"Ako ba'ng hinahanap niyo?" lumabas na siya sa kanyang pinagtataguan. Siya si Angela Mercado at may gulang na beinte kwatro. Single pero may dalawang taong gulang na anak at bread winner sa kanyang pamilya. Isa sa empleyado at Guest relation officer sa Wall flower Club. Lumingon naman ang dalawang babaeng sumusunod sa kanya. Tila slow motion sa pelikula na humarap ang mga ito sa kanya. Hindi niya masyadong aninag ang mga mukha dahil madilim pa. Dagdag pa na parehong nakasuot ng cap na kulay itim ang dalawang babae. Base sa suot ng mga ito ay nasisiguro niya na hindi taga-eskinita ang mga ito. Mukhang may mga sinabi sa buhay.
Nabigla man sa biglang paglitaw ng babae ay pinanatili pa rin ni Mika at Alex ang poise sa pagharap sa babae. "So, nahalata mo pala kami," kaswal na sagot ni Mika rito habang siya ay animo supporting actress sa telebisyon at nasa likod ng kaibigan habang nakapamaywang. Kung titingnan sila ngayon ay animo silang gumaganap sa isang drama. Ang babae ang bidang inaapi at sila ang kontrabidang magpapahirap dito.
"So, tama nga ako na kanina niyo pa ako sinusundan?" nakapamaywang at taas ang kilay na tugon nito sa kanila. Mukhang palaban din pala itong katulad nila.
"Oo, kanina ka pa namin sinusundan," kampanteng sagot ni Mika habang si Alex ay nakamasid lang pero nakahanda kapag may biglang maging problema. Mas ipinauubaya niya kay Mika ang lahat sa ngayon dahil ito ang mas may focus sa kanya sa ngayon.
"Hindi ko kayo kilala para sundan niyo ako. May binabalak ba kayong masama?" diretsong wika naman ni Angela sa mga babae.
"Malamang wala," pilosopong sabi ni Mika rito. Kasi kung mayroon baka hindi ka na nakarating dito. Doon pa lamang sa club ay wala ka na hindi ba? Pag-isipan mo... Pero heto ang sigurado," pagpapatuloy ni
Mika sa sinasabi at humakbang palapit sa G.R.O. habang ito ay napapaatras naman dahil sa patuloy niyang paglapit. "Actually, baka ikaw pa ang may kailangan sa amin."
Sukat sa sinabi niya ay humalakhak ang babae. Paraan na rin nito ang ginawang paghalakhak upang maitago ang nerbyos na nadarama. "Nagpapatawa ba kayo?!"
"Malamang, hindi! Nakikita mo ba kaming tumatawa?" sagot ni Mika rito na halatang pinipigilan ang inis na nararamdaman.
"Ano naman ang magiging kailangan ko sa inyo gayong hindi ko naman kayo kilala?" nagtatakang tanong nito sa kanila. Pinaglipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa. "Ngayon, pwede ba sabihin niyo na kung ano talaga ang kailangan niyo sa akin?! Sabihin niyo na," mababakas sa tinig nito ang pagkainip. Pagkuwan ay pasimple na lumilinga sa paligid kung may iba pang kasama ang mga babae.
Nagkatinginan naman si Alex at Mika.
"Alam niyo kung wala naman. Mabuti pa ay huwag niyo na akong susundan. Ngayon kung may problema kayo sa mundo. Huwag niyo na akong idamay. May sarili rin akong problema kaya maiwan ko na kayo!" Dinaanan sila nito at nagsimula na itong lumakad palayo.
"Paano kung kami pala ang magbibigay ng solusyon diyan sa problema mo?" malakas ang tinig na pahabol na sabi ni Mika rito.
"Ano naman ang mabibigay niyong solusyon?" hindi lumilingon na sigaw nito habang patuloy ito sa paglalakad.
"Instant diyes mil para sa'yo," malakas na sabi ni Mika na ikinalingon nito.
"Nagpapatawa ba kayo?! Baliw? Bakit niyo naman ako bibigyan ng diyes mil?!"
"Syempre, hindi kami baliw! Natural na may kapalit ang diyes mil namin. Sa panahon ngayon wala ng libre!"
"Niloloko niyo ba ako?!"
"Mukha ba kaming nakikipaglokohan sa'yo? Excuse me lamang ha, hindi kami mag-aaksaya ng panahon na sundan ka at bibigyan ka ng diyes mil para lang makipaglokohan lang sa'yo."
"Paano kayong nakakasiguro na kakagat ako sa sinasabi niyo?"
"Kailangan mo ng pera. Mapuputulan kayo ng kuryente hindi ba?"
"Paanong?!"
"Hindi mo na kailangan malaman kung paano namin nalaman. Lumalapit na ang instant diyes mil sa'yo. Baliw ka na lang kung tanggihan mo pa!"
"Ano'ng kapalit?"
