Kabanata 2

1561 Words
Dahil medyo malamig na ang hangin sa labas sinuot ko ang paborito kong jacket na plain black. Gamit ang flashlight, mabilis kong tinahak ang madilim na kalsada pabalik sa abandonadong bahay. Lahat ng streetlight sa daan ay matino kaya naman hindi ako masyadong nahirapang makabalik doon.  Ilang minuto na akong naglalakad, sa hindi kalayuan ay natanaw ko ang isang streetlight na nagpapatay-sindi at sigurado akong katapat nito ang bahay kung nasaan si Soli.  Sa pangalawang pagkakataon, maingat akong pumasok sa loob. May naaninag ulit akong liwanag pero sure akong hindi ito gasera kasi puti ang kulay ng ilaw. Dahan-dahan akong dumungaw kung saan ito nagmumula. May kalabuan pero namataan ko na mula ito sa isang flashlight na parang lamp shade at hawak ito ng isang babae. Inaninag ko ito nang mabuti at tinutukan pa ng flashlight.  Sa unang tingin, inakala kong ito ay si Soli pero nang mapagmasdan ko siyang maigi may napansin akong kakaiba. Mukha pa rin ni Solidad ang aking nakikita kaso parang nag-matured siya ng kaunti. Bukod dito nagbago rin ang buhok niya dahil hanggang leeg na lang ito. Ang mapungay naman niyang mata ay nababalutan ngayon ng salamin na mayroong katamtamang kapal ng lens. Iba na rin ang suot nitong damit, naka-T-shirt na black at ang pambaba naman ay maong na pantalon. Mayroon din itong sukbit na isang back pack at wala na ang kahon niyang dala. “Soli?” tawag ko kahit hindi sigurado. Imbes na sumagot, nagtanong din ang babae. “Ha? Ikaw ba si Benson?” Bahagya akong napangiti nang makampante na si Solidad nga ito dahil kilala niya ko. Kaya naman patawa-tawa ko siyang sinagot. “Oo Soli, ano ka ba? Limot na agad?”  Napansin ko ang panlalaki ng mata niya na para bang nagagalak. “Bakit ganyan na ang suot mo? Wala pa rin ba si Vicente?” dagdag ko.  Ngumiti lang ang siya at ikinumpas ang kamay sa tagiliran na nangangahulugang maupo ako sa tabi niya. Ipinatong niya ang back pack sa harapan at binuksan ito. Dinukot niya ang isang notebook. Para itong lumang libro at makapal pero sulat kamay ang laman. Huminga siya nang napakalalim at saka nagsalita. “Una sa lahat hindi Soli ang pangalan ko. Ako si Patricia.” Ano’ng sinasabi niya? Kung di siya si Soli, paano niya ako nakilala? “Pe—pero, paano mo nalaman ang pangalan ko?” “Mahabang kwento. Siguro naguguluhan ka ano? Wag kang mag-alala, me too.”  “Sino ka ba?” tanong ko. Unti-unti na akong nakararamdam ng takot sa babaeng ito. Halos mamawis ang aking kamay sa nerbyos dahil napakamisteryoso niya. Bukod dito, kakaiba rin siyang manalita.  “Bago ko sagutin ang mga tanong mo. Heto kain ka muna,” sambit niya at sabay abot ng isang tigbebenteng buy 1 take 1 na burger.  Naguguluhan man ay kinuha ko pa rin ang burger pero hindi sinubukang kainin. Sinimulang buklatin ni Patricia ang notebook. May mga date ang bawat page. Siguro isa iyong diary. Di nagtagal natunton na niya ang page na kanyang hinahanap. “Makinig ka Benson,” seryosong niyang sambit na kala mo’y matagal na ‘kong kilala. “Ika-13 ng Pebrero taong 1942.  Nagtungo ako sa dating bahay ng pamilya Agoncillo. Ang abandonadong bahay kung saan namin napili ng aking kasintahan na magkita upang magtanan. Alas otso ako umalis ng bahay. Ang tagal ko na ring naghintay ngunit wala pa rin siya. Hindi ko napigilan ang mapaiyak sa pag-iisip na baka hindi n’ya talaga ako mahal kaya hindi siya sumipot o kaya naman baka kung napaano na siya.   Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng kaluskos na parang may paparating. Hindi siya ang katagpo ko. Isa siyang misteryosong Ginoo, Benson ang pakilala niya sa akin. May mga kakaiba at kamangha-mangha siyang gamit, gaya ng bagay na nakabalot sa kanyang braso. Nagliliwanag ito sa tuwing kanyang hinahawakan at himalang nalalaman ang eksaktong oras. Pangalawa ay ang isang manipis at parihabang kahon na umiilaw din, ang kaibahan nga lang ay may musikang lumalabas dito.  Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay na tinuruan mo ang puso ko na umibig ng tunay, iyan ang linyang aking natatandaan. Pinawi niya ang takot at lungkot ko sa isang iglap. Palagay ko, isa siyang anghel na gumabay sa akin kanina. Mapagbiro rin ang anghel na si Ginoong Benson dahil nang tanungin ko siya kung ano iyong mga numero sa kanyang mahiwagang gamit. Petsa iyan, ika niya at Pebrero 13, 2015 na raw ngayon. Naguluhan man ako, isa lang ang sigurado ko at ‘yon ay labis akong nagpapasalamat kay Ginoong Benson, ang aking anghel.  