AGAD KONG sinapo ang ulo ko dahil sa sakit. Makirot iyon na ‘di ko pa naranasan sa tanang buhay ko. Marahan kong ikinurap-kurap ang dalawa kong mata na tila ayaw pang magmulat. I really wanted to sleep more subalit may kung ano sa ulo ko na ‘di ko kayang ipagsawalang-bahala. Mukhang kailangan ko na yatang pumunta ng ospital upang patingnan ang ulo ko. Ayaw kong masiraan ng bait sa kakaisip kung bakit ko iniinda ang sakit na ngayon ko lang naramdaman. Dahan-dahan akong bumangon. Nakapikit pa rin ang mga mata ko sa takot na bigla na lang sumakit ang ulo ko. Ilang beses akong kumurap. May sinag ng araw na tumatama sa mukha kaya mabilis kong iniharang ang isa kong kamay. Malamig ang hangin ang dumadampi sa pisngi ko na nagmumula sa bukas na bintana sa kanang gilid ng kamang kinahihigaan ko.