"Wala bang lugar na pwedeng mauupuan dito? Nangangawit na kami nitong kaklase ko eh," sa halip ay sagot niya sa babae. Tutal naman ay obvious na interesado na ito sa alok nila.
"Tara, roon tayo sa karenderya. Malapit na lamang dito iyon." Nagpatiuna na itong naglakad sa kanila.
"Sige, tara na." Sinundan nila ang babae hanggang tumigil ito sa isang maliit na karenderya. "May kape ba sila rito?"
"Oo! Aling Lucing," tawag nito sa may-ari ng karenderya. Lumapit naman ang medyo may edad ng matanda sa kanila. Nakasuot ito ng daster na bulaklakin. "Tatlong kape po sa amin," nakangiting wika nito sa matanda.
"Sige, wala na kayong idadagdag?" tanong ng matanda.
"May pandesal po ba kayo rito?" singit ni Mika.
"Oo, Ineng, mayroon din."
"Sige po bigyan niyo kami ng sampung piraso."
"Sige, Ineng," sagot ng matanda at tumalikod na.
"So, ano'ng kapalit ng diyes mil?" agad na tanong niya sa dalawang babae. Naiintriga siya sa mga ito. Hindi niya kilala pero bibigyan siya ng diyes mil. Naisip niya na tanggihan kanina pero palagay niya ay hindi iyon ang tamang panahon para tumanggi. Kulang pa ang nadelehensiya niya sa club na tip. Sa susunod na linggo pa ang kanyang sweldo. Wala siyang alam na pwedeng utangan dahil hindi pa niya nababayaran ang iba pa niyang nautangan. Hindi sana siya magkakaroon ng ganitong problema kung hindi ipinatalo sa sugal ng Kuya niya ang ibinigay niyang pambayad nila ng kuryente. Hindi niya kakayanin ang walang kuryente sa bahay. Sobrang init sa loob ng apartment na inuupahan nila dahil sa sobrang dami nilang nakatira sa bahay. Kasama nilang nakatira ng Inay niya at anak sa apartment ang dalawang kuya niyang parehong may mga asawa na. Ang kanyang Inay ay kasalukuyan pa na nagda-dialysis. May matitira pa sana silang ipon ng Inay niya kahit papano kung nakatira sila sa mas maliit na apartment at silang dalawa lamang ang nakatira. Hindi sa nagrereklamo siya pero marami na sana siyang ipon dahil sa laki ng kanyang sinesweldo kung hindi lang sana napupunta sa lahat ng bayarin ang sweldo niya. Siya ang bunso sa kanilang tatlo. Pero parang siya ang panganay dahil siya ang bread winner. Pasan niya ang parehong pamilya ng mga Kuya niya. Siya ang nagbabayad ng ilaw, kuryente at upa nila sa apartment. Wala siyang magawa. Hindi naman niya maaatim na sa kalsada titira ang mga pamangkin niya kaya naman pikit mata niyang tinanggap ang mga ito sa apartment. Parehong ba*ugan ang dalawa niyang Kuya. Mga sugarol pa. Inaasa ng mga ito sa sugal ang kakainin ng pamilya ng mga ito. May panahon na swerte pero madalas ay malas. At kapag malas ay siya ang tagasalo ng kamalasan na iyon. Siya ang obligadong magpakain sa pamilya ng mga ito.
"Baka gusto mo muna kaming kilalanin bago ka magtanong sa diyes mil."
"Ah, okay," natatawa na wika nito sa kanila.
"Ako si Angela. GRO sa club," pakilala niya sa mga ito. Iniabot niya ang kamay sa isang babae. Hindi niya ikinahihiya ang trabaho dahil sa nakalipas na taon ay ito ang bumuhay sa pamilya niya. Kahit pa sa araw-araw ay nanunuyang tingin ang sumasalubong sa kanya kapag nasa labas siya ng bahay nila dahil nga sa nature ng trabaho niya.
"Well, ako si Linda at siya naman si Nora," pakilala ni Mika sa babaeng nagpakilala sa pangalan na Angela. Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. Matapos siyang kamayan ay iniabot din nito ang kamay kay Alex at malugod naman na tinanggap ng kaibigan niya. Bahagi ng kanilang plano ni Alex ang hindi ipaalam ang totoo nilang pagkakakilanlan kay Angela. Mahirap na. In fairness ay maganda sa malapitan si Angela. Sayang nga lamang dahil kung tutuusin ay mukha rin itong anghel. Problema lamang ay nasadlak ito sa ganoong uri ng trabaho.
"Baka pwede ko ng malaman ang kapalit ng diyes mil na ibinibigay niyo sa akin."
"Simple lang ang kapalit. Pabor pa nga sa'yo."
"Ano nga?" nainip siya bigla. Kailangan na niyang malaman kung kaya niyang ibigay ang hihingin na kapalit ng mga ito sa kanya. Para kung hindi niya kaya ay tapusin na nila ang usapan dahil maghahanap pa siya ng pandagdag sa pambayad ng kuryente nila.
"Mag-absent ka mamaya sa trabaho," simpleng sagot ni Mika.
"Huh?" hindi makuha ni Angela ang tinutungo ng usapan nila.
"Kami ang papalit sa'yo mamayang gabi."
"Teka, naguguluhan ako! Ano bang ibig niyong sabihin?"tanong niya sa dalawang babae. Nang dumating na si Aling Lucing at bitbit ang tray may laman na tatlong tasa ng kape at pandesal. Inilapag na nito sa mesa ang tray.
"Salamat, Aling Lucing," wika ni Mika rito. Pagkatapos ay inabot sa matanda ang isang daan na buo. "Keep the change, Aling Lucing." Masayang-masaya naman ang matanda at lubos ang pasasalamat sa kanya. Pagkuwan ay nagpaalam na ito at iniwan sila. "Inumin muna natin ang kape," wika pa rin ni Mika. "Mukhang masarap ang pandesal, bagong luto."
"Oo, masarap nga ang pandesal ni Aling Lucing," masayang sagot ni Angela sa kanila.
"Balik tayo sa usapan," muli ay sabi ni Mika nang matapos na silang magkape. "Tungkol sa naguguluhan ka. Alam mo, walang magulo sa ibig namin sabihin. Mag-absent ka lang. Ibigay mo sa amin ang key card mo mamayang gabi. Isa sa amin ang papalit sa pwesto mo mamayang."
"Nababaliw na ba kayo?!" Hindi makapaniwala si Angela sa sinasabi ng dalawang estrangherong babae. Bibigyan siya ng diyes mil, makapasok lamang sa club? Mabilis siyang nag-isip. "Ah, alam ko na… NBI asset kayo noh? Magre-raid kayo kung ganoon sa loob?!" akusa niya sa mga ito.
"H-Hindi, h-hindi!" tanggi ni Mika. "Pwede ba! Wala kaming pakialam sa NBI. Isa pa, sa pagkakaalam namin ay legal ang club niyo. Paanong mare-raid iyan?! Maliban na lamang kung may illegal na nangyayari sa loob?" hindi itinago ni Mika sa tinig ang pagdududa.
"Syempre, walang ganoon na nangyayari," mabilis na tanggi ni Angela sa dalawang babae.
"Kung ganoon. Ano'ng desisyon mo? Ayaw namin ng maraming tse-tse buretse ng kaklase ko. Kung ayaw mo. Sabihin mo na. Sayang ang oras," wika ni Mika sa babae.
"Sige, tatanggapin ko," walang alinlangan na sabi sa kanila ni Angela. "Ano ba kasing dahilan niyo kung bakit gusto niyong pasukin ang club namin?"
"Wala lang, adventure."
"Wow! Adventure?!" hindi makapaniwalang sabi niya sa mga ito.
"Oo! Adventure!" ulit naman ni Mika.
"Ibang klase rin talaga ang trip niyong mayayaman, ano?" naiiling na wika niya.
"Oo! Trip nga namin ang club niyo. Nakaka-intriga na pasukin eh," excited pa na wika ni Mika.
Hindi lubos na makapaniwala si Angela na may mga taong katulad ng kaharap niya ngayon. Magbabayad ng diyes mil para sa trip samantalang siya ay pumapasok sa club dahil sa obligasyon sa pamilya. "Pero baka malaman ng management na hindi ako ang papasok mamaya sa stage ko."
"May solusyon na kami diyan. Magsusuot kami ng mask."
"Mask?" ulit nito.
"Oo, mask. As in maskara para matakpan ang mukha."
"Baka mahalata tayo. Wala pa akong natatandaan na may gumamit ng maskara sa mga empleyado ng club."
"Dati, wala. Ngayon mayroon na at ikaw iyon. Pauso mo! Huwag kang mag-alala dahil hindi malalaman ng management ang mangyayari. Iyon ay kung wala kang sasabihin syempre. Plus, ituturo mo sa amin ang kailangan namin gawin sa club at kung ano mga mga ganap sa loob. Para hindi naman kami nangangapa at hindi kami pagdudahan."
One, two, three hanggang ten seconds ay nag-isip muna si Angela sa alok ng dalawang babae. Pagkuwan ay sumagot siya. "Sige, payag na'ko."
"Okay sige. Deal na tayo?"
"Oo, sige, deal na!"
"Oo nga pala. Pagkatapos ng mangyayari mamayang gabi ay ipangako mo na walang makakaalam ng nangyari. Pagkabalik namin ng key card mo sa club ay hindi na natin kilala ang isa't isa. Maliwanag ba?"
"Oo, sige," sagot niya sa mga ito. Syempre talagang hindi niya hahayaan na may makaalam. Kung hindi ay siguradong mawawalan na siya ng pagkakakitaan.