Dalawang linggo ang nakalipas at nalalapit na rin talaga ang araw nang pa-alis ko rito ay aksidente ko namang narinig ang pag-uusap ni Mrs. Matti Rocha, ang magiging ina ko sa pag-ampon niya sa akin at ng isa sa mga madre. Nasa may hallway sila noon at pareho pang nakatayo.
"...them. I like my future son that's why he'll gonna be part of my family. Pero may isa siyang bagay na gustong hilingin po sa akin," Mrs. Roha.
Marahang natawa naman Sister Rachel. "Napakabigat po ba ng hiniling niya?"
"Hindi maman yon mabigat. Kung tutuusin ay kaya ko namang mahanap ang tunay niyang mga magulang. Pero hindi naman yata ako makapapayag no'n."
"Pagpasensiyahan niyo na siya..."
"It's okay. I still like him to be my son, masyado siyang mapagpamahal, pero tungkol sa mga nag-abandona sa kaniya? Gusto ko na makalimutan niya sila. Siguro ay makakalimutan niya rin sila kapag dinala ko na siya sa ibang bansa 'di ba?"
"Tama po kayo, Mrs. Rocha."
Sa mga narinig ko ay maraming mga tanong sa isipan ko, lalo na ang—kailangan pa ba 'tong ituloy?
'D ko na tinapos ang pakikinig sa usapan nila. Nagtungo ako sa may gate kung saan lumabas si Samantha. Nag-aalala rin sa kaniya ang ibang madre kaya hinahanap din siya. Sabi nila'y baka isa na siya sa mga babae na nagpapalaboy-laboy sa kalsada.
Naupo ako sa may bato na 'yon. Pinagmamasdan lang ang gate at inaalala ang gabi ng pag-alis ni Samantha. Bakit niya kaya napagdesisyunan na umalis?
Siguro, dahil walang umaampon sa kaniya? At pakiramdam niya'y pabigat na siya sa ampunan?
Hindi ko alam kong ilang oras akong naka-upo roon, nag-iisip ako nang mabuti. Kailangan ko rin magdesisyon.
Ang mga narinig ko kanina...
Isa lang ang ibig sabihin niyon, hindi niya ako matutulungan. Pinangako ko sa sarili ko na sa buhay na ‘to, hindi ako titigil sa paghahanap sa mga magulang ko kahit na anong mangyari.
Sa tingin ko, ayon ang mithiin na binigay sa ‘kin ng Nasa Itaas.
Iniisip ko lang ang gabi kung kailan umalis si Samantha, nandoon ako at inaalala ko ang mga sinabi niya sa akin.
Napangiti na lang ako. Siguro, alam ko na ang hakbang na gagawin ko. Ang desisyon na sa tingin ko ay mapapanindigan ko. Mahal ko ang tunay kong mga magulang, mahal ko rin ang ampunan na tumanggap sa akin.
Mahal ko rin si Aling Beth na tumayong ina sa akin.
Bumalik na ako sa aking silid. May radyo doon at agad ko ‘yon binuksan. Nagulat naman ako nang biglang bumungad sa akin ang boses ng iniidolo kong si Aguinaldo.
“...Maraming tao ang hindi nagtitiwala sa sarili nilang kakayahan, talento. Ang maipapayo ko lamang sa inyo ay lakasan niyo ang loob niya. Magtiwala sa sarili niyo, huwag niyo nang isipin ang sasabihin ng ibang tao. Sa mundong ‘to, sarili mo rin ang magiging kakampi mo.”
Ini-interview pala ang idolo ko sa mga naging karanasan niya sa buhay. Ako ay patuloy lang na nakikinig, hanggang sa naisip ko na ito na talaga ang sign.
Pumunta ako kay Sister Rachel ilang oras matapos kong makinig sa radyo. Umalis na rin ang mag-aampon sa akin. Niyayakap pa ako ni Mommy Rocha tuwing aalis na siya at sinasabi na kailangan ko pang maghintay upang maisama niya na ako sa kaniyang tahanan.
“Ang bait ng magiging magulang mo, kaya magpakabait ka palagi sa kaniya,” ani Sister Rachel. “Huwag mong babanggitin sa kaniya ang tunay mong mga magulang. Masasaktan siya kung gano’n.”
“Sister Rachel, wala na ho bang paraan upang matigil ang pag-aampon sa akin?” malumanay ko lang na tanong sa kaniya.
Nagulat siya at hinarap ako nang diretso. “Mark! Gumising ka nga!”
“S-Sister...” Umiling ako sa kaniya. Siya naman ay napangiwi nang tuluyan.
“Napag-usapan naman natin ‘to, ‘di ba? Ginagawa namin ‘to, Mark para sa kinabukasan mo.”
Hindi na ako nakasagot sa kaniya. Napayuko ako at saka tumango-tango. Litong-lito ako ngayon ngunit kailangan ko lang pumili ng isang desisyon. “Tara na, magpahinga ka na.”
Nasa silid na ako kinagabihan at hindi na naman ako makatulog. ‘Yong isa sa mga kasama ko na matulog sa silid na ‘to ay nilapitan ako.
“’Di ka makatulog?” Sinabi ko na lang din sa kaniya ang totoo.
“Iyan ba ay dahil pa rin sa pag-ampon sa’yo ng mayaman na pamilya?” Tumango ako sa kaniya. “Wala ka pa naman sa legal na edad. Rinig ko rin ay wala ka nang magagawa upang matigil ang pag-aampon sa’yo.”
Kung tama ang pagkakaalala ko ay Philipp ang pangalan ng lalaki na ‘to. Inabandona rin siya ng mga magulang niya kaya nga siya nandito. Ayon sa pagkakaalam ko ay no’ng tatlong taon-gulang daw si Philipp kinuha siya ng ampunan sa pangangalaga ng Tita niya dahil sa pang-aabuso nito.
“Para naman daw ‘yon sa sarili ko...” bulong ko pa.
“Pero ako ang tatanungin, hindi ako sasama. Mas gusto ko pa rin ang totoong mga magulang ko kaso patay na sila, ‘yong Tita ko nga raw ay hindi ako inalagaan nang maayos. Kadugo ko na nga ‘yon pero muntik niya na raw ako na mapatay. Kaya wala akong tiwala. Mas mabuti na lang na dito na lang ako habang-buhay.”
Nakukuha ko naman ang punto niya. Ang ibig niyang iparating sa akin. Iba rin kasi ang karanasan niya kaya irerespeto ko na lang kung ano ang gusto niya.
“Paano kung pinilit ka na sumama?”
“Tatakas ako rito. Mas mabuti na ang mag-isa.” Natahimik naman ako. “Mark, matulog ka na...”
Tapos ay bumalik na siya sa hinihigaan niya. Ako naman ay natahimik lang at binabagabag sa sinabi niya.
Kailangan kong ituon ang atensyon sa desisyon na gagawin ko.
Ang tanong kasi riyan ay kung gusto kong sumama o hindi...
Hindi... ayaw ko.
Ano na ang kailangan kong gawin ngayon? Tama si Philipp, wala akong magagawa upang mapatigil ang pag-aampon sa akin... at bigla namang pumasok ang imahe ni Samantha sa aking utak. Bumalik sa aking isipan kung paano siya umakyat sa gate na ‘yon at umalis.
“Patawad...” bulong ko. May parte sa akin na nagsasabing huwag akong matulog at umalis na lang din katulad nang ginawa ni Samantha.
Gaya ng sinabi ko ay ang paghahanap sa tunay kong mga magulang ang sa tingin kong layunin kaya ako naririto sa mundong ‘to.
Kinuha ko ang bag ko, naroon lahat ng importante kong gamit. Nagdala lang din ako ng ilang mga damit. Isinuot ko na ang bag ko at saka dahan-dahan na akong naglakad papalabas ng silid na ‘yon. Sa aking palagay ay tama lang ang desisyon na gagawin ko.
Kapag nakaalis ako rito ay magsusumikap ako katulad ng sinabi ni Samantha ay gusto ko rin makita ang buhay na mayroon sa labas. Siguro sobrang hirap pa sa inaasahan ko ngunit kailangan ko na lang lakasan ang aking loob upang maisakatuparan ang lahat ng aking mga pangarap.
Kakayanin ko ‘to.
Dumaan na muna ako sa silid ni Aling Beth, nandito siya ngayon. Gusto ko pa siyang halikan bilang paalam ko sa kaniya ngunit ‘di ko na ginawa dahil baka magising ko siya. Kapag nangyari ‘yon ay pipigilan niya ang pag-alis ko. Sigurado ako na gusto rin ni Aling Beth na maampon ako... kahit na para ‘yon sa aking kinabukasan. May sarili pa rin akong desisyon, at ito ang sinasabi ng aking puso.
Paalam, Aling Beth, sa ngayon. Sana’y mapatawad niyo ako sa pag-alis na gagawin ko.
Pagkagaling ko roon ay naglakad ako patungo sa gate kung saan lumabas si Samantha.
Sinigurado ko na walang makakakita sa akin. Tulog na rin naman na sila at kailangan ko na lang talagang maging maingat upang hindi ako mahuli. Gaya ng ginawa ni Samantha ay umakyat ako sa gate na ‘yon. Sinigurado ko na lang din na hindi ako magsusugat—sinubukan ko naman na maging maingat ngunit nasugatan pa rin nang kaunti ang braso ko sa pagbagsak ko sa lupa. Mabuti na rin siguro ‘yon kaysa naman ‘yong mga bakal sa gate ang naging dahilan ng aking mga sugat. Naggawa ‘yon nang malaking ingay kaya kumabog nang malakas ang dibdib ko. Baka mamaya ay may nagising ako.
Kaya binilisan ko ang pagtayo at nagsimula na akong tumakbo papalayo sa ampunan.
‘Di ko alam kung saan ako pupunta. Wala akong matutuluyan pero alam ko pa naman ang daan papunta sa parke na pinuntahan namin noon ng kasama naming social worker.
Naglakad lang ako papunta roon at nagplano na doon na lamang magpalipas ng gabi.