Alam niyo iyong tipong wala pa akong tulog? Idamay pa na pagod na pagod ang katawang lupa ko? Wala na akong trabaho at dumagdag pa itong paninabong problema?
Nagmistulan akong pinagbagsakan ng langit ang lupa, kung gaano kalupaypay ang balikat ko ay siya ring kaakibat na pasan ko ang buong daigdig.
Iyong kaba ko ay naging doble, samantalang ang puso ko na sobra sa paghataw ay kulang na lang kumawala sa dibdib ko. Utang na labas— pagod na pagod na ako!
Hindi ko na mabilang kung pang-ilang beses na akong napabuntong hininga, lumalanghap at pilit na pinupunan ng tamang hangin ang naghuhumikahos kong puso.
Nanginginig ang mga kamay ko, halos maubos ko na rin ang sariling kuko sa daliri sa kangangatngat. Tuliro ang utak ko, wala ni isa ang pumapasok sa isip ko kung anong dapat na gawin.
Kasi literal na hindi ko na alam pa ang gagawin. Saan ako kukuha ng pera pambayad ng Hospital, sa lahat ng bill na magagastos ni Inay ngayon? Ang sarap magmura— tangina.
Lord, ano na? Bakit naman ganito? Isa ka ring favorite akong pahirapan, ano?
Huminga ako nang malalim, sa mga nararanasan ay hindi ko maiwasang pati ang Panginoon ay kwestyunin ko. Ewan ko, hindi ko na alam kung kanino pa ibabaling ang sisi.
Wala sa sarili na nagpapabalik-balik ako ng lakad sa harap ng isang pintuan kung saan naroon si Inay, saka naman ako napatingin sa dalawang bata na nakatingin lang sa akin.
Bakit ba nandito ang dalawang 'to?
Kanina lang ay mahimbing ang mga tulog nila ngunit sa nangyari kay Inay ay madalian ko silang ginising, ayoko rin namang iwan sila na walang kasama sa bahay.
Katulad ko ay wala rin silang imik at parang hindi alam ang nangyayari. Mayamaya pa nang dahan-dahan na nilapitan ko ang dawalang kapatid saka marahan na pinisil ang mga kamay nila.
"Magiging okay din ang lahat..." sambit ko sa paos na boses.
Sa kasisigaw at paghingi ko ng tulong kanina ay namaos na lang ako dahil wala man lang nagpresintang tulungan kami, wala man lang ang nagtangkang lumapit sa amin.
"Inatake na naman ba si Inay, Ate?" anang Benedict na siyang sumunod sa akin.
Tatlo kaming magkakapatid, panganay ako kaya naging responsibilidad ko silang lahat simula nang layasan kami ng napakawalang kwenta naming ama.
Dose anyos na si Benedict, samantala ay siyam na gulang naman si Bryan. Hindi katulad ng pagkakaalam ko na wala silang alam sa nangyayari ay nagkamali ako.
Ilang beses na nga pala itong nangyari kaya hindi na bago sa kanila ang ganitong kaganapan sa buhay namin at tanging pag-aalala na lang ang maiaambag nila.
Muli akong napabuga sa hangin, hindi na maalis-alis sa mata ko ang mga luhang kanina pa dumadaloy, wala na akong pakialam doon dahil kahit ano namang punas ko ay siyang napapalitan naman ng panibagong luha.
"Oo pero pangako, magiging maayos din ang lahat. Kapit lang kayo, ah?" mahinahong pahayag ko.
Walang imik na tumango lamang ang dalawa kong kapatid bilang tugon sa akin, kasabay nito ay ang pagbukas ng pinto na siyang nasa likuran ko. Maagap akong napatayo mula sa pagkakaluhod at hinarap ang doktora na siyang tumingin kay Inay.
"Kamusta, Dok? Ayos na po ba si Inay?" kinakabahang pagtatanong ko habang wala sa sarili na pinaglalaro ko pa ang mga daliri sa kamay, hudyat na kinakabahan sa ano mang sasabihin ng doktor.
Mahinang napabuntong hininga ang doktor saka ako nilapitan at hinawakan ang balikat. Marahan niya iyong hinaplos, na parang sinasabing huminahon muna ako bago ito magsalita.