Naghintay pa ako ng ilang oras ngunit wala talaga ang mahal kong si Vicente. Masakit man pero handa ko nang tanggapin ang pagpapakasal ko sa sundalong Hapon na ipinipilit sa’kin nina Inay. Bago pa tuluyang lumalim ang gabi at abutin ng umaga ay minarapat ko nang umuwi. Paalam Vicente.”  Namanhid ang mukha ko matapos basahin ni Patricia ang isang page sa diary na ‘yon. Hindi ko rin maigalaw ang aking katawan. Pakiramdam ko ay ang bigat-bigat ng aking dibdib. Ganoon pa man ay pinilit ko pa ring magsalita kahit gumagaralgal ang boses. “Ka—ka–kay Solidad ba ‘yan? Ba–bakit na–1942 pa?”  Tumungo si Patricia bago sumagot. “Oo, sa lola ko ‘to.” Mas lalong lumakas ang kabog sa dibdib ko at mas naguluhan ang isip. “Lola? Paano?” “Dontya worry, naguluhan din ako simula nang mabasa ko ito, kaya nga ako naririto e,” paliwanag niya. “Simula nang mabasa ko ito at napansing ang pagbanggit ni lola tungkol sa year 2015, napunta ako rito para humanap ng sagot. Theory ko kasi hindi angel ang tinutukoy ni lola kundi isang time traveler. So I am here to ask you. Pero mas mukhang wala kang alam kaysa sa ‘kin e.” “Teka lang mas naguguluhan ako. Nasaan ba si Soli?” tanong ko na may pagkabalisa. Muli, ibinababa ni Patricia ang kanyang ulo at mahinahong nagsalita. “Wala na si lola. 2 years na siyang patay. Namatay siya sa katandaan.” Nanlamig ang pakiramdam ko at kinilabutan simula likod pataas ng batok. Nangangatog na rin ang aking tuhod sa hindi malamang dahilan. So kung patay na siya ibig sabihin multo ang naka-usap ko kanina? “Alam mo Benson, feeling ko nababalutan ng mistery ang bahay na ‘to kaya nangyari ang lahat ng ‘to.” Napalinga ako at nagmasid. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isip ko si Soli. “Last na tanong na. Ano raw nangyari kay Soli...este, sa lola mo simula ng huli niyang punta rito?” “Ayon dito sa diary niya, kinasal siya ng sapilitan kay Lolo Itchiro. At ‘yong sinasabi niyang Vicente ay hindi na nagparamdam pa, ni anino wala. At wala na rin si lolang nabanggit tungkol dito hanggang sa ihinto niya na ang pagsulat noong 1950.” “Okay lang ba kung sumama ka sa ‘kin para mapag-usapan natin ang kababalaghang ito,” suhestyon ko. Panandaliang nag-isip si Patricia at kinalaunan ay pumayag din naman. “May kasama ka ba sa ‘nyo?” “Oo si Mommy.”   “Sure kang okay lang sa kanya?” “Huwag kang mag-alala, mabait ‘yon. At saka tulog na naman siya.” Matapos mag-usap, lumakad na kami palabas ng abandonadong bahay. Hindi pa man kami nakakalabas ng pinto ay bigla na lang kaming may napansin sa ‘ming likuran, anino ng isang tao. Mabilis na tumindig ang mga balahibo ko. Si Patricia naman ay nanlaki ang mata sa takot. Malakidlat kong hinablot ang kamay niya at hinila palabas. Inubos namin lahat ng lakas para makalabas nang mabilis. Nanatiling magkahawak ang kamay naming dalawa. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Natatakot ako, pero hindi maalis ang ngiti sa aking labi dahil sa kung anong feeling na hatid ng hawak-kamay nila ni Patricia. Ito na ba ang Valentine’s day ko? Ano ba ‘yan. Napailing ako. Nagpatuloy kami sa pagtakbo pero nahinto ito nang may marinig kaming sigaw. “Sandali!” Sabay naming nilingon ang taong sumigaw. Nakatayo lang ito at nakatitig sa patay-sinding street light. Isa siyang lalaki, malago ang buhok, matangos ang ilong, matangkad at halata sa kanyang katawan ang pagkabatak sa trabaho. Kundi man e dahil tambay lagi to sa gym. May labit siyang isang tela na sa palagay ko ay may lamang gamit. Kakaiba ang pananamit niya, naka-camisa de chino ang pangtaas, malawak at manipis na pantalon naman ang pambaba at ang saplot naman niya sa paa ay maninipis na tsinelas na gawa sa abaniko. “Nasaan ako?” nanlalaking matang tanong ng lalaki. Sa halip na sagutin, tinanong pa ito ni Patricia. “Sino ka at ano’ng ginagawa mo d‘yan?” “Ako si Vicente, hinahanap ko si Solidad ang aking kasintahan.” Nagkatinginan kami ni Patricia at napako ang buong katawan. Nabalot ng katahimikan ang paligid at tanging malakas na t***k lang ng puso namin ang aming naririnig. Mistulang bumagsak ang aming mga panga at nahirapang itikom ang bibig. Nanatili kaming nakatitig sa isa’t isa at mayamaya pa ay sabay na bumulong. “Kaya hindi siya nakasipot sa kanilang pagtatanan, kasi naligaw siya rito sa panahon natin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD