UNA
Nagsalita si Aling Beth, “Hijo, mag-ayos ka na ng sarili mo, ah. Aalis na ang shuttle.” Tumango naman ako sa kaniya.
“Opo, Aling Beth,” magalang ko namang sagot.
Si Aling Beth ay ang taga-luto sa bahay-ampunan na aking tinutuluyan. Sa ampunan ako lumaki. Dito namulat ang aking mga mata.
Nagpakawala ako nang isang malakas na buntong-hininga.
Tuwing Sabado at Linggo ay nagtitinda kami sa labas ng ampunan. Ngayong weekend ay sa bus station kami magtitinda. Nagtitinda kami upang matustusan ang pag-aaral namin. May pangarap din naman kami katulad ng ibang bata riyan.
Nag-aaral sila ngunit kailangan naming magtinda upang matustusan ang pag-aaral namin na mga nasa ampunan.
Gumagawa kami ng mga meryenda katulad na lamang ng banana cue at saka mani. Ngayon ay banana cue ang ibebenta ko. Tinuruan ako ni Aling Beth kung paano magluto niyon at mabilis naman akong natuto kung kaya’t ang ititinda ko ngayon ay ako na mismo ang may gawa.
Nang makapag-ayos na ako ng sarili ko ay lumabas na ako ng ampunan. Ako na lang pala ang hinihintay ng shuttle van.
Dala-dala ko ang isang basket na naglalaman banana cue ay sumakay na siya sa shuttle. Kasama ko sa loob ang mga batang ulila…
Mga walang magulang na katulad ko…
Mga batang wala sa pangangalaga ng mga magulang.
Napabuntong-hininga na lang ako. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na babalikan ako ng mga magulang ko.
Sabi ng mga kawani ng ampunan ay iniwan daw ako ng aking ama. Isa ako sa mga bata sa ampunan na tinatawag na foundling, na ang ibig sabihin ay wala akong records ng mga magulang ko.
Wala ako, silang ideya kung ano ang tunay kong apilyedo ngunit dahil kay Aling Beth daw ako inabot ng aking tunay na ama. Hindi naman na raw naitanong ni Aling Beth kung ano ang buong pangalan ko. Siya na lang ang nagbigay ng pangalan sa akin at sa kaniya rin muna isinunod ang apilyedo ko habang wala pang nag-a-adopt sa akin.
Ako nga pala si Mark Alferez.
Iyon ang binigay sa akin na pangalan ni Aling Beth. Gaya ng sinabi ko ay sa kaniya sinunod ang apilyedo ko. Alagang-alaga niya ako noon pa man. Sabi rin ni Aling Beth ay sampung taon na ako. Ang birthday ko ay ang araw na iwan ako ng aking ama sa ampunan.
Mapait akong napangiti.
Simula nang makagisnan ko ang buhay sa bahay-ampunan ay si Aling Beth lang ang naging kakampi ko. Siya lang ang naging kaibigan ko.
Pero may kulang pa rin…
Nandito kasi ako sa lugar…
Kung saan, sobrang lungkot…
Wala akong ibang kaibigan. Wala pang mga magulang.
Hindi ko itatanggi na lubos akong na-i-inggit sa mga kaklase ko sa school. Nalulungkot ako tuwing nakikita ko na may nanay at tatay na naghahatid-sundo sa mga anak nila, bago pa umalis ay may pahabol pang halik.
Ako kaya? Kailan ko kaya mararanasan? Iyong may nanay at tatay na hahalik sa noo ko at yayakapin muna ako bago pumasok sa school?
“Alam mo ba, Aira, sabi sa akin ay may gusto raw umampon sa akin. Balita ko nga ay mayaman daw ito!” Habang nasa biyahe kami papuntang bus station kung saan kami magtitinda ay nagsalita ang isa sa mga kasama ko.
Tahimik lang ako at nakikinig lang sa kanila.
Hindi naman talaga ako madaldal. Hindi rin ako palakaibigan sa kanila.
Tanging ang taga-luto lang sa ampunan ang nakakausap ko. At ang tumayo na ring ina sa akin. Si Aling Beth.
“Talaga? Ang suwerte mo naman,” sabi naman ng isa. Hindi ko na lang sila masyadong pinansin.
Sana ang mag-ampon sa akin ay ang tunay ko ng mga magulang.
Hindi naman ako nagagalit sa kanila dahil sa iniwan nila ako sa ampunan. Hindi naman nagkulang si Aling Beth sa pangangaral sa akin na ‘wag akong magagalit sa kanila, sapagkat may katanggap-tanggap na rason daw ito kaya nila ako nagawang iwan sa bahay-ampunan.
Mabilis naman silang nakarating sa bus station namin. Agad kaming nagsimulang magtinda. Nang may tumigil na bus ay paisa-isa kaming nagsi-akyat upang pagbentahan ang mga pasaherong naroon.
“Banana cue po kayo riyan. Mainit pa!” malakas na boses na sabi ko nang may tumigil na bus.
Nakatingin naman sa akin ang isang babae na nasa may bandang gitna ng bus. Hinarap ko sa kaniya ang basket ng banana cue ko. “Ate, banana cue po?” Ngumiti lang siya sa akin at saka umiling.
Ngumiti na lang din ako pagkatapos ay nagpatuloy na ako sa paglakad. Wala akong nabentahan sa unang bus na dumaan. Ngunit sa mga sumunod na bus na tumigil sa station ay naubos naman ang paninda ko at ang mga kasama ko.
Bumalik na kami sa shuttle ng bus. May isang social worker ang sumundo sa amin na may ngiti sa kaniyang labi.
“Ang galing niyo naman, naubos na ang mga paninda niyo. At dahil diyan…” pabitin pang sabi niya habang nasa loob na kami ng shuttle. Umaandar na ito at malamang sa malamang ay pabalik na kami nang orphanage.
“Saan po tayo pupunta?” tanong ng isa pang ulilang kagaya ko.
“Sa parke!” sabi nito. Lihim naman akong napangiti. Tama nga ang sinabi ng social worker. Dinala niya kami sa isang parke. Maraming bata ang nandoon.
“Wow!”
“Yehey!”
Reaksyon ng mga batang kasama ko. Tuwang-tuwa sila. Ako rin naman ay nagagalak at naisipan kaming ipasyal dito. Tumingin ako sa paligid ko at saka napangiti na lang din talaga.
Na-upo ako sa isang semento na nakapalibot sa malaking puno rito sa parke. Hindi ko alam kung tama ako o hindi pero ang alam ko po ay concrete seat walls ang tawag dito sa inupuan ko.
Nakatingin lang ako sa mga kasama kong ulila. Iyong basket na dala-dala ko ay naiwan sa shuttle. Nagsimula nang maglaro ang mga kasama ko sa ampunan. Hindi naman ako nakisali. Pinapanood ko lang sila na nagkakatuwaan habang naglalaro. Lumapit naman sa akin iyong social worker na kasama namin.
“Bakit ka na naman malungkot, Mark?” tanong niya at tumabi pa siya sa akin. Mapait lang akong ngumiti sa kaniya.
“Salamat nga po pala at dinala niyo kami rito,” magalang na sabi ko sa kaniya. Umakbay naman siya sa akin.
“Napapansin ko na palagi kang malungkot. Ayaw mo bang makipag-kaibigan sa ibang mga bata?” Umiling naman ako nang sabihin niya ‘yon.
“Naghihintay pa rin po ako na balikan ng Papa ko,” sabi ko na lang sa kaniya. Napabuntong-hininga lang siya at hinimas-himas ang likod ko.
“Sana nga,” bulong niya ngunit sapat ang lakas upang marinig ko.
Maya-maya pa ay tumayo siya at lumayo na rin sa akin. Sabi niya ay bibili lang siya ng makakain namin.
Tulala lamang ako pero bigla akong natigilan nang may kumanta at nakarinig ako ng tunog ng gitara. Napakunot ang noo ko, nasa may bandang gilid ko lang siya. Tama nga ang hinala ko.
May hawak siyang gitara. Patuloy lang siyang kumakanta. Iyong kinakanta niya ay isang sikat na kanta na palagi kong naririnig sa radyo.
Hindi ko napigilan na lumapit sa kaniya. Natigil siya sa paggitara at pagkanta nang mapansin niya ako na lumapit. Binigyan niya ako ng matamis na ngiti.
“Anong pangalan mo?” tanong niya sa akin.
“Mark po…” sagot ko naman.
“Gusto mo bang sabayan akong kumanta?” Nang sabihin niya ‘yon nang may ngiti sa labi ay hindi ko na rin talaga naiwasang ngumiti.