Chapter 2

2230 Words
Yumi POV "Bakit ka tumigil? Nasa chorus ka na." Huminga ako nang malalim nang marinig ang sinabi ni mommy. Kasalukuyan akong nakaupo sa harap ng piano at tumitipa ng mga nota. Ala-una na rin ng umaga at hanggang ngayon, nag-eensayo pa rin ako. "Sorry, mom. Matigas na po kasi ang daliri ko, ayaw na po niyang gumalaw," saad ko. Ang totoo, dumadalas na ang panginginig ng aking kamay dahil sa kaeensayo. I think I don't need it pero pilit pa rin akong pinatutugtog ni mommy. "Yumi, don't talk nonsense. Ano ka ba? Alam mo namang malapit na ang grand concert. Gusto ko ikaw ang tilian at palakpakan ng mga tao," saad niya. Marahan siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa sofa na malapit sa akin. Naramdaman ko ang paghawak ni mommy sa aking balikat at pilit na pinagagaan ang loob ko. "Do it, Yumi. Just one last practice," muli niyang wika. Huminga ako nang malalim. Kahit nanginginig ang aking kamay, muli kong pinatong ang aking mga daliri sa ibabaw ng piano. "Okay, mom," tugon ko. Nakalimutan kong wala nga pala akong karapatang magreklamo. Sa mata ng mga magulang ko, isa akong perpektong bata na hindi marunong mapagod. Muli kong tinugtog ang piyesa na aking pinag-aaralan. Naglakad naman si mommy palayo sa akin at umupong muli sa sofa at pikit-matang pinakinggan ang pagtugtog ko. Hindi ko na maalala kung anong oras natapos ang piyesang iyon, ang alam ko lang, pakiramdam ko ay bumagsak ang aking katawan sa pagod. Nagtungo ako sa aking silid at sandaling humiga sa kama. Maya-maya lang, tumama ang aking mata sa mga notebook na nasa aking study table. Muli na naman akong huminga nang malalim nang maalala ang mga pending kong assignment. Mukhang kailangan ko muna itong tapusin bago ako makapagpahinga. *** Kinaumagahan, maaga akong bumalik sa dorm upang kahit paano ay makapag-ayos ng sarili. Kapansin-pansin na kasi ang itim na eyebags sa ilalim ng mata ko, dala na rin siguro ng puyat at pagod. Matapos ko itong takpan ng make-up, ngumiti ako sa harap ng salamin. "We can do this, Yumi," pagpapalakas ko sa sarili. Napalingon ako sa gilid ng make-up table nang marinig ang pagtunog ng aking cell phone. Kumunot ang aking noo at marahang kinuha ito, ngunit nang tingnan ko kung sino ang nag-iwan ng mensahe, nanlaki ang aking mga mata at mabilis na tumibok ang puso. Nakita ko ang pangalan ni Adrian na naka-flash sa screen. Dali-dali kong binuksan ang mensaheng iyon habang pinakakalma ang sarili. Hindi kasi madalas mag-message si Adrian kaya ganito na lang ang pananabik ko. May time ka ba? I want to see you. I miss you so much. Ito ang nakalagay sa mensaheng iyon na nagpatalon sa akin sa kilig. Agad akong sumagot at walang sinayang na sandali. Sinabi ko sa kanya na ang free time ko lang ay vacant period at pwede kaming magkita sa likod ng Arts building kung saan may mga puno. Inisip kong mabuti kung saan kami maaaring magkita na walang makahuhuli sa amin. Agad naman siyang sumagot at nagpahabol pa ng hugis pusong emoji. Napako ang mga ngiti sa aking labi. Halos hindi ko maitago ang tuwa na nararamdaman ko. Hanggang sa pagdating ko ng classroom ay nandoon pa rin ang excitement sa akin. "Hi, Ms. Yumi. Good morning," pagbati sa akin ng mga estudyanteng pumapasok sa classroom. "Good morning," tugon ko saka ngumiti nang matamis. "Ang ganda talaga niya." "Oo nga, para siyang anghel." "Sobrang nakakainggit ang kagandahan ni Yumi." "Maganda na, mabait pa." Napailing na lang ako sa mga bagay na naririnig, saka umayos ng upo sa aking upuan. Kinuha ko ang notebook sa loob ng aking bag, ngunit sa paghila ko nito, aksidente kong naihulog ang ballpen. Nakita ko ito sa sahig at humunot ang aking noo nang tapakan ito ng isang sapatos. Dahan-dahang tumaas ang aking ulo at tiningnan kung sino ang nakatayo sa aking harapan habang nakatapak sa ballpen ko. "Sorry, you're stepping on my pen," mahinahon kong saad. Malamig na tumingin sa akin ang lalaking iyon. Tumungo siya at nakita niya ang takip ng ballpen ko sa kanyang sapatos. Matapos iyon ay nilagay niya ang kanyang kamay sa bulsa at lumakad na animoy walang narinig. Sinundan ko siya ng tingin at natulala ako sa kanyang ginawa. Hindi man lang niya kinuha ang ballpen at binigay sa akin, antipatiko. Naupo ang lalaking iyon sa tabi ng bintana saka nagpalumbaba. Bumuntonghininga na lang ako at kinuha sa sahig ang ballpen saka ko nilagay sa aking lamesa. "Pagpasensyahan mo na si Akira, Ms. Yumi. Ganyan talaga ang lalaking 'yan, suplado," wika ng isang babae na lumapit sa akin. Nakita rin siguro nila ang nangyari kanina. "Okay lang. Wala naman sa 'kin 'yon," tugon ko saka ngumiti. "Pero ang cute niya, ano?" muling wika ng babaeng iyon habang nakatingin sa lalaking tinawag niyang Akira. Muli akong lumingon at hindi ko akalaing nakatingin din pala sa akin ang lalaki. Agad tuloy akong napaiwas ng tingin. "Sakto lang. Hindi kasi ako mahilig sa maputi," tugon ko saka impit na natawa. Nang dumating ang aming professor, nagsimula nang umupo ang mga estudyante at inumpisahan ang klase. *** "Congratulations, Ms. Yumi. Ikaw pa rin ang top rank sa klase. Palakpakan natin siya," anunsyo ng aming professor. Bahagya naman akong yumuko habang nakatayo sa aking pwesto. Nagbigay ako ng pasasalamat at ngiti sa classmates ko. Sa ngayon, mataas pa rin ang academic grades ko at nananatili pa rin ako sa ranking. Matapos ang anunsyong iyon, our professor dismissed the glass. Dali-dali naman akong tumayo at nag-ayos ng gamit dahil may usapan kami ni Adrian na magkikita ngayon. "Yumi, let's go! Kain tayo?" Nanlaki ang aking mga mata nang makita si Shane sa aking harapan. "A-Anong ginagawa mo rito?" wala sa sarili kong tanong. Ngumiti siya at yumakap sa aking braso, saka animoy naglalambing. "Ito naman. Ang cold mo na naman sa 'kin. Nagtatampo ka ba kasi hindi ako sumabay sa pag-uwi kahapon? Sorry na," aniya saka ngumuso na animoy nagpapa-cute. Impit akong natawa dahil sa kanyang hitsura. "Gaga! Bakit naman ako magtatampo dahil doon?" "So ano nga? Let's eat?" Muli kong naalala ang usapan namin ni Adrian at dahil doon, hinawakan ko ang kamay ni Shane na nakayakap sa akin at dahan-dahan ko itong inalis. "B-Bakit? Nasaan ba si Adrian. Hindi ba kayo sabay na kakain?" lakas loob kong tanong. Walang gana siyang umupo sa aking upuan saka nagpalumbaba. "Ewan ko doon. May gagawin daw siya ngayon, eh. I don't know, but he's acting strange lately," aniya na animoy nag-aalala. Hindi ko alam kung bakit, ngunit nakaramdam ako ng kirot sa puso nang makita ang ekspresyon ng mukha niya. Ngunit may kung ano pa rin sa aking isip ang nagsasabing masaya ako dahil sa nangyayari. Marahil ay nagsisimula na si Adrian na lumayo kay Shane para madali na lang para sa kanya ang makipaghiwalay. Tumaas ang magkabilang gilid ng aking labi nang maisip ang bagay na iyon. Hindi ko napansin na nakita pala ni Shane ang aking ginawa. "Oh, bakit ang ganda ng ngiti mo?" kunot-noo niyang tanong. "H-Ha? A-Ah, hindi ah. Sorry, Shane. Kailangan ko na talagang umalis, eh. Sa ibang araw na lang tayo mag-lunch. See you!" mabilis kong sabi saka dali-daling umalis. Hindi ko na narinig ang muli niyang pagtawag sa aking pangalan. *** Habol-hininga ako nang makarating sa lugar na pinag-usapan namin ni Adrian. Sinigurado kong walang nakasunod sa akin at walang nakakaalam ng kinaroroonan ko. Maya-maya lang, nakarinig ako ng footsteps mula sa aking likuran. Nagsimulang lumaki ang ngiti sa aking labi at agad akong lumingon. "Adrian!" saad ko. "Yumi, sa wakas nagkaroon din tayo ng time," tugon niya sa akin habang may ngiti sa labi. Ang lahat ng pagod, puyat, at sakit ng aking katawan ay unti-unting nawala. Literal na ang lalaking ito ang aking pahinga. Napapanatag ako sa tuwing nakikita ko siya. Hinakbang ko ang aking paa saka mahigpit na yumakap sa kanyang katawan. Gumanti naman siya ng mahigpit at mainit na yakap sa 'kin, isang yakap na ayoko nang matapos. Umupo kami sa tabi ng isang malaking puno. Doon nagsimula ang masayang kuwentuhan sa pagitan namin. Tila kulang ang isang oras na vacant sa tuwing makakasama ko siya. Tila napakabilis ng oras sa tuwing magkakaroon kami ng nakaw na sandali. "Ano palang sinabi mo kay Shane? Paano ka nakatakas sa kanya?" tanong ko. "Wala naman. Ang sabi ko lang, may importante akong aasikasuhin." Dumapo ang tingin niya sa akin saka ngumiti. Natulala ako sa angkin niyang kagwapuhan at tila tumigil ang t***k ng aking puso. "Tama naman ako 'di ba? Kasi ikaw naman 'yong importante kong aasikasuhin," aniya na nagpa-init sa aking mukha. "Loko!" inis kong wika ngunit sa loob ko, halos tumalon na ako sa tuwa. Maya-maya lang, sabay kaming napalingon nang marinig ang tunog ng university bell, hudyad na tapos na ang isang oras at kailangan na naming bumalik sa susunod na klase. "Paano ba 'yan, kailangan na naman nating bumalik," malungkot niyang wika. Marahan niyang pinatong ang ulo sa aking balikat at hindi ko inaasahan na gagawin niya iyon. "Gusto ko pa sanang mag-stay sa tabi mo, eh," aniya. Napangiti ako at dahan-dahang hinawakan ang kanyang pisngi gamit ang aking palad, dahilan upang mapatingin siya sa akin. "Ayos lang 'yan, may ibang araw pa naman," malambing kong wika. Nagpalitan lang kami ng matatamis na ngiti. Ramdam ko ang pagmamahal sa bawat ngiti niyang iyon at masasabi kong, hindi ako nagkamali na piliin ang sinisigaw ng puso ko. "Let's go," pag-aya ko saka tumayo. "Kiss me." Agad akong napalingon sa kay Adrian nang sabihin niya ang bagay na iyon. Tinuro pa niya ang kanyang labi gamit ang daliri saka marahang nilapit ang mukha sa akin. "Kiss me, honey," muli niyang wika. Lumingon ako sa paligid at siniguradong walang tao sa likod ng isang gusali ng school na aming kinaroroonan, saka ako muling humarap sa kanya. "Nababaliw ka na ba? Paano kung may makakita sa 'tin?" wika ko. "Wala namang tao, hindi ba?" tugon niya. Isang buntonghininga ang kanyang ginawa saka nag-pout ng labi "Sige na nga, 'wag na lang. Ganyan ka naman talaga sa 'kin," nagtatampo niyang wika. Tila may kung anong kirot ang naramdaman ko sa aking puso dahil sa kanyang sinabi. Aminado ako na hindi ko kayang makita na ganito siya sa akin. Agad kong hinawakan ang kanyang kwelyo at pinagdampi nang mabilis ang aming mga labi. Sa paglayo ng mga ito, kitang-kita ko ang paglaki ng kanyang mga mata dahil sa aking ginawa. Dahan-dahang tumaas ang magkabilang gilid ng kanyang labi. "Ang sweet talaga ng honey ko," malaking ngiti niyang wika. "Sige na, bumalik ka na sa klase mo, baka may makakita pa sa 'tin," pagmamadali kong pagtaboy sa kanya. Tumango lang siya at patalikod na lumakad. Nag-iwan pa siya ng flying kiss bago tuluyang mawala sa aking paningin. Pakiramdam ko naman ay nakahinga ako nang maluwag nang tuluyan na siyang makaalis at walang sino man ang nakakita sa amin. Mahal ko siya. Mahal ko si Adrian Dela Vega. Matagal na kaming may lihim na relasyon ngunit hindi namin maaaring ipaalam sa iba. Bakit? Dahil hindi tama... Oo. Mali ang pakikipagrelasyon ko sa kanya dahil si Adrian ay ang boyfriend ng best friend ko. Kung paano ako napunta sa komplikado kong sitwasyon? Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko ay mahal ko siya at nangako siyang hihiwalayan na niya si Shane sa oras na makahanap siya ng tiyempo. Makalipas ang ilang minuto, nang masigurado kong malayo na si Adrian, sinimulan kong ihakbang ang aking paa upang bumalik na rin sa aking klase, ngunit sa aking paghakbang, isang paghikab ang narinig ko hindi kalayuan sa aking kinaroroonan. Agad akong napalingon at nanlaki ang mga mata dahil sa nakita. Isang lalaki ang nakahiga sa itaas ng puno habang ang bag nito ay nakatakip sa mukha. S-Sandali, kanina pa ba siya nandito? B-Bakit hindi ko siya nakita? "Hay... ang ingay!" reklamo ng lalaki habang ako naman ay tila naparalisado ang katawan at nakatingin lang sa kanyang ginagawa. Dahan-dahan siyang tumalon at kinuha ang bag, saka sinabit ito sa kanyang likod. Sinimulan niyang lumakad patungo sa aking kinaroroonan at mas lalo akong naguluhan nang lagpasan niya ako. "Sandali!" pagpigil ko sa kanya na hindi ko alam kung bakit ko ginawa. Tila walang emosyong lumingon sa akin ang lalaking ito habang nakasabit sa daliri ang kanyang bag. "What?" walang gana niyang tugon. Noon ko lang naalala kung sino siya. Ang lalaking ito ay si Akira, isa sa kilalang lalaki sa BA Music. "S-Sabihin mo, m-may nakita ka ba?" nauutal ko pang tanong. "Nakita?" kunot-noo niyang tugon. Maya-maya lang, tumaas ang gilid ng kanyang labi na nagpakita ng nakatatakot na pagngisi. "Ah. Kung ang tinutukoy mo ay 'yong halik nyo kanina, yes! I saw it." Bumalot ang kaba sa aking dibdib nang malamang nakita niya ang lahat. Mariin kong kinuyom ang aking kamay at tinibayan ang sarili upang sumagot sa kanya. "P-Pwede bang, 'wag mo na lang sabihin ang bagay na iyon sa iba?" "Wala rin naman akong pakialam," wika niya saka tumalikod sa akin. "'Wag kang mag-alala. Walang makakaalam na may relasyon ka sa lalaking may ibang nobya... Ms. Perfect." Sabay muling lingon nito sa akin at pagbigay ng isang nakatatakot na pagngiti. Pakiramdam ko ay binuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan nang makita ko ang ekspresyon niyang iyon. Alam kong hindi ako dapat magtiwala sa kanya at sigurado akong simula ngayon, magbabago na ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD