MADILIM NA ang paligid nang magpasya akong bumalik sa kubo. Napahawak ako sa tiyan kong kanina pa kumukulo dahil sa gutom. Medyo makirot na rin. Maghapon akong hindi nakakain pagkatapos ay uuwi ako sa nasunog kong kubo. Parang gusto ko na namang umiyak. Balde-balde na yata ang iniyak ko subalit sa tuwing maiisip ko na wala na akong uuwian ng maayos na tahanan ay bumabangon na naman ang sakit mula sa dibdib ko.
Saglit akong tumigil sa paghakbang saka pinahid ang luha sa mga mata ko. Hindi ako dapat panghinaan ng loob. Marami pa akong pangarap na nais maabot at ‘di magiging hadlang ang nangyari kanina. Pero… masakit pa rin e.
“Zoie! Nandito ka lang pala!” Lumitaw si Anika sa tabi niya na hinihingal. “Ku-kung saan-saan kita hinahanap. Saan k aba nagpunta?” Tuluyan na itong naupo sa lupa at ilang sandali lang ay bigla ring tumayo. Mahigpit niya akong hinawakan sa kamay. “Tara na, umuwi na tayo! Ang dilim na, o! Baka kung ano pa ang makasalubong natin!”
“Anika, dahan-dahan at baka madapa tayo. Hindi natin kailangang magmadali,” sita ko dahil halos hilahin na niya ako.
“Huwag ka na magreklamo. Alam ko naman na kanina ka pa hindi kumakain. Alam mo bang tinulungan ako nina Marcus na hanapin ka? Tumulong din sila na ayusin ang kubo mo!” Tumigil siya sa paghakbang saka humarap sa akin. “Tingnan mo, buo na ulit ang kubo mo!”
Dahan-dahang namilog ang dalawang mata ko nang tumambad sa akin ang kubo. Tunay ngang muling nabuo ito. Parang walang nangyaring sunog.
“Teka, paano nangyari ‘to? Anika – “
“Huwag mo ng isipin kung paano nangyari ito. Ang mahalaga ay nabuo na ulit ang kubo na alaala ng Lolo at Lola mo.” Hinila niya ako papasok sa loon. “Tada! Surprise!”
Sinundan ko ng tingin ang itinuturo niya. Namangha ako sa rami ng pagkain na nakahain sa mesa. Nagrigodon ang tiyan ko dahil sa masasarap na pagkain na pinagsasawa ng mga mata ko. Bihira lamang ako makakita ng ganoon dahil hindi namin kayang bumili
“Sa-saan galing ang mga pagkain na ‘yan?”
“Mamaya ka na magtanong. Mabuti pa ay kumain ka na. Kanina ko pa naririnig ang nagugutom mong tiyan.”
“Anika, hindi ko kakainin ang mga ‘yan hangga’t hindi ko nalalaman kung kanino galing ang mga ‘yan.”
Marahas na bumuga ng hangin si Anika pagkatapos ako matiim na tinitigan. Tila tinatantiya ang magiging reaksiyon ko. “Okay, pero please, huwag kang magagalit ha? Sasabihin ko naman talaga sa ‘yo e kaya lang kasi nag-aalala ako na ‘di ka kumain maghapon. Paano kung magkasakit ka niyan?”
“Galing ba ‘to kay Marcus?” Tumangu-tango si Anika na siyang inasahan ko na itutugon niya.
“Sila lahat ang tumulong na maayos muli ang kubo at bumili ng mga pagkain. Hinanap ka rin nila kaya lang biglang may tumawag kay Marcus kaya kinailangan na nilang umalis. Halata namang nagsisisi si Marcus kaya talagang nagpakahirap siya na maibalik ang bahaging nasunog ng kubo. Pinapasabi niya rin na pasensiya na raw.”
