“Natapos mo na ba ang mga assignments na ibinigay sa’yo ng teacher mo?” pagtatanong ni Aling Beth akin. Sinuklian ko ang ina-inahan nang malawak na ngiti at isang tango.
“Kagabi ko pa po natapos!”
“Mabuti naman kung gano’n. Suotin mo na ang bag mo, ah? Nariyan na ang mga pabaon ko sa’yo.” Sinunod ko ang sinabi ni Aling Beth. Pagkatapos niyon ay lumabas na kami upang magtungo sa school bus ng orphanage na ‘to.
Pinaalalahanan lang ulit ako na makinig palagi sa teacher at kumain sa tamang oras—araw-araw naman ‘yon sinasabi ni Aling Beth sa akin tuwing papasok ako sa eskuwela, walang palya.
Kasabay ko ang iba pang mga bata na ulila sa bus na ‘yon. Bente-sais kaming sumakay ngayong umaga, iyon din ang bilang ang dapat na sumakay sa aming pag-uwi mamayang hapon.
Ang lahat ng sakay nito ay halos malapit lang sa aking edad, mga nag-aaral sa elementarya. Hindi ako lubos na makapaniwala na kunti na lang ang hihintayin ko bago ako makatuntong ng highschool.
Ako ay nag-aaral talaga nang napakabuti. Gusto kong mahanap ang mga magulang ko, gusto ko rin yumaman at ang unang taong tutulungan ko ay si Aling Beth.
Nakapunta na ako sa tahanan ni Aling Beth. Mayroon siyang tatlong anak, ngunit ang isa sa kanila ay namatay bago pa man ako dumating sa ampunan.
Hindi na rin bata ang mga anak niya. Isa sa dalawang natira ay may asawa’t anak na. Mabait ang pamilya nila… pamilya Alferez. Tuwing dumadalaw din siya roon ay tinuturing ako na parang tunay na kasapi ng kanilang pamilya.
Huling umakyat ng bus ang isa sa mga madre dito sa orphanage upang sumama rin sa paghatid sa kanila.
“Lagi niyong tatandaan na magsipag kayo sa pag-aaral sapagkat?” ani Sister Rachel.
“Sapagkat ang pag-aaral ang mag-aahon sa kahirapan!” sagot naman ng iba sa kaniya. Araw-araw ay ‘yon na talaga ang sinasabi niya sa mga bata. Iyon din ang pinapakinggan ko at isinasapuso.
Pag-aaral lang ang solusyon upang makamit ko ang pangarap na inaasam-asam ko.
“Tama kayo diyan. Kaya naman… pagbutihin niyo lang, mga bata!”
Ilang minuto lamang ang lumipas ay dumating na sila sa paaralan. Medyo hindi lang siya sanay na hindi naririnig ang boses ni Aira magmula pa kanina.
Ang huli kong balita ay inaayos na raw nito ang mga papeles bago sila umalis ng bansa.
Masaya ako para kay Aira, pangarap ng halos lahat na bata rito ang ma-ampon. Nakita ko kung gaano siya ka-saya nang malaman ni Aira na siya’y aampunin. Sana lamang ay nasa mabuting mga kamay siya.
Matagal-tagal na rin ako sa ampunan at may nabalitaan din akong insidente ng mga umaampon tapos pinapabayaan lang, ginagawa pa nga raw katulong ang iba at kung ano-ano pa na uri ng pang-aabuso.
Ipinapanalingin ko na lang talaga na maging maayos ang lagay ni Aira.
Dumiretso siya sa kaniyang classroom. Hindi pa ako na-late sa pagpasok sa eskwela. Dahil hindi pa nagsisimula ang klase ko ay kumuha na muna ako ng libro sa silid na ‘yon upang magbasa ng isang alamat.
Ito lang ang gawain ko tuwing umaga o sa mga bakanteng oras ko. Hindi talaga ako pala-kaibigan pagdating sa school. Ayaw ko rin kasi ang magulo, magugulo kasi sila, laging pawisin at maingay.
Ang sabi ni Aling Beth ay huwag magpapatuyo ng pawis, lalo na sa likuran.
“Good morning, class!” bati kaagad ng guro sa pagpasok niya pa lang ng pinto. Lahat naman sila ay nagsitayuan upang batiin din siya pabalik. “Today we are going to talk about…”
At nagsimula na ang klase. Siya ang guro namin sa asignaturang Ingles. Kung ilalarawan ko siya ay talaga namang nakakatuwa siya. Dalaga pa siya at ang ganda ng mga ngipin niya tuwing ngumingiti.
Matalino rin siya at magaling magsalita ng wikang Ingles. At ‘yon ang hinahangaan ko. Palagi akong mataman na nakikinig sa kaniya dahil gustong-gusto kong matutunan kung paano maging matatas sa pagsasalita ng Ingles katulad niya.
Ipinangako ko talaga sa sarili ko na magiging magaling ako sa pagsasalita ng nasabing wika. Naging masipag talaga ako sa pag-aaral ko hanggang sa natapos ko ang grado na ‘yon.
Marami rin akong natutunan at gusto ko pang palawakin ang kaalaman na ‘yon.
Bakasyon niyon nang isama ako ni Aling Beth sa kanilang tahanan upang doon na muna mamalagi. Pumayag na lang din ako, ngunit siyempre ay nagpaalam si Aling Beth sa mga nangangalaga sa amin na mga madre na isasama niya ako sa bakasyon na ‘yon. May tiwala naman sila kay Ate Beth. Ngunit narinig niya rin ang sinabi ng isa pang madre.
“Kung ako sa’yo ay ampunin mo na ‘yan si Mark.”
Umiling lang siya. “Alam mo naman pong hindi ko siya mabibigyan nang magandang buhay sa ngayon.”
Hindi naman mayaman si Aling Beth, hindi rin naman mahirap. Sakto lang, nakakakain din daw ang pamilya niya ng tatlong beses sa isang araw. Kaya naiintindihan ko rin kung bakit hindi pa ako nito inaampon. Pero kung tatanungin ako’y gusto kong maampon ni Aling Beth. Naalala ko bigla noon na tuwing uuwi siya sa kanila ay iiyak ako at gusto kong sumama sa kaniya. Nito ko lang din naman napagtanto kung bakit hindi niya ako sinasama madalas, sapagkat sa ampunan ang tahanan kong pansamantala, at hindi sa bahay ni Aling Beth. Kasi hindi niya pa naman ako inaampon.
Ang totoo niyan ay hindi ko nakikita ang kaking sarili na maampon ng iba bukod kay Aling Beth o ang tunay ko ng mga magulang ang kumuha sa akin sa ampunan.
Ang sabi niya nga’y maaari siyang mamili ng iba pang trabaho… ngunit mas pinili niya ang maging volunteer na lang sa ampunan. Lalo na rin daw no’ng dumating ako sa kaniya. Pakiramdam niya raw ay ako ang pumalit sa namatay niyang anak.
“Ikaw na lang din ang dahilan kung bakit nandito pa rin ako sa orpahage…” sabi nito sa kaniya. Nasa bus sila noon pauwi sa bahay ni Aling Beth.
“Aling Beth, kahit na mahanap ko ang mga magulang ko… pinapangako ko sa inyo na hindi kita kakalimutan! Kapag yumaman na rin ako, papagawaan kita ng mansyon!” sabi ko na may halong kasiyahan.
‘Yon naman talaga ang plano ko. Pangarap ko rin na mabigyan ng magandang buhay ang taong nangalaga sa akin ng ilang taon.
“Aasahan ko ‘yan, hijo, ha?” Ngumiti siya. Hinaplos-haplos lang niya ang kaniyang buhok. Nakikita niya ang tuwa nito sa mga mata niya.
“Oo naman po. Tapos sa mga panahon na ‘yon magiging isa na rin ako sa mga tanyag na musikero!”
Ngumiti lamang si Aling Beth tapos natahimik na kami. Ilang minuto lamang ay nakarating na rin kami sa aming bababaan.
Sumakay na rin muna kami ng tricycle bago makarating sa bahay nila Aling Beth.
“Ikaw na ba si Mark? Tumatangkad ka na talaga!” salubong sa akin ng anak ni Aling Beth— ‘yong wala pang asawa. Siya ay babae, ang pangalan niya ay Edilina. Tinatawag ko siyang Ate Lina. “Dati ay sobrang baby mo pa. Nakakarga pa nga kita! Tapos parang no’ng isang taon lang ay hanggang dito lang ang tangkad mo. Ngayon ay malapit mo nang maabot ang leeg ko!” sabi niya at tinurong una ang katapat ng dibdib niya’t sumunod naman ay ang leeg.
Ang tangkad ko’y nasa may balikat niya na.
Ang anak niya na may pamilya na ay matagal ng bumukod. Si Ate Lina naman ay walang maayos na trabaho, paraket-raket lang daw siya.
Umakbay ‘to sa akin at hinalikan ako sa pisngi ko. “Kailan ba ‘yong huli mong bisita rito? Alam mo no’ng baby ka palagi ako sumama kay Nanay sa ampunan para lang makita ka roon! Gusto ko dito ka na lang tumira!”
Aaminin ko na may pagkamadaldal si Ate Lina. Ngiti lang ang sinagot niya.
“Tahimik ka pa rin hanggang ngayon? Ayaw mo ba sa akin, Mark? Pangit ba ako? Magkamukha lang din naman kami ni Nanay, edi pangit din siya?”
“Lina! Itikom mo nga ‘yang bunganga mo. Hanggang ngayon ay madaldal ka pa rin!” saway naman sa kaniya ni Aling Beth. Hindi ko tuloy napigilan ang matawa.
“Aling Beth, nauuhaw po ako,” sabi ko pa. Inaya naman ako ni Aling Beth papunta sa kusina at binigyan ng tubig na maiinom.
“Ay, hijo, pagpasensyahan mo na ang kadaldalan ng Ate Lina mo, ah!”
“Sanay na po ako. Matagal na po akong nasanay sa kaniya. Ngunit mabait po siya!” sagot ko
“Mabait naman talaga ang anak kong ‘yon. Oh, siya. Magbihis ka na, ha? Sasabihan ko na lang si Lina na i-ayos ‘yong higaan kung saan tayo matutulog,” sabi nito at saka ako iniwan sa kusina.
Alam ko naman na ang pasikot-sikot sa bahay na ‘to dahil hindi naman ‘to ang unang beses na siya’y nagpunta rito.
Nang umalis ako sa kusina ay agad akong lumabas upang puntahan si Ate Lina. Kumakain siya ng isang tsitsirya sa may terrace nila. Hindi naman malaki ang bahay nila Aling Beth ngunit masasabi pa rin na ito ay konkreto.
“Ate Lina…” tawag ko sa kaniyang atensyon. Nang makita niya ako ay agad na nagliwanag ang mukha niya.
“MARK!” tili niya na animo’y ngayon pa lang ako dumating. “Hindi ka na ba galit sa akin? Parang kanina ay galit ka sa akin, hindi ka naman siguro galit sa pangit, ‘di ba?”
Umiling ako sa kaniya. “Ate Lina, ‘di po ako galit. Hindi rin po kayo pangit, magandang-maganda po kayo,” pagsasabi ko na lang din ng totoo. Ayaw lang aminin ni Ate Lina ngunit may angkin din siyang ganda.
“Kapag talaga nahanap ko na ang taong mahal ako at mamahalin ko, aampunin kita!”
“Kay Aling Beth lang ho ako magpapa-ampon.”
Natuwa lang si Ate Lina sa akin kaya sinama niya ako sa pinakamalapit na tindahan upang bumili ng meryenda namin.
“Matanong nga kita, ano ba ang gusto mo paglaki mo?” tanong niya. Sasagot pa lang sana ako ngunit naunahan niya na naman ako na magsalita. “Pulis? Sundalo? Teacher? Engineer? Ano?”
Napakamot na lang tuloy ako ng ulo. “Musikero po.”
“Talaga? Kapag nangyari ‘yon puwede ka mag-artista!” sabi niya.
“Hindi ko lang po alam kung matutupad.”
“Mangyayari ‘yan kapag nag-aral ka nang mabuti. Sipagan mo pa lalo pero lagi mo rin iingatan ang sarili mo. Kalusugan mo. Tingnan mo ‘yong namatay namin na kapatid, siya lang ang nakapagtapos sa amin… ginawa talaga namin lahat para makapagtapos siya pero tingnan mo nangyari? Pagkatapos niya lang grumaduate ay nawala na siya sa amin dahil nagkasakit siya.”
“Oo nga po…”
“Mga isang taon siguro simula nang ipinanganak ka—namatay ang kapatid ko. Nga pala, napansin ko lang. Bakit Aling Beth pa rin ang tawag mo sa Nanay ko na nanay mo na nga rin?” Ang bilis niyang baguhin ang usapan namin!
“Kasi, ayaw niya naman na tawagin ko siyang Mama. Sabi niya kasi ay marami ang maiinggit. Baka raw isipin nila ay may paborito si Aling Beth.”
“Eh, meron naman talaga, ah. Ikaw.”
Hindi na ako nakasagot kay Ate Lina. Pagkatapos lang namin na magmeryenda ay sinabi nito na magluluto na siya, nagpresinta naman ako na tutulong sa gawain na ‘yon. Habang nagluluto ang Ate Lina ay tumutulong ako ay ‘di na siya natigil sa pagku-kuwento.
“Ang bilis mo sigurong matuto talaga. Tingnan mo, mabilis ka lang daw pala naturuan ni Nanay na magluto. Mabuti na rin kahit papaano ay marunong kang magprito at maggisa. Alam mo ba na nahirapan akong matuto magluto dahil takot kasi ako na matalsikan ng mantika. Umiiyak pa ako no’n—pero sabi ni Nanay, kailangan ko matuto magluto. Paano pala kung wala na siya, sino na ang magiging taga-luto sa bahay? Ako lang kasi nag-iisa niyang anak na babae kaya ako talaga ang pinaka-gusto niya na turuan,” pagsasalaysay pa niya. “Pero napagtanto ko na lang na kapag nasanay ka na talaga at araw-araw mo na ginagawa ay walang nang takot at makakaya mo na. Kung magkamali man, sumobra sa alat o kumulang ay matututo ka. Hindi mo na uulitin ‘yong mali mo.”
Nanatili pa rin ang katahimikan sa akin. ‘Di siya sumasagot ngunit nakikinig naman ako.
“Wala naman problema kung parang hangin naman kausap ko, pero sa totoo lang, gusto kita maging kapatid! Miss ko na rin ‘yong kapatid namin na namatay. Sana man lang ay palagi niya kaming bantayan. Parang katulad ng Mama mo, binabantayan ka rin niya palagi.” Tahimik lang sana ako ngunit nakuha ‘yon ng atensyon ko.
“Totoo ko po na Mama? Hindi pa naman po siya patay.” Napatikom ng bibig si Ate Lina. Ako naman ay nakaramdam ng kaba. “’Di pa naman po, ‘di ba?”
“Ay! Pasensya na, Mark! Akala ko patay na ang Mama mo kaya ka iniwan ng Papa mo sa ampunan!” Nagulat ako doon. Hindi ko narinig ‘yon kay Aling Beth, ngayon lang… kay Ate Lina.
“Hindi totoo ‘yan, alam ko na buhay pa sila. Kanino niyo po ba nalaman ‘yan, Ate Lina?”
Tinitigan niya ako mata sa mata, napansin ko na parang nag-aalangan na siya na magsalita pa. Ngunit ginawa niya pa rin upang malinawan ang lahat. “Akala ko lang ‘yon. Wala naman nagsabi sa akin. Ang sabi kasi ni Nanay sa akin ay iniwan ka bigla ng tatay mo sa kaniya. Naisip ko lang na baka namatay na ang Mama mo. Paumanhin sa kadaldalan ko, ah! ‘Di ko kasi ma-preno. Pero konklusyon ko lang talaga ‘yon, peksman!”
Itinaas pa ni Ate Lina ang kaniyang palad na parang nangangako. “Sige na po. Gusto ko po silang hanapin at makasama muli…” sabi ko na lang at nagpatuloy na sa paghiwa ng mga sibuyas na kakailanganin sa pagluluto ng ikalawang putahe. Doon na natahimik si Ate Lina… siguro dahil napansin niya na dumating na si Aling Beth.
Ramdam ko na naman ang pagkalungkot. Isinaksak ko sa utak ko na buhay na buhay pa ang tunay kong ina.
Pagkatapos nang kanilang hapunan ay sabi ni Aling Beth na matulog ako nang maaga. Kaya nagpunta na ako sa silid na aking tutulugan. Dalawa lang naman ang kuwarto rito. Isa ay para kay Aling Beth at sa asawa niya at ang isa naman ay kay Ate Lina.
Sa ngayon ay wala ang asawa ni Aling Beth, nagbabakasyon din daw ‘to sa kamag-anak-an niya sa isang probinsiya.
Mag-isa lang ako ngayon sa kuwarto. Nasa labas sina Ate Lina at Aling Beth, kausap yata nila ang ilan sa mga kapitbahay nila.
Kinuha ko ang bag na dala ko rito upang ilabas ang notebook at ballpen ko—kung saan ako nagsusulat ng kung ano-anong liriko na nabubuo ko mismo.
Doon ko rin isinulat ang tungkol kay Samantha. Si Samantha ay maayos na ang lagay, hindi na siya nagwawala ngunit ‘di siya nakakausap at umiiwas na talaga siya sa mga bata. Bantay-sarado rin siya ng madre roon dahil natatakot sila na baka may gawin ‘to na hindi nakakaaya.
Napabuntonghininga ako.
Ipinagdarasal ko rin talaga na sana ay maampon na siya. Wala namang imposible, si Aira nga ay naampon na, at mayaman pa ang pamilyang ‘yon.
Kasalukuyan, hindi mawala sa aking isipan ang ina kong tunay…
Ang mga salitang lumabas sa bibig ni Ate Lina ay naglalaro sa aking utak. Buhay pa nga ba siya?
Susundan ko ang aking puso, isinisigaw nito na buhay pa siya. Kailangan ko lamang ang magtiwala.
Nagsimula na akong magsulat sa papel. Kung ano ang tumatakbo sa isipan ko’y siya kong sinulat doon.
Ina, Mama, Inay, ano ba ang dapat kong itawag sa’yo? Siguro’y kahit ano sapagkat pare-pareho lang naman ang ibig sabihin niyon. Sabi nila ay ang ina ang ilaw ng tahanan, siya ang nagbibigay ng liwanag sa pamilya. Naiintindihan ko naman, dahil wala ako sa ating tahanan…. kaya wala ka rin. Pangako, Ina, gagawin ko ang lahat upang mahanap kayo ng Itay.
May dahilan kung bakit—
Natigil ako sa pagsusulat nang biglang pumasok sa silid si Aling Beth. Agad kong isinara ang notebook ko at ipinasok ‘yon sa aking bag kasama ng ballpen ko.
“Ano ang ginagawa mo? Gabi na, ‘di ba? Nag-aaral ka pa rin ba?”
Tumango na lamang ako bilang sagot. Ayaw kong ipakita ang isinusulat ko sa kaniya sa ngayon… hindi ko alam kung may tama o mali ba sa mga salitang nagamit ko.
“Mark, hindi ‘yan maganda. At saka madilim dito, oh. Masisira ‘yang mata mo.” May pag-aalala pa sa boses niya. Hindi naman ganoon kadilim ang kuwarto. May liwanag naman ngunit hindi naman kasi maliwanag na maliwang. “Alam mo ba ang ibig sabihin ng bakasyon?” tanong niya sa akin.
Isinara niya ang zipper ng bag ko at isinabit sa may pako na nakabaon lang sa pader. Medyo mataas ‘yon at hindi niya pa abot.
“Ibig sabihin ay wala kaming pasok sa eskuwelahan.”
“Tama. Dahil ang bakasyon ay pahinga. Ito tatandaan mo, ang buhay ay hindi lang tungkol sa pag-aaral sa paaralan. Marami ka pang magagawa at matutunan, hindi ka lang sa eskuwelahan natututo, Mark.” Marahan niya pang ginulo ang buhok ko at ngumiti. Napangiti na lang din ako. Pinahiga niya na ako sa kama at sinabing kailangan ko nang matulog.
“Matulog na rin ho kayo…” sabi ko. Naupo lang si Aling Beth sa gitna ng kama habang pinagmamasdan niya ako na pumipikit-pikit na.
“Shhh, oo,” sagot niya. “Sige na, anak. Sasama ka pa sa akin sa palengke bukas,” sabi niya sa akin. Ngumiti lang ako at dahan-dahan ko nang ipinikit ang mga mata ko.