Kabanata 1

3002 Words
                                                                                        Benson Halos pasado alas syete na ng gabi ako nakarating dito sa lugar namin sa Laguna. Napag-isipan ko munang iwan ang buhay Call center sa Maynila dahil sa totoo lang nahihirapan akong mag-focus sa trabaho. Nagsimula lang namang ang lahat nang mag-break kami ng girlfriend—este…EX-girlfriend kong si Nathalie. Bakit kami nag-break? Nakita ko lang naman siyang may kasamang ibang lalaki!  ‘Yong totoo, hindi ako masyadong nasaktan dahil doon. Ang pinakamasakit para sa akin ay nang makita kong sobrang saya niya…na hindi ako ang dahilan. Kaya naman ayun, pinakawalan ko na siya. Ganoon ko siya kamahal. Sa ngayon, sinusubukan ko ng mag-move on mula sa punyetang break up na ‘to. Noong una, sobra akong nahihirapan pero kung ikukumpara sa ngayon, unti-unti ko na namang natatanggap. At kaya nga ako nag-leave muna para maka-move on totally at syempre ayusin ang sarili. “Oh Benson! Napauwi ka?” gulat na gulat na sambit ni Mommy. “Ayos ka lang ba anak? Mukhang malungkot ka ah?” “Okay lang ako Mommy. Sorry di ako naka-text,” sambit ko kasabay ang pilit na ngiti. “Mommy mamaya na po ako kakain, ha? Papahinga muna ako at bibihis.” Tumango lang si Mommy at niyakap ako ng mahigpit. Hindi niya na ako kinulit pa, siguro ramdam niya na may problema ako. Hindi na naman ito nakapagtataka dahil kami lang naman ang magkasama sa buhay. Kung may nakakakilala man sa akin ng sobra, yun ay walang iba kundi si Mommy. Plus the fact na mag-isa niya akong tinaguyod, simula ng iwan kami ng magaling kong ama noong bata pa ako. Sobrang close namin ni Mommy sa isa’t isa. Kahit noong nasa Maynila na ako, walang araw na hindi kami nag-usap at nagkamustahan gamit ang cellphone. Madalas rin kaming mag-video call o mag-chat. Pero sa kabila ng lahat ng ito, may mga bagay pa rin akong hindi ibinabahagi sa kanya. Halimbawa na lang ay ang tungkol sa amin ni Nathalie at sa lahat ng naging girlfriend ko. Bumitaw na sa mahigpit na pagkakayakap si Mommy. Hinalikan ko siya sa noo at agad na dumeritso sa kwarto. Ihinagis ko ang aking bag sa sahig. Nag-dive ako sa kama ko at inilugmok ang sarili. Napabahing ako sa alikabok na nagsiliparan. Halos one month lang akong hindi nakauwi pero parang napabayaan na ito ng ilang taon. Sobrang busy siguro ni Mommy kaya hindi siya makapaglinis. Habang nagpapahinga, di ko sinasadyang mapatingin sa pader. Napansin ko ang nakadikit na heart shape na sticker dito. Kinuha ko ang cellphone at sumulyap sa date. “February 13 na. Haysss…Valentine’s  Day pala bukas. Tss.” Walang anu-ano’y bigla na lang pumasok sa isip ko kung paano namin cinelebrate ni Nathalie ang Valentine’s Day last year. Halos umulan noon ng bulaklak mapasaya lang siya. Inipon ko noon ang tatlong buwan kong sweldo. At iginastos lahat para lang maipasara ang isang Restaurant na exclusive sa aming dalawa. Ang saya namin noong araw na ‘yon, lalo na nang nagpapatugtog ang mga musikero ng aming love song. Napaka-sweet di ba? Kaso, ang lahat ng ‘yon ay alaala na lang. Alaala na naiwan sa utak ko. “Arrrgghh! Tama na Benson. Para kang timang d’yan,” sambit ko sa sarili sabay hampas sa noo. “Tapos na kayo, mag-move on na.” Muli akong nagpatuloy sa pagmamasid hanggang sa mapatingin ako sa isang poster na katabi ng puso. Ito ay picture ng limang ninja na may iba’t ibang kulay, ang Power Ranger. Ang mabigat kong pakiramdam ay unti-unting gumaan. Wari ko ba’y bumalik ako sa pagkabata. Dati sa tuwing naglalaro kami ng aking mga kababata, ako parati ang Blue Ranger dahil sa totoo lang mahiyain talaga ako. Ayaw ko rin kasi na nasa akin ang atensyon kaya talagang bagay ito sa akin. Samantala ang Red Ranger naman ay ang best friend kong bibo at gusto lagi ay bida, si Jancel. “Speaking of Jancel…Tama! Si Jancel. Matutulungan niya akong mag-move on. Alam kong babaero ‘yon pero expert siya sa mga ganitong bagay.” Agad akong bumalikwas sa pagkakahiga. Naglinis ng sarili, nagbihis at dumeritso sa kusina para kumain. Matapos maghanda ay nagpaalam naman ako kay Mommy para pumunta sa bahay nina Jancel. *** Twelve minutes akong naglakad bago marating ang bahay ng aking kababata. Pasimple akong nagmasid sa labas ng bahay. Nandito kaya siya ngayon? “Tao pooooo! Jancel! Tol! Si Benson ‘to,” sigaw ko habang kinakatok ang pinto. Bumukas ito bigla at bumungad ang kanyang nanay na si Tita Micha. “Oh Benson, utoy! Kailan ka pa? Napasyal ka?” “Kanina lang po Tita. Si Jancel po kaya?” “Ay kaaalis lang kanina man din, pumunta ng Batangas. May trabaho ‘yon bukas, eh. Pasok ka muna utoy.” “Ay! Hindi na po Tita, next time na lang po. Sayang naman ‘di ko siya naabutan.” “Kaya nga eh, ‘wag kang mag-alala pag-uwi niya papupuntahin ko sa inyo.” “Sige po Tita uwi na po ako. Next time na lang. Salamat po.” “Sige utoy. Ikaw bahala. Ingat ka ha?” sabay ngiti. Nang malaman kong wala roon si Jancel, napagdesisyunan kong umuwi na lang. Pero para malibang, dumaan ako sa kabilang kalsada kung saan madalas kami naglalaro noong bata pa. Habang naglalakad, napahinto ako nang biglang namatay ang street light kung saan ako nakatayo. Sa di malamang dahilan bigla na lang akong kinabahan. Huminga ako ng malalim at nagpatuloy sa paglalakad. Pero hindi ko pa naihahakbang ang paa ko ay naitigilan na naman ako, nang may marinig na boses ng isang babaeng umiiyak. Shoot! A–ano ‘yon? Sa mga oras na ‘to ay halong takot at pag-aalala ang aking nararamdaman. Takot dahil baka whitelady ang naririnig kong iyak, gaya ng mga napapanuod kong horror movies. At pag-aalala dahil baka tao ‘yon na nangangailangan ng tulong. Nagmasid ako sa paligid na nagtagal din ng ilang segundo hanggang sa mapagtanto ko na nagmumula ang ingay sa isang lumang bahay. Pamilyar sa ‘kin ang bahay na ito.  Ayon sa sabi-sabi ito raw ay dating tirahan ng mayamang pamilya noong unang panahon. Kung di ako nagkakamali panahon pa ng mga kastila. Pero inabandona na ito, nang manirahan daw ang may-ari sa ibang bansa.  Simula nang magkamalay ako, parati ko nang nakikita ang bahay na ‘to. At dati, sa tuwing naglalaro kami ng Taguan Pung ay dito kami madalas magtago ni Jancel. Hindi naman makasunod ang aming mga kalaro dahil sa takot, kaya naman hindi kami natataya. Maliit lamang ang bahay na ‘to, bakas sa pader ang katandaan. Bagama’t makikitang napabayaan na, mapapansin pa rin naman ang pagiging matibay. Nag-aangatan na ang bubong at kisame. Ang ilang bintana ay nanatili pa ring nakakabit pero ang pinto nito ay bumigay na dahil sa anay. Lakas-loob kong tinahak ang daan papasok sa abandonadong bahay. Napakadilim, flash light lang ng cellphone ko ang gumabay sa ‘kin sa daan. Nakatulong din ang bilog na buwan para sa karagdagang liwanag. Unti-unting lumalakas ang iyak na aking naririnig na nangangahulugang papalapit na ako sa pinagmumulan nito. Hindi ko mapigilang pagtaasan ng balahibo. Sandali, ano ba kasing gagawin ng isang babae sa ganitong lugar. Punyeta, baka multo ‘to ah. Napalumod ako at mahigpit na ikinimis ang mga kamay. Malamig man ang humahampas na hangin, hindi nagpadaig ang pawis kong namumuo sa noo. Walang anu-ano’y bigla na lang huminto ang naririnig kong iyak. Shoot! Tatakbo na ba ko?! Mas lalong lumakas ang kabog ng aking puso. Pakiramdam ko ba ay bumibigat ang aking dibdib, na naging dahilan para sumikip ang aking paghinga. At sinabayan pa ito ng pagka-paranoid na baka may bubulaga sa ‘king kung anong nilalang ano mang oras. Kahit na ganoon, nagpatuloy pa rin ako sa pagpasok.  Maingat kong inihakbang ang aking mga paa.  Matagumpay kong narating ang loob pero hindi pa rin maalis ang takot na aking nadarama. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad at panandaliang huminto nang may maaninag na liwanag. Sinundan ko kung saan ito nanggagaling. Mula ito sa isang gasera.  “What the!” Laking gulat ko nang makita ang isang tao na nakaupo sa tabi nito kaya naman di ko sinasadyang mapatalon at mapaatras. Dahil sa kaluskos ng aking pagkagulat mabilis siyang napalingon. “Vicente?” mahinahong sambit ng babae habang nagpupunas ng luha. Napansin ko ang isang kahon sa tabi ng babae na hinala ko ay naglalaman ng damit dahil sa mga telang umaapaw. Kakaiba ang suot ng babaeng ito. Maihahalintulad ito sa sinusuot ng mga matatandang babae sa mga baryo. Baro ang pantaas at saya naman ang pambaba. Sa unang tingin mukha siyang gumaganap sa tiyatro.  Bahagya akong napangiti ng mapatitig sa mukha niya. At hindi ko maitatanggi na napakaganda niya. Ang lakas ng dating ng mahaba niyang buhok na lampas balikat. Napakakinis at puti pa ng kanyang balat. Kahit pugto ang kanyang mga mata ay napakapungay pa rin nito. Kapansin-pansin rin ang matangos niyang ilong at balingkinitang katawan. Mukha siyang may ibang lahi pero halata ang pagkapilipino dahil sa kanyang height. At feeling ko ang age niya is naglalaro sa 18 to 20 years old. Nanlaki ang mata ng magandang babae nang makita niya ako. Sinubukan kong lumapit pero bumalikwas ito at maingat na umatras. “Wait! Sorry Miss, kalma lang ‘di kita sasaktan. Gusto ko lang malaman kung okay ka lang.” Napakunot ang kanyang noo at tinignan ako simula ulo hanggang paa na parang nakakita ng Alien. “Sino ka?!”  “Huwag kang matakot. Ako si Benson. Hindi ako masamang tao. Narinig ko kasing may umiiyak, kaya pumunta ako rito. Ano bang ginagawa mo rito? Ang dilim-dilim kaya.”  Tumuwid sa pagkakatayo ang babae at kapansin-pansin ang kanyang pagkalma. Tinitigan niya lang ako na akala mo’y ngayon lang nakakita ng tao. Takte, multo yata to e. Para basagin ang muling pagbalik ng takot, tinanong ko ulit siya. “Ano bang pangalan mo? May maiitulong ba ‘ko?” “A—Ako si…Ako si ho Solidad, kahit Soli na lang ang itawag mo sa ‘kin,” nagdadalawang isip niyang sambit. Sinubukan ko ulit siyang lapitan at sa pagkakataong ito ay hindi na siya lumayo.  Tinabihan ko siya at muling tinanong. “Soli, okay ka lang ba?” “Okay?” “Okay. Ibig kong sabihin e kung ayos ka lang?” paliwanag ko. Siguro di siya nakakaintindi ng English. Siguro galing siya sa isang hindi kilalang baryo kaya rin ganito siyang manamit. “Paumanhin ho, ngunit ang sagot ko sa ‘yong katanungan ay ohoo, ayos lang ako.” Minabuti ko na hindi gumamit ng English para hindi siya mahirapan. “Ano bang ginagawa mo rito? Hindi ka ba natatakot?” Umiling lang siya bilang tugon. “E ano nga ba talagang ginagawa mo rito?”  Tumingin siya ng may pag-aalinlangan at muling umiling. “Wag kang mag-alala mapagkakatiwalaan mo ‘ko. Di ako masamang tao.” Muli siyang sumulyap. Nginitian ko naman siya para kuhain ang kanyang loob. Matapos niyon ay tumungo siya at nagsalita. “Hinihintay ko ho si Vicente.” “Sino naman siya?” “Kasintahan ko ho. Nagkasundo kami na rito magkita upang magtanan. Subalit wala pa rin ho siya. Nag-aalala na ako.” Muling tumulo ang kanyang luha at niyapos ang kahong dala-dala. “Baka naman may dinaanan lang,” sambit ko. Sumulyap ako sa aking relo at pinindot ito para pailawin at makita ang oras. “Alas dyes pa lang naman, oh.” Napatingin si Soli sa relo ko at nagmasid na parang bata. “Sa totoo lang ho, alas nuebe ang aming usapan. Nang tumakas ako sa ‘min, alas otso ang huli kong tingin sa malaki naming orasan sa sala.” “Huwag kang mag-alala. Darating din siya, maniwala ka lang,” sambit ko para palakasin ang loob niya. Para tulungan siyang mabawasan ang stress, inilabas ko ang aking cellphone para magpatugtog ng music. Ito lang ang tanging bagay na naisip ko para kahit papano ay malibang siya. Nanlaki ang mata niya sa pagkamangha nang makita ang cellphone ko. Imbes na magtanong ay tahimik lang siyang nag-observe.  “Ano bang paborito mong kanta at papatugtugin natin?” nakangiti kong tanong. “Kanta? Papatugtugin?” “Oo, kanta, awit.” “Hmm…kahit ano na lang ho siguro.” Tumuro siya sa bahaging itaas ng screen sa gawing kanan at nagtanong. “Ano ho itong mga numerong ito?”  02/13/15 ang mga number, napangiti naman ako bago siya sagutin. “Date ‘yan ngayon. Petsa kumbaga, ‘yong 2, Pebrero, ‘yong 13 araw, at ‘yong 15 taon ngayon, 2015.” Napangiti lang siya at muling natahimik na parang nag-iisip. Nakakaawa naman si Soli pati ito ay hindi niya alam. Siguro hindi siya nakapag-aral. Ngayon lang kaya siya nakakita ng cellphone? Mayamaya pa ay nakita ko ang El Bimbo ng Eraser Heads sa aking playlist at agad ko itong pinindot. Di nagtagal e nagsimula na nga itong tumunog.  Napaatras si Soli na para bang nagulat nang marinig ang kanta.  “Oh! Ayos ka lang ba?” natatawa kong pang-uusisa. “O—Oho,” sagot niya na may pagsalubong ng kilay. Iniabot ko ang cellphone ko kay Solidad. Maingat naman niya itong tinanggap at nakapikit na in-enjoy ang music. Nang sumapit na sa bandang chorus ay tumayo siya at sinabayan ng pag-indayog ang kanta. Samantala, nakangiti lang akong sa panonood. Dzzzt! Dzzzzt! Naihagis ni Soli ang cellphone ko dahil sa gulat nang nag-vibrate ito at huminto ang music. Mabuti na lang at maliksi ko itong nasambot. Imbis na magalit, natawa lang ako dahil sa kanyang naging reaksyon, kahit kasi madilim ay halata sa pisngi nito ang pamumula. “Paumanhin Ginoong Benson, muntik ko nang masira ‘yang gamit mo.” “Wala, ‘yon. Ano ka ba?!” Kung makaginoo naman to. Tinignan ko ang aking cellphone at nakita ko na nag-text pala si Mommy. “Soli, sigurado ka bang ayos ka lang dito? Hinahanap na kasi ako ni Mommy.” Tumaas ang isa niyang kilay na para bang walang naiintindihan sa sinabi ko. Natulala siya nang saglit bago sumagot. “Ayos lang ho ako Ginoong Benson. Kaya ko ang sarili ko. Naniniwala akong darating si Vicente.” “Sige, uwi na ako ha? Pero okay lang ba kung selfie muna tayo?” “Selfie?” tanong niya. “Basta ngiti ka lang.” Itinaas ko ang aking brasong may hawak sa cellphone. Ngumiti ako ng pagkalaki, samantalang si Solidad naman ay nanatiling kunot ang noo na parang wala sa sarili. Mabilis kong pinindot ang shot, nag-flash at automatic na itong nag-save.  “Bye Soli, ingat ka rito.” “Pa–Paalam Ginoong Benson. Salamat. Sana ho magkita pa tayo,” nakangiti niyang sambit. Naglakad na ako pauwi at ligtas na nakarating sa bahay. Nang makita ako ni Mommy, nagpaalam na rin ito para magpahinga.  Lalo na’t maagap pa ang trabaho niya bukas sa Munisipyo bilang Librarian.  Nilinis ko ang aking kwarto at pinalitan ng cover ang kama. Matapos nito ay humiga na rin ako para magpahinga. Dinampot ko ang aking cellphone mula sa mesita na katabi ng higaan. Pinuntahan ko ang gallery para tignan ang picture namin ni Soli, ang kaso nga lang nagkapagtataka na wala ito. “Tsk! bakit ‘di nag-save?!” Muli kong naalala si Soli. Nag-aalala talaga ako sa kanya. Sana okay lang siya doon. Para mabawasan ang pag-aalala, minarapat ko na manuod na lang ng mga music video sa Youtube. Nanuod din ako ng kung anu-anong klase ng video gaya ng life hacks at katatawanan. Hindi ko namamalayan ang paglipas ng oras.  Muli akong tumingin sa orasan. 12:05 AM na. Itinigil ko na ang panunuod. Nag-log-in ako sa f******k. Nakita ko ang iba’t ibang post ng mga f******k friends ko tungkol sa Valentine’s Day. Bawat isa ay nag-uunahan sa pagbati. Nagkalat din ang mga pictures kasama ang kanilang asawa, syota o maging kaibigan. May ilan din namang humuhugot dahil wala raw silang date at ang malala pa ay may nagsasabing mamamatay daw yata silang single. Mayroon ding mga grupo ng magkakaibigan na nag-aakitan ng group date. Ano ba ‘tong mga to? Dito pa nag-usap-usap, ‘di ba uso sa kanila ang group chat? Nagpatuloy lang ako sa paniningin sa news feed pero ang talagang umagaw sa atensyon ko ay ang share ng dati kong kaklase. Tumakbo ako palabas ng bahay dahil akala ko nasusunog na yong kapitbahay namin. Kasi naman may ungol akong narinig at may sumisigaw pa! Hanggang sa ma-realize ko na Motel nga pala ang katabi ng bahay namin at Valentine’s Day nga pala ngayon. Hay naku napakaagang salubong sa araw ng mga pu…pu…pu…puso. (Hehe. Kala mo kung ano na nu?) #HappyHeart’sDay Halos mapagulong ako sa katatawa at naging dahilan ito para mas lalong mawala ang antok ko. Mayamaya pa ay may nag-pop sa screen ng aking phone. Wait! Si Nathalie ‘to ah. Ano kayang trip niya? Hindi ko na binuksan pa ang message niya dahil ayaw kong masira ang mood ko. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, muli kong naalala si Soli. Sa totoo lang, pakiramdam ko hindi na ko nalulungkot dahil kay Nathalie. Dahil wala pa ‘tong nararamdaman ko kung tutuosin. Mas masakit siguro ang nararamdaman ngayon ni Soli, kasi naman mukhang hindi siya sisiputin ng katipan niya sa pagtatanan. “Kamusta kaya siya? Nandoon pa rin kaya siya?” Habang kino-convince ang sarili na huwag mag-alala ay mas lalo akong nag-iisip. Kaya naman mabilis akong bumalikwas at tumayo. “Pupuntahan ko siya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD