"HINDI kita binigyan ng permisong sumali sa kahit ano'ng organization sa university. Mag-quit ka na d'yan."
Tumaas ang isang kilay ni Misha sa sinabi ni Seth. Kasalukuyan silang nasa loob ng opisina nito. Nakasandal si Seth sa swivel chair nito habang nakahalukipkip at nakasandal naman siya sa dahon ng nakasarang pinto.
"Hindi ko kasalanan kung wala kang oras sa tuwing kakausapin kita tungkol do'n," reklamo niya. "Saka bakit ako magku-quit?"
"Tinatanong mo kung bakit?" hindi makapaniwalang tanong nito. "Makakaabala lang 'yan sa pagbe-baby sit mo kay Jirou. Pa'no kung may ipagawa sa'yo ang chipmunk na 'yon at sumabay 'yon habang binabantayan mo ang kapatid ko?"
Napakunot ang noo niya. "Sino'ng "chipmunk"?"
"Your EIC."
"Si Ate Kia? Magkakilala kayo?"
Tumango ito at ipinatong ang isang siko sa mesa at kapagkuwan ay ipinatong naman nito ang baba sa likod ng kamay nito. "Kaklase ko siya sa ilang subjects," sagot nito. "Kapag may ipinagawa sa'yo 'yon, tiyak na ipe-pressure ka no'n na tapusin 'yon ng mabilis. At hindi naman ako papayag na mapabayaan mo ang trabaho mo sa'kin para lang sa chipmunk na 'yon."
"Tigilan mo nga ang paggamit ng "'yon" at "chipmunk" kay Ate Kia! May pangalan si Ate Kia! 'Yan ang problema sa'yo eh, hindi mo kayang itrato ng maayos ang mga tao sa paligid mo. Malamig ka pa sa yelo! Para kang... para kang..."
Ngumisi ito nang matigilan siya na para bang hinahamon siyang magpatuloy.
"Para kang human iceberg!" bulalas niya.
Napakurap siya sa sinabi niya. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang niya itong natawag na "human iceberg."
Malamig naman siya makitungo sa lahat ng tao kaya bagay lang sa kanyang tawaging "human iceberg!"
"No'ng ten years old ka tinawag mo 'kong "dark lord" at ngayong nineteen ka na, "human iceberg" naman," naiiling na sabi nito. Binuksan nito ang laptop nito at nagsimula nang magtipa.
Kinagat niya ang ibabang labi bago lumapit sa mesa nito. Bigla nitong sinara ang laptop at tinitigan siya ng masama.
"What?" pagde-demand nito.
Humugot siya ng malalim na hininga bago nagsalita. "Seth, gusto ko talaga ang ginagawa ko sa FM. I really want to be a writer. Kaya I can't afford to quit FM – lalo na ang itigil ang pagsusulat. Gustung-gusto ko talaga 'to."
"Narinig ko na 'yan. Gusto mong maging doktor, aktres at teacher. Pero kinalimutan mo lahat 'yon after a month. At ngayon pagsusulat naman?" Ngumisi ito. "You'll quit after this sem."
"Seth! Seryoso ako ngayon!" desperadong sabi niya. Ibinagsak pa niya ang mga kamay sa mesa nito. "At papatunayan ko 'yon kina Mommy at Daddy. Pero I need you to support me with this. Alam mo namang malaki ang tiwala sa'yo ng parents ko. Kaya nga sa'yo nila ipinaubaya ang pagpapatakbo sa buhay ko!"
She looked at him long and hard. There was also a silent plead in her eyes as she held his gaze. Pero habang tumatagal, parang unti-unti siyang natutunaw sa tingin nito. And no matter how much she hated to admit it, she liked the feeling of having his full attention on her.
Mayamaya ay bumuntong-hininga si Seth at binuksan na muli ang laptop. "Do whatever you want." May pagsuko sa boses nito. "Pero sa oras na may mangyaring masama kay Jirou –"
"I'm dead meat," pagtatapos niya para rito.
Tinitigan lang siya nito ng matagal saka nagpatuloy sa ginagawa.
He may be a workaholic jerk but he still cared for his little brother.
He's not that bad.