NAKARATING AKO sa bahay nia Anika pagkatapos ang labing limang minuto. Natutop ko ang noo ko nang bigla na lang may kung anong kumulo sa loob ng tiyan ko. Hindi ko man lang nainom ang tinimpla kong kape.
“Zoie, okay ka lang?” untag ni Anika. Kasalukuyan kaming nasa maliit na kubo katabi ng koprahan nila ng niyog. “Para kang na-engkanto riyan.” Umupo siya sa tabi ko kasunod ng paglapag ng hawak na pinggan na may lamang nilagang kamote. Malakas na tumunog ang tiyan ko. “Kaya naman pala. Gutom ka lang. Tamang-tama ang dala kong nilagang kamote. Tingnan mo, kulay ube pa. Tara, kain na!”
“A-Anika, m-may nakalimutan yata ako sa bahay.” Namilog ang mga mata ko nang maalala ang isinalang kong bigas sa lutuan kahoy. “Kasi naman ‘yong lalaking ‘yon sinira ang umaga ko!” Tumayo ako.
“Teka, saan ka pupunta? Kararating mo lang, ah! Kumain muna tayo ng kamote saka tayo pumunta sa kubo mo. Sasamahan kita.”
“Anika, masama ang kutob ko e. Paano kung – “
“Anika! Anika! Nariyan ba si Zoie?” boses iyon ni Aling Merly. “Nasusunog daw ang kubo niya!”
Dumagundong ang kaba sa dibdib ko. “Ang kubo ko! Anika, nasusunog ang kubo ko!”
Mabilis na hinawakan ng kaibigan ko ang kamay ko saka kami sabay na tumakbo.
Hindi ko na naramdaman pa ang gutom nang makarating kami sa kubo ko. Wala na ang apoy at manipis na usok ang sumalubong sa amin. Bumitiw ako sa pagkakahawak ni Anika sa kamay ko. Halos kalahati ng kubo ay wala na. At kasalanan ko kung bakit nangyari iyon.
Dahan-dahan akong humakbang papasok sa loob. Kanina lang buo pa ang tahanang nagmulat sa akin ng tunay na kahulugan ng buhay at ngayon ay… kalahati na lang. Biglang sumagi sa isipan ko ang mga alaala ng Lolo at Lola ko. Ang kubong ito ang larawan ng masasayang sandali na kasama ko ang mga taong pinakamahalaga sa akin.
“Zoie…”
Malakas akong humikbi. Hindi pa man natutupad ang pangarap ko ay tila gumuho na ang mundo ko. Ang tanging sandalan ko sa lahat ng hirap na pinagdadaanan ko ay mawawala pa sa akin.
“Kasalanan ko ‘to e. Ang tanging iniwan sa akin nina Lola at Lolo ay ‘di ko nagawang pangalagaan,” ani ko in between my sobs. “Ang malas talaga ng lalaking ‘yon! Kung ‘di dahil sa kanya ay hindi ko magagawang umalis ng maaga at hindi ko makakalimutan ang niluluto kong kanin. Dapat hindi ko na lang siya pinatuloy dito kagabi kung alam ko lang na mangyayari ito!” Nagpupuyos ang galit sa dibdib ko. Kung mayroon man akong dapat sisihin, walang iba iyon kung hindi ang Marcus na iyon.
“May lalaki kang pinatuloy rito sa kubo mo kagabi?” tanong ni Anika na nakakunot ang noo. “May ginawa ba siyang ‘di maganda sa ‘yo?”
“Nakituloy siya dahil naligaw raw siya. Gabi na…kaya pumayag ako. Pero nakakainis kasi ang Marcus na ‘yon. Siya ang dahilan kung bakit nakalimutan ko ang sinaing ko at umalis ng maaga na ‘di man lang naiinom ang tinimpla kong kape!”
“Marcus? Siya ba ‘yong isa sa lalaking tumanggap ng form para sa financial assistance?”
“Siya nga.” Pinahid ko ang luha sa mga mata ko.
“Oh my God!” bulalas ni Anika.
Inasahan ko na ang magiging reaksiyon niya. Mabuti na lang at walang kaming ibang taong kasama. Tiyak na magiging kumpulan ako ng tsismis pag nagkataon. “Mapapa-oh my God ka talaga kapag nakita mo kung ano anng totoong ugali ng lalaking iyon! Ang yabang! Ipinagyayabang niya na gentleman siya!”
“Zoie…” mahinang tawag ni Anika sa akin. Kinalabit pa niya ako sa balikat.
“Naku, Anika! Kung alam mo lang… mukha lang siyang mabait at gustong tumulong pero sa personal, napaka-ubod ng yabang! May pa-gentleman pa siyang nalalaman. Akala niya siguro siya lang ang lalaking gwapo at mayaman!”
“Zoie…tingnan mo.”
Marahas akong lumingon sa itinuro niya. May apat lang naman na matatangkad na lalaki ang nakatingin sa akin. Nakangiti sila maliban kay Marcus na matiim na nakatitig sa akin. Muli na namang bumalong ang luha sa mga mata ko. Kasabay ng paglakas ng kabog ng dibdib ko ay ang pagbangon ng inis ko sa lalaking unti-unti ng humahakbang palapit sa akin.
Salubong ang kilay kong tiningnan ang kamay niyang inabot sa akin. “Ikinalulungkot ko ang nangyari, Zoie,” aniya sa mababang boses. Inirapan ko siya at ibinaling ang paningin sa ibang direksiyon.
“Ginawa namin ang lahat upang mapatay ang apoy pero dahil kulang sa tubig kaya nahirapan kami,” sabad ng isang lalaki na nakasalamin. “Nahirapan din kami maghanap ng makukuhaan ng tubig. Mabuti na lang may napagtanungan kami at itinuro ang malapit na batis.”
Napatayo ako. “Ka-kayo ang pumatay ng apoy?”
Sabay-sabay na tumango ang tatlo samantalang nakatitig pa rin sa akin si Marcus.
“Sa aming lahat, si Marcus ang pinakapagod. Kitang-kita naman siguro sa hitsura niya,” sambit pa ng isang lalaki.
Wala sa sarili na sinuyod ko ang kabuoan ni Marcus. Basang-basa ang sapatos at shorts niya pati na rin ang suot nitong damit. Nagmukha na rin itong naligo dahil sa basa pang buhok na tumutulo. Bigla akong na-guilty.
“Zoie,” bulong ni Anika sa taenga ko.
Bumuga ako ng hangin. “Salamat sa inyo.” Isa-isa kong tiningnan ang mga lalaki. “Pero kung hindi kasi dahil sa kaibigan ninyong si Marcus ay hindi mangyayari ito. Bakit ba kasi sa lahat ng lugar na mapupuntahan niya sa kalagitnaan ng gabi ay sa kubo ko pa? Kaya tingnan ninyo ang nangyari! Naiwanan ko ang niluluto ko kanina!” Hindi ko na napigilan pa ang maglabas ng galit. “Sana hindi nasunog ang kubo ko na tanging alala ng Lolo at Lola ko!” Tiningnan ko ng masama si Marcus. “I hate you!” sabi ko saka tumakbo palayo sa kanila. Hindi ako tumigil sa pagtakbo kahit na paulit-ulit akong tinatawag ni Anika.
Hindi ko na alam kung saan ako dinala ng mga paa ko. Ang tanging alam ko lang ay kailangan kong mapag-isa. Hindi ko matanggap na ang kubo na siyang nagsilbing tanging pamana sa akin ng mga taong nagmahal sa akin ng tunay ay basta na lang mawawala na parang bula.