Chapter 9

1575 Words
Medyo malapit na sila sa lobby ng resort nang tuluyang bitawan ni CJ si Arkine. Tahimik lang si CJ habang naglalakad—walang kibo, walang anumang sinasabi. Ramdam pa rin niya ang bigat ng nangyari, pero pinili niyang hindi ito ipakita. Napabuntong-hininga si CJ at naupo sa isang silya malapit sa lobby. Ilang sandali pa, umupo rin si Arkine sa tabi niya. “Okay ka lang?” tanong ni Arkine, mahinahon ang boses. “Nasaktan ka ba?” Napakunot-noo si CJ at napatingin sa kanya. “Arkine, right?” seryoso ang tono ng dalaga. Tumango si Arkine. Dahan-dahang lumapit nang bahagya si CJ sa pwesto ng lalaki, tinititigan ito nang diretso. “Sinusundan mo ba ako?” tanong niya nang direkta, walang paligoy-ligoy. “No…” sagot ni Arkine, kalmado pero bahagyang seryoso. “Napadaan lang ako… at pamilyar ka, kaya lumapit ako.” Tumitig lang si CJ sa kanya nang ilang segundo, tila ini-scan kung totoo ang sinasabi nito. “Okay,” maikling sagot niya. Walang dagdag. Walang tanong pa. Agad siyang tumayo, tumalikod, at naglakad palayo, iniwan si Arkine na mag-isa sa lobby. Sandaling natigilan si Arkine sa kinauupuan. Pinanood niya lang si CJ habang papalayo—diretso ang lakad, tila hindi man lang naapektuhan ng maikling usapan. Napabuntong-hininga siya nang malalim sa katahimikan ng lobby. “Of course…” mahina niyang bulong sa sarili, may halong frustration at amusement. “Grabe ka talaga, Doktora. Kaninang umaga, niligtas mo 'yung bata. Ngayon, tinuhuran mo 'yung bastos. At pagkatapos, iniwan mo na naman ako nang ganon-ganon lang.” Gusto sanang habulin ni Arkine ang dalaga at sabihing, "Hey, ako 'yung sa eroplano! Ako 'yung sa charger! Ako 'yung may-ari ng kama na tinulugan mo!" Ngunit may kung ano sa pagkatao ni CJ na pumipigil sa kanya. Hindi ito basta-basta babae na makukuha sa charm o sa pagiging owner ng resort. Ilang segundo pa siyang nakatayo roon bago dahan-dahang isinuksok ang mga kamay sa kanyang bulsa. Hindi siya galit. Hindi rin siya inis lang. Mas malinaw na ngayon ang nararamdaman niya—mas lalo siyang na-hook. At habang tuluyang nawawala sa paningin niya ang pigura ni CJ, isang bagay lang ang tumatak sa isip ni Arkine:Hindi ka lang basta dumadaan sa isla na ‘to. Pagpasok na pagpasok ni CJ sa loob ng kanyang villa, dahan-dahan niyang isinara ang pinto at sumandal dito. Ang katahimikan ng silid ay tila naging isang mabigat na kumot na biglang dumagan sa kanyang balikat. Ang boses ni Arkine ay paulit-ulit na umaalingawngaw sa kanyang pandinig—hindi ang boses nito noong sinabi nitong "No" sa tanong niyang sinusundan ba siya, kundi ang tono ng pag-aalala na naramdaman niya kanina. “Okay ka lang? Nasaktan ka ba?” Sa labas, nagawa niyang maging matatag. Nagawa niyang pilipitin ang braso ng lalaki at maglakad nang diretso nang walang emosyon. Pero ngayon, sa loob ng apat na sulok ng kwartong ito, ang pader na itinayo niya ay unti-unting nagkakabitak-bitak. "Hindi," bulong niya sa sarili, habang ang kanyang paningin ay nagsisimulang lumabo dahil sa luhang kanina pa niya pinipigilan. Hindi siya okay. At oo, nasaktan siya. Hindi dahil kay Carl, kundi dahil sa lahat ng sakit na kinikimkim niya simula pa sa Maynila—ang pagtataksil, ang pagkawala ng direksyon, at ang pagod na magkunwaring kaya niya ang lahat. Ang simpleng pag-aalala ni Arkine ang naging mitsa para sumabog ang lahat ng emosyong pilit niyang nilunod sa alak kagabi. Nanghina ang kanyang mga tuhod kaya dahan-dahan siyang napa-upo sa sahig, yakap-yakap ang kanyang mga binti. Ang pagiging "Doktora CJ" na matapang at alerto kanina ay biglang napalitan ng isang babaeng naghahanap lang ng sagot kung kailan titigil ang sakit. Bakit sa dinami-dami ng tao, ang estrangherong si Arkine pa ang nagtanong ng mga salitang matagal na niyang gustong marinig? Bakit sa bawat sulyap at tanong ng lalaking iyon, tila hinuhubaran nito ang mga maskarang suot niya? Humahagulgol na si CJ sa loob ng villa. Ang bawat hikbi ay patunay na sa kabila ng pagiging bayani niya sa pool at pagiging fighter niya sa labas, pasyente rin siya ng sarili niyang nakaraan—isang pasyenteng hindi pa rin nakakahanap ng lunas. Sa isang iglap, habang nakasandal sa pinto at unti-unting nilalamon ng dilim ng villa, tumigil ang mundo ni CJ. Ang mga hikbi niya ay naging mabilis na paghinga hanggang sa kusang pumikit ang kanyang mga mata. At doon, sa likod ng kanyang mga talukap, bumukas ang pintuan ng nakaraan—ang dahilan kung bakit siya narito, libu-libong kilometro ang layo sa buhay na dati niyang kilala. Sa dilim ng kanyang pagpikit, tila isang mabilis na pelikulang bumalik ang lahat. Ang bawat detalye ay kasing talas ng isang scalpel na humihiwa sa kanyang puso. Nandoon na naman siya—sa sandaling tumunog ang kanyang phone at bumulaga ang isang mensaheng hindi niya inaasahan. Isang picture. Isang ultrasound image na may kalakip na mensaheng gumuho sa kanyang mundo. Ang sekretarya ni Eman, buntis. At ang ama? Ang lalaking nangako sa kanya ng habambuhay. Naalala ni CJ ang mabilis na t***k ng kanyang puso habang patakbong tinatahak ang hallway patungo sa opisina ni Eman. Ang galit na nanalaytay sa kanyang mga ugat, ang pag-asang baka nagkakamali lang siya, baka paninira lang ang lahat. Pero hindi. Ang hitsura ni Eman nang harapin niya ito—ang pagkagulat na agad napalitan ng panunumbat at pag-iwas ng tingin—ang naging kumpirmasyon. Walang paliwanag na sapat. Walang "sorry" na kayang hilumin ang katotohanang habang abala siya sa paghahanda para sa kanilang kasal na ilang buwan na lang ang layo, abala rin si Eman sa pagbuo ng pamilya sa ibang babae. "Bakit, Eman? Bakit ikaw pa?" ang tanong na hindi na niya naisatinig noon dahil sa sobrang sakit. Iyon ang dahilan kung bakit siya narito. Iyon ang dahilan kung bakit siya nagpapakalunod sa alak. Dahil ang bawat segundo ng katahimikan ay nagpapaalala sa kanya na ang buhay na binuo niya sa loob ng maraming taon ay isa lang palang malaking kasinungalingan. Kaya nang tanungin siya ni Arkine kung “Okay ka lang?”, tila tinusok nito ang isang sariwang sugat. Paano siya magiging okay kung ang taong dapat ay kakampi niya sa buhay ang siyang mismong bumasag sa kanya? Sa loob ng tahimik na villa, yakap ni CJ ang kanyang sarili, pilit na pinatitigil ang panginginig. Ang dating matapang na doktora ay tila isang maliit na batang naliligaw sa gitna ng unos, at ang tanging naririnig niya ay ang paulit-ulit na pagdurog ng kanyang sariling mga pangarap. Pilit na itinayo ni CJ ang kanyang sarili mula sa malamig na sahig. Bawat hakbang patungo sa banyo ay tila may mabigat na kadenang nakagapos sa kanyang mga paa. Pagdating sa harap ng salamin, hindi niya kayang tingnan nang matagal ang sariling repleksyon. Ang mga matang kanina lang ay matapang na nakatitig kay Carl at kay Arkine, ngayon ay puno ng pamamaga at pait. Binuksan niya ang gripo, hinayaang dumaloy ang malamig na tubig, at paulit-ulit na naghilamos. Ngunit sa bawat haplos ng tubig sa kanyang mukha, tila mas lalong nag-iinit ang kanyang mga luha. Hindi sila tumitigil. Bawat patak ng luha ay kasing bigat ng katotohanang binitawan niya sa Maynila. "Tama na... tama na, CJ," bulong niya sa sarili, pero ang kanyang boses ay nanginginig at basag. Hinawakan niya nang mahigpit ang gilid ng lababo hanggang sa mamuti ang kanyang mga buku-buko. Gusto niyang isigaw ang lahat ng galit—galit kay Eman, galit sa sekretarya nito, at galit sa sarili niya dahil sa kabila ng lahat ng pinag-aralan niya sa medisina, wala siyang nahanap na lunas para sa sarili niyang wasak na puso. "AYOKO NA…” mas malakas na niyang sabi, basag ang boses habang umiiyak. “AYOKO NA… ayoko na…” “Please…” mahinang bulong niya, halos wala nang boses. “Tama na…” Ilang minuto ang lumipas, unti-unting humina ang hikbi ni CJ hanggang sa tuluyan siyang tumigil. Tahimik na siya ngayon. “Calm down, CJ. Inhale... exhale... inhale... exhale,” bulong niya sa sarili, bagaman nanginginig pa rin ang kanyang boses. Pinunasan niya ang kanyang mga pisngi kahit huminto na ang pagdaloy ng luha. Tahimik siya sa labas, ngunit sa loob niya, hindi pa rin humuhupa ang bagyo. Sa labas ng villa, unti-unti nang bumalik ang sigla ng resort. Malakas ang tugtog mula sa beachfront area; may mga bisitang sumasayaw, ilan ang nagkukwentuhan habang umiinom, at ang iba naman ay abala sa mga activities sa hapon. Parang walang mabigat na pangyayari ang naganap kanina. Subalit, hindi nakikisabay si Arkine sa kasiyahan. Nakatayo lang siya sa isang tahimik na bahagi, bahagyang malayo sa karamihan, nakapamulsa habang hindi mapalagay ang mga mata. Paulit-ulit niyang tinitingnan ang direksyon ng villa ni CJ. “Wala pa rin...” mahina niyang bulong. Kanina pa siya roon. Kanina pa siya naghihintay. Pero hanggang ngayon, walang lumalabas. Huminga siya nang malalim at bahagyang umiling. “Don’t tell me... hindi na siya lalabas,” aniya, mas seryoso na ang tono. Kahit ganoon, hindi siya umalis. Hindi niya alam kung bakit—hindi lang dahil sa nangyari sa pool, o dahil sa kung paano siya iniwan ng dalaga sa lobby kanina. Mayroon sa pagkatao ni CJ na hindi niya kayang balewalain, isang misteryong pilit niyang gustong intindihin. Saglit siyang tumingin sa dagat bago muling ibinaling ang paningin sa villa. “C’mon...” bulong niya sa hangin. Sa gitna ng maingay na resort, nanatiling nakatayo si Arkine, tahimik na naghihintay sa taong ayaw pang magpakita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD