NAPAIGIK SI Lionel nang lagyan ko ng gamot ang sugat niya sa kamay. Bugbog na bugbog na ang malaki nitong kamao sa pagsuntok sa pinto na ginawang punching bag. Nakakunot ang dalawang kilay na tila may malalim na iniisip.
“Bakit mo naman kasi ginawa iyon? Hindi mo ba alam na maaaring mabali ang mga buto mo sa kamay? Akala mo siguro madali ang mawalan ng kamay. Sinasabi ko sa iyo, pagsisisihan mo kapag nangyari iyon.” Mabuti na lang at may first aid sa bahay ng lalaki walang sinasanto pagdating sa pakikipagbuno. “Maswerte ka pa rin at hindi ka naubusan ng dugo.” Binalutan ko na ng dressing at saka ako tumayo. “Now, you have to sleep. Ayaw ko ng makipagtalo pa sa iyo, Lionel. Please lang, matulog na lang tayo. Alam natin na pagod tayo pareho. Huwag kang mag-alala, hindi ito makakarating kay Dad.” Tumalikod na ako. “Ako na lang ang matutulog sa lapag.”
Hindi man lang ito nagsalita. Muli ko namang kinuha ang towel. Pinunasan kong muli ang basa ko pang buhok. Sunod kong binuksan ang tokador na nasa harap ko. Punung-puno ito ng napakaraming damit. Iyon nga lang, panlalaki lahat. Kumuha ako ng isang putting t-shirt at isang boxer short na kulay itim. Pumasok ako ng banyo at nagbihis.
Matalim na titig ang sumalubong sa akin nang lumabas ako ng banyo. Kung nangangain ang mga mata ni Lionel ay tiyak na nalulon na ako nito ng buo. Parang hinihila ako niyon hanggang sa kaloob-looban.
“Hiniram ko muna ang damit mo. Wa-wala akong pamalit na dala, e. Hindi ko kasi alam na aabutin tayo ng gabi rito.” May nasilip ako sa ilalim ng kama. Napangiti ako. Extra foldable foam bed. Inabot ko iyon saka inilatag sa sahig. Sa wakas. Komportable pa rin pala akong makakatulog. “Matulog ka na. Okay na ako rito sa lapag. Huwag mo na akong intindihin.”
Pinunasan ko pang muli ang buhok ko at nang masigurado na tuyo na ay naghanda na ako sa pagtulog. Mainam na rin na nasa lapag ako. I feel safe. Unti-unti na akong dinapuan ng antok kaya hindi na ako nagpaawat pa nang kusa ng pumikit ang mga mata ko. It’s been a long day. Kailangan ko rin ng kapayapaan sa isip at katawan. Saka ko na lang iisipin pa ang ibang bagay. All I wanted to do is to sleep and dream. Tipong mananaginip ako ng katulad sa mga napapanood ko sa drama series. Hindi naman masamang mangarap. Simple lang naman ang kahilingan ko… na isang araw ay matupad iyon.
Nanaginip ako. Nasa isang mala-paraiso akong at napapalibutan ako ng mga natatanging uri ng mga hayop, iba’t ibang klase ng magaganda at sari-saring kulay ng mga bulaklak gayundin ang mga halaman at punong matatayog na lalo pang nakadagdag ng ng kagandahan. Sa bandang kanan ay may isang falls na malakas na umaagos ang tubig mula sa mataas na bundok. Tila lumilipad ako sa alapaap. Lumulutang ako sa hangin na tila ba may sarili akong pakpak. Kung pwede lang sana na manatili ako sa paraiso na matagal ko ng napapanaginipan. Ako na siguro ang pinakamapalad na tao sa buong mundo.
Hudyat na. Ipinikit ko pa ng mariin ang mga mata ko dahil ano mang oras ay kusa ng mumulat ang mga iyon. Kung minsan nga, iniisip kong hindi ako nananaginip dahil parang tunay na itong nangyari. Sana lang.
Tuluyan ng nagbukas ang mga mata ko. Humigpit ang hawak ko sa kumot nang wala akong makita! Madilim ang buong paligid! Nananaginip pa rin ba ako? Nasaan na ba ako? Tinampal ko pa ang magkabilang pisngi ko upang tuluyan akong magising ngunit walang nangyari. Hindi ito ang pinangarap ko! Oh, God! Akma na akong babangon nang may dumagan sa baywang ko.
“Ah – “
“Matulog ka pa,” ani ng pamilyar na boses. “I’ll be right here.”
“Lionel!”
“Sshhh, don’t be afraid.” Bigla na lang may lumitaw na liwanag sa ceiling. May dahan-dahang gumagalaw na buwan at mga bituin. “ I can’t sleep with the lights on but the hanging stars and moon will be fine.”
“Paanong – “
Mabilis niyang tinakpan ang labi ko. Wala na kasi ako sa lapag. Magkatabi na kami sa ibabaw ng kama, sa ilalim ng makapal na kumot. Yakap-yakap niya ako kaya pala ramdam ko ang bigat niya sa katawan ko.
“You were dreaming a while ago and I’m so envy that you we’re so happy to be inside of it…without me.”
“Ha?”
“Just go back to sleep, Miya.”
“Pero – “
“I won’t do anything to you. I just couldn’t stand to see you sleeping on the floor. Please,” may pagsusumamo sa tinig nito.
Malakas akong napabuntunghininga. Sa kalagayan ko ngayon ay wala na akong magagawa pa kung hindi sundin si Lionel. Wala na akong lakas pa upang makipag-argumento kaya mas pinili ko na lang na sundin ang sinabi nito. Nakatagilid ako at ganoon din si Lionel. Ang kaibahan lang, yakap niya ako mula sa likuran.
Mayamaya pa ay narinig ko ang mahina pagtaas-baba ng paghinga nito mula sa aking ulunan. Nakatulog na ito samantalang siya naman ay gising na gising ang diwa. Paano ako makakatulog kung mga bisig na nakalingkis sa aking katawan? Wala akong matandaan na nagawa ko na ang bagay na iyon, kay Lionel lang. Paano kaya kapag nakarating kay Dad? Magagalit kaya siya kahit na kaibigan nito ang lalaki?
Pinakatitigan ko ang mga bituin at buwan na tila naglalaro sa ere. Ang sarap pagmasdan na naging dahilan upang hatakin na ako ng antok. Hindi pa tumatagal ang pagbalik ko sa pagtulog nang maramdaman ko ang mahinang pagyugyog sa balikat ko.
“Miya, miya…”
“Hmmn…”
“Miya, wake up. We have to go.”
Inalalayan akong bumangon ni Lionel. “Go where?”
“Kailangan nating makauwi sa inyo. Your father is waiting for you.”
“At this hour? Pwede bang mamaya na lang tayo umuwi? Gusto ko pang matulog.”
“Miya, aalis na tayo. Go, fix yourself or gusto mo akong magbihis sa iyo?”
“Ano ba? Kanina pinapatulog mo ako tapos ngayon pilit mo naman ako ginigising. Pinagtitripan mo ba ako? Ha?”
“Kailangan na nating umuwi bago pa mahuli ang lahat.”
“Ano ba ang pinagsasabi mo? Anong mahuli ang lahat?”
“Arman is dying. He wanted to see you, now.”