Naayos na ni Lenna ang lahat ng resibong naka-pending at ibinigay ito kay Dash. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin ni Matilda pero malinaw na malaking pera na ang naubos nito. Kung buhay pa ang Papa niya ay hindi nito papayagang maghirap ang hacienda at malubog ito sa utang. At ngayong natuklasan nila ni Dash ang walang kapararakang paggasta ng ina ay tiyak niyang abot langit na naman ang galit sa kanya ni Matilda dahil siya ang nag-report kay Dash. Pero hindi niya hahayaang bumagsak ang lahat ng pinaghirapan ng Papa niya dahil sa kasakiman ng madrasta. Pagbalik ni Lucio ay kakausapin niya ito kung ano ang karapatan niya bilang anak ni Don Faustino. "May isa pa akong pabor na hihingiin sa 'yo," wika ni Dash habang nasa kubo sila. Katatapos lang nilang maglibot sa palayan na aan

