Gabriel’s POV
“s**t”
Tangi kong nabulalas dahil sa biglaang pagkawala ni Damon. Hindi ako kinakabahan sa pagkawala niya kung hindi ang galit na naman ni Papa na sa akin ibubuntong lahat.
Tinignan ko yung kabuuan ng bahay ngunit wala siya hanggang sa tumawag si Azrael na dumating na si Damon. Agad ako pumuntang monstrous site, nandito na nga pala talaga ang butihin kong kapatid.
Kita ng dalawa kong mata, ang nagliliyab na mata ni Papa kanina ay nawala na dahil sa pagdating ng kaniyang paboritong anak bagamat muling lumabas ang galit noong makita ako.
Napatingin din sina Azael at Ki-el sa direksyon ko. Ngumiti na lamang ako at pumunta sa red monstrous room para ilabas ang lahat ng sakit sa puso ko.
“Superior G, nandito na si Luciano,” bulong ni Izmael. Pagtango ang ibinigay kong sagot bago sumenyas na lumabas na silang lahat.
Noong maiwan kami ni Luciano, kinuha ko na ang isang malaki at malapad na kahoy sa gilid ng pinto. Dahan-dahan ko siyang tinignan at inaalinaw ang imahe ng taong na sa harap ko ngayon.
“Anong kailangan niyo sa akin?” matapang ngunit kabado niyang tanong. Hindi pa man ako sumasagot, marahas kong pinalo ang tuhod niya na naging dahilan ng malakas niyang paghiyaw sa sakit.
“Masakit ba?” mala-demonyo kong bulong sa kaniya at inulit pa ng dalawang beses ang pagpalo hanggang sa mapahiga nang tuluyan sa sahig.
“You are a murderer,” madiin kong paalala sa kasalanan na kaniyang ginawa sa limang taong gulang na si Santina. Ang batang walang muwang sa mundo ay pinagkaitang mabuhay kaya’t wala ring saysay ang buhay ni Luciano para magtagal pa.
Ang kaninang nagmamakaawang si Luciano ay ngumiti at sinalubong ang matalim kong tingin.
“Papatayin mo ako? Sige! Huwag kang magmamalinis na tila anak ng Diyos dahil pare-parehas lang tayong mamamatay,”
Tuluyang nagdilim ang paningin ko sa sinabi niya. Lumapit ako at pinukpok ang kahoy sa sikmura nito. Noong nagsusuka na siya ng dugo, pinantay ko ang aking bibig sa tainga niya at bumulong.
“Ang pinagkaiba lang natin, ikaw pumatay dahil sa kasakiman at ako ang papatay sa’yo para sa hustisya ng batang pinatay mo.”
Kinuha ko na ang baril at pinutok ng tatlong beses sa ulo niya. Hindi pa ako nakuntento hangga’t nakikita ko ang mukha niya, tinuloy-tuloy ko ang putok ng baril sa kaniya.
“Stop, Gabriel!” sigaw ng aking ama. Sa pagharap, narito na rin pala si Damon na nakatingin lang sa akin. Binitawan ko na ang baril para talikuran sila. Noong paalis na ako, muli nagsalita ang aking ama.
“Kahit piliin mo ang tama, makasalanan ka pa rin. Ikaw ay maituturing na isang pagkakamali,” ani niya.
“Hindi ko pinili ang ganitong buhay, hindi ko piniling maging magulang ka,” wika ko bago sila tuluyang talikuran.
Lumabas na ako at sumakay ng sasakyan. Hindi ko na alam kung saan ako dadalhin ng paa ko, ang tangi lang maliwanag ay gusto kong makawala sa lugar kung saan ay nandoon sila.
Masyado na maraming mata ang aking ama kaya’t kailangan ko dumaan sa isang liblib o matagong lugar. Mukha namang walang tao pero nais kong maghanap ng away at saktong may lalaking nasa madilim na eskinita.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at tama ang hinala ko, gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot. Dahil walang malaro, siya na lang ang pinagbuhusan ko ng galit. Ilan pang saglit, may naramdaman akong may parating kaya’t agad na sana akong aalis nang bigla itong mawalan ng malay.
Kahit nagdalawang isip ako ay dinala ko siya sa bahay. Hindi ligtas ang hospital, anumang oras ay maaaring malaman ng aming grupo ang aking gagawin.
“Papa, sorry kung hindi ako ang pinangarap mong anak,” bulong nito. May luhang bumagsak sa kaniyang mata kahit na nakapikit. Noong idampi ko ang aking palad sa noo niya ay masyadong mataas ang temperatura nito.
Bimpo at tubig sa ref ang ginamit kong ipampunas sa kaniya. Mukha namang nahimasmasan ito at tumigil na sa pagsasalita. Habang pinagmamasdan ko ang mga mata niya, may kung anong pakiramdam akong kakaiba.
Sa tingin ko ay parehas lang kami ng sitwasyon, pilit ginagawa ang lahat at umaasang matatanggap din balang araw ng lipunang aming ginagalawan ang tunay naming katauhan.
Kinumutan ko na siya at pinatay ang ilaw bago lumabas. Sa aking paglabas, naalala ko yung bag niyang naiwan sa sasakyan. Pagkakuha no’n, agad kong hinanap ang phone at I.D bilang pagkakakilanlan sa unang babaeng dinala ko rito sa bahay.
Ava Callegos, Iyan ang nakasulat sa I.D niya.
Sakto ang pagtunog ng phone mula sa sunod-sunod na text mula sa pangalang yaya Medy.
“Bata ka, nasaan ka na ba?”
“Umuwi kana dahil nandito ang Papa mo.”
“Ava, galing ako sa school mo wala ka na.”
“Tumawag ka agad kapag nabasa mo ‘to.”
Ava? Parang pamilyar sa akin ang pangalan niya. Hindi kaya siya yung babaeng kinababaliwan ni Azrael at ni Damon? Masyado nga naman talaga mapagbiro ang tadhana.
Ibinaba ko na ang bag niya at dumiretso na sa kusina. Ilang saglit, phone ko naman ang tumunog. Sa pagbukas, isang text mula kay Ki-el akong natanggap.
“I know that she was there with you. Don’t make any trouble.” Napangiti ako sa naging mensahe ni Ki-el. Alam niyang kasama ko ngayon ang pinoprotektahan ng kaniyang kapatid.
Hindi na ako nag-reply pa. Nagbasa na lamang ako ng mga libro hanggang sa dapuan na rin ng antok.
NATUTULOG pa rin si Ava kahit tirik na ang araw. Hindi maitatangging kakaiba ang ganda niya kumpara sa ibang babaeng nakilala ko. Maamo ang mukha niya, may kakaibang atraksyon na sa kaniya ko lang nakikita.
Noong gumalaw na ito, umasta akong nakatingin lang sa labas at baka katakutan niya ang aking mukha tulad ng iba ngunit hindi pala. Noong una ay ramdam ko ang pagka-ilang na kaniyang nararamdaman hanggang sa maging panatag ang kalooban niya.
Nang mapansin niya na wala akong suot na damit, hindi maitatangging napangiti ako sa bagay na iyon. Halata sa mata niya ang pag-iiba ng direksyon upang iwasan ako.
Bumaba na rin ako para maghanda ng pagkain. Mukhang nahihiya pa siya bagamat magdamag siyang natutulog kaya’t siguradong nagugutom na rin. Matapos kumain ay muli akong bumaba. Hindi nagtagal, narinig ko ang pagbukas ng pinto kung saan kinaroroonan ni Ava.
“Hey, are you lost?”
Napaigtad siya sa pagkagulat noong magsalita ako. Halata namang naliligaw at hindi alam kung saan ang daan papunta ng sala. Hindi ko alam kung bakit nagbibigay ng kakaibang ngiti sa akin ang babaeng na sa harap ko ngayon.
Simple lang siya, hindi tulad ng mga nakilala kong maraming kung anu-ano sa mukha. Mahaba ang buhok na halatang sa edad niya, hindi pa rin nagagalaw ng parlorista. Ang kamay niya ay hindi rin malambot at makinis tulad ng mga mayayaman, halatang masyado siya nagpapakapagod sa trabaho dahil sa gaspang ng palad.
Ang kaanyuan ni Ava ay nagpapamangha sa akin. Ang inosente niyang mga mata na pumupukaw ng atensiyon ko, ang bagay na hindi pwede at kailangan kong iwasan.
Agad ko na siya tinalikuran para magtungo sa kusina at baka hindi ako makapagpigil pa. Sumunod naman siya at tila tinitignan ang bawat detalye ng bahay. Maging sa kusina ay parang ngayon lang nakakita na may stock na mga pagkain.
Kumuha na ako ng alak at umupo malapit kay Ava. Lalo akong napanganga noong malamang hindi pala siya umiinom. Sa bagay na iyon, hindi na nakapagtataka kung bakit ang dalawang superior ng monstrous ay magmahal sa katulad niya.
Masama man kami sa paningin ng lahat ngunit tulad ng ibang lalaki, mayroon pa ring damdaming umiibig dahil ang puso kailanman ay hindi matuturuan.