NAKASALAMPAK sa carpeted floor ng playroom sa mansyon ng mga Sawada si Misha habang pinapanood maglaro ng video game ang kapatid niyang si Mitto at si Jirou. Magkaklase ang dalawa kaya sabay niyang sinusundo ang mga ito.
"Kids, enough na sa video games. Pauwi na si Seth," paalala niya sa mga ito.
"Opo, Ate," tamad na sagot ng kapatid niyang si Mitto.
"Last game na po," saad naman ni Jirou.
Tumingin siya sa wrist watch niya. Quarter to seven na at saktong ala-siete ay darating na si Seth mula sa trabaho nito sa kompanya.
Bumuntong-hininga siya. Kahit ayaw niyang aminin ay talagang hanga siya kay Seth dahil napagsasabay nito ang pag-aaral at pagta-trabaho sa Moon Corporation bilang presidente niyon. Hindi lang nito basta napagsasabay 'yon. Seth also did an excellent job in both aspects. Wala tuloy nagawa ang mommy nito kundi hayaan itong palakarin ang Moon sa sarili nitong kagustuhan.
Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit noon pa man ay parang may pader na nakapagitan sa kanila ni Seth. Masyado itong abala sa pagta-trabaho para sa kapakanan ng Moon. Nang eighteenth birthday nito ay ginawa na itong presidente ng Moon Corporation ng Tita Monta niya. Doon na nagsimula ang panlalamig nila sa isa't isa.
It wasn't like they were so close back then. Wala rin sila masyadong magandang alaala katulad ng ibang childhood friends. Mahigpit masyado si Seth sa kanya at hindi rin maganda ang pakikitungo nito sa mga nagiging kaibigan niya. It was just that she missed those peaceful days she had spent with Seth.
Did she just say she miss hanging out with Seth?
No!
"Panalo ako," hayag ni Mitto na nagpabalik sa kanyang huwisyo.
"Argh!" bulalas ni Jirou at inihagis ang katawan sa sofa. "Ang daya! Si Kuya ang gumawa ng game na 'yan pero parati mo 'kong natatalo!"
"Siguro hindi mo namana ang pagiging genius ng pamilya niyo," komento ni Mitto habang in-a-adjust ang salamin sa mata.
Umupo naman si Jirou sa kama at nakangusong hinarap si Mitto. "Ano naman ang ibig mong sabihin?"
"Kung ano ang pagkakaintindi mo, 'yon na 'yon."
Sabay nilang binato ni Jirou ng unan sa mukha si Mitto. Kahit kapatid niya si Mitto ay hindi pa rin niya mapalagpas ang pagiging mayabang nito. Naiisip nga rin niyang baka nagkapalit sila ni Seth ng kapatid. Si Jirou, masayahin at sweet na bata. Si Mitto naman, matalino pero masyadong arogante – katulad ni Seth.
"Ang yabang mo talaga, Mitto-kun!" reklamo ni Jirou habang patuloy na binabato ng unan si Mitto.
"Bakit? Sinabi ko lang naman ang opinyon ko!" depensa ni Mitto habang itinatakip ang mga braso sa ulo.
"Eh 'yon nga ang problema, hindi mo alam kung kailan dapat isara 'yang bibig mo!" gatong niya at binato niya rito ang nadampot niyang teddy bear.
Pero nakayuko si Mitto sa tamang oras kaya naiwasan nito ang binato niya – pero sa kasamaang palad ay hindi nakaiwas ang taong namali ng timing sa pagpasok sa silid.
Sabay-sabay silang napasinghap nang sumalubong sa kanila ang nakakunot-noong si Seth. Awtomatikong napatayo silang tatlo sa kinauupuan nang isa-isa silang pinasadahan ng tingin ni Seth.
"Who. On. Earth..?" galit na tanong ni Seth. Hindi na rin nito kailangang ituloy ang tanong nito.
Wala sa oras na napalunok siya bago humakbang paabante. Naningkit lalo ang mga mata ni Seth sa kanya. Ngumiti siya nang alanganin at itinaas ang isa niyang kamay bago yumuko.
"Sorry," pabulong na paumanhin niya.
"Ikaw."
Nag-angat siya ng tingin kay Seth. Without a word, he motioned her to follow him using his eyes. Bumuntong-hininga siya at sumunod dito.
"Mitto-kun, Ate Misha is in trouble," narinig niyang nag-aalalang sabi ni Jirou.
"No," sagot naman ni Mitto. "She's dead meat."
Bumagsak ang balikat niya.