"O, Anong nangyari sa 'yo?"
Mangiyak-ngiyak ako nang bumalik sa reception. Nagtataka sina Elisa at Gabrielle sa naging itsura ko, panay ang usisa nila pero hindi ako kumikibo. Itinago ko ang mukha ko sa nakabuhaghag kong buhok.
"Elisa, pahingi ngang bulak tsaka alcohol."
"Bakit? Nasugatan ka? Napano ka ba?"
"May first aid kit tayo..."
"Hindi na. Meron naman kayo diyang alcohol, diba? Pahingi na lang ako."
Agad na kinuha ni Elisa ang nakatagong pouch sa ilalim ng desk at inabot sa akin. Kompleto iyon sa laman—make up kit, face powder, cologne, sunblock, alcohol at cotton pads. Kapag may nabawas ditong isa, nagwawala yan siya.
Kumuha lang ako ng kaunting bulak na nilagyan ko ng alcohol saka ako nagpaalam. Pumunta ako sa pinakamalapit na restroom.
Hindi ko na napigilang maawa sa sarili ko nang makita ito sa repleksyon ng salamin. Daig ko pa ang nadaanan ng bagyo sa itsura kong ito. Parang pinasabugan ng bomba ang buhok. Sobrang gulo. Ang mukha ko ay namumula, may kaunting galos pa akong natamo sa panga at leeg. Mas malaki yung sa may leeg.
Nakalmot ako kanina ni Cheska nang paghiwalayin kami ni Raven. Sinubukan niyang abutin ulit ang buhok ko kaya yung mga kuko niya ang humagip sa balat ko. Magpahaba na rin kaya ako ng kuko para makaganti ako ng kalmot?
Yumuko ako at bumuntong-hininga. Pinagmasdan ko ang aking maiikling mga kuko. Naroon ang paningin ko pero yung isip ko, kung saan-saan na napupunta. Naalala ko kung paano kami awatin ni Raven. Nasa gitna nga siya pero nakatalikod sa akin. Pinipigilan niya nga si Cheska pero sa akin siya lumalayo. Sinasaway niya ito pero naroon ang panig niya.
Alam mo ba kung gaano kasakit yun? Na yung taong inaasahan mong kampi sa iyo ay sa kaaway mo pala kakampi, and what's worse? Yung taong iyon lang din ang dahilan kung ba't nasaktan at napahiya ka.
Pakiramdam ko kanina, ako na yung pinakamasama sa balat ng lupa dahil sa mga panghuhusgang nakikita ko sa mga mata ng iba. Ako yung biktima, pero ako pa yung nagmukhang kontrabida.
Huminga ako nang malalim para maibsan ang pamimigat ng dibdib ko at sinimulang dampi-dampian ng bulak na may alcohol ang sugat ko. Maluha-luha ang aking mga mata hindi dahil sa hapdi kundi dahil sa sakit na pinaparamdam sa akin ni Raven. Ano ba kasing pagkukulang ko maliban sa s*x? Anong nagawa kong mali para talikuran niya?
Sinasariwa ng alaala ko ngayon ang mga kabutihang nagawa niya sa akin noon, yung mga araw na sobrang lambing niya at puno ng pagmamahal sa akin. Yung mga araw na inaalagaan niya ako kapag nakauwi siya ng isla, kinakamusta habang nasa malayo siya... Hindi ko na ulit mararanasan lahat ng iyon dahil iba na ang kasama niya. May iba na siya.
Ako yung pinangakuan niya ng kasal pero iba pala ang ihaharap niya sa altar.
"Shit." Sumandal ako sa sink at kinagat-kagat ang sariling labi. Hinintay kong humupa ang emosyon ko saka ako nagdesisyon na lumabas.
Paglabas ko ng CR ay nakasalubong ko ang tatlong taga-housekeeping na parehong nasa 38 pataas na ang edad. Agad na naglakihan ang mga mata ng mga ito nang makita ako. Nagsisikuhan nang patago pero kita ko naman.
"Iyan yung kabit ni Sir Raven!"
Nagbubulungan pa, hindi na lang talaga nila pinagsigawan, rinig na rinig ko naman.
"Kabago-bago nanlalandi ng fiance ng iba!"
Pumintig ang mata ko sa narinig. Pero kunwari bingi ako at nagpatuloy sa paglagpas sa kanila.
