"JIROU, MITTO, kung magtatalukbong lang din naman pala kayo ng comforter, sana hindi na horror movie ang pinanood natin," iritadong sita ni Seth sa mga bata.
Maging si Misha ay napapailing na lang habang pinapanood ang mga paslit. Nakasalampak ang mga ito sa carpeted floor ng playroom habang nakatalukbong ng comforter. Kasalukuyan nilang pinapanood sa malaking flat screen television ang isang Japanese horror movie.
Sila naman ni Seth, nasa magkabilang dulo ng sofa. Hindi pa sila nagkikibuan matapos ng usapan nila sa opisina nito.
"G-gusto po namin 'to, eh!" angal ni Jirou sa nanginginig na boses.
"Oo nga po, Kuya Seth! Hindi po kami takot!" gatong pa ni Mitto.
"O sige. Pero huwag kayong iiyak kapag may nagpakita sa inyo," pananakot ni Seth sa mga bata.
"Seth," saway niya rito.
Nagkibit-balikat lang ang lalaki.
She turned to the giant television screen again and she almost jumped out of her seat when a bloody ghost suddenly appeared. Pero hindi niya napigilan ang pagtili at mariing pagpikit. Narinig din niya ang takot na sigaw nina Jirou at Mitto.
"Stupid."
She heard a click then everything fell silent. Nang imulat niya ang kanyang mga mata, nakita niya si Seth na nakatayo habang hawak ang remote control.
"Matulog na kayo," utos ni Seth sa malamig na tinig na nagsasabing wala silang karapatang kumontra.
Nangingnig pa ang mga bata dahil sa takot mula sa pinanood nilang movie nang lumapit sa kanya ang mga ito. Magkahawak-kamay pa ang dalawa.
"A-Ate..." ani Mitto. "Sleep in our room, please?"
"K-Kuya, samahan mo rin po kami sa room namin," ungot naman ni Jirou kay Seth. "Kasi po siguradong matatakot sa'yo ang ghost, Kuya."
Bumakas ang iritasyon sa guwapong mukha ni Seth. "Hindi na talaga kayo manonood ng horror movie uli."
Napayuko ang mga bata. Biglang tumahimik ang buong kuwarto. Nakaramdam tuloy siya ng kakaibang kilabot. Parang mas lumamig pa ang paligid at hindi iyon dulot ng airconditioner. Naalala niya ang ilang eksena sa nakakatakot na palabas na iyon at napakapit siya sa pinakamalapit na bagay sa tabi niya.
Hindi rin yata ako makakatulog mag-isa sa kuwarto ko.
Tumikhim si Seth. Napalingon siya rito. Saka niya lang napansing nakayakap pala siya sa braso nito. Kung nasa normal na sitwasyon lang sila, bumitaw na siya rito. But the image of the bloody ghost in the movie kept flashing in her head. Lalo lang humihigpit ang pagkakayakap niya kay Seth dala ng takot.
Okay, fine. She just like the feeling of holding him.
Guilty.
"S-Seth, I think it's a good idea k-kung sasamahan natin ang mga bata sa kuwarto nilang matulog..." suhesiyon niya. Parang anumang oras kasi ay may magpapakita sa kanya kung mag-isa lang siya sa kuwarto.
Isa-isa silang pinasadahan ng tingin ni Seth. Then, he let out a frustrated sigh. "Ito na ang una't huling beses na mangyayari 'to."
"Opo!" masiglang sagot ng mga bata.
Nakahinga siya ng maluwag. Unti-unti na siyang bumitaw sa pagkakahawak kay Seth kaya nagulat siya nang hawakan nito ang kamay niya. A jolt of electricity flowed throughout her body. Napatingin siya sa magkahawak nilang kamay.
Siguro nagulat lang ako dahil ito ang unang pagkakataong siya ang humawak sa'kin.
Walang kahirap-hirap na kinarga ni Seth si Jirou gamit lamang ang isang kamay. Ngayong hawak nito ang kamay niya, saka lang niya napansing nanginginig siya dahil sa takot. But his presence caused her an undeniable feeling of protection, calm and warmth. Nawalan na siya ng dahilan para bitawan ang kamay nito. Dahil kahit isigaw ng isip niya na dapat niyang kamuhian si Seth, ayaw pa rin makinig ng puso niya. And she liked the feeling of his touch.
"Ate? Bakit ang red ng face mo?" nagtatakang tanong ni Mitto.
Kinuha niya ang kamay ng kapatid niya. "L-let's go," aya na lang niya rito.
Nakakatawang isipin na kung may makakakita sa kanila ngayon, iisipin ng mga taong isa silang pamilya. Magkahawak-kamay sila ni Seth, karga nito Jirou at siya naman ay hawak ang kamay ng kapatid niya.
Pero sandali lamang ang itinagal ng eksenang iyon dahil pagdating sa kuwarto ng mga bata ay binitawan na siya ni Seth. Walang kahirap-hirap na tinulak nito ang isang kama upang magkatabi ang higaan ng mga bata nang sagano'n ay magkasya silang apat.
Pinagitnaan nila ni Seth ang mga bata na pagkasabi pa lang ng "good night" ay knockout na agad.
She closed her eyes. But she wasn't really asleep. Kaya naramdaman niya ang pagkilos ng kung sino sa kama. Bahagya niyang iminulat ang mga mata niya upang silipin kung ano ang nangyayari.
Nakita niyang nakaupo sa gilid ng kama si Seth habang hinihila pataas ang comforter sa dibdib ng mga bata. He was lovingly staring at Jirou's sleeping form as he gently brushed some strands of hair away from his brother's closed eyes.
Ito ba talaga ang lalaking tinatawag na "cyborg?"
Hindi. A cyborg couldn't be as gentle as he is.
Siya dapat ang nakakaalam ng bagay na iyon. She had been with Seth all this time. She was aware of his kindness, his gentleness, his warm gaze, his big heart when it comes to being a brother and a son, his comforting hand... His humane side underneath his cold exterior. Siya lang ang nakakakita ng isa pa nitong pagkatao. Pero binale-wala niya iyon dahil mas tinitingnan niya ito gaya ng pagtingin ng ibang tao rito – cyborg.
Bigla siyang bumangon at nag-lotus position paharap kay Seth. "I don't hate you, Seth."