"Mark, what do you want to eat? I'll bring it to you next time," sabi ng babaeng mag-aampon sa akin. Kahit papaano ay naintindihan ko naman 'yon, ang eat ay kain. At mukhang tinatanong niya kung anong gusto kong pagkain. Hindi lang ako sigurado sa isasagot ko sa kaniya. "Do you want chocolates?" Tumango na lang din ako. Nakatitig siya sa akin ngayon at ang lawak ng kaniyang mga ngiti.
Hindi pa nila ako kinukuha rito sa orphanage pero halos kada dalawang araw ay nandito sila upang bisitahin ako.
Sabi nila'y gustong-gusto talaga nila akong maging anak.
Nagpakilala siya sa akin na Matti Rocha.
"Nakakaintindi ako ng Tagalog, you can say kung anuman ang gusto mong sabihin sa future Mommy mo," sabi niya. Kanina pa kasi ako tahimik at napansin niya rin siguro na medyo hindi ko siya maintindihan.
“Mabuti naman po at hindi na ako mahihirapan,” sabi ko na lang. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ko. “Paano po kayo natuto magtagalog?”
“May kaibigan kasi ako na taga-rito at tinuruan niya ako magsalita ng wika niyo. Dinadala niya rin ako dito noon,” pagku-kuwento niya pa.
“Sa tanong niyo po pala kanina ay okay lang po sa akin kahit na anong pagkain. Maraming salamat po.” Tumatango-tango naman si Mrs. Rocha.
“Anything you want, honey. Simula ngayon, tandaan mo na ako na ang magiging nanay mo. Siguro sa mga susunod na buwan ay maiaalis na kita dito...” sabi niya nang may galak. Ako naman ay medyo kinakabahan. Malaki ang parte sa akin na nagsasabing huwag sa kaniya sumama kahit na sinasabi nila na mayaman siya at kaya niya akong matulungan na makapagtapos ng pag-aaral.
Ngunit hindi lang naman ‘yon ang gusto ko na mangyari.
“Mrs. Rocha, may tanong po ako sa inyo...”
Ngumiti siya. “Ano ‘yon? At saka huwag mo na akong tawagin na Mrs. Rocha, tawagin mo akong Mommy.”
Medyo naiilang man ako ay sinunod ko pa rin ang gusto niya. “Mommy...” tawag ko sa kaniya. Kapag po ba sumama ako sa inyo matutulungan niyo akong hanapin ang tunay kong mga magulang?”
Bahagya siyang natigilan sa aking tinuran. “Totoo mong parents? Bakit mo naman sila gustong hanapin?”
“Kasi po... alam kong may dahilan kung bakit nila ako iniwan dito sa ampunan at gusto kong malaman ‘yon...”
Bago pa man sumagot si Mrs. Rocha o ang magiging ina ko sa hinaharap ay bigla na lang may dumating. Si Samantha, lumapit siya sa akin at sinigawan ako. “Oo! May dahilan sila at ‘yon ayaw na nila sa’yo kaya ka nandito kasama ko! Bakit ba ang kitid ng utak mo, Mark? Ang suwerte mo na nga na inaampon ka tapos umaarte ka pa nang ganiyan?”
Nagulat ako sa bigla niyang paglitaw. Kanina pa ba siya nakikinig sa amin? Nandito kasi kami ng aampon sa akin sa isa sa mga lugar dito sa ampunan.
Hindi niya na ako hinintay na makasagot. Umalis na rin si Samantha kaagad—pero sa totoo lang ay hindi ko rin naman alam kung ano ang isasagot ko sa sinabi niya. Iniwan na nga ako dito pero malaki pa rin ang kagustuhan kong makita at makasama sila.
Napatayo ako at humarap kay Mrs. Rocha. “Pasensya na po kayo sa inasal niya...” Pinaupo niya akong muli sa tabi niya at saka ngumiti.
“Ayos lang.”
May tanong naman bigla na nabuo sa aking isipan. “Bakit niyo nga po pala gustong mag-ampon ng lalaki, ayaw niyo po ba sa babae?” tanong ko. ‘Di lang nawala ang ngiti sa mga labi niya.
“Hindi naman sa ayaw ko sa anak na babae, noong nakaraang tatlong taon kasi ay nakunan ako. Nawala sa akin ang panganay ko—lalaki siya, kaya gusto ko rin ng lalaki na anak.”
“Bakit hindi na lang po sanggol ang ampunin niyo?” Naiinis na kaya siya sa mga tanong ko sa kaniya? Sana naman ay hindi pa, marami lang kasi talaga ang tanong na pumapasok sa isip ko.
Kahit na ayaw kong sumama sa kaniya ay nakapagdesisyon na ako na sumama na lang dahil tama rin naman sila na mabibigyan ako ng pamilya nila ng magandang buhay.
“Malalaman mo rin ‘yan, Mark...”
Ibig sabihin ng sagot niya sa akin ay wala siyang balak an sabihin sa akin sa ngayon. Nagkuwento lang siya ng mga magagandang bagay sa ibang bansa. Ako naman ay namangha nang sobra. Once na sumama nga ako sa mga Rocha ay talaga namang magbabago ang buhay na nakasanayan ko sa ampunan.
Hindi ko na kailangang magtinda tuwing weekend para rin makatulong sa sarili kong pag-aaral.
Kinagabihan niyon, sa aking silid ay nag-isip-isip ako. Nakatitig ako ngayon sa notebook kung saan ako nagsusulat ng mga bagay-bagay. Simula nang malaman ko na may gustong mag-ampon sa akin ay hindi na ako masyadong nagsusulat dito. Masyado rin kasing okupado ang aking isipan, nangangamba sa mga puwedeng mangyari kapag sumama ako sa mag-aampon sa akin.
Pero lahat naman ay positibo... isa lamang talaga ang aking inaaalala.
Ang tunay kong mga magulang...
Wala sa aking isipan ang magtanim ng galit sa kanila. Panigurado’y nami-miss din nila ako kaya kailangan ko lamang na magtiwala.
Napakabait na nga sa akin ng Diyos at ganito ang binigay niya sa akin, tama si Samantha, dapat ay magpasalamat na rin ako sa biyayang ‘to. Marami ang may kagustuhan na maampon pero sa dinami-rami na ‘yon ay ako pa ang napili ng isang mayaman na pamilya.
Napangiti ako.
Gusto ko sanang magsulat doon ngunit pinigilan ko na lang ang aking sarili, inaantok na rin ako at ayaw ko nang mag-isip nang sobra dito. Dapat na lang akong maging masaya.
Inaantok ako no’ng una ngunit pagkahiga ko ay hindi naman na ako makatulog kaya lumabas ako ng aming silid, tulog na noon ang iba pang bata na kasama ko sa loob ng silid na ‘yon.
Nais ko lamang makalanghap ng sariwang hangin. Sa paglabas ko ay tumingin kaagad ako sa may hallway. Medyo nagulat pa ako dahil nakita ko si Samantha na naglalakad papalayo.
Nakatalikod siya ngunit dahil sa tangkad at itsura niya ay nakilala ko na siya si Samantha.
Hindi na masyadong maliwanag dahil pinapatulog na talaga ang mga bata sa ganitong oras. Sinasabi ng aking utak na huwag kong sundan siya pero na-intriga ako kaya naman dinala na ako ng mga paa ko papasunod sa kaniya.
Hindi ko alam kung napansin niya na ba na may sumusunod sa kaniya pero hindi man lang niya nagawang lumingon. Doon na ako kinabahan, pero sinusundan ko na siya kaya kailangan ko na ‘tong panindigan. Naglakad siya palabas ng building na ‘yon. Saan niya ba balak na pumunta?
Nang nasa tapat na ng napakalaking gate si Samantha ay tumigil siya. Sa may bandang likod ‘to kung saan walang nagbabantay. Ako naman ay lumapit na sa kaniya. Hindi niya pa rin ako tinapunan ng tingin kahit halos katabi niya lang ako. Nakatingala sa malaking gate at may ngiti niya sa mga labi niya.
“Dito ako lumaki...” literal na nagulat pa ako nang basagin niya ang katahimikan. “Tinanggap ako ng ampunan na ‘to nang walang pag-aalinlangan. Malaki ang pasasalamat ko sa kanila, binihisan nila ako, pinakain at ipinasok sa paaralan. Salamat talaga...” sabi niya at humakbang nang dalawang beses papunta sa may gate.
“Saan ka pupunta?” tanong ko pa.
“Aalis na ako rito. Ayaw ko nang manatili pa rito. Haharapin ko ang buhay na meron sa labas ng gate na ‘to,” sagot nito.
Aalis siya nang wala man lang kadala-dala na gamit?
“Hindi mo dadalhin ang mga gamit mo?”
“Siguro itatago ‘yon nila Sister kapag wala na ako... at sisiguraduhin ko na babalik ako rito sa paglipas ng ilang taon,” sabi niya sa akin at siya’y nagsimula nang umakyat sa gate. ‘Di ko siya pinigilan kasi alam ko na hindi naman siya magpapapigil.
Nang matawid niya na ang naka-lock na gate ay hinarap niya ako. Nasa pagitan na namin ngayon ang malaking gate. Nakikita ko siya mula sa kinatatayuan ko. “Aalis ka ba talaga?” pagtatanong ko pa.
Ngumiti si Samantha sa akin, para siyang hindi nagwala noon.
“Mark, napaka-suwerte mo talaga dahil may gustong umampon sa’yo, at napakamayaman pa. Kung ako sa’yo kalimutan mo na ang mga magulang mo at sumama ka sa kanila. Huwag mo silang bibiguin.”
“Samantha...”
“Kapag nagkita kayo ni Aira, pakikumusta ako sa kaniya. Paalam, Mark...” nagsimula na siyang umatras. “Paalam, aking tahanan...” ‘Yon ang huli niyang sinambit bago niya ako tinalikuran. Nagsimula na siyang tumakbo papalayo.
Ako naman ay napanganga lang sa aking nasaksihan. Umalis si Samantha sa lugar na ‘to.
Naging usap-usapan sa mga bata rito ang pag-alis niya. Ang iba ay natuwa, habang ang iba naman ay nalungkot. Ako? Nalulungkot din, mabait naman talaga si Samantha, siya ang Ate dito at noong nasa elementary siya ay pinagtatanggol niya rin kami sa mga gustong mam-bully sa amin dahil sa kung sino kami.
Mga ulila... inabandona.
Si Aira nga ang madalas niyang makausap dito, si Aira kasi ang tipo ng tao na sobrang pala-kaibigan. Sana nga’y magkita-kita kami muli ang landas nila sa hinaharap.
Isang araw ay nagtungo ako sa kusina no’n upang puntahan si Aling Beth. Nandito rin ang mag-asawa na gustong umampon sa kin, isang buwan pa ang hihintayin ko bago nila ako makuha rito. Parang kahapon lang din no’ng nalaman ko na gusto akong ampunin pero matagal nang panahon ang nakakalipas simula nang malaman ko na may gustong mag-ampon sa akin.
“Aling Beth...”
Naabutan ko siya na nagluluto sa kusina. Nilingon niya ako at sinalubong pa rin ng ngiti.
“Mamimiss kita, hijo. Huwag mo akong kakalimutan, ah?” Yumakap naman ako kay Aling Beth at tumango-tango. Mahigpit ang mga yakap ko sa kaniya na animo’y wala akong balak na bitiwan siya.
Kalaunan ay naiyak na rin ako. Ayaw kong iwan si Aling Beth dito. “Babalikan ko pa po kayo...”
“Hay naku na bata ka, kapag nandoon ka na. Magpapakabait ka at mag-aral nang mabuti. Huwag ka magiging sakit sa ulo sa kanila, ah?”
“Mahihirapan po siguro ako. Kailangan ko rin pong maka-bisa nang husto ang kanilang wika.”
“Kapag nandoon ka na ay matutunan mo rin ang lengguwahe nila...” Pinaharap ako ni Aling Beth sa kaniya at hinalikan ako sa noo ko. Pinunasan niya ang mga luha ko. “Huwag kang iyakin pagdating do’n, ah? Lagi mo tatatagan ang loob mo. ‘Wag mo na munang isipin ang tunay mong pamilya. Sarili mo na muna ang palaguin mo,” paalala lang siya nang paalala pagkatapos ay niyakap niya pa akong muli.
Hindi pa man ngayon ang alis ko ngunit siguradong-sigurado na ang pag-ampon sa akin.