Ikasampu

1326 Words
Sa aking paglalakad ay may natanawan akong isang lugar. Isang parke rin—kakaiba sa parke na naroon sa may ampunan lang ngunit masasabi kong maganda. Mas marami ring tao ang naririto. Ang lakas din ng simoy ng hangin na animo'y may kakaiba pang nakakamangha. Mukhang libre lang naman pumasok sa parke na 'yon kaya agad ko nang ginawa. Ngumiti ako. Hindi pa naman ako nagugutom at itinitira ko sa aking sarili ang mga prutas na 'yon para sa mamayang gabi at sa susunod pang araw. Dala-dala ko rin ang bottled water na ibinigay sa akin ng napakabait na tao. Malamang ay padala siya ng Diyos sa akin. Kaya sobra-sobra ang aking pasasalamat sa Kaniya. Alam kong tinutulungan niya ako sa pagsubok na 'to sa aking buhay. Mayroong dagat sa una-unahan lang ng parke. Lumapit ako doon at saka pinagmasdan ang alon na naroon. Napapangiti na lang ako. Bihira lang ako makakita nang ganito sa amin. Hindi rin naman kami nagkakaroon ng outing, sa totoo lang, ngayon pa nga lang yata ako nakakita ng tunay na dagat. “Maganda. ‘no?” Napatingin ako sa babae na bigla na lang nagsalita. Lumapit siya sa akin at sinamahan ako sa panonood. “O-opo...” magalang kong sagot sa kaniya. “Kanina pa kita tinitingnan simula nang pumasok ka rito, siguro, ngayon ka lang nakapunta rito...” “Tama po kayo. Ito po ang unang beses na pagpunta ko po rito.” Tumango naman ang babae sa akin. “Bakit naman? Hindi ka ba dinadala rito ng mga magulang mo? O hindi ka taga-rito? Sinong kasama mo?” Naalala ko lang tuloy sa kaniya si Ate Lina. Medyo pareho ang tangkad nilang dalawa. Subalit mas madaldal pa rin ang Ate Lina. Ngayon pa lamang ay nami-miss ko na sila Aling Beth. Lalo na sa kaalaman na hindi ko na sila makikita sa mga susunod na buwan. Ngayon ay sarili ko na lang ang kasama ko, ngunit hinding-hindi ko sila makakalimutan at sisiguraduhin kong magkikita kaming muli. 'Di ko na siya sinagot sa mga tanong niya. Ayaw kong sabihin sa kaniya na galing akong ampunan. Natatakot lang ako na baka ipabalik niya ako sa ampunan kapag nagsabi ako sa kaniya ng impormasyon mula sa akin. Hindi ko alam kung bakit niya ako nilapitan. Ngunit kitang-kita sa kaniyang mukha na siya ay masaya. Dahil na rin sa mga ngiti niya na nakikita ko. "Ilang taon ka na?" tanong niya. Mukhang mabait naman siya sa akin. "Eleven po," sagot ko. “Nasaan ang mga magulang mo?” Muli, ay hindi ko na naman sinagot ang kaniyang tanong. Mabuti nang manahimik kaysa naman magsinungaling ako sa kaniya. “Okay lang kung ayaw mong sabihin,” sambit niya. “Hindi ko alam kung ano ang pinagdadaanan mo ngayon pero papayuhan lang kita na mag-ingat ka. Nakikita mo ba ‘yang mga taong ‘yan?” Tinuro niya ang mga tao na nasa parke. Napatingin na lang ako sa mga tinuro niya. “Hindi lahat diyan mapagkakatiwalaan, kaya mag-iingat ka. Lalo pa’t bata ka pa.” Napabuntonghininga na lang ako at muli kong ibinalik ang atensyon ko sa karagatan. “Napakalawak ng mundo, pero sa edad ko na ‘to, napagtanto ko na dapat maliit lang ang mundo mo. Siguro, hindi mo pa naiintindihan ‘tong sinasabi ko. Pero alam ko naman na maalala mo ‘to pagdating ng araw.” Mabait ang babae. Wala naman sigurong masama kung magtatanong siya kung saan siya puwedeng tumuloy, ‘di ba? “Ate... may alam po ba kayo na puwede kong matuluyan... ng libre?” Tinitigan niya naman ako pagkatapos ay ngumiti siya. “So, tama ako na naglayas ka sa inyo?” Nag-aalinlangan na lang din ako na tumango. “Sinasabi ko na nga ba! Maayos naman kasi ang damit mo, naku! Baka hinahanap ka na ng mga magulang mo!” Sana nga’y hinahanap talaga ako ng tunay kong mga magulang. “Alam ko po, pero ayaw ko po na maampon sa iba...” “Hayst! Hindi naman kita puwedeng madala sa bahay, mapapagalitan lang ako. Paumanhin, gustuhin ko man na tumulong ay wala akong magagawa. Siguro, umuwi ka na lang sa inyo, ‘no?” Umiling ako. “Bakit naman? Napagalitan ka ba sa inyo at dinamdam mo nang husto? Huwag ka mag-alala, pinapagalitan ka lang nila dahil para rin naman ‘yon sa ikabubuti mo...” Hindi niya naman maiintindihan kung sasabihin ko sa kaniya ang totoo. “Salamat po sa payo niyo sa akin, Ate pero hindi po muna ako babalik sa ngayon.” “Mahihirapan ka lang lalo. Paano na ang pag-aaral mo? hindi mo ba alam kung gaano kabagsik ang mundo?” Napansin ko na may pag-aalala sa kaniyang boses. “Ate, hindi pa po talaga sa ngayon...” “Oo na. May pera ka bang dala sa’yo?” Natahimik naman ako nang ilang segundo at saka siya inilingan. Pagkatapos ay nakita ko siya na naglabas ng pera sa kaniyang bulsa. “Ito, maliit lang ‘to pero itago mong mabuti, ha? Kapag nagutom ka, maaari mong magamit. Puwede kitang balikan dito isang beses sa isang linggo... nag-aalalala lang ako sa’yo,” sabi niya pa. Hindi ko naman ‘yon inaasahan na tutulungan niya ako. Nanginginig pa ang aking mga kamay nang abutin ko ang pera na ibinigay niya sa akin. Dalawang limang piso at isang bente pesos. Malaking halaga na rin ‘yon para sa akin. Sa school ay pang-isang linggo ko na ngang baon ‘to. “Maraming salamat po... ngunit ayaw ko na po na maabala kayo...” Ngumiti lang siya sa akin at marahang hinawakan ang ulo ko. “Hayaan mo na ako. Basta tuwing ganitong araw... ganitong oras, pupunta ka rito, ah?” Napagkasunduan naming dalawa ‘yon. ‘Di ko talaga alam kung ano ang kaniyang dahilan kung bakit siya mabait sa akin. “Sa pagkakaalam ko ay open naman ang parke na ‘to, siguro, dito ka na muna magpalipas ng gabi. Alagaan mo lang palagi ang mga gamit mo para hindi mawala...” Pinaalalahan niya lang ako nang napakarami. Masaya ako... pakiramdam ko talaga ay siya si Ate Lina. “Ako nga po pala si Mark... ano po ang sa’yo?” “Angela...” Malaki ang utang na loob ko kay Ate Angela. Mabuti rin kasi ang kaniyang puso, purong-puro ‘yon para sa akin. Sana’y pagpalain pa siya nang Diyos nang husto. Napakabait niyang tao. Nagpaalam din naman siya bago pa dumilim ang buong paligid. Sa susunod na linggo ko raw siya muling makikita. Pinaalalahanan niya lang ako ulit na mag-ingat at huwag basta-basta magtitiwala sa kahit na sino. Talaga ngang bagay sa kaniya ang pangalan niya. Isa na naman siyang anghel na ipinadala sa akin. May mauupuan din dito sa parke na ‘to kaya doon na muna ako nanatili. Inilabas ko ang notebook ko at saka doon nagsulat. Ngayong araw ay ang unang araw na umalis ako sa bahay-ampunan. Ito lang kasi ang nakikita kong paraan upang hindi na matuloy ang pag-ampon sa akin. Alam ko na maraming buwan na naghintay sa akin ang mag-aampon, sina Mr. Rocha, pero ayaw ko talagang maampon. Hindi ko sila ka-dugo. Isasapuso ko na lang ang sinabi sa akin ni Ate Angel, mapanganib daw sa mundo na ‘to kaya kailangan kong maging mapatyag sa lahat ng oras. Kakayanin ko ‘to. Naisip ko naman tuloy na gumawa na naman ng mga liriko. Mahirap mang intindihin ang ginawa ko Ito na lang ang paraan upang matakasan Ang pagbabago ng buhay ko Na taliwas naman sa gusto ko Nakangiti ako habang sinusulat ko ang iba pa. Nang matapos ako ay ibinalik ko ang notebook ko sa aking bag. Sa inuupuan ko ngayon ay natatanaw ko pa rin naman ang dagat. Nakikita ko rin ang araw na papalubog na. Ang ganda lang tingnan. Patapos na ang unang araw ko na wala sa ampunan. Napabuga na lang ako nang malakas na hangin mula sa aking bibig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD