KINSE minuto bago ang ika-lima ng hapon ay naroon na siya sa ilalim ng Kalayaan Tree subalit mahigit nang alas sais ay hindi pa rin niya nakikita kahit ang anino ni Carol. Nagsisimula na siyang atakehin ng nerbiyos sa isiping may hindi magandang nangyari sa dalaga nang humahangos na dumating si Sachi. “Vince, kanina ka pa ba dito?” habol ang hiningang tanong nito. “Oo. Nakita mo ba si Caroline?” Tumango ito. “Iyan nga ang dahilan kaya narito ako eh. Pinasasabi niyang hindi siya makasasabay sa’yo pag-uwi dahil may lakad sila ni Alex. Isasama yata siya ni Uly sa Self Defense class ni Mr. Castro.” Napangunot ang kaniyang noo. “Alex na naman?” Hindi niya napigil ang sariling magpakita ng inis sa harap ni Sachi. Ilang beses na kasi siyang hindi sinisipot ni Carol sa mga usapan nila dahil s

