After 5 years...
"Congratulations, Ate!" Salubong ni Ariel nang makababa siya ng stage.
"Salamat," at mahigpit na niyakap ang kapatid.
"Ikaw naman 'yan ang susunod."
"Oo naman, Ate. Makaka-graduate din ako with honor," sagot ng kapatid.
"Tama 'yan," at hinanap ng mga mata ang tiyahin sa paligid pero tila wala ito roon. Marahil hindi ito pumunta.
Sa wakas, nakapagtapos na siya ng pag-aaral. Natupad niya ang pangako sa sarili na makakapagtapos siya sa kolehiyo. Natapos niya ang apat na taon sa Nursing sa Colegio de San Sebastian. Ang pinakasikat at pinakamahaling eskwelahan sa bayan nila. Sa pagkakaalam niya, mga Saavedra ang nagmamay-ari ng malaking kolehiyo.
Ang mga Saavedra kasi ang pinakamayaman sa bayan ng San Sebastian, kung saan halos lahat ng mga establisyimento at subdivision ay mga Saavedra ang nagmamay-ari.
Nakapasok siya sa Colegio de San Sebastian dahil sa scholarship na natanggap niya mula sa pamilya Saavedra. Isa siya sa mga ulilang estudyanteng napili na tulungan ng Saavedra Foundation. Kaya laking pasasalamat niya sa mga Saavedra dahil sa mga ito ay nakapagtapos siya ng pag-aaral.
At ang susunod na misyon niya ay makapagtrabaho para itaguyod ang pag-aaral naman ni Ariel na nasa high school na ngayon. At sa susunod na taon, magkokolehiyo na rin ang kapatid. Kaya kailangan na niyang makapagtrabaho kaagad para maipasok din ang kapatid sa kolehiyo. Ang pangarap naman ng kapatid ang kailangan niyang tuparin.
"Engineer ang kukunin kong course, Ate, at dito din ako sa Colegio de San Sebastian papasok kagaya mo," sabi ni Ariel habang naglalakad sila pauwi ng bahay.
Masiglang nagkukwento si Ariel sa mga plano nito pagtungtong nito ng kolehiyo, at kung ano ang magiging buhay nila kapag nakapagtapos ito ng pag-aaral. Bibili daw ito ng magandang bahay, at tig-isa sila ng silid.
Natutuwa siya dahil pareho sila ng kapatid ng pangarap: ang magkaroon ng sariling bahay.
"Oo naman, sigurado makakapasok ka sa Colegio de San Sebastian gaya ko. Makakakuha ka ng scholarship dahil matalino ka, tulad ko," nakangiting sagot niya at umakbay sa kapatid.
"Oo naman, Ate. Mas matalino kaya ako sa iyo, ang hina mo nga sa math, eh," biro ng kapatid sa kanya at kumalas sa pagkakaakbay niya.
"Anong sinabi mo? Halika ka nga rito," habol niya sa kapatid na nagtatakbo nang makarating na sila sa eskinita ng inuupahang bahay.
May mga ngiti siya sa labing sinundan ang kapatid pauwi sa kanilang bahay. Bitbit ang papel na nakarolyo na kunwari'y diploma niya at suot sa leeg ang medalya. Hinaplos niya ang medalya at lumalim ang ngiting sumilay sa mga labi.
Ngayon, nakikita na niyang may pag-asa na para sa kanila ni Ariel. Alam niyang may magbabago na sa kanilang magkapatid at hindi na sila magugutom pa. Mabibili at makakakain na rin nilang magkapatid ang mga gusto nila pag nakapagtrabaho na siya.
Hindi pa man siya nakaka-graduate, sinabihan na siyang sa Saavedra Santillian Hospital na magtrabaho pagkagraduate. Doon kasi siya nag-OJT at sabi, nagustuhan ng ospital ang performance niya. Kaya naman agad siyang sinabihan na pagkagraduate niya ay sa Saavedra Santillian Hospital pumasok bilang nurse.
Mag-e-exam pa nga lang siya sa mga susunod na buwan, pero dahil fresh graduate siya at kilala na siya sa ospital ay pinapapasok na siya sa susunod na linggo para magsimula na sa trabaho.
Kaya naman ganoon siya ka-excited at kasaya na sa wakas ay may totoong trabaho na siya. Hindi na siya magtitinda sa bakery nila Manang Soleng at makikitinda ng gulay sa palengke. At hindi na rin siya mapipilit ng tiyahin na ireto sa kung sinu-sinong lalaki. At hindi na magagawa ng tiyahin ang ginawa nito sa kanya noong labing-walong taong gulang siya, na ilako o ibenta sa mga lalaki.
Laking pasalamat na lang niya at isang Saavedra ang tumulong sa kanya noon. Napangiti siya nang maalala si Gael.
"Nasaan na kaya siya?" Tanong niya sa sarili dahil matapos ang mga pangyayari 'yon ay hindi na muling nag-krus ang landas nila ni Gael. May mga narinig siyang tsismis na umalis ng bansa si Gael at doon daw nito pinagpatuloy ang pag-aaral.
"Sana magkita tayo muli, Gael, para naman makapagpasalamat ako sa iyo," dahil kung hindi dahil kay Gael ay baka kung ano nang nangyari sa kanya at baka napariwara na siya at nawala sa tamang landas.
Alam niyang darating ang araw na makakapagpasalamat siya kay Gael, dahil alam niyang darating ang araw na babalik ng San Sebastian si Gael dahil isa itong Saavedra at isa ito sa nagmamay-ari ng bayan nila.
"Ngayon pala ang graduation mo, hindi ko alam," bungad ng tiyahin nang makapasok na siya sa maliit na apartment na inuupahan nila.
"Mano po, T'yang," magiliw na sabi niya at nagmano sa tiyahin.
"Akalain mo nga naman na nakapagtapos ka nang pag-aaral dahil sa akin," sinulyapan lang niya ang tiyahin at hindi na pinansin pa ito sa sinabi.
Hindi sa nagmamalaki siya, pero wala namang naitulong ang tiyahin sa kanyang pag-aaral. Siya ang nagtaguyod sa sarili upang makapagtapos ng pag-aaral. Pero lagi nitong sinasabi na ito raw ang nagpapa-aral sa kanila ni Ariel, lalo na sa kanya dahil sa mamahaling paaralan siya pumapasok.
Pero hindi na lang niya pinapansin ang tiyahin sa mga sinasabi nito. Ang mahalaga kasi ay nakapag-graduate na siya at makakapagtrabaho na.
"Kailan ka nga pala magsisimula sa ospital?" Tanong nito habang naghahanap ng makakain sa mesa at sa mga cabinet na wala namang laman dahil wala naman silang pambili.
Bago ang graduation kanina, kumain na sila ni Ariel sa mamihan malapit sa palengke. Kaya naman hindi na sila bumili pa ng pagkain ng kapatid. Isa pa sa plano niya, pag nakapagtrabaho na siya ay lilipat na sila ni Ariel ng bahay. Iiwan ang tiyahin pero susuportahan pa rin naman niya ang T'yang Daisy niya. Nais lang niyang humiwalay ng tirahan sa tiyahin para naman hindi na sila manduhan pa ng kapatid at maiwasan ang mga ganitong pangyayari sa tuwing uuwi siya ng bahay.
"Lintik! Wala na namang pagkain," inis na sabi ng tiyahin at mabilis na lumabas ng bahay.
Bumuntong-hininga siya at iginala ang mga mata sa maliit na bahay.
"Makakaalis din kami rito. Magbabago din ang buhay namin ni Ariel. Magsusumikap ako para magbago ang kapalaran naming magkapatid," determinadong sabi niya sa sarili.
Dahil matagal na rin siyang nahihirapang makisama sa tiyahin na wala nang ginawa kundi umasa sa maliit niyang kinikita sa palengke at bakery.