Paulit-ulit kong sinambit ang mga unang tatlong note. May ngiti rin sa aking labi, natutuwa ako na matutunan ang lahat tungkol sa usaping nota.
Hawak-hawak ko ang isang libro tungkol sa asignaturang musika. Patuloy kong binabasa ang mga pangalan ng nota at ang depinisyon nito. Tinatandaan ko rin ang mga simbolo nito.
Mga nota’t simbolo ang aming tinatalakay ngayon at sobrang natutuwa ako. Natutuwa akong matuto. Matutuhan ang musika. Ang pagkanta.
Ilang linggo o buwan na yata ang nakakalipas simula nang ipasyal kami ng isang social worker sa parke, at doon ko nakilala ang isang lalaki na magaling tumugtog ng instrumento… Ito ay gitara.
Napangiti na lang ako, pinahanga niya ako at pinangako ko naman sa sarili ko na gusto ko maging isang tulad niya. Isang musikero.
Gusto kong kumanta lang nang kumanta.
“Mark, kanina pa kita hinahanap.”
Napatigil ako sa pagbabasa ng libro nang bigla na lang dumating si Aling Beth. Nandito ako sa maliit na palaruan. Mag-isa lang ako at pinipilit ko talagang mag-aral.
“Bakit po?” magalang na tanong ko. Ngumiti naman siya sa akin at tumabi sa kinauupuan ko. Ginulo niya ang buhok ko.
“Ang laki mo na, Mark. Parang kailan lang ay sanggol ka pa,” sabi nito. Mapait lang akong napangiti.
“Parang kailan lang po ay iniwan ako rito sa ampunan na ‘to,” sabi ko na lang. Nagpakawala siya ng isang malakas na buntong-hininga.
“Pasensya na, Mark. Ginawa naman namin ang lahat para matunton ang tunay mong mga magulang. Ibinalita na rin namin sa radyo at diyaryo ang tungkol sa’yo ngunit walang umaako.”
Tumango-tango na lang ako. Sana’y makita ko na ang tunay kong mga magulang.
Hindi naman ako nakasagot sa kaniya.
“Ngayon aalis si Aira,” nagsalitang muli si Aling Beth. “Magpaalam ka sa kaniya,” dugtong niya.
Oo nga pala at tuluyan nang inampon ang kasama ko sa ampunan na si Aira. Ulila rin si Aira at hindi rin matukoy ang kaniyang mga magulang.
“Opo,” sabi ko at ngumiti sa kaniya. Tumayo na ako. Ganoon din ang ginawa niya at naglakad na ulit kami papasok ng orphanage. Pagdating namin doon sa may chapel ng ampunan ay nakita namin doon si Aira na umiiyak. Nagpapaalam na siya sa mga kaibigan niya.
Kinalabit ko naman si Aling Beth.
“Aling Beth? Bakit siya iyak nang iyak? Anong problema? Saan na ba siya titira?” sunod na sunod ang tanong ko.
“Hindi taga-Pilipinas ang umampon sa kaniya, Mark. Taga-ibang bansa ito at si Aira ay dadalhin na rin sa ibang bansa. Hindi natin alam kung makikita pa natin siya o babalik siya rito.” Ngumiti sa akin si Aling Beth. Napatango-tango naman ako sa kaniya at bumaling ulit kay Aira na umiiyak pa rin.
Napansin ko naman ang hindi pamilyar na isang babae at lalaki sa may gitna lang, ang tatangkad nila at mukhang hindi sila taga-rito. Siguro siya ang aampon kay Aira.
“Mark!” Sa akin naman lumapit si Aira. Nagulat ako nang bigla niya na lang akong yakapin. “Mami-miss kita, kahit na may pagka-masungit ka! Tapos hindi mo ‘ko pinapansin kaya hindi tayo palaging bati! Mami-miss kita!” Iyak nang iyak si Aira habang nakayakap sa akin. Gusto ko siyang itulak papalayo ngunit hinayaan ko na lang din siya.
Tulad ng sabi ni Aling Beth, walang kasiguraduhan kung makikita pa ulit namin si Aira kapag lumabas na siya ng ampunan.
At tuluyan na nga siyang umalis kasama ang kaniyang bagong mga magulang. Kumaway na lang ako sa kaniya bilang paalam.
“Sana maging maganda ang buhay ni Aira sa kamay ng mga foreigner na ‘yon,” sabi ni Aling Beth. Umakbay na siya sa akin pagkatapos ay pumasok na kami sa loob ng bahay-ampunan. Pinakain niya ako at ako naman ay nagpaalam na mag-aaral ulit.
Gusto kong bumili ng sarili kong gitara upang mag-aral tumogtog ngunit wala naman akong sapat na pera pambili. Napabuntong-hininga na lang ako.
“May araw din…” bulong ko na lang. Hindi ko naman inaasahan na maririnig iyon ni Aling Beth.
“Ang alin?” tanong niya sa akin. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin ngunit sa huli ay sinabi ko pa rin.
“Gusto ko pong matutong mag-gitara. Gusto ko pong kumanta,” magalang na sabi ko. Lumawak naman ang mga ngisi niya sa akin.
“Aba’y maganda ‘yan!” tuwang-tuwang sabi niya. “Susuportahan kita sa kung saan ka masaya.” Marahan niya pang pinisil ang magkabilang pisngi ko.
Hindi kami magkadugo pero mahal niya ako. Anak na rin ang turing niya sa akin. Paano pa kaya ang mga tunay kong mga magulang? Malamang ay doble pa sa pagmamahal na ibinibigay ni Aling Beth sa akin.
Hindi na ako makapaghintay na balikan nila ako rito at magsama na kaming magpa-pamilya. Makasama sa pasko, birthday ko, mga importanteng okasyon. Gusto ko rin malaman kung ano ba talaga ang buo at totoong pangalan ko.
“Salamat, Aling Beth!” Yumakap pa ako sa kaniya. Napahalakhak naman siya.
“Sige nga. Kantahan mo ‘ko, sample naman diyan,” sabi nito. Nakangisi siya ngayon kaya hindi ko rin naiwasan ang ngumisi.
Pagkatapos ay tumango ako sa kaniya na ibig sabihin ay payag ako na kantahan siya. Tumikhim muna ako bago nagsimulang kumanta. Kinanta ko ang naging isang paborito kong kanta na narinig ko sa diyaryo. Na siya ring kinanta namin noong lalaking may gitara sa parke.
Pagkatapos kong umawit ay napakunot ang mga noo niya at diretso lang na nakatingin sa akin. Napalunok naman ako. Marahil ay hindi siya nagandahan sa boses ko. Marahil ako ay tunay ngang sintunado.
“Pangit po ba ang boses ko? Wala po ba ako sa tono?” tanong ko pa sa kaniya. Iyong kunot ng noo niya ay dahan-dahang nawala tapos ngumiti lang siya sa akin ng matamis.
Hinawakan niya ako sa kaliwang balikat ko. “Mark, may mararating ka,” nakangiting sabi niya.
“Po?” Medyo hindi ko kasi naintindihan ang sinabi niya.
“Ipagpatuloy mo lang ang ‘yong pagkanta kung diyan ka masaya. At isa pa, bagay ka naman sa industriya na ‘yan.”
Hindi ko pa rin siya gaanong naintindihan. Ano ba ang industrya na kaniyang tinutukoy?
“Ano po?” ulit ko na namang tanong sa kaniya. Natawa na lang siya pagkatapos ay ginulo na lamang ang buhok ko.
“Kumain ka na nga rito!” yakag niya sa akin.
Hindi ko tuloy ngayon alam kung pangit ba ang boses ko o hindi. Hindi niya naman sa akin sinabi. Maaaring pangit ang boses ko sapagka’t kunot na kunot ang noo niya kanina.
“Sige po,” sagot ko na lang kay Aling Beth. Nagsimula naman na kaming kumain.