Hindi ko alam kung saan ako dinala ni Gukyo pero may tiwala ako sa kaniya. Kanina pa siya tahimik at wala rin akong lakas ng loob para magsalita matapos ang pangyayaring iyon. Minabuti kong umalis at sumama kay Gukyo dahil hindi ko alam kung anong gagawin ng lalaking 'yon sa akin kapag kaya na niyang tumayo.
Malalim na ang gabi pero heto kami at naglalakbay papunta sa kung saan. Rinig ko ang ingay ng mga kulilig sa may tabi. Kinapa ko ang takot sa loob ko pero nakakamanghang nawala na lang 'yon bigla. Kaya siguro kampante lang akong nakasunod kay Gukyo ay dahil alam kong hindi Niya ako pababayaan.
"Angela."
Naalerto ako nang marinig ko ang pangalan ko. "Bakit?"
"Anong ginagawa mo ro'n sa kampo?"
Nagkibit-balikat ako. "Kinuha si Mama. Hindi ka rin umuwi. Kaya nagplano akong lumabas ng Mantalongon para sana hanapin kayo, pati na si Kuya Arnel. Kaso pagdating ko sa ibaba, nakita ko ang malalaking alambre. At..." Huminga ako nang malalim. "... may binaril sila. Natakot ako at tumakbo papunta sa kung saan nakita ko na lang ang sarili ko sa sementeryo, papasok sa makitid na daang pinasok mo kahapon. At 'yon, hindi ko alam ang nangyari pagkatapos. Nagising na lang akong nakahiga roon at kasama ang lalaking 'yon."
Napansin ko ang pag-iling niya. "Narinig kitang sumigaw. Hinanap ko ang boses at napunta ako sa silong ng komander."
Marahan akong napangiti at iniyakap ang sarili. Alam kong may dahilan kung bakit nangyayari ang lahat. "Teka, anong ginagawa mo ro'n sa kampo?"
Pero nanatili siyang tahimik. At alam kong may dahilan ang pananahimik niya kaya umikhim ako. "Napansin mo ba? Sa itaas ng bundok, may sundalo. Sa ibaba, nakabantay pa rin ang mga sundalo. At sa dakong silangan, may kampo. Di kaya, sa kaliwa ay may kampo? Pero bakit pinalilibutan ng mga sundalo ang buong Mantalongon?"
Walang sagot.
Bumuntong-hinga ako at nanahimik na lang. Napaangat ako ng tingin nang may maalala. "Ba't ka naka-camo? Saka bakit kasama mo sila? 'Wag mong sabihing sundalo ka? Walang sinabi si Ate Fey."
"Trained."
"Trained?"
"Trained soldier no'ng sixteen. Kasama ko noon 'yong pamangkin ni Colonel Tañedo. Pero bumitiw ako sa serbisyo pagkatapos ng training. Kinontak na lang ako bigla ng komander nang isang araw."
Napaisip ako bigla. Kung kinontak siya, ibig sabihin malala na nga ang sitwasyon. Pero ano ba kasing balita sa VV? Hindi sapat na binabantayan ng mga sundalo ang buong Mantalongon. Kung bakit naman kasi nawala na ang mga chanel.
Napahinto ako nang tumigil si Gukyo sa paghakbang. Sumilip ako sa harap at mga puno ang nakita ko sa liwanag ng flashlight.
"Sa'n tayo?" tanong ko at tumayo sa gilid niya.
Narinig ko siyang bumuntonghinga. "Hindi na kita masasamahan." Inalis niya sa pagkakasukbit ang backpack ko at binigay sa akin. Kagyat ko 'yong tinanggap. "Lakarin mo ang daan. Diretso. Makakarating ka sa lugar na alam kung mapapadali ang misyon mo."
"Ha? Teka, ayaw mong sumama?"
Tumingala ako sa kaniya. Kalahati ng mukha niya ang natatanglawan ng liwanag at ang kalahati ay natatakpan ng dilim. Kita ko ang pagkislap ng mata niya at pag-iwas ng tingin.
"Hindi."
Napalunok ako. "B-Bakit?"
"May kailangan akong asikasuhin sa kampo."
"Pero Gukyo..." Lumunok ulit ako para mawala ang bikig sa lalamunan. "Paano kung may katulad na naman ng lalaking 'yon doon? Hindi sa natatakot ako pero mas makakampante ako kapag sasama ka. Alam kong alam ng lalaking 'yon na ikaw ang tumulong sa akin para tumakas."
Muli siyang nagbaba ng tingin sa akin. Nakita ko ang marahang pagtaas ng sulok ng labi niya. "Alam kong kaya mo na wala ako. May Panginoon kang gumagabay sa 'yo, Angela."
Nagkatinginan kami. Nagtitigan. Mula sa liwanag na tumatanglaw sa kalahati ng mukha niya, nakita ko ang paglamlam ng mata niya. Inabot niya ang mukha ko at napasinghap ako nang bigla na lang niya akong hinigit para yakapin.
"Alam mo naman sigurong ayaw kitang iwan mag-isa?" bulong niya.
"Alam ko."
Napapikit ako nang maramdaman ko ang labi niya sa tuktok ng ulo ko.
"Good. Ngayon, isipin mo na lang na kasama mo ako sa pagpunta sa lugar na 'yon."
"S-Sige."
Humigpit ang yakap niya. "Palagi kang magdasal. Higit sa lahat, at higit sa pagbabantay ko sa 'yo ang pagbabantay ng Panginoon. Hinding-hindi ka Niya pababayaan. Kapag natatakot ka, sambitin mo lang ang pangalan Niya at sambitin mo ang Salmo 23."
"Tatandaan ko 'yan."
Nagmulat ako nang maramdaman ko ang unti-unti niyang pagkalas. Tumingala ako at nakita ko siyang nakangiti.
"Ipagdadasal kita, Angela."
Nakagat ko ang labi nang may init na lumukob sa puso ko. Mas masarap pakinggan ang sinabi niya. Mas matamis pa sa pagsasabihing mahal kita.
"Ipagdadasal din kita, Giovani."
Napapikit ako nang marahang dumampi ang labi niya sa noo ko. Ilang segundo ang lumipas nang mawala ang init na mula sa katawan niya at napalitan ng lamig ang buong paligid.
Agad akong nagmulat at tumingin sa pinanggalingan namin. Sobrang dilim. Hindi ko alam kung nandoon siya o wala. Huminga ako nang malalim at napakuyom ng kamao. Doon ko lang napansin na may hawak na akong flashlight.
Inabot ba niya 'to sa akin kanina? Pero ano na ang gagamitin niya pabalik sa kampo?
"Giovani!" basag ang boses na sigaw ko. Pero tanging hangin ang sumagot sa akin. Nakagat ko nang mariin ang ibabang labi. "Salamat. Maraming salamat! Gagawin ko ang makakaya ko para magawa ko ang gusto kong gawin. Susunduin kita mula sa kampo. Ako ang magbabalik sa 'yo sa pamilya mo! Pangako 'yan!"
ISANG TARANGKAHANG gawa sa kawayan ang bumungad sa akin matapos ang ilang oras na paglalakad. Madilim kahit nakapaskil pa rin sa kalangitan ang kalahating buwan at ilang bituin. Siguro dahil maulap at walang poste ng ilaw sa kakahuyan.
Nilibot ko ang liwanag ng flashlight sa buong tarangkahan. Maliit lang, abot ng leeg ko. Naningkit ang mga mata ko nang mabasa ko ang nakasulat sa isang signage sa ibaba ng hamba ng pintuan ng tarangkahan.
Tañedo Private Property
Nanlaki ang mga mata ko at napalingon sa pinanggalingan. Hindi niya sinabi sa akin! Huminga ako nang malalim. Bakit niya ako dinala rito? Bakit sa Tañedo pa? Hindi ko pa nalilimutan ang mga sundalong nagpaalis sa aming tatlo.
Kinagat ko ang labi at dahan-dahang humakbang paabante. Tinulak ko ang pintuang kawayan at nagulat ako nang bigla na lang 'yong matumba. Mabilis akong nagpalinga-linga sa paligid at hinigit ang hininga.
Isang segundo, minuto... walang tao.
Nakahinga ako nang maluwag. Maingat akong humakbang papasok at mabilis na naglakad papunta sa dulo ng lupain ng mga Tañedo. Sa dulong bahagi kasi nito ay may daan papunta sa tuktok ng bundok. Mukhang nakukuha ko na ang gustong mangyari ni Gukyo.
Dahil hindi ako makakalabas sa ibaba, kaya inihatid ako ni Gukyo rito sa itaas. Papunta sa tuktok, at pababa sa kabilang bahagi ng bundok ng Mantalongon papunta sa Badian, na isa sa mga munisipalidad ng Cebu.
Huminga ako nang malalim. Pero may kampo rin ng sundalo rito sa itaas. Bakit ako pinapunta rito ni Gukyo?
Napahinto ako nang may marinig akong mga yabag. Nandito na yata ang mga sundalo.