PAGPASOK niya sa bahay agad naglingunan sa kanya ang mga kapatid at ang ama, maliban kay Malaya, ang isa sa Quadruplets dahil naka-base ito sa Switzerland kasama ang pamilya nito. Pagod na hinagis niya lang sa sofa ang blazer coat na hinubad pagkatapos ay lumapit sa ama at nagmano bago humalik sa pisngi nito.
“Dad, musta ka na?” tanong niya.
“I’m okay.”
Pagod na ngumiti siya sa ama. “Mukhang hiyang ka doon sa probinsya ah,” sabi niya matapos mapuna na tumaba ito.
“Naku anak, kapag may oras ka, pumunta ka doon at tiyak na magugustuhan mo doon. May mga nabalitaan pa akong dalawang farm na binebenta doon. Kung gusto mo’y puntahan natin isang beses.”
“Some other time, dad. Maraming trabaho sa opisina nitong huling araw, but I will make time,” sagot niya.
Naupo siya sa puwesto niya doon sa tapat ng dining table saka hinayaan dumausdos ang katawan sa silya at tumingala sa kisame.
“Teka, parang nakita ko na ‘tong eksenang ‘to ah. Don’t tell me it didn’t work out with Sam too?” sabi ni Yumi.
Sumulyap siya dito.
“Nope, iba ‘to. Upgraded version,” sagot niya.
“So, what’s up? Bakit mo kami pinagtawag?” tanong ng nakakatanda niyang kapatid na si Amihan.
“May problema ba, Kuya?” seryosong tanong pa ni Musika.
Marahas siyang bumuntong-hininga at umupo ng maayos.
“You all know that Yumi set me up on a date with Sam. Everything is going well with us until now, magkasundo kami, which is not surprising, dahil naghiwalay
kami ng maayos noon.”
“Iyon naman pala eh, so, anong problema ngayon?” tanong ni Lia.
“Lately I found out that…” aniya saka sadyang binitin ang sasabihin.
Marahas siyang bumuntong-hininga at hinilamos ang palad sa mukha.
“That?” ulit pa ni Yumi.
“I found out that I left her pregnant fifteen years ago.”
“What?!” gulat na bulalas ng mga kapatid maliban sa kakambal niya.
Paglingon niya sa ama ay bakas din ang gulat sa mukha nito.
“Seryoso ka?” hindi makapaniwalang tanong ni Amihan.
Marahan siyang tumango.
“Nalaman lang niya na buntis siya dalawang buwan na ang nakakalipas mula ng magkahiwalay kami. I… I met him… my son, few days ago and earlier and he looked a lot like me.”
“Teka, bakit hindi niya sinabi sa’yo na buntis siya?”
“Wala na ako dito sa Pilipinas noong mga panahon na ‘yon. And something happened in their family, kaya bigla na lang siyang nawala ng mahabang panahon,” sabi pa niya sabay lingon sa ama.
“Dad, sinabi niya sa akin ang totoo na alam n’yo ang nangyari sa pamilya nila. Bakit wala kayong binabanggit sa akin?”
“Anak, nakiusap siya sa akin na huwag sasabihin sa’yo ang problema niya. Nangako ako sa kanya at kailangan ko na tuparin iyon. Wala din naman siyang sinabi sa akin nang mga panahon na iyon na buntis siya. Hanggang sa lumipas ang panahon at nawala na rin ‘yon sa loob ko at tuluyan nakalimutan,” paliwanag ng ama.
“Sandali, anong pinag-uusapan n’yo?” naguguluhan tanong ni Amihan.
Kinuwento ni Hiraya ang mga nangyari kay Sam kaya hindi na nito nasabi na nabuntis niya ito. Gulat at hindi makapaniwala ang mga ito sa nalaman.
“Kuya, sorry to say this, pero para lang makasigurado tayo, are you sure the kid is yours?” tanong pa ni Musika.
Huminga siya ng malalim saka ngumiti at nilabas ang phone at pinakita ang wallpaper ng phone niya, walang iba kung hindi si Hari at Sam.
