Galit na galit ang kalooban ko nang makababa ako ng jeep sa may kanto papasok sa amin. Nadaanan ko pa ang isang convenience store kaya minabuti kong pumasok doon.
Nagpasya akong magkape muna, pandagdag init lang sa ulo ko. Sa ganoong lagay ay hindi ko na magagawang bumalik pa sa club na iyon kahit mayroong puwang sa utak ko na ayaw umalis doon.
Sayang kasi ang malaking kinikita ko roon, kaya ko naman sanang pagtiyagaan ang mga kasamahan pero napuno lang ako kanina. Masyado nila akong pinapangunahan.
Pabagsak akong naupo sa isang stool malapit sa glass window. Napansin ko pa mula sa labas ang isang mobile patrol ng mga pulis, malamang ay may hinuhuli na naman ang mga ito.
Well, hindi na bago iyon sa lugar naming pugad ng adik. Gabi-gabi na nga yatang bantay-sarado ng mga pulis itong squatter area na kinabibilangan ng bahay namin. Kibit ang balikat kong sumimsim sa mainit na kape.
Kapagkuwan ay malakas na napahiyaw nang mapaso ang dila ko. s**t! Dali-dali ko iyong ibinaba at kamuntikan pang mapasubsob sa lamesa nang matapunan ang damit ko.
"Inang 'yan," pagmumura ko at dali-daling napatayo saka pinagpagan ang hita ko.
"Dahan-dahan, Miss, hindi ka naman mauubusan." Dinig kong sambit ng boses lalaki sa gilid ko.
Sandali ko itong tiningala, nakabihis ito ng unipormeng pang-pulis kaya natanto kong isa ito sa mga sumasalakay sa lugar namin. Ngumiwi ako, bago ko pa man mapagnasaan ang gwapong mukha niya ay umalis na ako.
Hindi ko na inubos ang kapeng binili ko, lalo akong nabadtrip. Mabibigat ang mga paang tinatahak ko ang daan papasok sa isang eskinita, madilim ang lugar dahil na rin sa kakapusan ng kuryente.
Tingin ko ay pasado alas onse na ng gabi kaya ang iba ay maaaring tulog na ngunit karamihan sa kanila ay naglalaro pa ng tong its at binggo. Nailing-iling na lamang ako sa kawalan.
Huminto lang ako nang nasa tapat na ako ng bahay namin na yari pa sa pinagsamang kahoy at tagpi-tagping yero na ninakaw pa namin sa tuwing may bagyo.
Pagkaapak pa lang ng isang paa ko sa bahay nang manuot sa dalawang tainga ang isang sigaw, puno iyon ng galit at hinanakit. Nang linungin ko ito ay kaagad na nanlaki ang mga mata ko.
Halos kapusin ako ng hininga nang makita kung sino iyon. Naroon si Inay sa maliit naming sala na matamang nakatitig sa akin, parehong nanlalaki rin ang mata nito marahil sa galit sa hindi ko malamang rason.
Kumunot ang noo ko habang bakas sa mukha ko ang pagkalito sa nangyayari. Kasabay nito ay ang pagsibol ng kaba sa dibdib ko. s**t, hindi maaari itong naiisip ko.
Kahit na may hinala na ako ay nagtatanong pa rin ang dalawang mata kong pinakatitigan si Inay, hindi ko ipinahalata sa kaniya na iisa lang ang nasa utak namin sa oras na iyon.
Sana hindi. Huwag muna ngayon, kung kailan ay nawalan ako ng trabaho. Mainit pa ang ulo ko, baka rin lalo lang akong mawala sa sarili.
"Magsalita ka, Victoria! Ano na naman itong naririnig ko, ha?" Puno ng galit at halos lumabas na ang ugat sa leeg ni Inay nang sumigaw siya.
"A—ano po ba iyon?" maang na sagot ko rito, patay malisya at kunwaring nag-isip pa.
Dahilan iyon para magmartsa palapit sa akin si Inay na nanggagalaiti ang itsura, roon na ako kinabahan nang unti-unti ay nagiging maliit ang espasyo naming dalawa. Hindi ko na nagawang makaatras dahil naka-lock na ang pinto sa likod ko.
Halos magwala ang puso ko na halos gusto nang kumalawa sa dibdib ko, malakas ang pagpintig nito. Masyado akong nabibingi sa kung paano iyon tumitibok sa pinaghalong kaba at takot.
Ngunit mas nangingibabaw pa rin ang pagkatakot ko para rito dahil alam naman nitong may sakit siya sa puso at baka bigla na lang itong atakihin ngunit heto siya at animo'y walang pakialam sa sarili.
Kalaunan nang mapapikit na lamang ako nang lumapat ang mabigat na kamay ni Inay sa braso ko, masakit iyon ngunit hindi ko ininda. Walang ekspresyon na tiningnan ko ito.
"Tatanungin ulit kita, Victoria, pero sa pagkakataong 'to ay sasagutin mo na ako..." dahan-dahang bigkas niya.
Kita ko ang pagpipigil ng hininga ni Inay, katulad ko rin na ayaw magpaawat sa kasinungalingan. Nakatitig ito sa akin, tila tinatantya ang reaksyon ng mukha ko kaya lalo ko iyong pinatigas.
"Saan ka kumukuha ng pera?" madiing tanong nito.
Sa narinig ay bigla akong nawala sa huwisyo at halos hindi mahagilap ang mga mata ko, lumikot iyon at kung saan-saan ito tumitingin na para bang naghahanap ako ng tamang maisasagot.
Ilang minuto ang lumipas nang makagat ko ang pang-ibabang labi nang wala akong makuhang sagot. Hindi ko alam kung paano sasabihin at hindi ko alam kung paano sisimulan.
Paulit-ulit ko nang minumura ang sarili dahil wala man lang akong maibigay na sagot dahilan para manggalaiti lalo si Inay sa akin. Mukhang sa hindi ko pagsasalita ay nakuha na nito ang inaasam na sagot.
"Totoo ba?" sigaw pa ulit ni Inay ngunit hindi pa rin ako umiimik, matibay pa ang loob ko na kaya ko itong palipasin nang hindi umaamin.
Hinawakan ako ni Inay sa magkabilaang balikat at marahas na ipinaharap sa kaniya, kasabay nang pagyugyog niya sa balikat ko. Ngunit ganoon na lamang ako katigas at hindi nagpatinag kay Inay.
Gusto kong magsalita pero masyado akong inuunahan ng kaba at takot na lumulukob sa dibdib ko, paano ba ako magsisimula? Saang parte ng kasinungalingan ko ang sasabihin ko?
"Victoria..." May pagbabanta sa boses ni Inay na siyang inilingan ko na lamang, parang doon ay pinapahiwatig ko nang wala akong masasabi... natatakot ako.
Sobrang natatakot ako kaya walang alinlangan na namalisbis ang luha sa mga mata ko. Paulit-ulit akong umiiling habang patuloy na umiiyak, na sana kahit papaano ay tantanan na muna niya ako.
Pagod ako, natanggal ako sa trabaho at napagsalitaan ng hindi maganda. Ayoko namang dumating sa punto na mag-aaway lang kami ni Inay dahil sa bagay na wala namang kwenta.
"Victoria! Ano ba? Magsalita ka! Ano, ha? Saan ka kumukuha ng pera? Saan mo kinukuha ang pera na siyang pinapakain mo sa amin? Totoo ba ang mga naririnig ko? Ha?" sunud-sunod na tanong nito sa akin, sumisigaw ito na parang wala nang pakialam kung may makarinig man sa kaniya.
Mas lumakas ang paghagulgol ko at lalong napayuko sa sobrang kahihiyan. Kinakapos na rin ako ng hininga dahil sa sipon na nagbabara sa ilong ko pero hindi pa rin ako tinantanan ni Inay at mas lalo lang niyugyog ang balikat.
"Inay, pasensya na po..." sabi ko kasabay nang pagsinghot ko. "Kailangan ko na pong magpahinga. Pagod ako, 'nay."
Akmang aalis ako at lalagpasan siya nang higitin ako nito sa palapulsuan at ipinaharap muli sa kaniya. Sa sobrang galit yata ni Inay ay hindi na nito alam na nasasaktan na ako sa higpit ng pagkakahawak sa kamay ko.
"Hindi kita pinalaki para gawin ang bagay na 'yon, Victoria! Kahit hirap na hirap na tayo, hindi mo dapat idinaan diyan sa pagbebenta ng katawan mo! Diyos ko, Victoria! Alam kong hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral pero sana man lang, ginamit mo 'yang utak mo! Maraming trabaho riyan! Iyong marangal at malinis. Nag-iisip ka ba, ha? Kailan ka pa nagsimula riyan?"
Sa bawat bigkas ng salita ni Inay ay siya namang tagos nito sa puso ko. Masakit, sobrang sakit na parang may punyal na sumasaksak sa puso ko. Sobrang sakit na hindi kayang tanggapin ng kabuuan ko.
Totoo ba ito? Sarili kong ina ay hinuhusgahan ako? Gusto kong matawa. s**t talaga, ano bang buhay ang mayroon ako, huh?
Tumingala ako para matigil na ang pag-agos ng walang katapusang pagluha ko pero hindi iyon naging sapat. Patuloy na nag-uunahan ang mga luha ko na parang nakikipag-karera ang mga ito.
"Matagal na," mahina ngunit mariing sagot ko, tutal ay iyon naman ang gusto niyang marinig.
Huminga pa ako nang malalim at nag-iwas ng tingin, hindi masyadong kinakaya ang gumuhit na reaksyon sa mukha ni Inay. Dismayado ito kasabay nang galit na hindi yata mapapatawaran.
"Simula nang malaman ko na may dinaramdam kang sakit, wala akong magawa noon kasi bata pa ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kasi wala naman na tayong matatakbuhan. Iniwan tayo ni Itay, sumama siya sa iba at wala man lang siyang iniwan kahit sustento man lang para sa atin. Awang-awa ako sa 'yo noon, makita kang kinakapos ng hininga, nanghihina at halos hindi makagalaw. Ito lang 'yung naisip ko ng mga panahon na 'yon. Gusto ko mang tumigil pero wala, e. Malaki iyong perang nakukuha ko—"
Hindi na ako hinayaan na matapos sa pagsasalita ni Inay nang walang anu-ano'y malakas ako nitong sinampal sa kanang pisngi dahilan para tumagilid ang ulo ko sa kabila.
Sa araw na iyon, doon ako nakaramdam ng sakit. Hindi sakit sa pisikal na katawan dahil doon ko na-realize, kahit anong gawing pagod ko, mahuhusgahan pa rin ako.
Iyong sampal na ibinigay ko kay Madame Kikay kanina ay natanggap ko na mula sa sarili kong kadugo. Bumalik din kaagad sa akin ang karma. Dinaig pa nito ang sampal ko dahil mas malakas ito.
Mas nagpasakit pa roon na sa mismong ina ko pa nanggaling.
"Nakakadiri ka," saad niya rason para lalong akong mapaiyak.
"Nagawa ko lang naman iyon dahil sa 'yo! Ikaw ang inaalala ko na kahit ang sarili ko ay pinabayaan ko na! Ayokong nakikita kang nahihirapan kaya kahit sarili ko na lang iyong mapagod. Para sa 'yo naman iyon, anong masama roon? Imbes na magpasalamat ka pa dahil may nakakain tayo araw-araw ay ganito pa? Ano sa tingin mo ang gagawin ko, hintayin na mamatay ka?" puno ng galit na sigaw ko rito.
Sa pangalawang pagkakataon ay nasampal na naman niya ako. Lumalim ang paghinga ko at mas lalong lumakas ang paghagulgol ko na sa tingin ko ay hindi malabong marinig ng mga kalapit bahay namin.
Ngunit sa mga oras na iyon ay wala na akong naging pakialam dahil kahit ano palang gawin kong tama ay mali pa rin iyong makikita nila. Nakakatawa nga naman, ano? Nakakapagod na ang buhay na 'to.
Kahit pa na sabihin nating mali talaga ang ginagawa kong pagbebenta ng katawan, ngunit ang nakukuha kong pera ay nakabubuti naman sa pamilya ko pero bakit ganito? Hindi ba makita iyon ni Inay?
Hindi ko naman piniling magnakaw. Hindi naman ako mamamatay tao para sabihing mali ang ginagawa ko. Nakakadiri? Alam ko pero tangina, para sa kanila naman ito. Sarili ko naman ang nakataya rito. Sarili ko ang ibinebenta at ginagamit kaya para saan ang mga panghuhusga na iyon?
"Mabuti pang lumayas ka na, hayaan mo na kami rito ng mga kapatid mo dahil kaya naman namin ang magtrabaho," pahayag ni Inay saka humakbang paatras para makalayo sa akin.
Ngunit hindi pa man siya nakalalayo nang huminto ito sa paglalakad at sinapo ang kaniyang dibdib na parang kinakapos ng hininga. Doon ako nataranta nang makitang natumba ito at walang anu-ano'y bumagsak sa sahig.
"Inay!" sigaw ko at madaliang dinaluhan ito.
Pikit ang mga mata at habol ang hininga ang nadatnan ko kay Inay na siyang nakabulagta na ngayon. Paulit-ulit ko itong tinatawag at niyugyog sa balikat, sa ganoong paraan ay maidilat man lang nito ang mga mata.
Husgahan na ako ng lahat. Kunin na ang lahat sa akin pero huwag lang ang mga taong mahalaga sa akin. Huwag lang ang taong pinagkukuhanan ko ng lakas ng loob. Huwag lang ang pamilya ko.