"Sa ngayon, kritikal na ang lagay ng nanay mo. Magiging okay lang siya kapag naoperahan na ito at kailangan din niya ng heart donor dahil sobrang hina na ng puso niya," pahayag nito sa katotohanang noon ko pa man alam.
Ngunit mas lalong lumalim ang paghinga ko sa narinig. Ano raw? Kritikal at kailangang operahan? Hindi mag-sink in sa akin ang mga sinabi ng doktor dahilan para mag-hang ang utak ko.
Saan naman ako kukuha ng pera, aber? Heart donor? Saang lupalop ako makahahanap ng taong magdo-donate ng puso? Bumuka ang labi ko para sana magsalita ngunit purong hangin lang ang lumalabas doon.
Nakatitig lang ako sa doktor, pilit pang inaaninag na baka nagbibiro lamang ito. Siya namang maang lang ding nakatingin sa akin, animo'y tinatantya ang emosyon sa mukha ko.
Gusto kong matawa sa mga oras na 'yon. So, hindi? Hindi ito joke. Pero bakit? Sa pagkakatanda ko ay malakas pa naman si Inay? Nakadalawang sampal pa nga ito sa akin kanina.
Kahit pa na may dinaramdam si Inay ay pinapakita pa rin nito na malakas siya, alam ko iyon o baka sadyang nagbubulag-bulagan lang ako dahil hindi ko matanggap?
"Maaagapan sana iyon kung una pa lang na nagpakita ang sintomas ay nadala niyo na siya rito sa Hospital, naagapan sana at nabigyan siya ng gamot para hindi ganoong lumala kaagad ang sakit. Hindi na sana aabot pa sa stage three ang sakit niya sa puso at kapag umabot pa iyon ng stage four, maaaring hindi na niya kayanin pa at tuluyan na siyang mawala."
Una sa lahat, paano ko magagawang dalhin si Inay sa Hospital kung sa mga oras na 'yon ay talagang walang-wala kaming pera? Hello? Wala nga akong ipon.
Wala pa rin ako sa huwisyo hanggang sa magpaalam na ang doktor na aalis muna ito. Nakatitig na lang ako sa puting pintuan na nasa harapan ko habang malalim ang iniisip.
Ano nang gagawin ko? Paano na? At bakit? Bakit kailangan pang mangyari 'to? Puro kamalasan na lang ba ang mangyayari sa buhay ko? Kailan ba ako makakaahon?
Paulit-ulit kong kinukwestiyon ang sarili, maging ang Panginoon. Bakit ako pa, anak ng tupa! Bakit kung sino pa iyong walang-wala ay siya pa iyong bibigyan ng malaking problema?
Problema na naman. Wala nang katapusan! s**t talaga! Nabalik lang ako reyalidad nang yumakap sa akin ang dalawa kong kapatid, tila ba sa ganoong paraan ay gusto nila akong damayan.
Nakatingala ang mga ito sa akin at parang nahawa pa sa akin dahil hindi na rin nakaligtas sa mga mata nila ang nag-uunahang luha. Umiiyak ang mga ito kagaya kung paano ako umiyak.
Mayamaya pa nang hinarap ko sila saka mahigpit na niyakap ang dalawang kapatid at parang nagkasundo kaming tatlo dahil sabay-sabay na ang bawat paghikbi namin.
Kailangan kong makaisip ng paraan. Kailangan ay maabutan ko pang buhay si Inay dahil hindi ko talaga kakayanin kung mawawala siya.
Dahil sa totoo lang, si Inay na lang ang nagsisilbing lakas ko ngunit nang malaman kong kaunti na lang ang pag-asa ay nanghina rin ako. Tila ba magkadikit ang buhay namin.
Kaagad akong humiwalay kina Benedict at Bryan nang mayroon akong maisip na paraan. Inaya ko ang dalawang kapatid na lumabas ng Hospital.
Mabuti na lamang at mayroong nurse na nagbabantay kay Inay kaya panatag akong iwan ito sa kaniyang kwarto. Wala kaming imik na hinahatak namin ang daan patungo sa tinitirahan naming maliit na bahay.
Hindi pa man nakakaabot sa bahay namin nang mapagpasyahan kong huminto. Lumiko kami sa isang eskinita saka ko naman tiningala ang malaking bahay na nasa harapan namin.
Kalaunan nang ilang beses kong kinatok ang berdeng gate na iyon. Hindi rin nagtagal ay bumukas ang pinto sa loob at lumabas doon ang may katandaang babae na nagkukusot pa ng mata.
Mukhang nabulabog ko yata ito dahil sa talim ng pagtitig nito sa akin. Ngunit hindi na rin ako nagpalipas pa ng segundo at akmang magsasalita ang ginang nang unahan ko ito.
"Aling Elda, iiwan ko po muna sa inyo sina Bryan at Benedict," walang alinlangan na pahayag ko.
"Ate?" magkasabay na bulalas ng dalawa kong kapatid na siyang gulat na gulat.
Rason din iyon upang humigpit ang kapit ng dalawa sa magkabilaan kong kamay. Gulat naman na napatitig sa akin si Aling Elda, tila ba hindi makapaniwala sa sinabi ko.
"Please po, Aling Elda. Parang-awa niyo na po... na-hospital po kasi si Inay at kailangan kong maghanap ng trabaho para kumita ng pera," paliwanag ko sa desperadang boses.
Nagsimula na namang umagos ang luha ko nang maalala ang lagay ni Inay. Ilang minuto lang nang makita kong lumambot ang ekspresyon ni Aling Elda at tuluyan nang binuksan ang gate para makapasok ang dalawa.
Marahan ko silang itinulak papasok sa loob, nilingon ako ng mga ito habang may pagtatanong sa mga mata ngunit hindi na ako nagsalita at pagtango na lang ang nagawa.
Ito lang din ang naisip kong paraan. Kung hindi ko iiwan ang mga kapatid ko rito ay hindi ako makakapagtrabaho nang maayos. At least dito, alam kong nasa mabuting kamay ang mga kapatid ko.
Mahirap man ay kailangan kong gawin iyon dahil sa oras naman na maging maayos ang lahat ay babawiin ko rin sina Benedict at Bryan at doon kami magsisimula ulit ng panibagong buhay.
Bubuuin ko muli ang sariling pamilyang nagkawatak-watak. Baka sakali rin na lumambot ang puso ko at hanapin ko si Itay.
"Maraming salamat, Aling Elda. Pangako po, babalik din ako kaagad. Mag-aabot din po ako ng pera sa oras na may mahanap akong trabaho."
Tumango ito bilang pagsang-ayon. Akmang isasarado nito ang gate nang magwala ang dalawa, tipong ayaw akong paalisin ngunit hindi ko na iyon pinansin pa.
Dali-dali akong tumalikod at nagsimulang maglakad palayo. Sa bawat paghakbang ko ay siyang paulit-ulit na pagtarak ng kutsilyo sa puso ko dahil sa malalakas na pag-iyak nina Benedict at Bryan.
Sinabayan ko iyon dahil palakas din nang palakas ang mga hikbing pinapakawalan ko, sobrang hirap para sa akin na gawin ito ngunit wala na akong maisip pang ibang paraan.
Ayos nang ako lang ang magutom at maghirap, kaya kong tiisin iyon pero ang makita ang mga kapatid ko na nanginginig sa gutom at hirap ay hindi ko masikmura.
Kalaunan nang dumeretso ako sa bahay namin para kunin ang mga gamit at damit na kanina lang ay bitbit ko rin pag-uwi. Mabuti nga at nakapagpalit ako ng simpleng jeans at t'shirt kanina.
At heto na naman ako, saan naman kaya ako pwedeng pumasok ng trabaho? Iyong may mabilisan ang pagbibigay ng pera? Sa mga oras na 'yon ay iisa lang talaga ang pumapasok sa isip ko.
Iyon ay ang nakagawian kong trabaho. Ngayon lang 'to dahil hindi na ako uulit dito pero sa pagkakataong 'yon, kailangan ko munang magtiis.
Pangako, makakabangon din ako at ipinapangako ko ring kailanman ay hindi na kami maghihirap pa.