Chapter 10

2066 Words
"Finally," bulong ni Arkine sa sarili, pero agad ding napawi ang ngiti niya. Napakunot ang kanyang noo. Kung malungkot ang awra ni CJ kagabi, mas matindi ngayon. Para siyang isang magandang rebulto na nawalan ng kaluluwa. Dumiretso si CJ sa dati niyang pwesto sa bar. Tulad ng kagabi, tumabi muli si Arkine, pero sa pagkakataong ito, hindi man lang siya tinapunan ng tingin ng dalaga. Para siyang hangin na hindi nararamdaman. "Sige lang, CJ," muling bulong ni Arkine sa sarili, habang nakatingin sa profile ng mukha ng doktora. "Kahit hindi mo ako pansinin, okay lang. Gets ko naman... mukhang may pinagdadaanan ka talagang mabigat." Hindi na nag-aksaya ng panahon si CJ. "Hi, June," tawag niya sa barman, ang boses ay matigas pero may bahid ng pagod. "Yung order ko kagabi. Yung mas strong, please." "Okay, Ma'am, right away," sagot ni June, na tila sanay na sa matapang na timpla ng dalaga. Pinapanood ni Arkine ang bawat galaw ni CJ. Nakatitig ang dalaga sa kawalan habang hinihintay ang kanyang baso. Napakaganda niya sa suot nitong black dress—backless at kitang-kita ang kutis, ngunit sa kabila ng pagiging mapangahas ng suot, bakas sa kanyang tindig na siya ay guarded. Ang bawat hibla ng katawan ni CJ ay tila nagsasabing, "Huwag kang lalapit." Gusto siyang kausapin ni Arkine. Gusto niyang itanong kung bakit ito umiyak—dahil kitang-kita sa mga mata ni CJ ang bakas ng luhang pilit nitong itinago sa likod ng make-up. Ngunit alam ni Arkine na hindi ito ang tamang oras para sa mga katanungan. Nang ilapag ni June ang baso, napansin ni Arkine ang mahigpit na paghawak ni CJ dito, na tila iyon na lang ang tanging bagay na nagpapanatili sa dalaga sa reyalidad. “Ano bang nangyari sa 'yo, Doktora?” isip-isip ni Arkine. “Ano bang meron at napunta ka rito sa isla ko?” Hindi siya umalis. Kahit dedmahin siya ni CJ buong gabi, mananatili si Arkine sa tabi nito. Hindi bilang owner ng resort, kundi bilang isang taong ayaw makitang lumulunod sa sarili nitong sakit ang dalaga nang mag-isa. Hindi na nakatiis si Arkine sa nakabibinging katahimikan sa pagitan nila. Gusto niyang basagin ang pader na nakapaligid kay CJ, kahit sa isang maliit na bitak lang. "June!" nilakasan niya ang boses niya, sapat para makuha ang atensyon ng kahit sino sa bar. "Isang whiskey, please." Pasimple siyang sumulyap kay CJ, nagbabakasaling kahit sa gulat ay lumingon ito o tignan man lang siya. Pero bigo siya. Nanatiling nakapako ang tingin ni CJ sa counter, tila may malalim na iniisip o sadyang ayaw lang talagang kumonekta sa kahit kanino. Napailing si Arkine. Mukhang mas strong pa sa pinakamatapang na alak na order ni CJ ang pinagdadaanan nito ngayon. Ang lamig ng pakikitungo nito ay mas matindi pa sa yelong nasa baso nila. "Grabe..." mahina niyang bulong sa sarili, puno ng pagkadismaya pero may halong pang-unawa. "Parang hangin lang ako dito." Dumating ang mga order nila. Sabay na inilapag ni June ang baso ni Arkine at ang matapang na inumin ni CJ. Marahang kinuha ni CJ ang kanyang baso, ramdam ang bigat ng bawat galaw niya. "Thanks," maikling wika ni CJ kay June. Isang salita. Walang emosyon. At gaya ng inaasahan ni Arkine, ni hindi man lang nito naramdaman na may "Sir Arkine" o may "Resort Owner" sa tabi niya na handang makinig. Tila sa mundong ginagalawan ni CJ ngayon, siya lang at ang kanyang baso ang tanging nag-e-exist. Inangat ni Arkine ang kanyang whiskey at sumulyap muli sa dalaga. “Sige, Doktora. Inumin mo ‘yan. Pero sana, pagkatapos ng basong ‘yan, gumaan naman kahit konti ‘yang dinadala mo,” sa loob-loob niya habang dahan-dahang itinitingga ang sariling alak. Halos mapangiwi si Arkine habang pinapanood ang bilis ng paglagok ni CJ. Hindi iyon pag-inom para malasahan ang alak; iyon ay pag-inom para makalimot. At sa bawat pagbaba ng baso, ramdam ni Arkine ang bigat na dala ng bawat patak nito. "Excuse me, June... one more, please," wika ni CJ nang maubos ang pangalawang baso. Nang maubos ang pangalawa, hindi na ito agad humingi ng kasunod. Nakatukod na ang baba ni CJ sa kanyang kamay, ang mga mata ay tila nakapako sa kawalan. "Okay, CJ... time to sleep," bulong niya sa sarili, boses na puno ng pagod at pagsuko. Pero sa halip na tumayo, nanatili siyang nakatitig sa basong hawak niya—empty, gaya ng nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Maya-maya, tila nagbago ang ihip ng hangin. Lumingon si CJ kay June at may itinuro. "June ... gusto ko ng ganoon," aniya, itinuturo ang basong hawak ni Arkine. "Whiskey, Ma'am?" tanong ni June para maniguro. "Okay po, Ma'am... right away." Hindi napigilan ni Arkine ang mapatawa nang mahina—isang tawa na halo ng amusement at bahagyang dismaya. "Yung baso ko, napansin... pero ako, hindi man lang tiningnan?" bulong ni Arkine, sapat lang para marinig niya. "Talaga ba, Doktora? Mas interesado ka pa sa baso ko kaysa sa taong humahawak nito?" Inilapag ni June ang whiskey sa harap ni CJ. Kinuha ito ng dalaga at sa unang pagkakataon, parang mas naging seryoso ang awra niya habang pinagmamasdan ang amber na kulay ng alak. Pagkalapag na pagkalapag ng baso, agad itong tinikman ni CJ. Hindi pa man lubos na lumalapat ang baso sa counter ay napitlag siya sa tapang ng lasa. "Aahhh... Sh*t!" wika niya, bago biglang pakawalan ang isang mahinang tawa. Napalingon si Arkine sa kanya, medyo natigilan. Ngayon lang niya nakitang tumawa si CJ nang ganoon—iyung hindi pilit, iyung parang panandaliang nakatakas sa bigat ng iniisip niya. At mas lalong nagulat si Arkine nang sa halip na tumalikod, ay humarap ang dalaga sa kanya. "Ganito ba talaga lasa nito?" tanong ni CJ, ang mga mata ay may bahid na ng kislap habang nakangiti kay Arkine. Muntik nang mabulunan si Arkine sa sariling iniinom. Hindi siya prepared! Buong gabi siyang nagpapansin pero ngayong kinakausap na siya nang diretso, tila nawala ang lahat ng "cool" lines niya sa isip. Sa wakas, hindi na siya hangin. "Ahh, yeah," tugon ni Arkine, pilit na ibinabalik ang composure. "Hard kasi siya kaya ganyan ang lasa. Swabe pero may sipa." "Okay..." nakangiting sagot ni CJ, muling tiningnan ang baso niya bago ito itinaas nang bahagya sa direksyon ni Arkine. "So far, favorite ko na 'to." Napangiti na rin si Arkine, ang puso niya ay parang tumalon nang kaunti sa kagalakan. "Good choice then. Masarap siyang kasama... lalo na kung gusto mo lang ng katahimikan." Sa pagkakataong ito, hindi na lumingon palayo si CJ. Nanatili siyang nakaharap, tila hinahayaan ang sarili na pansinin ang lalaking kanina pa matiyagang naghihintay sa tabi niya. Ang pader na kasing-tigas ng yelo kanina ay tila unti-unti nang natutunaw dahil sa isang baso ng whiskey at isang hindi inaasahang tawa. "Wait, wait...I know you" wika ni CJ. Sa gulat ni Arkine, hindi lang basta lumingon ang dalaga—lumipat pa ito ng upuan para mas lumapit sa kanya. Ngayon, magkaharap na sila, at sa unang pagkakataon, ramdam ni Arkine ang init ng presensya nito na wala nang pader na nakaharang. "You look familiar," dugtong ni CJ habang pinupunit ang distansya sa pagitan ng kanilang mga tingin. Napatawa nang bahagya si Arkine, isang tawang may halong dismaya at amusement. "Familiar? Okay... magkasama tayo kanina doon sa tinuhuran mo, remember?" "Yeah, I know...but " sagot ni CJ, tila pilit na hinahalukay ang alaala sa ilalim ng impluwensya ng whiskey. "Sa eroplano?" "Yes. From the airplane to the shuttle," panimula ni Arkine, na tila naglalabas na ng mga "resibo" ng kanilang pagkikita. "Breakfast, yesterday. Tapos, ‘yung charger..." "Ah, yeah... ‘yung charger!" wika ni CJ sabay tawa nang mahina, tila naaalala na ang insidente. "Magkatabi rin tayo rito kagabi habang umiinom," dagdag ni Arkine. Nabigla si CJ at napanganga nang bahagya. Hindi niya maalala ang detalyeng iyon dahil sa kalasingan. "Ha? Talaga ba?" "At ako rin ang nag-help sa 'yo para makatulog ka nang maayos kagabi," wika ni Arkine sabay ngiti nang tipid kay CJ. "Towel this afternoon, nung nag-dive ka para sagipin ang bata... at kanina sa souvenir shop," pagpapatuloy ni Arkine habang isa-isang binabalikan ang bawat pagkakataong nagtagpo ang kanilang landas. Napakunot ang noo ni CJ, bakas ang tunay na pagkagulat. "Really?" Tinitigan niyang maigi ang mukha ni Arkine. "Oh, I'm so sorry. I didn't notice you. What’s your name again? Arkine?" Arkine... sa wakas, narinig ko ring binanggit mo, sa loob-loob ni Arkine. Kung kailan ka pa nakainom, doon mo lang ako naalala. Pamabihira ka Doctora. "Are you mad? dahil hindi kita maalala? I said I'm sorry," seryosong tanong ni CJ nang mapansing natigilan ang lalaki. "No, I'm not," mabilis na bawi ni Arkine. "Nagulat lang ako na ngayon mo lang ako napansin. Akala ko talaga, hangin lang ako dito sa isla." Sa hindi inaasahang pagkakataon, muling tumawa si CJ. Isang malutong na tawa na nagpagaan sa mabigat na awra ng bar. "Hangin? Inabot ni Arkine ang kanyang kamay, pormal na nagpapakilala sa kabila ng lahat ng nangyari. "By the way, I'm Arkine James Del Rosario." Nakatitig lang si CJ sa kamay nito bago dahan-dahang inilahad ang sariling kamay. Ang haplos ng balat nila ay tila nagpadaloy ng kuryenteng hindi kayang ibigay ng kahit anong alak. "Ciara Joyce Romero," pakilala niya. CJ Itinaas ni CJ ang kanyang baso at dire-tsong tinungga ang whiskey hanggang sa huling patak. Ramdam ni Arkine ang tapang ng bawat lunok ng dalaga. "June, isa pa—" putol na wika ni CJ. "Wait," pigil ni Arkine, hinawakan niya ang gilid ng counter para makuha ang atensyon nito. "CJ, look... sorry, but you need to stop." Nangunot ang noo ni CJ at hinarap siya. "Stop what?" "Nakakadami ka na, eh. Pang-apat mo na 'yan," seryosong sagot ni Arkine. Hindi na niya ito madaan sa biro dahil alam niyang matindi ang tama ng whiskey, lalo na't sunod-sunod ang pag-inom nito. Biglang tumawa si CJ, pero sa pagkakataong ito, may bahid na ng inis ang tono ng kanyang boses. "Oh my God, seriously? Binibilang mo 'yung iniinom ko?" Hindi niya hinintay ang sagot ni Arkine at muling hinarap ang barman. "June, isa pang whiskey. Please." Napabuntong-hininga si Arkine at nanahimik saglit. Pinagmasdan niya ang pamumula ng mga pisngi ni CJ at ang bahagyang paglaylay ng mga balikat nito. "Concerned lang naman ako sa 'yo," mahinang wika ni Arkine, sapat na para marinig nito sa kabila ng ingay ng bar. Hinarap siya muli ni CJ, ang tingin ay medyo mapungay na pero matalim pa rin. "I'm still okay... nothing to worry about me. And besides," kinuha niya ang kanyang maliit na bag at iwinagayway ang keycard sa harap ni Arkine, "I bring my keycard now. So, hindi kita maiisturbo." "Hindi sa ganoon, CJ," mahinahon pa ring tugon ni Arkine. "Kahit may keycard ka pa o wala, mahirap ang uminom nang mag-isa habang may dinadala. Baka bukas, hindi na lang hangover ang maramdaman mo kundi pagsisisi." Hindi sumagot si CJ. Kinuha niya ang bagong basong inilapag ni June at muling itinuon ang pansin sa alak, tila hinahamon ang sarili kung hanggang saan ang kaya niyang tiisin bago siya tuluyang bumigay. "Thanks for your concern... pero as far as I know, guest ako dito. So, I have all the right para i-enjoy ang resort mo, okay? Just mind your own business," malamig na wika ni CJ. Bakas ang pagkairita sa kanyang mukha nang tumayo siya at bumalik sa dati niyang upuan—ang pwesto na may sapat na distansya para hindi siya abutan ni Arkine. Gusto niyang mapag-isa. Gusto niyang ang tanging kausap niya lang ay ang bawat lagok ng whiskey na unti-unti nang nagpapaikot sa mundo niya. "Okay, ... I'm sorry, CJ," pagsuko ni Arkine. Pero hindi siya nanatili sa malayo. Lumipat din siya ng upuan, dahan-dahang dumiit muli sa pwesto ni CJ, sapat lang para maramdaman ng dalaga na hindi siya aalis. "Nagwo-worry lang ako sa 'yo. Mag-isa ka, tapos babae ka pa." Hinarap siya ni CJ, may bahid ng sarkasmo ang mga mata. "So, meaning... hindi safe sa resort mo?" "Safe naman," mabilis na depensa ni Arkine. "Pero may mga tao kasi na guest din dito na hindi natin masabi... like kagabi, at kanina si Carl." Sa pagbanggit ng pangalang iyon, biglang napatawa nang mahina si CJ. Isang tawang puno ng kumpiyansa na parang nakalimutan niyang siya ang "pasyente" rito kanina. "Carl?" bulong ni CJ habang nilalaro ang yelo sa kanyang baso. "Mahinang nilalang."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD