Chapter 23

1077 Words
“Ma?”   “Jane, bilisan mo na riyan at baka ma-late tayo,” sabi ng kaniyang ina nang mabungaran niya ito pagkagising niya. Magiliw ito at tila walang iniindang sakit. Kaagad siyang tumayo mula sa pagkakahiga at niyakap ito nang mahigpit.   “Ma, hindi ito panaginip hindi ba? Ayos ka na talaga? Magaling ka na.” Maluha-luha pa siya habang sinusuri ang bawat anggulo ng katawan ng ina.   “Ano bang pinagsasabi mo r’yang bata ka? Siguro kapapanood mo ‘yan ng drama kaya kung anu-ano ang sinasabi mo r’yan,” sabi nito.   “Ano ka ba, Ma? Nasa ospital lang tayo noong kailan pero ngayon ang lakas-lakas mo na ulit, para kang hindi nagkasakit. Nagpapasalamat talaga ako,” sabi niya.   Nagulat na lang siya nang samaan siya nito ng tingin. “Hindi naman talaga ako nagkasakit. Hindi na nakakatuwa ang mga pinagsasabi mo.”   Hindi alam ni Jane kung ano ang mararamdaman nang mga oras na iyon. Batid niyang hindi iyon ang magiging ekspresyon ng kaniyang ina kung nagbibiro lang ito. Pero alam niyang hindi siya maaaring magkamali, may cancer ang kaniyang ina at kailangan nitong gumaling kaya naman naglaro siya ng RTS. Bigla niyang naalala ang RTS. Ang huling naaalala niya ay magkakasama sila nila Hatake upang hanapin at patayin ang isa sa boss monsters, ang Lucid hanggang sa isa-isang naglaho ang mga kasama nila.   Napahawak siya nang mariin sa kaniyang kumot habang iniisip pa ang mga sumunod na nangyari nang marinig niyang nagsalitang muli ang kaniyang ina.   “Kung anu-anong pinagsasabi mo, nananaginip ka pa yata. Bilisan mo na riyan at may pupuntahan pa tayo.”   Panaginip?   Hindi na muna siya nag-isip at bumangon mula sa kaniyang kama, nagtungo sa banyo upang ayusin ang kaniyang sarili. Huminga pa siya nang malalim habang nakapikit nang mariin.   Posible bang panaginip lang ang lahat?   +++   Kaagad silang nakarating sa lugar na pupuntahan nila ng kaniyang ina. Isa itong high class restaurant at masasabi niyang karamihan sa mga kumakain doon ay mayayaman lang. Tiningnan niya ang mga naroon at puro magagarbo ang kasuotan ng mga naroon at ang mga kagamitan sa buong paligid ay sadyang pangmayaman. Mula sa mga set ng silverwares, at tablewares hindi maipagkakailang mukhang mamahalin ang mga ito ngunit napapatanong siya kung ano ang ginagawa nila sa ganoon kagarbong restaurant kung hindi naman sila mayaman?   “Umayos ka, narito na sila,” sabi ng kaniyang ina.   Sinong sila?   “Hi!” Napalingon si Jane sa lalakeng bumati sa kaniya bago itinuon ang pansin sa kaniyang ina, “Hello po, Mrs. Tompson. Nice to meet you po.” Ngumiti pa ito bago bumeso sa kaniyang ina at bumeso rin ang may edad na babae na kasama nito sa kanila.   “Mabuti pa ay maupo na muna kayo para makapag-usap tayo ng maayos,” paanyaya ng kaniyang ina. Naguguluhan man ay minabuti na lang niyang manahimik para hindi makagawa ng eksena sa lugar na iyon.   “By the way, kailan n’yo balak magpakasal?” tanong ng ginang habang nakatingin kay Jane.   Magpakasal? Sinong ikakasal? Kanino? Hindi naiwasan ni Jane na tanungin ang sarili habang diretsong nakatingin sa dalawang kaharap.   Napalingon siya sa lalake nang magsalita ito. “Next week sana, Ma.” Hinawakan nito ang kamay ni Jane dahilan para magitla siya.   “T-teka…”   “May problema ba?” tanong nito sa kaniya. “Are you feeling unwell?”   “Anong kasal? Sinong ikakasal?” Hindi na niya naiwasang itanong sa mga ito nang direkta ang gumugulo sa kaniyang isipan.   “Jane, ano bang sinasabi mo?” tanong ng kaniyang ina. “Hindi ba at excited ka pa nga nang sabihin mo sa aking magpapakasal na kayo nitong boyfriend mong si Trey? Ba’t para yatang wala ka sa sarili ngayon?”   Ako? Excited? Ngayon ko nga lang nakita ang lalakeng kausap ko. Paanong ikakasal kami?   “Because you’re pregnant with our child, honey.”   Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang marinig iyon. Buntis siya? Hindi niya napigilang hawakan ang tiyan niya at pinagmasdan ito nang taimtim. Kailangan niyang kumalma. May batang nasa loob ng sinapupunan niya?   “Hey, honey. Relax. Everything will be fine now. Alam na rin nila ang lahat so nothing to hide about it anymore and our parents both agreed to settle this thing through our marriage.”   Nanginginig siya at hindi makapagsalita dahil sa mga nangyayari.   Totoo ba ang lahat ng ito? Magpapakasal ako sa taong hindi ko kilala at buntis ako?   Gusto niyang maiyak nang oras na iyon ngunit alam niya ring wala siyang ibang matatakbuhan kung sakali ngang totoo iyon. Kailangan ng bata ng isang ama at ang lalakeng nasa harap niya ang natitirang solusyon sa problemang iyon.   Nanahimik na lang siya at hinayaan ang mga ito na mag-usap at magdesisyon para sa nalalapit na kasal.   +++   “A-anong ginagawa mo rito?” Nagulat si Jane nang mabungaran sa loob ng kaniyang silid ang lalakeng ama raw ng kaniyang anak.   “Honey, I just want to see you. Hindi ko ba pwedeng makita ang future wife ko before the wedding?” Nakangiti ito na animo’y kampante ito sa mga nangyayari.   Kung gaano ito kakomportable sa kaniya ay ganoon naman ang pagkailang niya sa presensya nito.   Hindi niya naiwasang mapaatras nang tumayo ito mula sa pagkakahiga sa kaniyang kama lalo pa at nakatapis lang siya ng tuwalya nang mga oras na iyon. Mabilis na binalot ng kaba ang kaniyang dibdib nang lumapit ito sa kaniya.   “T-Trey…”   “Why? Is there any problem?” Hinawakan nito ang bewang niya at mabilis na gumapang ang takot sa kaniyang katawan.   Mali ito. Hindi ito totoo. Panaginip lang ito.   Makailang ulit niyang ipinilig ang kaniyang ulo dahil sa mga nangyayari. Minsan niyang hiniling ang gumaling ang kaniyang ina at mabuhay kapiling ang masayang pamilya ngunit alam niyang hindi sa ganoong paraan na wala siyang naaalalang kahit na ano.   “I love you, Jane,” sabi nito at mabilis na hinila ang tuwalyang tumatakip sa hubad niyang katawan. “You’re all mine.”   Nanginginig siya nang mga oras na iyon. Gusto niyang sumigaw ngunit hindi niya magawa lalo pa at alam niyang magiging asawa niya na ito makalipas ang ilang araw.   Akmang hahagkan na sana siya nito nang biglang pumasok sa isip niya ang mukha ng lalakeng pinapangarap niyang makasama habang buhay.   “Be my Shaman. I will protect you always, at all costs.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD