Maaga pa lamang ay umalis na kami nina Aling Beth upang mamalengke. Nag-arkila lamang kami ng tricycle. Buti na lang ay napaaga din ang gising niya’t ‘di na ako kinailangan na gisingin ni Aling Beth.
“Ang aga mo na gumising, Mark. Matulog ka rin mamayang hapon! Para naman makabawi ka, naunahan mo pa nga akong bumangon sa higaan!” saad naman akin ni Ate Lina habang kami ay nasa naglalakbay sa daan sakay ng tricycle. Katabi ko siya dito sa loob habang si Aling Beth naman ay sinabing do’n na lamang siya pu-puwesto sa may motor.
“Oo naman po.”
“Siguro, ‘di mo pa ba alam na kapag kulang ang isang tao sa pagtulog ay magiging lapitin ng mga sakit? Gusto ko na malusog ang Mark namin kaya dapat sapat ang tulog mo! Oo nga pala, ano ang gusto mong kainin? Gusto ko magluto ng pansit mamaya, marunong ka ba magluto no’n? Kung hindi pa ay tuturuan kita! Sobrang dali lang naman.”
Hindi lang tumigil si Ate Lina sa pakikipag-usap sa akin kahit na tango at iling lang ang ginagawa kong sagot sa kaniya. Sa haba at sunod-sunod na mga tanong niya ay wala akong ideya kung alin at ano ang dapat ko na sagutin.
Bago pa man sumapit ang alas-ocho ng umaga ay nakauwi na rin kami. Maaga kasi talaga sa palengke. Kung ayaw mong makipagsiksikan, dapat ay maaga ka rin.
Halos mapuno ‘yong tricycle sa dami ng pinamili nila. Nagtaka naman tuloy siya kung ano ang meron. At saka, maraming pansit at may spaghetti rin ako na nakita na binili nila. Nagkibit-balikat na lang ako. Sabi nga ni Ate Lina ay gusto niya lang magluto ng pansit at tuturuan ako nito. Malamang ay tuturuan niya rin ako na magluto ng spaghetti.
Tumulong ako sa pag-aayos ng mga pinamili. Marami rin silang pinamiling gulay at kung ano-ano pa.
Nagulat na lang ako nang biglang magsalita si Ate Lina, “Halika! Lutuin natin ‘yan lahat!”
“L-Lahat?” medyo naguguluhan nang tanong ko. Hindi ba ‘to ihahanda para sa mga susunod na araw?
“Oo, lahat. Kailangan natin ‘yang lutuin para sa araw na ‘to,” pagsali naman ni Aling Beth sa usapan.
“Ngi? Wala naman pong okasyon ngayon at hindi naman po piyesta rito. Isa pa, tayong tatlo lang po naman. Baka hindi po natin ‘yan maubos lahat.”
Natawa lang ang mag-ina sa aking tinuran. Lumapit sa akin si Aling Beth at saka niya ako hinalikan sa noo ko. “Malalaman mo rin mamaya, magtiwala ka lang,” saad niya at pagkatapos ay tumingin siya kay Ate Lina, pareho silang ngumiti sa isa’t isa na parang may mga ibig sabihin ‘yon.
“Hindi ko po kayo maintindihan.”
“Ikaw talaga na bata ka! Halika na! Magluto na nga tayo! Lina, manghiram ka nga ng malaking kawali kina Manang Loisa,” pag-uutos niya rin kay Ate at isinama niya na ako sa kusina.
Kahit naguguluhan talaga ako ay sumunod na lang din ako. Nagtulong-tulong kaming tatlo sa pagluluto.
Siyempre, hindi naman ‘yon naging tahimik sapagkat nandoon si Ate Lina at nililibang kami pareho ni Aling Beth.
Lumipas ang ilang oras ay natapos naming lutuin ang spaghetti, pansit bihon... at gumawa rin si Ate Lina ng mga gelatin.
Ngayon naman ay nagpi-prito si Aling Beth ko ng fried chicken. ‘Di ko pa rin talaga alam kung ano ang okasyon at bakit sila naghahanda nang ganito.
Hapon na nang maluto lahat ng dapat na lutuin, may mga maja blanca rin silang luto na parang may malaking okasyon nga. At hindi lang ‘yon, sobra-sobra sa kanilang tatlo ang mga pagkain na ‘yon.
“May mga bisita po ba kayo na darating?” tanong ko.
Si Ate Lina ang mga sumagot. “Naman! Siyempre dapat may mga bisita! Nay! Tawagin ko na ho ba ang mga kapitbahay?”
“Maglagay ka na muna riyan ng mga upuan para sa kanila.”
Ayun ba ang gusto nila Aling Beth? Ang pakainin ang mga kapitbahay nila? Ngunit may mali, eh. Malamang ay may okasyon talaga.
Napansin naman ni Ate Lina ang pagkunot ng aking noo dahil sa pagtataka. Lumapit siya sa akin at marahan niyang pinisil ang akingb pisngi. “Huwag ka nang magtaka, Mark namin. Hintay ka lang.”
Anong okasyon ba?
Baka naman death anniversary ngayon ng anak ni Aling Beth na namatay. Mayamaya pa ay may mga pumasok sa bahay—hindi pa ‘yon ang mga kapitbahay kundi ang kapatid ni Ate Lina. Lalaki ‘yon at may karga-karga na bata na nasa mga dalawang taong gulang.
Kasama rin nito ang asawa niya’t isa pang anak. “Naks naman, Jopet, buti naman nakauwi kayo rito!”
Natawa lang sila at saka tumingin sa akin. “Hindi na namin na-hindi-an ang imbitasyon ni Nanay,” sabi ng asawa ng kapatid ni Ate Lina.
Jopet naman ang pangalan niya. Mabait din siya. Pero bakit sila nakangiti ngayon sa akin? Siguro ay natutuwa lamang sila na makita ako rito.
“Magandang araw po sa inyo,” pagbati ko na lang sa kanila.
“Ang laki mo nang talaga, Mark,” sabi pa ni Kuya Jopet.
“Hala, nasaan na ang c—” Natigilan pa si Aling Beth nang makita niya ang dumating. “0h, nandito na pala kayo. Magsikain na tayo. Lina, ang cake?”
Cake? Ibig sabihin ba no’n ay hindi ‘to anibersaryo?
“Ano po ba talaga ang meron ngayon?”
Nagkatinginan silang lahat sa tanong ko tapos natawa silang lahat. “Seryoso, Mark? Hindi mo tinatandaan ang araw ng kaarawan mo?” tanong sa akin ng asawa ni Kuya Jopet. Napanganga naman ako nang bahagya sa sinabi nito.
“Kaarawan ko ho ngayon?”
“Oo, nakalimutan mo talaga! Ito ‘yong araw kung kailan ka iniwan ng ama mo sa akin,” saad ni Aling Beth. “Gusto ko na i-celebrate ang ika-labing-isa mo na kaarawan.”
Parang tumalon ang puso ko at awtomatiko akong napatingin sa kalendaryo. Ngayon nga ang araw na ‘yon… hindi niya tuloy napigilan ang mapaluha. Dahil mas malapit sa akin si Ate Lina ay niyakap niya ako at hinimas-himas ang likod ko.
“Nabanggit na sa akin ni Nanay na lagi kang umiiyak tuwing birthday mo dahil na rin sa pag-iwan sa’yo ng Papa mo sa ampunan. Pero ito na ang kaarawan mo, at naghanda kami upang tayo’y maging masaya. Huwag ka na umiyak, ah?” saad nito.
“S-salamat po sa paghahanda…” paghagulhol ko na lang.
“Wala ‘yon, pamilya ka na rin naman dito kung tutuusin.”
Pagkatapos ay pinakuha na ang cake. May labing-isa pa na kandila doon. Kinantahan pa ako ng Happy Birthday. Lahat sila ay nagkakatawanan, sana ganito rin ang tunay ko pamilya… mababait at higit sa lahat ay mga masayahin.
Pagkatapos ng pagkanta ay sinabi nil ana humiling ako.
Sana makita ko na ang totoo kong pamilya.
Inihipan ko na ang apoy siya mga kandila. Nagpalakpakan naman sila. Pagkatapos ay tinawag na nila ang iba pang kapitbahay upang makisalosa paghahanda nila sa kaarawan ko.
Ito na yata ang birthday ko na hindi ko makakalimutan. Ito rin kasi ang unang beses na dito ako nagselebrar. Madalas at palagi ay sa ampunan lang—at hindi ganito karami ang handa.
Nang araw na ‘yon ay nabusog ako ng mga pagkain at pati na rin ng pagmamahal mula sa pamilyang Alferez.
Bago ako natulog ay kinuha ko ang notebook ko. Kumuha pa ako ng upuan upang maabot ko lang ang bag ko. Inilabas ko roon ang notebook ko. Nakita ko pa ang hindi ko natapos na isinulat kagabi. Imbes na tapusin ko ay nilaktawan ko na muna ‘yon upang isulat ko ang nangyari at naramdaman ko ngayon.
Alferez ang dala-dala kong apilyedo. Iyon ang apilyedo ng buong pamilya ni Aling Beth. Ngayong araw na ‘to. Naisip ko na sana’y sila na lang ang totoo kong pamilya. Ngunit napakaimposible naman kasi. Kung parte talaga ako ng kanilang pamilya ay ‘di nila ako dadalhin ng ampunan.
Gusto kong gumawa ng kanta tungkol sa kaarawan ko na ‘to at sa kasiyahan na ibinigay nila sa akin. Kahit wala silang ibang regalo sa akin ay ayos lang, hindi naman ako nag-aasam ng kahit na anong materyal na bagay. Sapat na nga sa akin ang pagsorpresa nila sa’kin nang ganito.
Kay liwanag ng mga bituin sa kalangitan…
Kasing liwanag ng aking mga mata upang matuklasan…
Ang kabutihang taglay.
Isang gabi…
Tinapos ko lamang nang buo ‘yon. Kung ano ang pumasok sa utak ko na mula rin sa aking puso ay sinulat ko roon. Siguro kapag nakabalik na ako ng bahay-ampunan ay saka ko pa lang ‘yon gagawan ng himig.
Hindi naman ako nagtagal do’n ng isang buwan. Bumalik din kami ni Aling Beth paglipas lang ng ilang linggo. Todo-todo naman ang pasasalamat ko kina Ate Lina sa pag-aalaga nila sa akin habang nasa bahay nila ako.
Ngayon na nasa ampunan na ako at nagpapahinga sa aking higaan ay ‘di mawala ang ngiti sa aking mga labi dahil sa pagkakaroon nang masayang bakasyon… ngunit ‘di ko naman inaasahan na panandalian lang pala ‘yon.
Pinuntahan ako ni Sister Rachel sa aking silid at sinabi na gusto niya akong makausap. “Mark…” Mukhang tuwang-tuwa si Sister Rachel.
“Naalala mo ba ‘yong umampon kay Aira?”
Bakit niya sa akin ‘to tinatanong?
“Opo. Hindi po sila taga-rito.”
“Tama ka, at si Aira ay wala na rin dito. Mag-aaral na siya sa maganda at mamahalin na paaralan. Ngayon…” patigil-tigil ang pagsasalita niya na parang ‘di niya alam kung paano sasabihin sa akin. “Napansin ka kasi nila dito noon… hindi ka n-naman nila gustong ampunin n-ngunit ni-rekomenda ka ng bagong pamilya ni Aira sa kaibigan nila na hindi rin magka-anak…”
Sa dami-dami nang salitang lumabas sa bibig niya. Isa lang ang ibig nitong sabihin, may gusto na umampon sa akin?
“Bakit po… h-hindi na lang si Samantha?”
Sa mga oras na ‘to ay kinakabahan na ako. Gusto kong sumigaw at tawagin si Aling Beth para lang makaalis sa usapan na ‘to. “Hindi ka ba natutuwa, Mark? Ayaw mo ba na maampon?”
“S-Si Samantha na lang po siguro…”
“Ikaw ang gusto nila. Halika, magpakita ka sa kanila. Nandito sila ngayon… hinihintay ka sa labas…”
“Ayaw ko po…”
Hinawakan ako ni Sister Rachel sa braso ko. Nakangiti lang siya. “Ma-suwerte ka, maniwala ka sa akin.”
Kahit na ayaw ko ay sumunod na lang din ako palabas. Sa paglabas ko ay nakita ko si Aling Beth, mukhang alam niya na rin ang nangyayari dahil tinanguan niya lang ako nginitian.
Nangyayari ba talaga ‘to?
Pagdating namin sa kung nasaan daw ang gustong umampon sa akin ay napansin ko kaagad na hindi sila taga-rito.
Iba ang kulay ng kanilang buhok. Ang balat din nila ay mapuputi. Walang sinabi ang kayumanggi niyang balat.
“Oh, Jenny was right. This boy is so cute,” sabi ng babae habang siyang nakatingin sa akin. “Honey, I like him.”
“His name was Mark,” pakilala sa kaniya ni Sister Rachel.
“Hello, Mark!” bati niya sa akin. Tahimik lang ang lalaki na kasama nito habang nakatingin sa akin. Mukhang mag-asawa silang dalawa.
“Mag-hello ka rin sa kaniya,” utos sa kaniya ni Sister Rachel.
“H-hello…”
“I want him to be my son. He’s also smart, right? I saw his grades from first grade!” ani ng babae.
“Can we talk alone, Sister?” sabi naman ng lalaki.
Dahil medyo mabibilis sila na magsalita ay hindi ko masyadong naintindihan ang sinabi nila.
“Gusto nila akong maka-usap. Bumalik ka na muna sa silid mo,” saad ni Sister Rachel at iniwan na ako roon kasama ng mag-asawang foreigner.
Napalunok ako. Sinunod ko na lang si Sister. Bumalik ako sa silid ko, buti na lamang ay naabutan ko rin doon si Aling Beth.
“Aling Beth tulungan mo ako…”
Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat ko. “Ano ba ang kinakatakot mo, hijo?”
“Paano kung dalhin nila ako sa ibang bansa katulad ni Aira? Ayaw kong umalis ng bansa!”
Inalog-alog naman ako ni Aling Beth na parang ginigising ako. “Mayaman ang pamilyang ‘yon. Mas mayaman pa sa umampon kay Aira, alam mo na maaari kang makapagtapos ng pag-aaral kapag sumama ka sa kanila. Mababait naman sila at hindi ka kaagad-agad ibibigay ng ampunan na ‘to sa kahit na sino nang hindi dumadaan sa matinding proseso. Doble-doble na ang seguridad ngayon ng batang katulad mo. Magtiwala ka sa akin, Mark…”
‘Di ako nakasagot sa kaniya. May punto siya kaya tumango-tango na lang din ako. Pagkatapos ay niyakap ako ni Aling Beth. “Magiging maayos ka rin, Mark…”
Para sa akin ang desisyon na gagawin nila. Wala naman akong magagawa kung ibibigay na talaga ako sa kanila.
Ilang araw ang lumipas ay hindi ko na muli nakita ang mag-asawa. Ngunit ang sabi nila ay inaayos daw kasi ang mga papeles sa pag-ampon sa akin ng legal. Natatakot din ako sa biglaang pangyayari. Si Aira ang huli… ngayon naman ay ako na.
Ang sabi rin ni Sister Rachel sa akin ay magkaibigan daw ang magiging magulang ko at ang umampon na kay Aira kaya hindi imposible na magkita kami ulit sa ibang bansa. Pero nag-aalangan ako at ayaw kong umalis dito. Paano kong sa pag-alis ko ay balikan ako ng Papa ko rito?
Kinagabihan ay nilapitan akong muli ni Sister Rachel upang makausap ako. “Bakit ba ayaw mong maampon ng pamilyang ‘yon? Ma-suwerte ka na nga ro’n, eh. Rocha ang apilyedo na gusto sa’yong umampon. Mayaman at may sariling kompanya. Ituturing ka nila na parang tunay anak.”
“Hindi ko po ginusto na maampon ng kahit na sino, isa pa po, bakit hindi na lang si Samantha ang ipaampon niyo?”
“Mark, halos lahat ng hindi nagkakaanak ay pumupunta rito upang mag-ampon. Alagaan ‘yon nang mabuti kagaya ng pag-alaga ng mga magulang sa anak nila. Gusto ka nilang alagaan, gusto ka nilang bigyan nang napakagandang buhay. Siguradong makakapagtapos ka nang pag-aaral kapag sumama ka sa pamilyang ‘yon. Alam ko naman na magpapakabait ka palagi.”
“Hindi ko pa po kasi nahahanap ang tunay kong mga magulang kaya ayaw ko pong umalis ng bansa.”
“’Di naman sa sinisiraan ko ang mga magulang mo pero kaya ka nga nandito sa pangangalaga namin dahil inabandona ka na nila. Kung gusto ka nilang balikan, sana ay noon pa,” mahinahon man siya sa pagsasalita ay hindi ko maiwasan ang mapaiyak na naman. “Tandaan mo, napakarami pang bagay ang ‘yong matutuklasan.”