Ikatlo

1138 Words
Araw na naman ang lumipas. Paulit-ulit lang din mga nangyayari sa araw-araw. Tuwing Lunes hanggang Biyernes ay nag-aaral kami, pagsapit naman ng Sabado’t Linggo ay nagtitinda kami ng mga meryenda. Hindi kasi libre ang pag-aaral namin. Kailangan naming tustusan ang sarili naming pangangailangan sa eskuwela kung kaya’t nagtitinda kami. Naka-upo ako ngayon sa bench malapit sa isang rebulto na naririto sa bahay ampunan. Nakatingin lang ako sa main gate ng ampunan at nag-iisip-isip. Kadalasan ay dito talaga ako tumatambay lalo na kapag wala naman akong ginagawa. Sapagkat umaasa ako na baka matiyempuhan ko ang aking mga magulang. Maaaring sinisilip din nila ako sa gate. Napabuntong-hininga na lang ako. Siguro sa sobrang hirap ng buhay kaya nila ako nagawang iwanan sa ampunan. Hindi ko rin naman magawang magalit sa kanila kasi alam ko na may rason sila kung bakit nila ako iniwan sa lugar na ‘to. Kinanta ko na lang ulit ang kantang Hanggang sa Muli ni Aguinaldo Jadone. Ngayon ko lamang nalaman na siya pala ang umawit ng kanta na palagi kong naririnig sa radyo. Siya pala ‘yon. “Hindi ko maiwasan na… Isipin ka…” Patuloy lamang ako sa pagkanta ng mga kanta niya. Idolo ko na siya nagmula ngayon. Isa siyang mang-aawit at madalas ko na siyang makita sa telebisyon. Ang ganda ng boses niya. Malamang, hindi naman siya magiging sikat kung wala talaga siyang talento sa pagkanta. Patuloy lang ako sa pag-awit hanggang sa nagdesisyon na akong bumalik na sa loob. Kanina pa ako naka-upo rito ngunit wala pa ring dumadating upang sunduin ako. Ilang taon pa ba ang dapat kong hintayin upang magkasama ulit kami ng mga magulang ko? “Kamusta ang pag-aaral mo?” tanong sa akin ni Aling Beth pagpasok niya sa silid namin. Sa isang silid ay lima kaming nagsisiksikan dito. Ngunit hiwalay naman ang lalaki sa babae kung kaya’t lalaki ang mga kasama ko rito Sampung taong gulang na kasi ako. Dito sa ampunan, kapag ikaw ay tumuntong na ng anim na taong gulang ay ipinaghihiwalay na ang babae’t lalaki. May tinatawag naman kaming nursery room sa ampunan kung saan doon nag-i-stay ang mga sanggol. Sabi sa akin ni Aling Beth ay doon daw ako namamalagi noong sanggol pa lamang ako. “Maayos naman po…” sagot ko sa kaniya. Hinaplos-haplos niya lang ang buhok ko. Patuloy lang din akong nagbabasa ng mga leksiyon namin ngayon sa paaralan. “Mark, mag-aral ka nang mabuti, ha. Huwag na huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo,” panimula niya. “Kasi ayan ang magiging tulay mo upang guminhawa ang buhay mo.” Dahan-dahan naman akong nag-angat ng tingin sa kaniya. “Makikita ko na rin po ba ang totoo kong mga magulang ‘pag nag-aral ako nang mabuti?” tanong ko sa kaniya. Natigilan naman siya sa sinabi ko. Hindi siya sa akin nakasagot kaagad. Napaisip naman ako. “Buhay pa naman po sila ‘di ba po?” paniniguro ko pa at may halong kaba pa ang tanong ko sa kaniya. Paano nga kung wala na sila? Siguro dapat ay hindi ko iniisip ang mga bagay na ‘yon. Dapat hindi ako mawalan ng pag-asa na buhay pa sila at babalikan nila ako rito. “O-Oo naman…” nag-aalangan pang sagot sa akin ni Aling Beth. Napabuntong-hininga naman ako. “Sabik na akong makita sila,” sabi ko pa. “Sabik na akong mayakap sila, makita ang mga kapatid ko kung mayroon man ako…” Bigla niya naman akong niyakap. “Ako na muna ang yakapin mo, Mark, hijo,” sabi niya sa akin at humigpit pa lalo ang yakap niya. Hindi ko naman maiwasang ang maging emosyonal. Napahikbi na naman ako. “Bakit pa po kasi nila ako iniwan dito? H-hindi ba nila ako mahal? M-mukha po ba akong alien noong bata po ako?” sabi ko sa pagitan ng pag-iyak ko. Narinig ko rin siya na napasinghot at niyakap lang talaga niya ako ng mahigpit. “Eto ang tatandaan mo, Mark.” Suminghot siya. “Walang magulang ang hindi mahal ang kaniyang mga anak. Mahal ka ng mga magulang mo. Balang araw, maiintindihan mo rin ang lahat ng ito. Balang araw, makikita mo rin sila. Balang araw mayayakap mo rin sila nang mas mahigpit pa sa yakap ko sa’yo ngayon. Abutin mo ang pangarap mo, Mark. May rason ang lahat ng bagay, at para rin sa ikabubuti mo ‘yon.” Napatango-tango na lamang ako sa mga sinasabi niya. Umiyak lang ako sa balikat niya at paulit-ulit na tinatanong sa sarili ko kung BAKIT. BAKIT KAILANGAN AKONG IWAN DITO? BAKIT NANGYAYARI ITO? BAKIT HINDI NA LANG AKO MAGING KATULAD NG IBANG BATA NA KASAMA ANG MGA MAGULANG NILA? BAKIT WALANG MAGULANG ANG NAGHAHATID SA AKIN SA ESKWELAHAN AT MAY HALIK PA SA NOO BAGO UMALIS? BAKIT? May kulang ba sa akin noong pinanganak ako? Ilang minuto ang lumipas ay kumalas kami sa pagyayakapan pagkatapos ay hinalikan niya ako sa noo. “Mark, marami ka pang matutunan. Pero hindi ko sinasabi sa iyo na magalit ka sa mga magulang mo. Huwag ka magagalit sa rason nila kung hindi mo man tanggap.” Tumango-tango na lang ulit ako at niyakap ko ulit si Aling Beth, “Salamat, Aling Beth. Ikaw lang talaga kakampi ko…” Napahalakhak siya. “Hindi lang ako, Mark, pati rin ang nasa Diyos na nasa itaas..” turo niya pa sa taas. Napangiti na lang ako sa kaniya at saka sumang-ayon. “Salamat…” bulong ko pa. “Mag-aral ka nang mabuti, ha,” sabi niya at kumalas kami sa pagkakayakap. Pinunasan niya ang mga luha ko gamit ang kaniyang hinalalaki. Ang mga luha ko’y patuloy pa rin na umaaagos sa aking pusngi. “Opo…” sagot ko sa kaniya “Ano bang gusto mo paglaki mo?” tanong niya sa akin. Napaisip naman ako. Ano nga ba ang gusto ko? Gusto kong… “Gusto ko pong maging musikero. Gusto ko rin pong sumikat katulad ni Aguinaldo Jadone.” Natawa siya “Aguinaldo Jadone? Siya ba ang umawit ng kantang Hanggang Sa Muli?” tanong niya. Tumango-tango naman ako sa kaniya bilang pag-sang-ayon. “Siya nga po…” “Bakit naman gusto mong maging isang sikat na musikero?” tanong niya sa akin. Anon ga ba ang dahilan ko? Marami akong dahilan. “Gusto ko po ang pagkanta, at kapag nakita na ako sa telebisyon…” Tumigil ako sa pagsasalita. “Hmm?” “Kapag po nakita na ako sa telebisyon, may tsansa na makita ako ng mga magulang ko…” sabi ko pa. Ngumiti naman siya sa akin. “At kapag nangyari nga ‘yon. Siguradong-sigurado ako na magiging proud sila sa’yo!” sabi niya. Ngumiti na lang din ako sa kaniya. “Kantahan mo na lang ulit ako…” sabi niya pa. Nagpapasalamat talaga ako na nandito si Aling Beth sa tabi ko palagi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD