“Mark, kumusta ang school ngayon?” Nakangiti kaagad na tanong sa akin ni Aling Beth nang maka-uwi ako sa galing sa paaralan. Kararating lang namin at hindi pa nga ako nagpapalit ng suot kong uniform.
“Maayos naman po, Aling Beth.” Ngumiti na lang din ako sa kaniya, sa totoo lamang ay hindi naging maayos ang kalagayan ko sa paaralan ngayon. Nagsisimula na silang kutyain ako bilang isang ulilang bata. Nagsimula ‘to nang umalis si Aira. Dati kasi ay hindi naman ako masyadong nabu-bully.
Ngayon alam ko na kung bakit. Sabi sa akin ng isa pa sa mga bata rito na palaging kasama ni Aira ay hindi raw nila akong magawang asarin kasi natatakot sila kay Aira.
Kilala si Aira bilang isang palaban na bata talaga.
Napabuntong hininga na lamang ako. Napansin ko kaagad na napakaraming nagbago, lahat-lahat nagbago simula nang ampunin ang kapwa ko ulila na batang si Aira.
“Mabuti naman kung ganoon. Magpalit ka na muna ng ‘yong damit tapos pumunta ka sa kusina upang makapag-meryenda ka na,” sabi niya sa akin. Ako’y tumango na lamang pagkatapos ay sinunod ko ang kaniyang sinabi. Nagtungo na ako sa silid namin at nagpalit na ng damit.
Tinanggal ko ang suot kong uniporme at pinalitan ko ‘yon ng simpleng damit pang-itaas na may kalakihan pa sa akin. Kayumanggi ang kulay nito, pinaglumaan ng kung sino.
Hindi naman talaga ‘to sa akin. Hindi ‘to binigay sa akin na bago. Ito ay donasyon mula sa may mga mabubuting puso sa labas ng ampunan. Nagpapasalamat din ako sa kanila sa pagbibigay nila ng mga pinaglumaan nila na puwede pa naming magamit.
“Gusto ko nang maampon! Ayaw ko na rito!” Palabas pa lamang ako sa silid namin nang marinig ko ang sigaw sa isa sa mga kasamahan ko. Malapit siya sa may mesa kung saan may nakalagay na flower vase. Nakita ko kung paano niya ‘to marahas na hablutin at saka niya ibinato sa may pader.
Malakas na tunog ng pagkabasag ang sunod namin na narinig. Ang ibang bata pa na naroon din ay hindi naiwasan ang mapatakip ng tenga.
“Samantha!” Nagsidatingan ang mga madre dahil sa pagbasag na ‘yon. Ako naman ay nanatili lamang na nakatayo. Hinihintay kung ano nga ba ang sunod na mangyayari.
Dinaluhan nila ang ulila rin na si Samantha.
“Sawang-sawa na ako sa buhay na mayroon ako, Sister! Gusto ko nang umalis! Aalis na ho ako. Hindi ko na kaya!”
Nang tingnan ko siya nang diretso sa kaniyang mukha ay sunod-sunod na ang pagpatak ng mga luha nito. Sa pagkakatanda ko ay mas matanda sa akin si Samantha ng dalawang taon. Malapit na nga siguro siyang mag-sekondarya.
Wala rin sa kaniyang uma-ampon sapagkat sabi ni Aling Beth ay ang mga gusto raw ng mga magulang na nagpupunta rito para mag-ampon ay mga sanggol pa.
Suwerte na nga si Aira at may pamilya na napagdesisyunan siyang ampunin.
“Ano ba ‘yang sinasabi mo, Samantha?” tanong pa ng isa sa mga madre at pagkatapos ay mabilis ‘tong nag-sign of the cross.
“Sister! Ayaw ko na! Kailan ba ako ma-aampon? Kailan ba giginhawa ang buhay ko? Kailan ba ako pipiliin? Kailan ko ba mararanasan ang mahalin?!”
“Mahal ka namin dito, Samantha! Pag-usapan natin ‘to!”
“Ayaw ko! Ayaw ko sa inyo! Ang gusto ko ay maka-alis ako sa impyernong buhay na ‘to!” sabi niya.
Akmang hahawakan siya ng isang madre nang tabigin niya ‘to at saka tumakbo papalayo… papalabas.
“Samantha! Bumalik ka rito!” tawag nila rito at nagsimulang habulin si Samantha. Nais ko sanang sumunod at tingnan kung ano ang sunod na mangyayari ngunit hindi pa man ako nakakahakbang ay nagulat ako nang may humawak sa aking balikat. Nang lingunin ko kung sino iyon ay nakita ko si Aling Beth. Bahagya siyang nakangiti sa akin.
“Mag-meryenda ka na,” sabi niya. Ngumiti na lang din ako at saka tumango. Nang lingunin ko ang daan palabas ay wala nang ibang tao roon bukod sa naglilinis ng bubog mula sa nabasag na flower vase dahil sa ginawang pagtapon ni Samantha rito.
Sana ay ma-ibalik na siya rito.
Sumang-ayon naman ako kaagad sa kaniya. Sabay kaming naglakad patungo sa kusina. Naghanda siya ng pagkain habang ako’y tahimik lamang. Iniisip ko si Samantha at ang mga sinabi niya.
Katulad niya’y gusto ko rin maranasan na mahalin… ng tunay na mga magulang. Sana talaga’y dumating na ang oras na sunduin ako ng mga magulang ko sa ampunan na ‘to.
Sa totoo lamang ay ayaw kong ma-ampon ng kahit na sino. Gusto ko na ang unang kukuha sa akin dito ay ang tunay ko ng ka-dugo.
Pagkatapos kong kumain ng meryenda ay nagpaalam ako kay Aling Beth na gagawa lamang ako ng aking takdang-aralin ko.
Pagdating ko sa silid ay na-upo ako sa higaan ko. Kinuha ko ang bag ko at saka naglabas ng notebook at ballpen. Nagsimula na akong gumawa ng aking mga gawain sa iba’t ibang asignatura. Ilang oras ang makalipas ay natapos ko na rin ang lahat nang ‘yon pagkatapos ay nakaramdam ako ng antok.
Inayos ko na muna ang mga gamit ko at itinabi ‘yon. Nahiga ako sa higaan ko’t pinilit na ma-idlip ngunit bigla na lang nawala ang antok ko nang paulit-ulit na bumalik sa utak ko ang pangyayari kanina.
Si Samantha.
Kung tama pa ang aking naalala ay ang buo niyang pangalan ay Samantha Dela Cruz. Siya ay nandito sapagkat wala na siyang mga magulang. Namatay ang kaniyang ina at wala naman akong tungkol sa kaniyang ama.
Dahil sa hindi siya mawala sa isip ko ay hindi ko nagawang makatulog.
Imbes na matulog ako ay bumangon muli ako’t kinuha kong muli ang bag ko. Naglabas ako muli ng notebook. Ito ‘yong sobra kong notebook at may sinulat pa akong ‘EXTRA’ sa may pabalat nito.
Pinilit kong ngumiti.
Nagsimula akong magsulat ng isang talata tungkol sa ulilang si Samantha.
Si Samantha ay labing-dalawang taong gulang. Dito rin siya lumaki sa ampunan kagaya ko. Sabi niya’y sawa na siya sa buhay niya rito sa ampunan. Gusto niyang piliin na ampunin, gusto niya rin na guminhawa ang kaniyang buhay. Sabi rin niya’y impyerno ang lugar na ‘to.
Limang pangungusap.
Sabi ng aking guro sa asignaturang Filipino ay binubo ng limang pangungusap ang isang talata. Binasa ko nang paulit-ulit ang sinulat kong ‘yon. Hawak ko pa rin ang ballpen at ang aking papel. Nagsulat akong muli.
Suwerte ng iba…
Nakuha ang buhay na masaya…
Paano naman sila?
Nag-aabang ng himala