natatandaan mo ba ako?"
Napatigil sa paglakad niya ang lalaki at humarap sa akin. Isang malapad na ngiti ang ibinigay niya sa akin dahilan para magsigawan at kiligin ang mga nakapaligid sa amin.