"O baka naman kaya siya nakapasok dito dahil matagal na pala siyang kabit ni Sir!"
"Sinasaksak nila patalikod si ma'am Cheska. Kawawa naman. Ang bait no'ng tao."
"Tapos yung kabit pa ang matapang."
Hindi na ako nakatiis at hinarap ko ang mga ito. "Magsitigil nga kayo sa kabit-kabit na yan!"
Napaigtad ang mga ito at nanlalaki ang butas ng mga ilong.
"Hindi pa nga sila kasal, eh! Bakit, may singsing na ba?! Mga chismosa kayo! Maglinis na nga kayo! Ang dumi-dumi ng bunganga niyo!"
Tatalikod na ako nang biglang sumigaw ang isa.
"Malandi!" Napahinto ako. "Akala mo naman kung sinong maganda. Sabagay, ginagamit talaga ang ganda para mang-agaw."
Gusto kong manapak ng square na mukha!
Kumuyom nang pagkahigpit-higpit ang mga kamay ko. Nanggalaiti ako sa galit. Pero pinipigilan ko, ayokong makapanakit dahil baka sa presinto ako pulutin ng mga kapatid ko.
Bumuntong-hininga ako nang malalim pagkatapos ay ngumiti. "Alam nyo, hindi lang naman ganda ang ginagamit para kumabit. Yung iba, idinadaan sa galing sa kama, yung iba naman, sa kapal ng pitaka at mukha!"
"Alin ka dun sa tatlo?" matapang na tanong ng pinakagitna sa kanila. Payat pero matapang. Tsk. Isang siko lang kita te!
"Sa tingin nyo, alin ako sa tatlo?" tanong ko at pinaningkitan sila.
"Makapal ang mukha!" mabilis na sagot ng isa.
Ngumiwi ako. "Wrong! Tsismosa kayo, diba? O, assignment nyo yan!"
Tumalikod na agad ako at hindi na pinansin ang mga pahabol nila dahil baka kung saan pa hahantong ang pagpatol ko sa mga chismosang iyon kapag bumalik ako.
"Brittany!" salubong sa akin ni ma'am Lara pagbalik ko sa opisina niya. "Bakit hindi mo tinapos sa paglinis ang room 202? May chi-check-in doon mamaya!"
Nanlaki ang mga mata ko. Magrereklamo pa sana ako tungkol sa room na iyon kaso gusot yung mukha ni ma'am.
"Okay po, maam. Nag-CR pa kasi ako."
Ayoko nang dumagdag sa bad mood niya. Tiniis ko na lang na linisin yung lahat ng kalat sa silid na iyon. Pati yung kalat ng dalawang asong guests na iyon sinikmura ko ring linisin.
As a result, halos hindi ko na maigalaw ang mga paa ko. Basa na rin ng pawis ang likod ko kahit may aircon dahil sa sobrang pagkilos. At sa tuwing nagpapahinga ako ay natutuyuan lang din ako ng pawis kaya nang matapos ako ay nagsimula na rin akong ubuhin.
Tulak-tulak ko ang trolley palabas ng silid. Nag-abang ako ng elevator habang inunat-unat ang likod ko. Sumakit bigla ang balakang ko, pati gulugod. Papa-massage kaya ako mamaya?
Humihikab ako nang biglang bumukas ang elevator door. Nanigas ang panga ko nang makita si Sir Mahmoud. Dali-dali akong umayos ng tayo at inayos ang panga, tumikhim bago itinulak ang trolley papasok ng elevator. Tumabi naman agad s'ya para bigyan ako ng space.
"Ano yan?" taka ni Mr. Mahmoud.
"Trolley po, sir."
"I know. I mean, bakit may dala kang trolley? Naglinis ka?"
"Opo. Nilipat nila ako kanina sa housekeeping."
Hindi umimik si Mr. Mahmoud. Napatitig siya sa akin, awang ang mga labi. Umiwas naman agad ako ng tingin.
Ramdam ko pa rin ang titig niya kahit naka-side view na ako kaya pasimple akong sumulyap. Nagtama ang mga mata namin, nahuli niya akong sumusulyap sa kaniya! Mabilis akong lumingiw. Hoo! Ang init ng mga pisngi ko.
Tahimik ako habang hinihintay na makarating kami sa baba. Damang-dama ko ang presensya ni Mr. Mahmoud. Nakakailang, pati yung init ng paligid. Lalo na't ang presko at ang bango ng katabi ko, tapos ako ay naglalangis na.
Para akong nakahinga nang bumukas ang pinto ng elevator. Agad kong tinulak ang trolley at humakbang pero bigla akong nawalan ng balanse at mabilis na bumagsak. Mabilis din si Sir at nagawa pang saluhin ang pwet ko sabay yakap niya sa beywang ko.
Sir, bakit naman sa pwet ang hawak?
"You okay?"
Tiningala ko si Mr. Mahmoud. Nahihiyang tinanguan ko siya. "Ah, ok lang po. Namanhid lang ang binti ko. Biglang pinulikat."
"Stay here." Inalalayan niya ako pasandal sa dingding. Humilig ang kalahati ng katawan ko habang ang isang binti ko ay naiwang naninigas dahil hindi ko maigalaw. Nahirapan akong tumayo.
Tinulak ni Mr. Mahmoud ang trolley palabas ng elevator.
"Oh, there he is! Hi, Dad!" boses ni Cheska!
Biglang kumabog ang dibdib ko. Ano'ng gagawin ko! Baka mag-iskandalo na naman ang babaeng iyon. Hindi ko pa naman maigagalaw ang binti ko.
Pinilit ko ulit na tumayo pero hindi ko pa talaga kaya. Ni hindi ko nga alam kung makakalakad pa ba ako nito. Sakit, eh!
"Sir!" tili ko nang bigla akong pangkuin ni Mr. Mahmoud.
Huwag!!! Nandyan si Cheska! Nataranta na ako pero hindi ko naman magawang umangal. Nakatulala lang ako sa mukha niyang pang-holywood star. Ang angas, at ang gwapo niya sa kaniyang balbas na unti-unti na naman kumapal.
Kung saan-saan na lumilipad ang isip ko. Nandyan nga pala si Cheska, baka kung ano na naman ang isipin ng babaeng iyon!
"S-sir, ibaba niyo na kaya ako?"
"No," mahina niyang sagot nang hindi tumitingin sa akin. Nakagat ko ang labi dahil papunta na kami sa lobby. Shems, siguradong pagtitinginan kami!
Halos lumundag na ako mula sa mga bisig niya nang dalhin niya ako sa reception. Kung kaya ko lang, tumalon na sana ako!
"Call housekeeping and have them send someone to deliver the trolley to the storage room. Paki-swipe na rin ng ID ni Ms. Dela Peña. Out nya na, diba?"
"Y-yes, sir." Gulantang si Gabrielle nang makita akong karga-karga ni Mr. Mahmoud.
Si Elisa naman ay kinagat na ang labi sa pagpipigil ng kaniyang tili.
Nakakahiya! Lalo't pinagtitinginan kami ng mga tao sa lobby. Yumuko ako at sumiksik sa dibdib ni Mr. Mahmoud para itago ang mukha ko. Jusko, kakaputok lang ng chismis kanina na inagaw ko raw si Raven, tapos ngayon makita nila akong karga-karga ng ama ni Cheska?!
"Dad!" Si Cheska!
Muling kumabog sa kaba ang dibdib ko. Dahan-dahan na hinarap ni Mr. Mahmoud si Cheska. Kandalunok ako nang natuon kaagad sa akin ang paningin ng babae. Nanlisik agad ang mga mata nito, kuyom ang mga palad pero halatang nagpipigil sa sarili. Sa likod niya ay naroon si Raven, nakaupo sa isang sofa na dahan-dahang napaangat nang makita akong pangko ni Mr. Mahmoud.
Umawang ang kaniyang mga labi. Pagkatapos ay bumagsak ang tingin niya sa mukha ko. Nasalo ko ang mga mata niyang unti-unting naguhitan ng takot.
"She strained her foot. I'll take her to her room first, I'll be right back," paliwanag ni Mr. Mahmoud sa anak.
Walang nagawa si Cheska kundi ang tumango sa ama pero nagpabaon pa talaga ito sa akin ng matalim na tingin. Para bang nananakot.
But instead of being scared, I grinned at her and mouthed, "Hot Daddy."
Lalong nagusot ang mukha nito.