“I’m so sure. Nararamdaman ko na sa akin siya galing,” sagot niya.
Nang makita ni Musika si Hari ay napangiti ito. “Okay, now I believe you.”
Natutop ni Yumi at Lia ang bibig saka maluha-luhang napangiti pagkakita sa picture ng mag-ina.
“Oh my god, he looks exactly like you, Kuya!” masayang komento ni Lia.
Napangiti siya. “I know. He’s such a kind and bright kid. Fourteen years old na siya.”
“Grabe, wala tayong kaalam-alam na may nagbibinata ka nang anak,” natatawang sabi pa ni Amihan.
“Kelan namin siya makikilala, Kuya?” tanong naman ni Yumi.
“Soon. Hindi pa namin nasasabi ni Sam sa kanya ang tungkol sa akin. Ayaw namin biglain eh.”
Napalingon siya sa ama nang tapikin nito ang balikat niya at ibuka ang mga braso. Nakangiting tumayo si Hiraya at tinanggap ang mahigpit na yakap ng ama.
“I’m happy for you, anak.”
Emosyonal na natawa si Hiraya at pinahid ang luha sa mga mata niya.
“Nalaman ko lang na tatay na ako, naging iyakin na ako.”
“It’s okay. It’s natural because you’re overwhelmed with happiness,” sabi pa ng ama.
“Dad, finally, mayroon na akong maipagmamalaki na ‘yong sa akin. Iyong totoong sa akin. Iyon hindi materyal na bagay,” lumuluhang sabi pa niya.
Ngumiti ang ama at tinapik siya sa pisngi.
“Congratulations, anak.”
“I want to be a dad just like you. Ikaw ang idol ko eh.”
Muli siyang niyakap ng mahigpit ng ama. “Thank you, son. But you don’t have to be like me. Palakihin mo ang anak mo sa sarili mong pamamaraan. I can be just your inspiration. For sure, your Mommy Estelle would’ve been so happy if she’s here.”
Tumango-tango siya.
“I wish she’s still here with us. Siguradong matutuwa iyon na marami siyang apo,” sagot niya.
Napalingon siya sa kakambal nang umakbay ito sa kanya.
“Alam n’yo ba? That night after he found out that he’s already a dad. This dude came to my house before midnight just to ask how to be a dad,” pambubuking nito.
Natawa silang lahat pagkatapos ay ginulo ni Himig ang buhok niya na parang bata.
“Grabe Kuya, Tatay ka na!” masaya at hindi makapaniwalang sabi ni Yumi.
Niyakap siya ng iba pang kapatid at nagpahayag ng suporta at pagbati.
“What’s his name?” tanong pa ni Amihan.
“Hari. As in tagalog ng King. Sinunod ni Sam ang pattern ng pangalan sa pamilya natin,” pagmamalaking sagot niya.
“Oh my gosh, this is exciting! Gusto ko nang makilala ang pamangkin ko! Gusto ko na rin makita si Sam! Miss na miss ko na siya!” excited na bulalas ni Lia.
“Siguradong matutuwa si Laya kapag nalaman n’ya ‘to. Tatawagan ko siya
bukas,” sabi pa ni Himig.
“Next weekend, sa tingin mo madadala mo na sila dito?” tanong pa ni Amihan.
“Susubukan ko, Ate. I’ll be in Singapore for five days. Kakausapin ko si Sam, tatanong ko kung kailan namin puwedeng kausapin si Hari.”
Bumalik ang mga ito sa kinauupuan saka pinagpatuloy ang pagtatanong ng mga ito tungkol kay Hari.
“Eh Kuya, how about Sam? What’s your plan with her?” tanong pa ni Musika.
“I’ll pursue her. Hindi ko siya bibitiwan. I love her. Hindi ko alam, hindi ko rin maintindihan pero noong magkita ulit kami parang bumalik ‘yong dati kong nararamdaman para sa kanya. And I love her even more, alam n’yo ‘yong mas lalo akong na-in love sa kanya noong malaman ko may anak kami?” buong puso niyang pag-amin sa nararamdaman sa mga kapatid.
Napalingon siya kay Himig nang iangat nito ang kamay at nag-high five sila.
“Exactly bro! Ganyan ako kay Anne noong dumating ang unang baby namin,” sang-ayon nito.
“And you’re planning to marry her?” tanong pa ni Yumi.
Nakangiting tumango siya. “Yes. Sa ngayon, uunahin ko muna na i-settle silang dalawa,” sagot niya sabay lingon sa ama.
“By the way, dad, is it okay if they move here with me? Dito ko na sila patitirahin para sama-sama na kami,” paalam niya.
“Aba, oo naman! Bakit mo pa hinihingi ang permiso ko? Eh pinaubaya na namin sa’yo itong bahay. Sa iyo na ‘to.”
“Kahit na, siyempre, family house natin ‘to,” sabi niya.
“Anak, magiging isang pamilya na kayo. Dapat lang na patirahin mo sila dito. Gawin at ibigay mo ang para sa kanila na hindi mo nagawa noong mga panahon na wala ka sa buhay nila. And be a good and great father, naniniwala ako sa’yo! Kaya mo ‘yan!” payo pa nito.
“Thanks, Dad.”
NAKASANAYAN na ni Samantha na tuwing lunch ay si Hiraya ang kanyang kasama. It’s not that she doesn’t enjoy her friends’ company, pero sinanay na kasi siya nito na palaging nasa paligid niya.
It’s been three days since the day Hiraya left and go to Singapore for a Gaming Convention. Naimbitahan itong magpunta at ginawang guest speaker para tatlong araw na convention. Ngayon ikaapat na araw naman ay may business conference naman itong pinuntahan. Sa sobrang busy ni Hiraya ay sa gabi na lang sila nakakapag-usap. Palagi nitong kinukumusta silang mag-ina, lalo na si Hari. Pero ayon sa kanyang anak, kahit sa umaga o hapon ay nagkakausap ang dalawa.
Natutuwa si Sam na sa bawat araw na dumadaan ay mas lalong nagiging close ang mag-ama. She’s the witness of how Hiraya tried his best effort to reach out to their son. Pero ang mas nakakatuwa sa mag-ama ay parang magbarkada kung magkuwentuhan ang mga ito. At hanggang sa mga sandaling iyon ay Boss pa rin ang tawag ni Hari sa ama.
Ngunit kahit wala si Hiraya sa Pilipinas. Hindi pa rin siya pinabayaan nito. Sa tanghali, hindi na siya pinagbayad sa canteen. Mahigpit na bilin daw ni Hiraya na huwag na siyang pagbayarin ng kinakain dahil naka-credit na iyon sa card nito. Kapag tapos na ang trabaho ay hindi niya kailangan mag-commute dahil may inatasan itong driver para ihatid siya pauwi. Kapag may konting oras ito sa umaga o hapon ay nakakapag-video call sila kahit na may ginagawa siya sa opisina. At hanggang ngayon ay hindi pa rin makaligtas si Sam sa pang-aasar at panunukso ng mga kasamahan.
“Huy, tulaley yarn?” natatawang puna sa kanya ni Marcia.
Naroon sila sa labas ng gusali. Alas-tres ng hapon at kasalukuyan fifteen-minute break. Nagyoyosi ito habang sila ni Rissa ay umiinom ng kape.
“Miss mo na. no?” hula ni Rissa.
Natawa na lang siya. Hindi na nag-abala pang mag-deny ni Sam dahil iyon naman ang totoo. She missed him and she cannot wait to see him again tomorrow.
“Ay wow, level up. Hindi na nagde-deny,” biro pa ni Marcia saka nag-high five ang dalawa.
“Wala naman dapat i-deny. Totoo naman,” nakangiting sagot niya.
“Mahal mo na ulit, no?”
Tumungo siya at marahan tumango.
“Noon pa naman minahal ko na si Hiraya,” sagot niya sabay tingin sa mga kaibigan.
“Teka, eh di ba ang kuwento mo sa akin noon na parang napag-tripan n’yo lang i-date ang isa’t isa dahil tinutukso kayo ng mga tropa n’yo?” sabi pa ni Rissa.
“Oo nga, totoo ‘yon. Pero hindi alam ni Hiraya, hindi ko sinabi sa kanya na habang kami, na-develop ako sa kanya. I… fell deeply in love with him. He didn’t know that he’s my best love,” pag-amin niya.
“Oh my gosh, hanggang ngayon hindi pa alam na ni Sir yan?” tanong pa ni Marcia.
Tumango siya. “Mataas kasi pride ko noon. Alam mo na, mayaman kasi kami noon. Aaminin ko, lumaki akong medyo brat. Feeling ko noon kapag umamin ako sa totoong feelings ko, mababawasan ang pride ko bilang isang babaeng hinahabol-habol ng mga lalaki sa campus namin. When we broke up, I regret that day. Sabi ko, sana binawi ko na lang ‘yon naunang usapan namin na maghihiwalay kami sa araw ng graduation. At hanggang ngayon, nagsisisi ako na minsan naiisip ko kung hindi ko inuna ang pride ko noon at nasa tabi ko siya noong nalaman ko na buntis ako, baka nabawasan hirap ng kalooban ko. Pagkatapos ganoon ang nangyari sa parents at bumagsak ang kabuhayan namin. My life would’ve been easier. Hindi ko makilala siguro si…”
“Shhh, tama na ‘yan. Huwag mo nang banggitin ang pangalan ng demonyong ‘yon. Bad omen ‘yon,” mabilis na saway sa kanya ni Rissa.
“Girl, huwag mo nang isipin ang nakaraan. Nandito ka na ngayon kasama si Hiraya,” payo ni Marcia, na-open na rin ni Sam dito ang tungkol sa nakaraan niya.
“Oo nga. Kapag nakalipat na kayo sa poder ni Sir, hindi na kayo mahahanap no’n. At kung mahanap man niya kayo, hindi na ‘yon makakalapit pa,” sabi pa ni
Rissa.
“Agree!”
“Teka, mabalik tayo kay Hari. Kailan mo planong sabihin sa bata ang tungkol sa Daddy niya?” tanong naman ni Marcia.
Huminga ng malalim si Sam.
“Hindi ko pa nga alam eh. Hindi ako makahanap ng tyempo,” sagot niya.
“Puwede bang mag-suggest?” tanong ni Rissa.
“Oo naman.”
“Hindi sa pinapangunahan ko kayong mga magulang ano? Pero naisip ko lang kasi, bukas na ang uwi ni Sir. Imagine ang magiging reaksiyon niya kapag umuwi siya at sasalubungin siya ni Hari, tapos tinawag siyang Daddy.”
Napaisip si Sam.
“Ay ang ganda no’n! Gusto ko ‘yon!” kinikilig na reaksiyon ni Marcia.
“Ibig mong sabihin, sasabihin ko na kay Hari mamaya?” paniniguro pa niya.
“Oo, pero suggestion ko lang naman ‘yon. Kasi girl, isipin mo, you kept the truth from them for fifteen years. Dapat ikaw rin mismo ang magsabi sa anak mo ng totoo. That’s your obligation to Hiraya, to introduce him to your son. Hindi na kailangan dalawa kayong magsabi,” paliwanag ni Rissa.
“I super agree, maganda ‘yong sinabi niya,” sang-ayon naman ni Marcia pagkatapos ay nag-high five ang dalawa.
Huminga siya ng malalim matapos pag-isipan mabuti ang payo ng mga kaibigan, pagkatapos tumango siya.
“Tama ka, Rissa. Ako dapat ang magtama ng pagkakamali ko.”
Ngumiti ito sa kanya at umakbay sa kanya. “Goodluck.”