Hindi na ako nakapagsalita pa. Dahil sa gutom ay magkasalo kaming kumain ni Anika. Nilantakan namin ang fried chicken, pancit, lumpia at may cake pa! Pakiramdam ko napawi ang lahat ng kalungkutan ko sa buong araw. Minsan lang ako makakain ng ganoon mga pagkain kaya naman sarap na sarap talaga ko. Walang usap na namagitan sa amin ni Anika dahil pati siya ay nilalasap ang bawat pagsubo.
“Inom ka muna, Zoie,” mayamaya pa ay sabi niya saka inabot sa akin ang isang lata. Sofdrinks ‘yon. Nang kunin ko ay kumuha rin siya ng isa pa mula sa ilalim ng mesa at agad na binuksan. Nagkatinginan kami saka kinindatan niya ako. Sa huli ay nagkangitian na lang kaming dalawa. “Hindi ka na malungkot? Huwag ka ng umiyak ha? Kita mo naman, pinilit ni Marcus na maging masaya ka ulit. Kahit na nagtalo-talo sila ng mga kaibigan niya kanina, mas nanaig siya. Talagang pinangatawanan niya na gusto ka niyang tulungan. Kaya huwag ka ng magalit sa kanya. Mabait naman siya, e.”
Sinamahan ako ni Anika sa kubo. Magkatabi kaming natulog. Napalingon ako sa gawi ng kaibigan ko nang marinig ko ang mahina niyang paghilik. Napangiti ako. Bigla na naman kasi nagsalita siya at nabanggit pa ang pangalan ni Marcus.
Marcus. Siya ang kauna-unahang lalaki na gumulo sa isip ko. Parang hindi pa rin pumapasok sa isipan ko ang ginawa niya para maibalik sa dati ang kubo. Alam ko na marami siyang pera dahil galing siya sa mayamang tao subalit bakit naman niya kaya naisipang gawin iyon? Dahil ba sa sinisi ko siya sa nangyari? In the first place, ako naman talaga ang may kasalanan. Bumuga ako ng hangin. Bakit ba kasi ganoon ang epekto niya sa akin? Dahil nakita ko ang hubad na kalahating katawan niya? Naalala ko nga kung ilang guhit mayroon siya, e.
Shit. Mukha namang babad siya sa gym dahil sa bawat hubog ng katawan niya ay pawang matigas. Ilang taon na kaya siya? Marahil nasa kolehiyo na siya at sa tangkad at kagwapuhan niya ay maraming mga kababaihan ang nagkakagusto sa kanya. E, ano naman ngayon? Naipilig ko ang ulo ko. Hindi ko na dapat iniisip pa ang bagay na iyon. Muli akong bumuga ng hangin. Totoong hindi biro ang effort na ginawa niya para lang sa akin. Wala pang ibang tao na nakagawa niyon sa akin. Siya lang… na isang estranghero na bigla na lang pumasok at nag-iwan ng palaisipan sa buhay ko.
Napapitlag ako nang may marinig akong mahinang kaluskos sa labas. Sunud-sunod din akong napalunok. Malalim na ang gabi at imposibleng may ibang tao pa na naglalakad sa mga oras na iyon. Baka guni-guni ko lang. Ipinasya ko na lang na ipikit ang mga mata. Itutulog ko na lang ang mga isipin kong iyon ngunit muli na namang may kumaluskos. May kalakasan na iyon kaya dahan-dahan na akong kumilos upang tingnan. Hindi na ako makakapayag pang muli na may mangyaring ‘di maganda sa kubo ko. Bahagi na ito ng buhay ko kaya poprotektahan ko ito sa abot ng makakaya ko.
Walang ingay akong sumungaw sa maliit na butas ng pinto at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang isang aso na tila naghihintay na pagbuksan ko. Dali-dali kong binuksan ang pinto saka agad na lumapit sa akin ang asong kumakawag ang buntot. Mabilis kong isinara ang pinto. Paanong nagkaroon ng aso rito? Pinagdidilaan niya ako sa mukha na labis kong ikinatuwa. Bigla akong napatayo nang makarinig ako ng mga yabag subalit nang muli akong lumabas ng kubo ay wala na akong nakita pa.