"HINDI naman na siguro siya badtrip sa akin, ano?"
Kausap ni Kola ang sarili habang nakatayo. Naroon siya sa kaniyang desk at hinihintay ang pagdating ni Demus sa opisina. Himala nga at medyo late ito ngayon at wala rin tawag upang sabihin sa kaniya kung papasok ba ito o hindi.
"Nakakahiya ka talaga, Kola. Bakit ba kasi dinala mo doon ang katakawan mo sa alak?" Muli ay sermon na naman niya sa kaniyang sarili.
Kung noon ay ayaw na ayaw niya sa alak, ngayon naman ay maamoy lamang niya ang takip ng bote ay nais na niyang magpakalunod doon.
Bumuntong hininga siya at sinilip ang laman ng paper bag na nasa mesa niya. Naroon ang damit ni Demus na nung magising siya sa cottage niya ay nasa upuan at puno ng suka niya. Ang pagkakatanda niya ay nasukahan niya ito at ang sahig sa cottage at ang bedsheet ng kama doon. Ngunit paggising niya ay malinis na doon, siguro ay pinalinis ni Demus sa tao ng nasabing beach resort.
Wala na rin nga si Demus paggising niya noon at sinabi nina Zhila na biglang may emergency itong pinuntahan, pero hinabilin nito kina Zhila na isabay na siya paluwas ng manila. Dinala niya ang puting polo shirt ni Demus at nilabhan sa kanila upang malinis niyang isauli sa binata at talagang nahihiya siya sa pinaggagawa niya. Pinagluto niya rin ng lunch si Demus at hindi niya lang alam kung tatanggapin at kakainin ba ng binata ang luto niya. Nasa ganoon siyang pagninilay-nilay nang bumukas ang pintuan ng executive office at iniluwa n'un si Demus na mukhang pagod at problemado?
Mabilis niyang binati ito, "Good morning, sir!" Nilangkapan pa niya iyon ng isang malawak na ngiti.
Bahagya lamang siyang tinapunan ng tingin ni Demus at tuloy-tuloy itong naglakad sa mesa nito at umupo sa swivel chair. Naisip ni Kola na baka galit pa ito sa kaniya or inis dahil sa nagawa niyang paglalasing sa resort.
Mabilis siyang kumilos at nagpunta sa pantry upang gawan ng kape si Demus, kabisado na niya ang mga hinahanap nito tuwing umaga.
"Your coffee, sir." Inilapag niya ang kape sa table.
Hindi kumibo si Demus ngunit kinuha nito ang tasa ng kape at uminom doon habang ang mga mata ay nasa laptop nito at abala sa pagtipa ang isang kamay doon.
Hindi alam ng dalaga kung paano kausapin si Demus at manghingi ng pasensya. Nagmadali siyang bumalik sa kaniyang mesa at kinuha ang paper bag na naroon at muling lumapit sa mesa ni Demus.
"Excuse me, sir..." mahina at nahihiyang wika niya sa binata.
Seryosong tumingin sa kaniya si Demus. "Yes, Miss Matias?"
Napaka pormal talaga nito kapag nasa opisina na sila. Balik Miss Matias na naman ang tawag nito sa kaniya. Pero s**t lang, bakit sa tingin niya ay mukhang gumwapo ang boss niya, ngayong tinanggal nito ang maninipis nitong balbas na tumubo noong mga nakaraang araw. Gustong sampalin ni Kola ang sarili, bakit niya pinapansin ngayon ang hitsura ni Demus?
"Are you daydreaming, Miss Matias?"
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at magkakasunod na umiling. s**t! Napapano ba siya?
"Anong kailangan mo?"
Pilit siyang ngumiti at mabilis na ipinatong sa mesa ni Demus ang paper bag na hawak.
"Ibabalik ko lang ito, sir."
"What's that?" Magkasalubong ang kilay na tanong ni Demus bago tinignan ang paper bag, pero hindi nag-abalang tignan ang nasa loob.
"Polo shirt mo, sir. Nilabhan ko na po 'yan at binabad ko sa pinakamabangong fabric conditioner, promise." Tinaas pa niya ang isang kamay na tila nanunumpa.
"You shouldn't have bothered, I deliberately left that there for the resort staff to throw away."
Napanguso si Kola. "Sayang naman, sir. Mukha pa naman mahal 'yan. Keep it, sir," pamimilit pa rin niya.
Bumuntong hininga na lamang si Demus at muling ibinaling na sa laptop ang pansin.
"Teka sir at may ibibigay pa ako sa'yo." Madali siyang nagtungo sa mesa at kinuha ang plastic kung saan nakalagay ang niluto niyang ulam.
"And what is this?"
Ngumiti si Kola. "Calderetang baka, sir. Niluto ko para sa lunch mo."
Muling nagsalubong ang makakapal na kilay ni Demus at nanatiling seryoso ang mukha.
"Why are you doing this, Miss Matias?" May pagdududa sa tinig ng binata.
Napangiwi si Kola. "Eh, sir 'yan ang way ko sa paghingi ng dispensa sa nagawa ko sa beach resort. Sorry at nasukahan kita at—"
"—At pinagod mo akong maglinis sa suka mo na nasa sahig at bedsheet. Hindi lang 'yon ang ginawa mo, Miss Matias. Natatandaan mo ba kung anong oras na akong natulog at ayaw mo akong paalisin para kapag magpupunta ka sa CR para magsuka ay may tiga tapik ka sa likod mo?
And worst of all, you kept calling me Lawrence the whole night." May pagkasarkastiko ang boses ni Demus nang sabihin ang mga salitang 'yon.
Nanlaki ang mga mata ni Kola at halos mahulog ang mga 'yon sa sahig, nagsimulang mamula ang kaniyang mukha at halos lumubog siya sa kaniyang kinatatayuan sa isinawalat ng binata. Sadyang nakakahiya na talaga siya!
"Sir..."
"No need to apologize, Miss Matias. I didn't mind at all—actually, I kind of enjoyed watching you almost throw your guts up."
"Sir!" Hindi niya alam kung nagbibiro ba si Demus o talagang totoo 'yon.
"You may now resume your work." Tumayo si Demus dala ang laptop at naglakad patungo sa conference room. Ngunit bago ito pumasok ay lumingon muna ito kay Kola at nagbilin, "And one more thing, Miss Matias, do not interrupt me. I have important matters to deal with, and I must remain focused."
Napatango na lamang si Kola sa binata na tuluyan nang pumasok sa conference room nito at siya naman ay inabala na rin niya ang sarili sa trabaho niya nang araw na 'yon. Habang abala sa ginagawa ay hindi niya maiwasang mangiti sa kahihiyang nagawa sa beach resort na nalaman niya mula kina Zhila na pagmamay-ari pala ng pamilya ni Demus.
Bandang alas onse ng umaga nang biglang may dumating na ginang, tingin niya ay nasa 50's na ito. Mataray ang dating at nakaka-intimidate ang mga tingin nito at base sa postura nito ay mukha itong mayaman.
"Where's Demus? Kailangan ko siyang makausap."
Pati ang boses nito ay ma-awtoridad.
Tumayo siya at ngumiti. "My apologies, ma'am. But Mr. Moretti is currently busy and has requested not to be disturbed. Perhaps you could return at a more convenient time," aniya sa magalang na boses.
Tumaas ang isang kilay ng ginang, tinignan siya nito mula ulo hangang paa at pabalik, doon kinabahan si Kola.
"Really? Even as his mother, you mean to tell me I'm still not allowed to speak with my son?"