Sa nangyari kagabi ay naging doble ang paghanga ko kay Mirko, tila ba wala nang makapapantay kung paano mag-umapaw ang nararamdaman ko para sa kaniya. Kaya ganoon na lamang din ang ganda ng gising ko kinabukasan. Nakangiti ako sa lahat ng ginagawa kaya nang ayusan ko si Mikaela ay kunot na naman ang noo nito habang pinagmamasdan ako. "Ate Ellena, kanina ka pa nakangiti." Sabi ko na nga ba at hindi malabong magtanong ang isang 'to. "Masaya lang ako," sagot ko habang nangingiti pa rin sa kawalan. Lalo lang din nagdikit ang dalawang kilay nito kaya halos humagalpak ako ng tawa. Mula rito sa kinauupuan ko sa likuran niya ay kitang-kita ko ang mukha nito sa repleksyon ng salamin. Nasa malaking vanity mirror kami na naroon sa loob ng kaniyang kwarto, nakabihis na ito ng uniporme niya at nga

