PROLOGO
TEN YEARS AGO...
SA ISANG burol na sakop ng malawak na lupain na pinangalanang Rancho Villaruiz ay may dalawang taong nakaupo. Nakatanaw ang dalawa sa malayo kung saan makikita ang kabuaan ng isang nayon at makapigil-hininga ang mga tanawin. Ang dalawang nakaupo roon ay isang binatilyo at isang dalagita na masayang nag-uusap tungkol sa kanilang pangarap, kinabukasan at pinaplanong bubuuing pamilya.
""Kailangan muna nating makapagtapos ng pag-aaral, mahal ko. Magiging abogada ka at ako naman ay magiging pulis. Tapos magkikita tayo sa loob ng court room, ikaw ang magiging abogada ng biktima at ako naman ay ang aaresto ng taong nasasakdal sa hukumang iyon."" Nakangiti ang lalaki habang nagsasalita.
Kung titingnan ang lalaki ay parang nasa bente anyos ang edad nito. Ang babae naman ay hindi rin nagkakalayo ang edad nito, kung titingnan ay mga nasa dise-siete siguro.
Maya-maya ay tumayo ang babae. Hinarap nito ang isang bato at tumikhim.
""Kunyari itong bato ang witness ng suspek ng isang panggahasa kaya't kailangan ko siyang tanungin kung nagsasabi siya ng totoo,"" wika ng babae.
Naglakad-lakad pa ang babae sa harapan ng bato at maya-maya pa ay tumikhim bago magsalita.
""Paano mo nasasabing hindi ginahasa ang biktima? Nandoon ka ba sa pinangyarihan o eksaktong lugar nang mga oras na iyon?"" Matapang ang babae habang nagsasalita. Kung boses lang ang pagbabasehan, animo'y isang tunay na abogada.
Lumapit ang lalaki sa tabi ng bato at ito ang sumagot sa tanong ng babae. ""A-Attorney, napadaan ako sa lugar na iyon at nakita ko ang buong pangyayari. Kitang-kita ko ang lahat ng nangyari dahil maliwanag din ang lugar dahil sa liwanag na nagmumula sa poste ng kuryente.""
Nagpakita ng katapangan ang babae.
""Your honor, base sa pag-iimbestiga sa lugar kung saan ginahasa ang biktima ay nasa gubat ito. Walang street light o ilaw sa poste! Taliwas sa sinasabi ng ating witness. Napag-alaman din namin na nasa inuman ito nang mga oras na nangyari ang krimen."" Kunyari ay may ibinigay na envelope ang dalagita sa isa pang bato na naroon. Marahil ay ito ang ginawa nilang jugde. ""Isang matibay na laban din na nag-match ang semilya ng nasasakdal sa ginawang eksaminasyon sa katawan ng biktima,"" dagdag pa nito.
Pumalakpak ng malakas ang binatilyo.
""And of course, kapag nahatulan na ng guilty ang suspek, ako na pulis ang lalapit sa kaniya upang lagyan ng posas ang kaniyang mga kamay. Magiging tagapagtanggol tayo ng mga inaapi, mahal ko."" Niyakap ng binatilyo ang dalagita.
""Sobrang mahal na mahal kita, Travis!"" malambing na sambit ng dalagita.
""Mahal na mahal din kita, Jean! Mahigit isang taon na itong patago nating pagmamahalan pero ipinapangako ko sa'yo na mamayang gabi ay lakas-loob akong haharap sa mga tao, sa ate at kuya mo. Mamayang gabi ay ipagtatapat natin ang pagmamahalan natin... Dapat hawak-kamay tayong dalawa ha at huwag kang kakababahan."" Mahigpit ang hawak ng lalaki sa dalawang kamay ng babae.
""Sige, mahal ko. Hihingi rin tayo ng tawad pareho kay Ate Kathy ko dahil sinuway ko siya. Nangako akong hindi muna ako magbo-boyfriend hangga't hindi pa ako nag-eighteen, pero hindi napigilan. Tumibok iyong puso ko sa'yo eh,"" ani ng dalagita.
