“BYE, Sam!” sabi ng mga kasama niya sa trabaho.
“Bye, ingat kayo!” sagot niya habang kumakaway.
“Sasabay ka sa amin?” tanong sa kanya ni Rissa.
Tumingin siya sa dalawang kaibigan. “Hindi. Nandiyan si Aya sa basement parking lot, naghihintay. Sasama siya sa bahay.”
“Hay, one happy family, sundan n’yo na agad si Hari,” sabi pa ni Marcia.
Natawa siya habang sabay silang tatlo lumabas ng opisina.
“Sundan agad? Hindi pa nga kami official na nagkakabalikan eh,” sagot niya.
“Sows, doon din naman ang ending n’yo,” sabi pa ni Rissa.
“Korek! Saka kalat na sa buong The Empire ang tungkol sa inyo ni Sir, kaya ang alam ng lahat ay kayong dalawa na!”
“Ano?! Paano nila nalaman?” gulat na tanong niya.
Tinawanan lang siya ng dalawa dahil sa reaksiyon niya.
“Paano nga ulit ‘yong gulat, Sam?” tumatawang komento ni Marcia.
“Buwisit kayo, sagutin n’yo ‘yong tinatanong ko!” natatawa rin na sabi niya.
“Girl, bakit ka pa nagulat?! Eh halos ipagsigawan ni Sir Aya na ex ka niya! Tapos laging bumaba sa department natin! Lagi kang hila kung saan n’ya gustong pumunta kasama ka. Lagi kayong magkasabay kumain, minsan kasama mo kapatid at mga bayaw niya. Oh, eh alam na this!” paliwanag ni Rissa.
“At okay lang ‘yon! Sa ngayon wala pa naman makakati ang dila na nagi-ispluk ng chismis sa’yo. Kaya keri lang ‘yan, landi lang! It’s healthy not just for your heart but also to your kipay!”
Malakas na napahalakhak silang dalawa ni Rissa sa sinabi nito.
“Gaga ka,” sabi pa niya.
Pagdating sa main lobby ay saka siya humiwalay sa dalawa. Bumaba na ang dalawa doon at siya naman ay dumiretso sa basement parking. Paglabas pa lang niya ay agad may nag-blink na headlights ng dalawang beses. Mabilis siyang lumapit doon at sumakay ng buksan ni Hiraya ang pinto mula sa loob. Nilagay niya sa backseat ang flowers na bigay nito bago kinabit ang seatbelt.
“Kunin mo ‘yong paper bag sa likod,” sabi pa nito.
Sinunod niya ang sinabi nito. Nang silipin niya ang laman ng loob ay nanlaki agad ang kanyang mata.
“Bumili na ako ng phone ni Hari, sa’yo iyong isa.”
“Bakit pati ako?” gulat na tanong niya.
“Akala mo hindi ko napansin ‘yong phone mo? Luma na rin, old model pa.”
“Eh siyempre, uunahin kong bilhan si Hari. Ginagamit n’ya ‘yon sa school n’ya eh.”
“Kaya nga, huwag mo nang alalahanin mga pangangailangan ni Hari. Binigay ko na sa’yo ‘yong card ko.”
Tumango siya. “Okay. Salamat dito,” nakangiting sagot niya.
“Let’s go, bibili pa tayo ng pagkain,” sabi pa ni Hiraya.
Mula doon sa opisina ay bumyahe sila pauwi sa apartment nilang mag-ina. Dumaan pa muna sila sa isang sikat na fastfood chain para bumili ng pagkain. Ang spaghetti at fried chicken kasi doon ang paborito ng mag-ama. Nang makarating sa apartment, binuksan niya ang gate para kay Hiraya matapos nitong iparada ang kotse.
“Pasok ka, pasensya ka na. Medyo luma na ‘yong bahay,” sabi pa niya.
Ngumiti si Hiraya sa kanya. “It’s okay,” mahina ang boses na sagot nito.
“Hari! Nak!” tawag niya dito.
Agad bumukas ang pinto at sinalubong sila ng masayang ngiti nito.
“Mommy!” salubong nito sa kanya.
“Mag-hi ka kay Boss,” utos ni Sam sa anak.
“Hello po, Boss!”
Nakangiti si Sam habang pinagmamasdan ang mag-ama. He crouched down to level his sight to her son. Pagkatapos ay puno ng emosyon na tinitigan si Hari.
