TRIGGER WARNING: PROFANITIES, VULGAR WORDS
Chapter 7
Habang kumukuha ako ng mga order ay napatingin ako sa ilang mga hallway na ngayon ko lang napansin. Hindi pa ako nakakapunta sa alin man sa mga ‘yon dahil wala akong pahintulot at hindi ko pa alam kung puwede ba ako roon. Kuryoso ako ngunit may limitasyon naman ako.
“Miss, ang tagal naman ng order namin! Nasaan na ba?”
Saka lang ako nabalik sa reyalidad nang marinig ko ang boses ng isang customer. Masama ang timpla ng kaniyang mukha. Pinapakalma siya ng ibang mga kasama niya.
“Pare, kumalma ka lang. Alam mo namang bawal tayo gumawa ng gulo rito dahil sayang ang membership fee na ibinayad natin kung mapapatalsik lang tayo,” saad ng lalaki na nasa tabi niya.
“Tama ang sinabi niya, Pare,” sang-ayon naman ng lalaking nasa harapan nila.
Napabuga ng hangin ang lalaki na siyang unang nagsalita kanina. Bumaling siya sa akin. “Pakibilisan na lang, Miss. Kanina pa kasi namin gustong magliwaliw.”
Kaagad akong napatango. “O-Opo, sandali lang po.” Pagkatapos ay naglakad na ako papunta sa counter kung saan ko ibibigay ang order.
Una akong lumapit sa counter na para sa pagkain. May mga pagkain din kasi na puwedeng order-in dito sa club. Kumpleto na nga ang lahat ng pagkain at inumin na inihahanda.
Iniabot ko ang papel na hawak ko. “Order po sa table 14,” imporma ko.
Tumingin sa akin si Ate Maddy. Siya ang nag-aasikaso ng mga pagkain na ino-order. Ang nasa loob naman ng kusina ay sina Kuya Jeric, Ate Natasha at Ate Karen. May ilan din na nasa loob na hindi ko pa alam ang pangalan.
“Got it,” ani ni Ate Maddy at iniabot sa butas ang papel na iniabot ko sa kaniya. “Order from table 14.”
Nakita kong kinuha na ng kung sino ang papel na hawak ni Ate Maddy kaya nagpaalam na ako sa kaniya. Pumunta naman ako sa kabilang counter kung saan iniaabot ang papel na order para sa inumin.
“Order po sa table 14,” saad ko sabay abot ng papel.
Natawa si Aldous at kinuha ang papel. “Masyado ka namang pormal, Jan. Kahit huwag ka na gumamit ng ‘po’ at ‘opo’ sa akin ay ayos lang. I like it better since I won’t feel the barrier between us. Parehas lang naman tayong empleyado rito kaya hindi mo na kailangang maging pormal sa ‘kin.”
“Nasanay lang talaga ako na maging magalang sa kahit sino, Ald—Al.” Muntik ko pang mabuo ang pangalan niya. Sinabi niya kanina na ‘Al’ na lang ang itawag ko sa kaniya kaya naisip ko na mas gusto niya talaga ‘yon.
Iniabot niya ang papel sa isa niyang kasama at may sinabi rito na hindi ko naman narinig dahil mahina lang ang boses nila habang nag-uusap. Medyo malakas din ang background music dahil sa mga speaker na nasa bawat sulok.
Bumalik si Aldous sa harapan ko at nagsimula na siyang maghalo ng mga alak. “I understand that you got used to that, but… mas gusto ko kasi na casual lang tayo. Alam mo na… para hindi natin maramdaman na may gap tayo sa isa’t isa.”
Tumango ako bilang pagsang-ayon. Bigla ko namang naalala ang mga hallway na nakita ko kaya naglakas ako ng loob na magtanong sa kaniya. Hindi pa naman tapos ang mga in-order ng mga tao na nasa table 14 kaya itatanong ko na lang muna kay Aldous ang tungkol doon sa mga hallway.
Lumunok ako at tumikhim bago nagsalita. “Al, matagal ka na bang nagtatrabaho rito?”
Napaangat siya ng paningin sa ‘kin, inaalam siguro kung bakit ako nagtanong. Nagbaba rin naman siya kaagad ng paningin sa tumbler na hawak niya. “Matagal-tagal na panahon na rin naman. Bakit?”
“May nakita kasi akong mga hallway kanina. Hindi pa naman ako nakakapunta sa mga ‘yon kaya ako nagtatanong sa ‘yo. Ah… a-ano ba ang mga nandoon?” tugon ko.
“Nothing special,” sagot niya. “Kapag pumasok ka sa mga hallway na ‘yon ay dadalhin ka no’n sa iba’t ibang mga area. Maraming areas ang nandito sa loob ng club. Hindi masyadong halata pero malaki ang lupa na sakop ng Trascamado Haven. May area na para sa casino, swimming pool, bowling and any other sports. May library rin para sa mga taong mahilig magbasa ng libro. May karaoke hub para sa mga gustong kumanta. At syempre…” Hindi niya kaagad nasabi dahil nagpokus siya sa pagsasalin ng mga alak.
“Syempre ano?” kuryoso na untag ko.
“Syempre may mga kuwarto rin na para sa—alam mo na,” natatawang sagot niya nang hindi ako tinitingnan. Humina ang boses niya sa huling sinabi. “Puwede ka namang pumunta sa mga area na ‘yon to see those yourself. Gusto mo samahan—”
Mabilis akong tumanggi. “H-Hindi na, Al. A-Ayos lang naman. Nalaman ko naman na sa ‘yo kung ano ang mga nasa hallway kaya ayos na ako.”
Nagkibit siya ng balikat. “Okay. Pero kung magbabago ang isip mo, sabihan mo lang ako. Inevitable naman kasi ang pagpunta mo roon dahil may times na pupunta ka talaga roon. May mga customer na gustong magpahatid ng mga order nila sa isa sa mga area kaya mas mabuting pamilyar ka na sa mga ‘yon.”
Hindi na ako nakasagot dahil tinawag na ako ng isang stuff upang makuha ang pagkain na order ng table 14. Tapos na rin naman nina Aldous ang drinks na order kaya nagpaalam na ako kay Aldous. Inilagay ko ang makapal na maliit na papel at ang ballpen ko sa bulsa na nasa tagiliran ko bago ako naglakad palayo.
Maingat kong inilapag ang isang tray sa lamesa. May kasama akong naghatid ng drinks na order ng mga tao na nasa table 14 dahil hindi ko naman kayang buhatin ang lahat ng ‘yon. Inalalayan niya akong maghatid sa table 14.
“Sa wakas!” masayang sabi ng lalaki na unang nagsalita kanina. “Kanina pa ako nagugutom, eh.” Bumaling siya sa akin. “Salamat, Miss!”
Nahihiya akong ngumiti. “Trabaho ko po ito kaya hindi niyo na kailangang magpasalamat. Nawa’y masiyahan po kayo sa inihanda namin.”
“Single ka ba, Miss?” biglang tanong ng lalaki na nasa tabi ng lalaking kausap ko.
Nagkatinginan kami ni John—ang lalaking kasama ko sa paghahatid ng order sa table 14—nang dahil sa sinabi ng lalaki. Napailing-iling siya sa akin, dismayado sa kung saan. Hindi naman siya nagsalita. Nanatili lang siya na nakatayo, hinihintay ako.
Bumaling ako sa lalaki at sasagot na sana nang magtanong naman ‘yong lalaking katabi ng lalaking kausap ko. “Ang ganda ng kulay ng mga mata mo, Miss. Parang pusa,” bumubungisngis na aniya. “Natural ba ‘yan?”
Hilaw akong napangiti. “Ah…”
Sumabat si John. “Mga Boss, may o-order-in pa po ba kayo? Kasi kung wala na, kailangan na niyang umalis.” At saka niya ako itinuro.
Napabaling sa kaniya ‘yong mga lalaki. Pilit na tumawa ang mga ito. “May tao pala rito,” pabalang na bulong ng isa.
Umiling ang lalaki na nasa harapan ng lalaki na kausap ko kanina. “Wala naman na kaming kailangan. Salamat, Miss.”
Napahinga naman ako nang maluwag nang dahil doon. Kinuha na ni John ang tray na pinaglagyan ng pagkain at ng ibang alak. Kinuha ko naman ang bucket na pinaglagyan din ng ibang alak. Naglakad na kami pabalik sa counter.
Bumaling ako kay John. “S-Salamat, John,” nahihiyang sabi ko sabay iwas ng tingin.
“Wala ‘yon. Ang sabi mo nga kanina, “trabaho ko po ito”. Napansin ko na hindi ka kumportable sa mga sinasabi nila kaya umaksyon na ako. Wala rin namang sense ang mga sinasabi nila kaya tama lang na umalis ka na roon.”
Nakasalubong namin si Dysea. “Jan!”
Nagpaalam si John na babalik na siya sa counter kung saan siya nakapuwesto kaya nginitian ko siya. Bumaling ako kay Dysea na nasa harapan ko. May binabasa siya sa papel na hawak niya.
Maya-maya ay nag-angat siya ng paningin sa ‘kin. “Ayos ka lang ba rito, Jan? Hindi ka ba nababastos o pinupuwersa? Kung sakaling mangyari ‘yon, huwag ka mahihiyang humingi ng tulong sa mga tao na nasa paligid mo. Malinaw na pinirmahan nila sa kontrata ang terms and policies ng Trascamado Haven kaya hindi nila puwedeng labagin ‘yon,” sunod-sunod na aniya. Sinuyod niya ako ng tingin. “Sa ganda mo pa namang ‘yan, I am hundred percent sure na marami ang naghahangad na makasama ka.”
Pilit akong natawa. “Sa kabutihang palad ay wala pa naman akong nakasalamuhang ganiyang customer, Dysea.”
Hindi ko alam na may ganoon palang rule na nakasaad sa kontrata na pinirmahan ng mga member ng club na ito. Alam ko naman na may kontrata ngunit hindi ko lang inakala na bibigyan ng mga may-ari ng club na ito ng importansya at proteksyon ang mga stuff na nagtatrabaho rito.
Napangiti siya. “That’s good to know. Anyway, babalik na ako ulit sa pagtatrabaho. Mag-usap ulit tayo kapag may time.” At umalis na siya.
Bumalik na rin ako sa pagtatrabaho. Marami akong nakasalamuhang customer. Ang iba sa kanila ay gusto ng makakausap kaya umuupo ako sa tabi nila. Wala namang naglakas ng loob na gumawa ng bagay na ikalalabag ng rules na pinirmahan nila sa kontrata.