ALAS-KWATRO ng hapon ay na nasa Rancho Villaruiz na sila. Ang dapat sana ay alas-singko ng hapon sila aalis ay napaaga dahil maagang umuwi galing sa opisina si Dylan.
""Gandang Jean, gumawa ako ng paborito mong lenche flan dahil alam kong darating ka,"" wika ni Aling Noela na isa sa mga katulong sa bahay ni Dylan sa Rancho Villaruiz. Bale, ito ang pumalit sa Nanay ni Travis.
""Wow, thank you po!"" Inamoy ni Jean ang leche flan at sarap na sarap siya sa aroma pa lang niyon.
Umupo si Jean sa bakanteng upuan na nasa kusina at sinimulan nitong lantakan ang leche flan na ibinigay sa kaniya.
""Mmmm... ang sarap! Tamang-tama lang po iyong tamis, Aling Noela,"" aniya.
""Sabi ko nga ba eh, magugustuhan mo. Ubusin mo iyan at may ginawa naman ako para kina Ma'am Kathy at Sir Dylan,"" saad ni Aling Noela.
"”Maraming salamat po,”” magalang na sabi ni Jean at ipinagpatuloy ang pagkain.
Kararating pa lang nila sa Rancho Villaruiz at nang malaman nga ng mga tao roon na umuwi sila ay dumagsa ang mga ito sa bahay ni Dylan.
""Kain po,”” alok ni Jean sa isang magsasaka na pumasok sa kusina.
""Salamat, attorney!”” nakangiting wika nito at nagtanong kung saan nakalagay ang malaking kawali.
Tinuro naman ni Jean kung saan iyon nakalagay.
""Aanhin niyo po iyan, Mang Gustin?”” tanong niya rito nang hawak na ng magsasaka ang malaking kawali.
""Iinitan po ito nga tubig para sa kakataying baboy. Pinapakatay kasi ni Sir Dylan iyong isang baboy para sa salo-salo sa araw ng pag-ani ng palay bukas,”” sagot ng magsasaka at nagpaalam na itong lalabas.
Ganito ang sitwasyon nila sa tuwing nauwi si Dylan at Kathy sa Rancho Villaruiz. Hindi pwedeng walang handaan na magaganap lalo na’t tuwing araw ng anihan ng palay at gulay. Isa iyon sa paraan ng pasasalamat ng mag-asawa sa mga taong nagpapakahirap sa Rancho Villaruiz at para na rin sa pagdiriwang ng masaganang ani.
Ilang sandali pa ay narinig ni Jean ang mga yabag na pababa ng hagdan. Nakita niya si Dylan at lumapit ito sa kaniya sa kusina. Kumuha ito ng baso at uminom ng tubig.
""Kuya, magkakatay ng baboy ngayon?”” naitanong niya.
""Yes, attorney! Sinabihan ko silang katayin na ang isang anak ni Tisay,”” tugon ni Dylan.
Si Tisay ay ang inahing baboy at pinakamatandang baboy na alaga sa Rancho Villaruiz. Maraming beses na iyong nanganak at ang bawat biik niyon ay hindi binebenta. Inaalagaan lang mga iyon at pinapakatay kapag may okasiyon.
""Wala ka bang gagawin pagkatapos mong kumain?”” maya-maya’y tanong ni Dylan.
""Wala naman, kuya. Sinabihan ko iyong mga barkada ko rito na bukas na lang sila pupunta,”” aniya.
Maraming barkada si Jean sa Rancho Villaruiz. Mga kamag-anak ni Kathy at iyong iba naman ay anak ng mga magsasaka. May nakilala rin siya na grupo ng kabataan noong unang tapak niya sa Rancho Villaruiz na magpahanggang-ngayon ay kabarkada niya pa rin. Iilan sa mga kabataang iyon ay may mga asawa’t anak na. Iyong iba naman ay dating Sangguniang Kabataan Member at ngayon ay nakaupo na bilang Kagawad o Konsehal ng barangay. Iyong iba ay dating estudyante lang ni Kathy pero ngayon ay guro na rin sa eskwelahang dating pinatuturuan nito.
""How about your business? Hindi mo ba bibisitahin?”” tanong muli ni Dylan.
Ang negosyo ni Jean ay mga native products. Mayaman sa rattan ang kabundukan na nakapaligid sa Rancho Villaruiz. Halos lahat din ng mga kababaihan sa lugar na iyon ay marunong gumawa ng mga native products katulad ng mga paso, basket, carpet, lampshade, chandeliers at iba’t-ibang furniture na gawa sa rattan. Nataon din na nauso sa panahon ngayon ang interior design na gawa sa kahoy kung kaya’t pumatok ang kaniyang negosyo. Sa katunayan, may dalawang shop siya sa Maynila. Mayroon rin siyang online shop para sa mga gustong bumili online.
Sa tagumpay ng kaniyang negosyo ay iyon ang naging dahilan kung bakit binitawan niya ang kaniyang pagiging abogada. Nakakatulong naman siya sa ibang tao dahil nabigyan niya ang mga ito ng trabaho. Pati ang mga katutubong nakatira sa bundok ay minsan bumaba pa ang mga ito upang magbenta ng mga gawang produkto gaya ng mga walis.
""Bukas ng umaga ako pupunta roon, kuya,”” sagot niya.
""Kung ganoon, baka pwede mong samahan muna si Xander kasi magpa-practice siyang mag-drive ng kotse. Pupunta kasi kami ng sementeryo ni Ate Kathy mo para bumisita sa puntod ni Lola Eva. Si Tatay naman ay tutulong doon sa pagkatay ng baboy,”” ani ni Dylan.
""Sige, kuya. Ako na po ang bahala magturo kay Xander kung paano mag-drive. Sabihan niyo na lang po ako kapag paalis na kayo,”” aniya.
Lumabas si Dylan at naiwan siyang mag-isa. Bigla siyang nalungkot nang mapag-isa dahil naalala niya si Travis. Sampung taon na ang nakalipas mula nang lisanin ni Travis ang Rancho Villaruiz. Nasa bente otso na siya ngayon at kahit maraming taon na ang nakalipas ay umaasa pa rin siyang babalik pa rin ito.
Sa tuwing bumabalik si Jean sa Rancho Villaruiz ay iisa lang ang hinihiling niya na sana’y bumalik na si Travis. Hindi siya nawawalan ng pag-asa dahil may lupa ang ina ni Travis doon sa gilid ng kalsada malapit sa eskwelahan. Nasira lang ang dating bahay ng mga ito na nakatayo sa lupang pag-aari ng mga ito ngunit walang nangahas na umangkin o gumalaw niyon.
Ang sabi ng kapitbahay nina Travis ay titulado ang lupang iyon na minana pa ng ina ni Travis sa mga magulang nito. Ang lupang iyon ang nagsisilbing pag-asa niya dahil darating talaga ang araw na babalikan ng mga ito ang lupang iyon. Sa ngayon, wala ni isang nakakaalam kung nasaan na ang mag-ina. Walang balita kung saan pumunta ang mag-ina pagkatapos ng debut niya.
""Jean! Jean!””
Narinig niyang tinatawag siya ni Kathy. Tumayo siya buhat sa pagkakaupo at nilapitan ito.
""Ate?”” aniya.
""Aalis muna kami ha… Pakialalayan na lang si Xander mag-drive baka kasi makadisgrasya. Pababa na rin iyon,” wika ni Kathy.
""Sige po, ako na bahala sa kaniya. Ingat po kayo!”” aniya.
Magkasunod sina Kathy at Dylan na lumabas ng bahay. Motorsiklo lang gamit ng dalawa papuntang sementeryo upang mabilis ang mga itong makabalik. Tinungo ni Jean ang sala at doon na lamang niya hinintay si Xander sa pagbaba nito.