Hinaplos ng lalaki ang magandang mukha ng dalagita. Maya-maya pa ay nagtagpo na ang kanilang mga labi na tumagal ng ilang segundo.
""Happy eighteenth birthday, mahal ko,"" nakangiting sambit ng lalaki nang maghiwalay ang kanilang mga labi.
""Thank you!"" sagot ng babae at tiningnan ang relo sa braso. ""Paano ba iyan? Baka hinahanap na ako sa amin. Mauna na ako, mahal,"" pagkuwa'y paalam nito.
Isang mahigpit na yakap ang binigay ng dalagita bago iwanan ang binatilyo. Bumaba ito ng burol at umuwi sa isang mala-mansiyon na bahay. Isang napakalaki at magandang bahay na namumukod tangi sa lugar na iyon. Sa bahay rin na iyon nakatakdang ganapin ang engrandeng debut party ng dalagita mamayang gabi.
KINAGABIHAN, hindi magkandaugaga ang mga tao sa malaking bahay kung saan nakatira ang dalagita. Maya't maya ang pagdating ng mga bisita na nakabihis ng mga magagarang damit. Sa dami ng tao ay naroon din ang binatilyong kasama kanina ng dalagita sa burol. Ito na ang engrandeng selebrasyon para sa debut ng dalagita. At sumapit na ang nakatakdang oras na napagkasunduan ng dalawa na sasabihin na nila ang patago nilang pagmamahalan.
Matiwasay na nagsimula ang kasiyahan. Hanggang sa kalagitnaan ng okasyon ay tinawag ang labing-walong kalalakihan na bahagi ng eighteenth roses. Isa-isang nagbibigay ng rosas at isinasayaw ng mga ito ang dalagita. Panghuli si Travis kaya't nang makita nitong tapos nang isayaw ng panglabing-pito ang dalagita ay sunod na itong nagtungo sa gitna.
Nakangiti lumapit sa dalagita si Travis at bago niya ito isinayaw ay nagbigay muna ito ng magandang mensahe para sa dalagita. Doon na nagsimulang banggitin ni Travis ang pagmamahalan na namimigitan sa kanilang dalawa. Habang nagsasalita ang binatilyo ay kitang-kita ang kaba sa mukha ng dalagita.
Ang sumunod na ginawa ng dalagita ay hindi inaasahan. Sa harap ng maraming tao ay sinabi ng dalagitang wala itong alam tungkol sa sinasabi ni Travis. Sinabi pa ng dalagita na gumagawa lang ng kwento ang binatilyo na dahilan upang mapahiya ito lalo. Dahil sa kahihiyan ay tumakbong luhaan ang binatilyo palayo.
Sa nangyari ay namumuo rin ang luha sa mga mata ng dalagita. Gusto niya sanang habulin ang binatilyo subalit sa dami ng tao sa paligid niya ay pakiramdam niya nanghina siya. Wala na siyang nagawa at kahit hindi man komportable ang dalagita ay sinikap niyang ituloy hanggang sa mairaos ang kasiyahan ng kaniyang kaarawan.
Kinabukasan ay pinuntahan ng dalagita kung saan nakatira ang binatilyo. Doon niya napag-alaman na madaling araw ay nilisan na ng binatilyo kasama ang ina nito ang lugar na iyon upang makatakas sa nangyaring kakahihiyan kagabi. Sa natuklasan ay nag-uunahang dumaloy sa pisngi niya ang mga luha. Hindi napaghandaan ng dalagita ang pag-alis ng lalaking minamahal niya. Hindi niya akalaing hahantong sa ganito ang ginawa niya.
Labis-labis na pagsisisi ang nararamdaman ng dalagita nang araw mga oras na iyon. Nasasaktan siya sa nalamang nagpakalayo-layo ang binatilyo at iniwan na siya. Wala siyang ideya kung kailan ito babalik o babalik pa ba ito?.