“Hi, Hari. Can you give me a hug?” tanong pa ni Hiraya.
Walang tanong, ni hindi lumingon ang anak para kunin ang permiso niya. Mabilis itong yumakap kay Hiraya. Pasimple niyang pinahid ang luhang kumawala sa kanyang mga mata nang buhatin nito si Hari at yakapin ng mahigpit. Nakakatuwa na hindi naman nagreklamo ang bata at gumanti pa ng yakap.
Ilang sandali pa ang lumipas nang maghiwalay ang dalawa. Pagkatapos ay kinuha nito ang paper bag na may laman na bagong smartphone at binigay iyon sa bata.
“Narinig ko kanina na nasira daw ang phone mo. Eto, para sa’yo ‘yan.”
“Wow! Ang ganda!” manghang bulalas nito.
Natawa silang dalawa sa naging reaksiyon ni Hari.
“Totoo po, sa akin na ‘to?!” hindi makapaniwalang tanong pa nito sabay tingin sa kanilang dalawa.
“Oo, ana— ah… Hari… sa’yo na ‘yan. Dahil balita ko sa Mommy mo na inaalagaan mo siya, mabait at masunurin ka. Kaya, reward ko ‘yan sa’yo.”
Lumingon sa kanya si Hari. “Mommy? Akin talaga ‘to?” tanong pa nito sa kanya.
“Oo, sa’yo talaga ‘yan,” sagot niya habang hinahanda ang pagkain.
Nagulat pa si Hiraya nang yakapin ulit ito ni Hari.
“Thank you po, Boss!”
“You’re welcome. Basta pangako mo sa akin na mag-aaral ka ng mabuti.”
“Promise po.”
“Pssst, kayong dalawa, mamaya na gadget, kain muna,” saway niya sa mga ito.
“Mamaya pagkakain natin, turo ko sa’yo kung paano gamitin ‘yan.”
Nakita ni Sam ang labis na kasiyahan sa mga mata ng anak. Habang kumakain ay panay ang kuwentuhan ng dalawa. May pagkakataon nga na gusto niyang magselos dahil parang nawala siya sa eksena. Pero ano’t ano man, masaya si Sam para sa anak.
“Anong gusto mong maging paglaki mo?” tanong pa ni Hiraya sa anak.
Saglit itong nag-isip sabay lingon sa kanya.
“Gaya po ninyo! Gusto ko magkaroon negosyo tapos bibili rin po ako ng malaki at mataas na building! Para yumaman kami ni Mommy para hindi na siya mahirapan pagtatrabaho!”
Natawa silang dalawa.
“Ganyan na talaga ang pangarap n’ya noon pa, palaging ganyan ang sagot n’ya sa tuwing tinatanong siya,” sabad pa ni Sam.
“Talaga? Hindi naman impossible ‘yon basta mag-aral ka ng mabuti at magsipag ka sa pagtatrabaho paglaki mo,” sagot ni Hiraya.
“Iyon din po sabi ni Mommy.”
“Hari, kain ng kain, huwag puro kuwento,” saway niya.
Doon lang nito pinagpatuloy ang kinakain. Habang abala ito, napalingon si Sam kay Hiraya nang kunin nito ang kamay niya at ilagay sa ilalim ng mesa. She felt him squeezed her hands. Bakas sa mukha nito ang hindi maipaliwanag na kasiyahan.
“Thank you. This means a lot to me,” mahina ang boses na sabi nito.
Ngumiti siya. “No. Thank you for making him happy.”
“I’ll do anything for you and Hari to be happy,” sagot niya.
“Boss.”
Napalingon silang dalawa at agad natigilan nang makitang nakatingin sa kanila si Hari.
“Y-Yes?” tanong ni Hari.
“May gusto ka po ba sa Mommy ko? Boyfriend ka ba n’ya?”
Halos masamid silang dalawa sa tanong na hindi nila naisip na maririnig mula dito. Tumikhim si Hiraya.
“Uhm, oo may gusto ako sa Mommy mo at boyfriend n’ya ako,” sagot nito sabay lingon sa kanya.
Pinandilatan niya ito ng mata.
“Kelan pa?” bulong niya dito.
“Noong nag-date tayo,” nakangising sagot ni Hiraya sabay angat ng kamay nilang maghawak sa ilalim.
“See?”
Bumuntong-hininga si Hari at muling tinuon ang pansin sa pagkain.
“Basta huwag mong sasaktan at paiiyakin ang Mommy ko ha?”
“Oo, promise.”
Napangiti si Hiraya nang biglang ilahad nito ang palad. Agad niyang tinanggap iyon.
“Usapan lalaki po ito, Boss ah,” mahigpit na bilin ni Hari na parang matanda na kung magsalita.
“Yes boss, usapan lalaki!”
Matapos kumain ay nag-bonding ang mag-ama. Tinuruan ni Hiraya ang anak kung paano gamitin ang bago nitong cellphone. Pagkatapos ay nagkuhanan pa silang tatlo ng picture. Habang abala ang dalawa ay nagsimula naman siyang magligpit ng mga kalat at hinugasan ang pinagkainan nila.
“Hari Antonio, alas-nuwebe na, bukas na ulit ‘yan phone, maligo na tapos matulog na!” saway niya.
“Opo!” mabilis na sagot nito. Agad naman itong sumunod at pumasok sa banyo.
“Sandali lang, asikasuhin ko lang ‘tong anak mo,” paalam niya.
Mabilis lang itong naligo pagkatapos ay pumasok sa kuwarto. Pinatuyo niya sa electric fan ang buhok nito.
“Mommy naman eh, masyado n’yo akong binebaby na naman. Nakakahiya kay Boss oh, binata na ako eh!” reklamo ni Hari.
Napabuka ang bibig niya dahil sa sinabi.
“Aba, nandiyan lang si Boss eh pasikat ka na diyan! Ano ngayon, baby pa rin kita!” giit niya saka biniro pa ito lalo at pinupog ng halik sa mukha.
“Mommy!”
Natawa si Hiraya habang pinapanood silang mag-ina na nagtatalo. Napabuntong-hininga siya at umiling.
“Hay, binata na, ayaw nang magpa-kiss. Sige na mahiga ka na diyan at huwag masyadong magtagal sa phone, Hari ah,” bilin pa niya.
“Opo!” sagot nito.
“Goodnight, boss!”
“Night, Hari.”
Nang isarado ni Sam ang pinto ay naupo sila ni Hiraya doon sa sala. Hinawakan siya nito sa kamay at hinila para yakapin ng mahigpit.
“Thank you. This is the best night I ever had,” sabi nito.
Gumanti siya ng yakap at ngumiti.
“Ang sarap n’yong panoorin kanina, para kayong magkabarkada, nagkakasundo masyado sa mga online games na ‘yan,” natatawang sagot niya.
“Sam.”
“Hmm?”
Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya.
“Mamaya kakausapin ko na sila Dad at mga kapatid ko tungkol kay Hari. Kapag nasabi na natin ang totoo sa kanya, may gusto sa akong hilingin sa’yo,” sa halip ay sagot nito.
Kumunot ang noo niya. “Ano ‘yon?”
“Move in with me. Kayong dalawa ni Hari. Doon na kayo tumira sa bahay para magkakasama na tayo. Ituloy na natin ‘to. Let’s start all over again. Let’s give him a complete family. Seryoso ako noong sinabi ko sa’yo ang tungkol dito sa una pa lang.”
Magkahalong saya at pag-aalala ang naramdaman ni Sam. Masaya siya dahil mas higit sa inaasahan ang naging reaksiyon at ginagawa ni Hiraya para kay Hari. Ang tangi lang naman niyang habol ay makilala at tanggapin nito ang anak niya. Ngunit kahit kailan ay hindi siya humiling o umasa na balikan siya nito. Pag-aalala dahil sa isang lihim na pilit pa rin niyang tinatago at hanggang ngayon ay hindi makuhang sabihin. Ayaw niyang masira ang magandang samahan at relasyon na nabuo nilang dalawa. Lalo na at nakikita niyang masaya din si Hari. Balang araw, kapag buo na ang loob niya ay sasabihin din ni Sam ang totoo at isa pang dahilan kaya siya napadpad sa kompanya ni Hiraya.
“Teka, hindi ka ba nabibigla?” tanong niya.
“Of course not! Pinag-isipan ko ‘tong mabuti. Ayokong pabayaan ka. Gusto ko magkakasama tayong tatlo.”
Huminga siya ng malalim. “O sige. Papayag ako kung papayag din ang pamilya mo lalo na ang daddy mo.”
“Sure. I’ll let you know.”