Wala na akong ibang mapupuntahan. Pagdating ko ng parke na ‘yon ay nagtungo ako sa bakanteng bench upang doon magpalipas ng gabi. Hindi ko pa alam kung ano ang aking gagawin. Ayaw ko namang umuwi sa bahay nila Aling Beth o kaya ay humingi ng tulong kay Ate Lina. Siguradong pipiliin pa rin nila ako na ipamigay.
Kasi, tingin ng lahat ay ‘yon talaga ang makakabuti sa akin. Pero pinakinggan ba nila kung ano ang gusto ko? Gusto ko ang tunay kong pamilya!
Kapag sumama ako sa kanila sa ibang bansa, tiyak na malulungkot lang ako. Malayo ako sa mga magulang ko, alam ko na nandito lang siya sa bansang tinatapakan ko ngayon. Kaya ayaw ko talaga.
Umidlip lang ako sa bench na ‘yon ngunit nagising din ako, hindi ko alam kung anong oras na niyon ngunit madilim pa rin ang kalangitan. Tumayo ako at naglibot-libot sa parke, isang oras na siguro ang lumipas ay natanawan ko sa kalsada ang isang truck at ang nakakuha ng atensyon ko noon ay nang makita ko na mga prutas ang laman niyon. Bigla na lang din akong natakam, nakaramdam din kasi ako ng gutom at wala akong pera kahit na isang piso.
Naglakad na ako papalabas ng parke upang malapitan ang truck na ‘yon. Nakita ko kaagad ang isang sako ng lakatan na saging, umakyat ako ng truck na may karga-kargang prutas. Siyempre, sa may bandang likod ‘yon. Wala naman akong nakitang tao tsaka kukuha lang naman ako nang kaunting pagkain. Doon na rin ako kumuha ng saging, ang iba pang prutas na puwede kong makain ay inilagay ko rin sa bag ko.
Pero doon na rin ako kumain upang mapawi ang aking gutom. Hindi ko na rin namalayan ang mga sumunod pa. Pagkatapos kong kumain ay nakaramdam na ako ng antok. Nauuhaw ako ngunit wala namang tubig kaya ipinikit ko na lang din ang aking mga mata at doon na nga ako tuluyang nakatulog.
Nagising na lang ako dahil sa mga ingay ng sasakyan. Sunod-sunod at walang tigil. Napabangon ako upang tingnan kung ano na ang nangyayari. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin ko umaandar pala ang truck na sinasakyan ko. Maliwanag na rin ang paligid at sumisikat na ang haring araw.
Hinulaan ko na lang kung ano na ang maaring oras ngayon. Siguro, mga eight am na.
Sumilip ako sa paligid ng truck na ‘to, napakusot-kusot pa ako ng mga mata ko dahil na rin sa liwanag, tapos nakita ko na nasa kalsada kami, ang daming mga sasakyan. Iba’t ibang klase. Napanganga na lang ako. Hindi pamilyar ang siyudad na ‘to sa akin.
Nakalayo na ba ako sa bayan kung saan nakatayo ang bahay ampunan?
Ang lakas ng t***k ng aking puso. Tinapik-tapik ko pa ang aking pisngi upang masiguro na hindi nga ‘to panaginip. Nang masigurado ko na hindi talaga ay napaupo na lang akong muli sa truck. Niyakap ko ang bag na dala-dala ko. Nagdadasal ako na sana ay maging maayos ang lagay ko.
Siguro, mali nga ang desisyon ko. Ngunit na-isagawa ko na at papanindigan ko ‘to. Hindi ako babalik sa ampunan hangga’t hindi ko nakakamit ang mga pangarap ko.
Ngumiti na lang din ako at sinabi sa sarili na makakaya ko nga ‘to.
Sa mga oras na 'to ay paniguradong hinahanap na ako sa ampunan at alam na nila ang aking pagkawala. Kung saan man ang lugar na 'to, sa laki ng mundo, imposible na mahanap nila ako kaagad.
Magsisimula ako ng bago kong buhay, mahirap man para sa batang katulad ko ngunit sisikapin ko pa ring mabuhay.
Para na rin sa kapakanan ko at mabuhay para sa buong pamilya na aking inaasam.
Pamilya ko na totoo.
Sabi nga ng teacher namin na ang tunay daw na pagmamahal ay makakamit sa pamilya. Malamang ay kailangan kong mahanap ang tunay kong ama't ina.
Lumipas ang ilang minuto ay tumigil ang sinasakyan kong truck. Ako naman ay natakot at baka makita ako ng driver nito at baka pagalitan niya ako. Lalo pa’t alam ko ang ginawa kong mali. Kumuha ako ng mga prutas nang hindi nagpapaalam sa kaniya.
Kaya sinilip ko na muna ang nagmamaneho sa may harapan, buti na lang at hindi pa lumalabas. Noon din ay napagtanto ko na nagkaroon lang ng traffic kaya naman tumigil.
Kinuha ko nang opportunidad ‘yon upang makababa ng truck. Binilisan ko ang kilos ko, pagkatapos no’n ay tumabi ako sa kalsada upang hindi ako masagasaan. Sinalubong naman ako ng napakaraming tao na naglalakad papunta sa kaniya-kaniya nilang pupuntahan.
Ako ay walang pupuntahan kaya ‘di ko naiwasan ang malungkot.
Wala rin ako masyadong makitang mga puno, puro matataas lang na building ang aking nakikita. At hindi ko gusto ang ingay na nagmumula sa mga sasakyan na nasa kalsada. Nagdadala rin sila ng kakaibang usok, ayaw ko no’n kaya nagdesisyon ako na maglakad lang nang maglakad.
Sa harap ko lang nilagay ang bag ko. Yakap-yakap ko ‘to kaya kahit papaano ay nababawasan ang takot na nararamdaman ko sa bawat tao na nakakasalubong.
Lahat sila ay hindi ko kilala. Natatakot talaga ako, ngunit napapaisip na lang ako. Posible kayang isa sa mga taong nasasalubong ko ngayon ay tunay kong kamag-anak?
Nang mapagod ako sa paglalakad ay naupo ako sa labas ng isang building. Hindi ko alam kung anong building ‘yon basta nabigyan din naman ako ng silong no’n lalo pa’t bigla na lang umulan.
Dama ko ang takot, hindi na mawala-wala ‘yon lalo pa’t mag-isa lamang ako. Walang kasama’t bahay na puwedeng tirahan.
Naka-upo lang ako roon at nag-iisip-isip. Hindi naman ako nagsisisi. Kailangan ko lang talaga ngayon mag-isip nang plano upang mabuhay ako at malagpasan ko ang araw na ‘to. Pati na rin ang mga susunod pang araw.
Tumayo ako paglipas lang ng ilang sandal. Tiningnan ko ang kalangitan, pinagmasdan ko ang araw upang ma-obserbahan. Wala akong relo upang magbase ng oras kaya titingin na lang ako sa posisyon ng araw.
Siguro ay lagpas twelve pm na. Medyo nauuhaw rin ako.
Naglakad lamang akong muli papunta sa kung saan, pinapalawak ang aking paningin upang makahagilap ng tubig na maaaring inumin. Mayamaya pa ay nakita ko ang isang ale na nagtitinda ng mga fishballs at iba pa. May isa siyang pitsel ng tubig doon at mukhang doon siya umiinom.
Kinakabahan man ako ay lumapit ako sa kaniya upang maghingi ng tulong.
Lumapit ako sa kaniya. Sa may bandang likuran niya. May niluluto siya ngayon sa isang malaking kawali. Hindi ko alam kung ano ang tawag sa tindahan niya. Basta napansin ko na may mga gulong ‘yon.
Kinalabit ko siya. Seryoso siya sa kaniyang ginagawa kaya hindi niya na muna ako nilingon. Muli ko ‘yong ginawa sa kaniyang likuran, doon niya pa lang ako nilingon. Kunot na kunot ang kaniyang noo sa akin.
“Bakit? Bibili ka ba?”
Tumingin ako sa pitsel na may lamang tubig. “Puwede ho ba akong makiinom ng tubig?” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
“Hindi ka naman mukhang pulubi… nawawala ka ba?” masungit niyang tanong. Parang galit pa ang babae sa akin.
“H-Hindi po…”
“Oh, hindi naman pala, eh. Umalis ka na nga rito, Sinisira mo ang araw ko. Kung nauuhaw ka, edi umuwi ka na lang sa inyo!” galit niyang sabi at saka niya ako tinalikuran. Napalunok na lang ako ng sarili kong laway. Ayaw ko naman nang bumalik ng ampunan sa ngayon. Hindi ko rin naman alam kung paano makabalik do’n.
Ayaw akong bigyan ng ale maiinom kaya nalungkot na lang ako. Hindi naman ako mahilig mamilit kaya wala na rin naman na akong nagawa.
Sinunod ko na lang ang sinabi niya. Nagsimula na akong maglakad papalayo. Nakatungo pa ako habang naglalakad. Sobrang lungkot, talaga ngang iba’t iba ang klase ng tao.
Hindi lahat mabait, mapagbigay…
“Boy, oh, tubig ba?” Natigil ako sa paglalakad nang bigla na lang may mag-abot sa akin ng mineral water.
“Libre po ba?”
“Oo naman. Kunin mo na, bilis.” Mabilis ko na lang din na ginawa ang kaniyang sinabi. Tutal ay uhaw na rin naman ako.
Lalaki ang nagbigay sa akin ng tubig na maiinom. Nakasuot siya ng simpleng damit, pagkatapos niyang mai-abot sa akin ang tubig na ‘yon ay iniwan niya na ako. Hindi niya man lang hinintay ang aking pasasalamat…